Nagulat si Benjamin nang maabutan ang mommy niya sa pintuan at mukhang hinihintay siya. Katulad nang madalas ang mala-beauty queen at suplada nitong hitsura ay nagbibigay sa kanya ng tensiyon kompara sa kanyang daddy.
“Mommy,” bati niya na ngumiti rito.
“Anong oras na? Saan ka pa galing?” Mataas kaagad ang boses nito.
“Mag-seventeen na ‘ko, mommy,” birong paalala niya rito.
“Bakit hindi pa kayo tumuloy? Kanina pa nakahanda ang dinner,” ang daddy niya ‘yon na nginitian kaagad siya nang makita.
Napahalukipkip naman ang kanyang ina.
Hindi naman siya pinagalitan na ng ina. Pinaglinis muna siya nito saglit at hinintay bumaba. Binilisan niya lang dahil naiinip na ang ito.
Nang kumakain sila ay nagsimula na ang in ani Benjamin na inaasahan naman niya.
“Madalas kami sa Manila ng daddy mo, nagpa-plano kaming dalhin ka ro’n,” umpisa ng mommy niya.
“Mommy, akala ko po ba ay okay na iyong napag-usapan natin na dito muna ako hanggang senior high?” tanong ni Benjamin na tila napapagod kaagad sa pagbubukas nang paulit-ulit na paksa.
“Kapag malapit na namang matapos ang senior high, sasabihin mo naman na gusto mo rito mag college?”
Busog na si Benjamin dahil sa kinain sa bahay nila Tamara pero pinipilit niyang kumain uli. Pero kapag ganoong usapan parang gusto na lamang niyang magpahinga.
“Mommy—”
“Hindi mo ba kami gustong kasama?” tanong ng daddy niya. Kompara sa ina ay mas madali itong kausap at kumbinsihin. Pero mas nasusunod sa desisyon ang kanyang ina, ang maganda lamang sa mag-asawa ay nakikinig naman ang mga ito sa isa’t ia.
“Natasha at Marcial, pabayaan ninyo si Benjamin sa kanyang gusto. Kayo nga ang nagsabi na kahit hindi na ito magtrabaho ay mabubuhay ito nang maganda ang buhay dahil sa mga naipon ninyo at buhay natin mula pa noon. Kung dito masaya ang inyong anak, hayaan ninyo siya. Magkasundo na lamang kayo,” ang kanyang lolo ‘yon.
“Pa, ito kasing si Benjamin gusto naming makasama. Malayo na nga si Bennette pati ba naman siya’y malayo rin? Ilang taon na lang mag-aasawa na sila at magkakaroon nang kani-kanilang pamilya,” sabi ng kanyang mommy.
“Promise, last na ito at mag-aaral na ‘ko sa Manila,” ani Benjamin.
Nang matapos ang kanilang usapan ay alam ni Benjamin na hindi pa rin kumbinsido ang kanyang ina.
Nahiga muna siya sa kama at nag cellphone.
Sa college din pupunta si Tammy sa Manila kaya magiging masaya naman siya roon, siguro? Pero paniguradong mommy niya ang mamimili ng eskuwelahan niyang papasukan.
Nangiti siya nang maisip na magkakaroon sila ng date ni Tammy bukas kaya mas gusto niyang ma-excite roon kesa mamroblema.
Nag-chat siya kay Tammy. “Bukas ha?”
Nag-reply naman ito kaagad sa kanya. “Sige,” sagot nito na may kasamang emoji na nakangiti.
Nangiti siya bigla dahil hind inga ito ngumingiti.
Samantala, nag-uusap ang magulang ni Benjamin at ang kanyang lolo sa sala habang umiinom ng kape.
“Hindi po kaya may kinawiwilihang babae na si Benjamin? Kaya gusto ko iyang kunin dahil edad ng kapusukan ang ganyan,” sabi ni Natasha.
“Kung mag-girlfriend siya ay wala namang problema, mag-seventeen na siya at noon din naman itong si Marcial ay hinayaan kong gawin ang gusto niya at hindi naman siya napariwara sa buhay, hindi ba?” nakangiting sabi ng lolo sa asawa ng anak.
“Pero pa, si Benjamin ay narito sa rancho—”
“Sinasabi mo bang natatakot kang magkaroon siya ng babae na tagarito lamang sa mga nagta-trabaho sa rancho?” tanong ng lolo ni Benjamin.
Hindi naman umiimik ang anak nito na si Marcial.
“Pa, hindi naman sa nangmamaliit ako ng iba, pero mas gusto ko si Benjamin na makatapos ng pag-aaral, magpakasaya sa buhay niya pagkatapos at makahanap pa ng ibang babae sa Manila. Kapag dito siya nagkaroon ng asawa paniguradong dito na lamang siya sa Rancho habang-buhay.” Halata ang disgusto ni Natasha.
“Pero sinabi ko sa inyo na siya ang magmamana ng rancho,” tila hindi maganda ang dating no’n sa matanda.
“Pumayag po kami ro’n, pa. Ang sa amin lamang ay gusto naming ma-experience niya naman ang labas ng Rizal katulad noong bata siya. Iyon bang ma-appreciate naman niya uli ang ibang lugar. Kapag dadalhin namin sila sa ibang bansa, ayaw niya. Kapag magbabakasyon kami sa ibang probinsiya, ayaw pa rin niya. Narito na masyado umiikot ang buhay ni Benjamin. Alam kong gusto niya nang simpleng buhay pero para saan pa lahat nang pinaghirapan naming mag-asawa kung hindi niya tatanggapin? Gusto namin na matuwa siya kapag ibinili namin siya nang ganito, ganyan, something expensive pero hindi, ayaw niya at nasasayangan siya sa pera.”
Napabuntong-hininga na lamang ang Don sa narinig. Naiintindihan naman niya ito. Hindi naman masamang babae si Natasha, gusto lamang nito na bigyan nang magandang buhay ang anak na pangarap ng ibang anak na makuha pero ito ay tumatanggi. Hindi na niya gustong mas pasakitin pa ang ulo nito kaya minabuti niyang hindi ipaalam dito na ang anak ng mga ito ay tunay na nawiwili na sa isang babae sa rancho.
“Pa, kahit masigurado na lamang namin na makukuha namin siya sa kolehiyo. Gusto kong hindi sumama ang loob niya sa ‘min na hindi namin siya napagbigyan at magrebelde pa. Hihingiin na lamang namin sa iyo na iyong isipan niya ay maipokus na sa kolehiyo sa amin na siya,” pakiusap ang mabobosesan sa tono ni Marcial.
Napatango na lamang ang matanda.
“Huwag kayong mag-alala, madaling kausap si Benjamin at hindi ko naman siya nakikitang magiging isang rebelde pagdating ng araw. Pero hihilingin ko sa inyong magtiwala kayo sa anak ninyo, totoong kaya ninyong ibigay ang lahat ng materyal sa kanya pero iba pa rin kung mas pipiliin ninyo ang ikasisiya ng inyong mga anak lalo pa at malaya sila, hindi katulad ng ibang mga kabataan na nakatali sa pagtataguyod ng pamilya ang nais habang umeedad.”
“Tameng!”
Nagulat si Tamara nang marinig ‘yon sa sasakyang dumaan sa kanyang harapan.
Malapit sa eskuwelahan daw sila magkikita nito.
Nangiti kaagad si Tamara nang makita ang magandang pulang sasakyan. Hindi niya alam ang mga latest na sasakyan, pero ang makitang bago ‘yon at mukhang mamahalin sa mga pangkaraniwang sasakyang nakikita niya ay nagpatalon sa kanyang puso.
Sumakay siya sa backseat katabi si Benjamin, may driver ito na kilala niyang si Mang Tony.
“Magandang umaga, mang Tony,” bati niya nang nakangiti.
“Lalo kang gumaganda, Tammy,” ani Mang Tony. “Marami ka nang manliligaw ‘no?”
“Marami,” sagot niya.
“Pero ako lang ang puwede,” sabi ni Benjamin.
Inirapan niya ito nang magtama ang kanilang paningin.
Natawa si Mang Tony sa sinabi ng seniorito. Paano ay alam na alam nila ang pagkakagusto nito kay Tamara.
“Maganda ‘yong suot mo ngayon, bagay ka na rito sa sasakyan ninyo,” sabi ni Tammy.
Natawa si Benjamin. Naka-polo siya at pants at maging ang buhok niya’y nakaayos ng styling gel.
“Guwapo na ako ngayon sa paningin mo?”
“Hmp! Pangit ka pa rin,” ani Tammy pero nagpipigil mangiti.
“Ikaw palagi kang maganda sa paningin ko, kahit nga suot mo ‘yong lumang P.E. uniform mo no’ng elementary,” anito.
Namula si Tammy, mayroon nga kasi talaga siyang nasusuot pa ring P.E. shirt no’ng elementary na kasya sa kanya. Minsan kasi ay maganda sa pakiramdam ang lumang kasuotan.
Kahit nang-iinis si Benjamin ay hindi naman iyon nakakainis sa parte ni Tamara lalo at maganda ang balita ng kanyang ina at mas ginanahan siyang mag-aral. Isama pa na nasa loob siya ng isang magandang sasakyan. Ipinares niya sa dress na suot niyang kulay yellow ang hitsura ng pagiging isang mayamang babae.
Nakasuot din siya ng yellow sandals at mayroong yellow na headband.
“Mukha ka nang sunflower,” ani Benjamin.
“Kung ano-ano talaga nakikita mo!” Inirapan niya ito.
“Masaya ka talaga sa loob ng sasakyan?” takang tanong ni Benjamin dahil ngiti nang ngiti si Tammy.
“Hmp! Huwag mo nga akong kausapin!”
“Nag-date nga tayo—”
Pinanlakihan niya ito ng mata.
Malapit na sila sa malapit na mall.
“Picturan mo ako sa labas ng sasakyan, hah!”
“Okay, Princess!”
Inirapan niya ito dahil mukhang magsisimula na naman itong mang-inis.
Nang lumabas sila ay iniabot niya rito ang cellphone.
“Gandahan mo!” Paalala pa niya kay Benjamin.
Nakailang-post siya habang pinipicturan nito.
“Isama mo naman ako!” Lumapit ito at itinaas ang kamay para mag selfie sila.
Ngumiti siya at nakailang kuha rin ito, mga lima.
“Babalikan ko na lamang ba kayo, seniorito?” tanong ni Mang Tony.
“Opo, balikan ninyo na lamang kami. Kapag po pauwi na ay mag message na lang po ako sa inyo, salamat po,” sagot ni Benjamin.
“Okay, mag-iingat kayo sa inyong date!”
“Hindi po ito date!” ani Tammy na pumadyak pa.
Pumasok na sila sa mall at na-excite si Tammy dahil hindi siya nakakapunta roon.
Hinawakan siya nito sa kamay nang nasa loob na sila ng malamig na mall.
“Oh, bakit mo ‘ko hinahawakan!” protesta ni Tammy.
“Malamang nag-de-date nga tayo,” ani Benjamin na ngiting-ngiti.
“Ano? Kailangan kapag nagde-date magkahawak?”
“Oo, pero tayo lang puwede,” natatawang sagot ni Benjamin.
“Mag-si-sine tayo,” ani Benjamin.
“Talaga? First time ko makakapasok do’n!” Na-excite si Tammy at nakalimutan nang magkahawak sila ng kamay.
“Tingnan mo, Benj iyong mga bilihan ng damit na magaganda ang daming namimili. Kapag nag-work na ‘ko mabibili ko na rin mga iyan,” ani Tammy na tuwang-tuwa.
“Gusto mo ba? Ibibili kita, birthday mo naman,” ani Benjamin.
“H-huh? W-wag na, mahal ‘yong sine na,” ani Tammy.
“Sus, dali na—”
“Mababawasan iyong ipon mo lalo—”
“Inipon ko nga iyon para sa ‘yo.”
Namula si Tammy. “M-mamaya na lang, manood muna tayo.”
Magkahawak sila ng kamay papunta sa cinema. Namili sila ng upuan at panonoorin, ang napili niya ay isang fantasy story na may romance rin.
“Siguro dito mo dinadala si Marian ‘no,” ani Tammy nang nakapila na sila.
“Ano naman ang kinalaman ni Marian dito?”
“Balita nga sa campus na girlfriend mo ‘yon pero secret lang,” ani Tammy.
“Naniwala ka naman? Magkaibigan lang kami ni Marian.”
“Sus—”
“Ikaw nga lang gusto ko, lahat ng first ko sa ‘yo, pati last!”
Nangiti si Tammy.
“Sus, kapag nag-aral na ako sa Manila ay hindi na ikaw ang first ko sa iba.”
Nagulat si Tammy nang alisin nito ang pagkakahawak ng kanilang kamay.