PROLOGUE
Napalunok si Tamara habang pinakikinggan ang sinasabi ng mga kasama niya sa mesa. Masaya sana ang party na ‘yon kung hindi naupo sa kanilang grupo si Benjamin. Pero dahil naroon ito pakiramdam niya ano mang oras ay babagsak siya sa kinauupuan.
“Again?” tanong ni Benjamin. Nasa mukha nito ang pagtataka pero nakangiti naman.
“Sabi ko, si Tammy mayroong ranch sila Tamara,” paliwanag ni Joanne. “Baka alam mo ‘yon dahil taga-Rizal ka rin ‘di ba? Villa Del Rosario ang pangalan.”
Tiningnan ni Benjamin si Tamara. Ang hitsura ng babae ay mukhang kabado at nawalan na ng kulay at siguradong-sigurado siya kung ano ang dahilan niyon.
Bumaling si Benjamin kay Audrey no’ng magsalita ito.
“Yes, dapat last year kaso hindi nga kami nakapunta dahil nagpunta itong si Tammy sa abroad.”
“Imagine,” si Angela na sumingit sa usapan, ”She’s a billionaire’s daughter? Pero sobrang down to earth niyang si Tamara.” Napapalakpak pa ito.
“Oh, halata ngang sobrang down to earth ni Tamara.”
Tila may bumara sa lalamunan ni Tammy nang diinan ni Benjamin ang ‘down to earth’ na inulit nito. Parang sinasakal ang kanyang pakiramdam no’ng lumingon din ‘to sa kanya na may nanunuring tingin.
“Hindi ko alam na bilyonaryo pala ang magulang mo,” ngumisi si Benjamin, “At kayo ang may-ari ng Villa Del Rosario. Alam na alam ko ‘yong lugar na ‘yon, sinong mag-aakala na dito ko pala mahahanap ang mismong apo ng may-ari ng Villa Del Rosario.” Ipinatong nito ang siko sa mesa at nangalumbaba
Napatayo si Tammy, “Ahm, comfort room muna ako.” Nginitian niya ang mga kasama.
“Sure!” si Joanne ang sumagot.
Wala namang nahalata ang mga kaibigan ni Tamara at nagpatuloy lang sa pagkukuwento. Kinuha namang oportunidad ni Benjamin ang kadaldalan ng mga ito para magtanong-tanong na umabot ng sampung minuto.
“Oh, aalis ka na?” tila nanghihinayang si Angela dahil crush niya talaga si Benjamin.
Second year college na nila ngayon at sila nila Tammy ay magkakaibigan mula senior high.
“Yes, baka hinahanap na ‘ko sa table ng mga friends ko. I’ll be back kung may time pa.” Tumayo na si Benjamin at nagpaalam sa mga ito.
“Okay!” si Joanne ang sumagot. “Baka makita mo sa ibang table si Tammy, pabalikin mo rito at baka nahila na naman ng kung sino.”
“Sure.”
Samantala si Tammy, hindi niya alam kung babalik ba siya o aalis na lang. Pinagpapawisan siya nakailang retouch siya bago lumabas. Pero imbis na bumalik ay nanatili siya sa madilim na bahagi malapit sa comfort room area. Hindi niya alam kung nagsalita ba si Benjamin tungkol sa kanya o hindi pa naman.
Kinuha niya ang cellphone magpapaalam na sana siya sa mga kaibigan nang may humawak sa pulsuhan niya at sa isang iglap ay nahaharangan na siya ng isang mataas na lalaki. Matiim ang titig nito sa kanya. Parang nanghina bigla ang tuhod ni Tammy lalo nang makita ang pagguhit ng ngiti ni Benjamin sa kanya.
“L-Let me explain—”
“Explain?” may sarkasmo ang boses ni Benjamin. “Is there an explanation that will make you clean? Hindi ko alam na for three years na nasa manila ka, ikaw na pala ang anak ng magulang ko.”
Nabigla si Tammy, “M-misunderstanding lang—”
“Misunderstanding lang? Iyong tatlong taon mo rito sa manila misunderstanding lang?” Natatawang tanong ni Benjamin. Sa taas nito ay hindi naman makikita si Tammy na kausap nito.
“M-mag-usap tayo ng maayos.” Hinila si Tammy ni Benjamin palabas ng gate, may mga napatingin sa kanila pero nagkunwari na lang si Tammy na normal na paghila iyon at hindi siya nito kinakaladkad. Sa parking lot siya nito dinala, sa mismong sasakyan nito sila nag-usap.
“Ang magulang mo ay si Manang Lydia, nasa ibang bansa ang ina mo at ginagapang ka nang husto sa eskuwelahan na gusto mo pero hindi mo ipinagmamalaki? At kailan pa naging heredera ka ng Villa Del Rosario kung unang-una hindi ka naman anak ng magulang ko, o apo ng lolo ko?”
Hindi makakibo si Tammy, nagsimulang mag-init ang mga mata niya. Hindi niya mapigilan ang mapahikbi.
“Bakit ka umiiyak?!”
Dumadagundong ang boses nito kaya kinagat ni Tammy ang labi niya.
“Noon pa lang sa rancho alam ko ng hindi maganda ang ugali mo pero ayos lang naman, baka hindi mo lang din gusto ang dating ko. Pero senior high at college mo rito kung ano-ano ng pagpapanggap ang ginawa mo? Iyong lolo mo nagpapakahirap mag-alaga ng hayop sa rancho mapadalhan ka rin ng pera para sa mga project mo, iyong si manang Lydia na napakabait na nag-alaga sa ‘kin noon na ginagapang ka sa college school na ‘to, hindi mo naman pala pinagmamalaki dahil abala ka sa pagiging rich kid mo rito? Alam ba ‘yan ng nanay mo?” Madiin ang bawat salitang binibitiwan ni Benjamin.
Naiyak si Tammy nang husto, “H-hindi, hindi mo naman sasabihin ‘di ba? H-hindi mo naman ipagsasabi na hindi ako—”
“Ano?!” mas malakas ang boses ni Benjamin.
Nalaman nito ang tungkol sa pagiging fake billionaire’s daughter niya sa eskuwelahan.
“Nakita lang nila Joanne ‘yong picture ko sa Villa Del Rosario!” mariing sabi ni Tammy. “Sila iyong nakaisip na ako, pamilya ko ang may-ari no’n dahil Del Rosario ang apelyido ko. Hindi ko naman iyon pagkakamali ‘di ba?”
Hindi makapaniwala si Benjamin sa sinabi nito.
“Kasalanan pa ng iba?”
“Hindi ko naman talaga—”
“Shut up!”
Natigilan si Tammy, nakakaramdam na naman siya nang sobrang inis kay Benjamin. Bakit ba simula pa lang sa rancho ay kontrabida ito sa kanyang buhay? Bakit ba napakasakit nito sa ulo!
Hinablot siya nito sa braso, galit na galit ito kaya nabigla si Tammy.
Villa Del Rosario si Benjamin, ang magulang nito ang parehong bilyonaryo nang magkakilala. Ito ang isa sa tagapagmana ng mga Villa Del Rosario at nagmamay-ari ng lugar. Siya ay nahahawig lang sa apelyido nito dahil ‘Del Rosario’ ang apelyido niyang gamit. Hindi siya tunay na anak ng bilyonaryo dahil ang lolo niya ay tagapag-alaga ng mga kabayo sa Villa Del Rosario, ang kanyang ina ay naging kasambahay naman sa tahanan nila Benjamin at naging tagapag-alaga nito bago ito nagtrabaho sa ibang bansa bilang kasambahay din. Sa madaling salita, sinakyan niya ang akala ng mga kaibigan tungkol sa kanya at umabot ‘yon ng tatlong taon.
“Nagpapakahirap ang lolo mo iyon pala niluluho mo lang sa lugar na ‘to para makasabay ka. Nagkakasakit na ang nanay mo sa ibang bansa pero ito pa inaatupag mo rito?”
Galit na galit si Benjamin dahil malapit ito sa kanyang lolo at nanay.
“Kailangang malaman ‘to ng mga kaibigan mo—”
“No!” mariing sabi ni Tammy.
Nabigla naman si Benjamin, nangunot ang noo at natawa ng pagak.
“Paninindigan mo pa rin?”
“Gusto mo lang akong pagtawanan at gawing kahiya-hiya!” malakas na sigaw ni Tammy. Mabilis na nagbago ang galit ni Tammy sa hitsura na tila ‘to kaawa-awa. “Benj, gagawin ko lahat ng gusto mo basta ‘wag mo lang basta sabihin sa kanila ‘yon. Bigyan mo ‘ko ng oras, saka hindi ba puwedeng hayaan na lang natin hanggang makatapos tayo?”
“Hindi.” Mariing sagot ni Benjamin.
“Please, Benj, listen to me.” Hinawakan ni Tammy ang magkabilang braso ng lalaki.
Nakita ni Tammy ang katigasan ng hitsura ni Benjamin. Pero hindi siya puwedeng sumuko dahil lang doon dahil magiging malaking kahihiyan niya kung malalaman ng mga kaibigan niya ang tungkol sa pagpapanggap niya bilang isang Villa Del Rosario.
“Give me time, Benj. Hindi naman iyon gano’n kadali lang sabihin. S-sabihin mo na lang kung anong gusto mo para magkasundo tayo. Promise, gagawan ko ‘to ng paraan.” Pinagsalikop ni Tammy ang mga palad at pinagmukhang kaawa-awa ang sarili.
Pinagkatitigan siya nito, hindi na pinansin ni Tammy kung halata ang disappointment nito sa mga mata. Pero may kaunting kirot sa kanyang damdamin ang hitsurang ipinakikita nito.
“Then, let’s make a deal.”
Nangiti si Tammy sa biglaang pag-aalok nito ng deal. Anything will do, huwag lang siyang maging katatawanan!
Hinintay niya ang sasabihin nito. Pero nang marinig niya ang ‘deal’ na sinasabi nito ay natigilan siya at napanganga.
“S-seryoso ka ba, Benjamin?”