Masaya ang hapunan na boodle fight, nagkakantahan din sa videoke at limitadong inuman para mga may edad. Ang mga kabataan naman ay masayang nag-uumpukan, mga anak ng magsasaka at nag-aalaga ng mga hayop sa rancho. Dahil hindi nagkakalayo ang edad naging usapan ng umpukan ang pag-aaral sa maynila.
Kapansin-pansin din na hindi nagbabangayan si Tammy at Benjamin na magkadikit pa nga. Halos labing-dalawa rin sila umpukan may kalayuan sa mga nag-iinuman at nagkakantahang may edad.
“Plano ko mag-aral sa manila dahil naroon nagta-trabaho ang ate ko. Ayoko sana kaso kailangan din ako ni ate doon sa karinderya niya para may makatulong,” sabi ni Jacob.
“Wala naman akong plano na ganoon, hindi ko nga alam kung makakapagtuloy ako ng college, eh. Gusto ko na kasi talagang magtrabaho,” si Joyce iyon.
Nagkakainan sila ng chichirya ang inumin ay juice. Nakagawian na kasi nila iyon tuwing may kainan. “Ikaw ba, Tammy?”
Nangiti naman si Tammy.
“Ang usapan namin ni nanay dito ako mag senior high pero sa college sa manila na.” Nakangiting ani Tammy. Sabi ng kanyang ina ay sisiguruhin nito na sa eskuwelahan niyang nais siya dadalhin sa college. Pero umaasa pa rin siyang mailipat na sa maynila ngayong senior high. Pero ayaw naman niyang ipagmalaki iyon ngayon lalo at walang kasiguraduhan.
Pakiramdam ni Tammy may nakatitig sa kanya kaya nilingon niya si Benjamin at ngiting-ngiti naman ito sa kanya.
“Anong problema mo?” mahinang tanong niya rito.
“Wala, masyado ka lang maganda sa paningin ko kaya hindi ako makapagpokus,” ngiting-ngiting banat ni Benjamin.
Naghiyawan ang mga nasa paligid.
Pinukpok ni Tammy ‘to ng pasimple sa hita.
“Oy, ano ‘yan!” si Joyce na kinikilig.
“Huwag nga kayong maingay! Baka marinig kayo ni lolo!” saway ni Tammy.
“Eh, bakit kayo na ba?” pabulong na tanong ni Vico. Kontrang-kontra pero isa rin sa natutuwa.
“Oy, hindi, ah!” malakas na sabi ni Tammy.
“Huwag ninyo ngang asarin ang future wife ko. Hindi pa kami, sa college pa.”
Lalong naghiyawan ang mga kabataan kaya napapatingin ang mga matatanda sa kanilang gawi.
“Mukhang nagkakasiyahan ang mga bata,” puna ni Aling Melba.
Nangiti naman si Aling Tinay. “Iyon nga, Melba, dati mga batang tatakbo-takbo at habulin pa ngayon ay nagsisimula ng mag-usap tungkol sa pag-ibig. Sa sobrang bilis ng panahon, magugulat na lang tayo at magkakaroon na ng pamilya sa susunod ang mga bata lang noon na alaga natin.”
Sumangayon naman si Aling Melba, nakakalungkot pero tama ito, mabilis ang panahon. Parang kailan lang ay mga batang nagtatakbuhan pa ito at ang rancho ang iniikutan ng buhay. Pero ilang taon na lang, marami na rin sa mga batang inalagaan nila ang mapupunta sa iba’t ibang lugar sa iba’t ibang dahilan at tatahak ng iba’t ibang daanan.
“Matagal pa pala tayong magkakasama,” sabi ni Benjamin. Magkasama sila nito dahil sila ang nagpresintang kumuha ng yelo sa lugar ng mga mas nakatatanda.
“Ayoko na nga tumagal ‘tong pagsasama natin kasi sobrang pikon na ‘ko sa ‘yo.”
Natawa lang si Benjamin kahit bakas ang iritasyon sa dalagita.
“Hayaan mo, magiging pagmamahal din naman ‘yan.”
“Mukha mo!”
Kinakapa ni Tammy kung naiirita siya rito pero hindi na. Parang bukambibig niya na lang talaga ang iritasyon dito.
“Hindi ka ba sa manila mag-aaral ng college?” tanong ni Tammy.
“Hindi ko alam sa ngayon, pero hindi ko talaga gusto. Parang gusto ko na aalis ako sa rancho kapag kailangan ko na talagang mag-trabaho.”
Tumango-tango si Tammy, maganda naman talaga sa rancho. Pero siguro ay magkaiba lang din talaga sila ng mga gusto nito kaya siguro hindi rin sila nagkakasundong dalawa.
“Hindi mo gustong magkaroon ng magandang sasakyan?” hindi mapigil na tanong ni Tammy.
Nangiti lang si Benjamin medyo sanay naman siya kay Tammy at sa mga pananalita nito at masyado itong vocal sa kagustuhan nito sa maynila at mga buildings.
“Hindi pa sa ngayon enjoy pa ‘kong maglakad.”
“Sa Manila mas marami kang makikilalang may sasakyan at mas magagamit mo ‘yon doon,” pangungumbinsi ni Tammy.
Nangunot ang noo ni Benjamin pero nakangiti pa rin naman ito.
“Sa Manila iyong magiging barkada mo may mga sasakyan din. Siguro mag-iiba iyong thinking mo once na sa manila ka mag-aral.” Positibong sabi ni Tammy.
“Gusto mo bang samahan kita ro’n?” ngumisi si Benjamin.
Inirapan ni Tammy si Benjamin.
“Hindi ‘no. Tama, dito ka na lamang para hindi ka maging malapit sa ‘kin at guminhawa naman ang pakiramdam ko.”
“Ikaw rin, mamimiss mo ‘ko.”
“Wow, confident talaga?”
Nagkibit-balikat si Benjamin.
Nang makakuha sila ng yelo ay napakain pa silang dalawa. Kaya nang bumalik sila ay puro pang-aasar ang nakuha nila, kesyo nag-date raw silang dalawa.
Lumipas ang mga buwan na ganoon pa rin naman silang dalawa, nag-iinisan at nag-aasaran pero minsan magkabati naman sila. Hindi nanligaw si Benjamin, minsan ay bumabanat lang ito na gusto siya at palaging sinasabi na sa college na ito manliligaw.
Kahit kilala ito sa eskuwelahan nila lalo at mayaman nga ito at may-ari ng Villa Del Rosario hindi rin ito nagkakaroon ng girlfriend.
Hindi problema ng eskuwelahan si Benjamin, may kalokohan ito dahil palatawa ito at medyo mabiro pero tutok din ito sa pag-aaral. Palagi na nga naririnig ni Tammy sa mga tao sa rancho na maganda ang ugali ni Benjamin at namana nito iyon sa lolo nito, marahil ang mga magulang din nito ay ganoon din naman dahil hinahayaan nga ito sa gusto nito at makihalubilo sa kanila.
Sadya lang na tutok sa kompanya ang mag-asawa kaya hindi madalas naliligaw sa rancho.
Naging completers sila ng Junior High at sabay na pumasok sa Senior High sa iisa pa ring eskuwelahan. Pareho silang mas tumutok pa sa pag-aaral at ganoon pa rin naman ang buhay nila maging ang buwanang pagtitipon. May ilan na sa rancho ang nawala dahil lumipat ng eskuwelahan sa ibang bahagi ng Rizal at iyong iba naman ay napunta na sa siyudad. Pero marami-rami pa rin silang naiwan.
Hindi pa rin natitigil si Benjamin sa ‘Tameng’ na katawagan nito kay Tammy na ikinaiirita ng dalagita. Pero nakakasanayan na rin naman niya ang mga pang-iinis nito kahit ang pag photobomb nito sa kanyang mga pictures. Iritahin pa rin siya ang paborito nitong pampalipas oras, minsan ay nagpapahaging ng pagkakagusto sa kanya pero hindi pa rin ito nanliligaw. Seloso lamang ito kapag may nanliligaw sa kanya pero wala rin talaga siyang interes pa sa pag-ibig dahil mas prayoridad niya ang usapan nilang mag-ina.
“Hoy, Tameng—”
“Ano na naman?”
Kanina pa Tameng nang Tameng si Benjamin ayaw naman sundan ang sasabihin. Sumabay ito sa kanya pag-uwi at madilim na nga kaya naman pumayag siya at ayaw niya ring mag-isa maglakad. May tinapos kasi silang project sa library.
“Bukas birthday mo ‘di ba? Mag mall tayong dalawa.”
Nangunot ang noo ni Tammy. “Mall? Malayo iyon dito sa ‘tin, eh.”
“May sasakyan naman na maghahatid sa ‘tin, nagsabi na ‘ko sa driver namin.”
Lihim na nangiti si Tammy, hindi niya na matandaan kailan siya huling sumakay ng magandang sasakyan.
“Ikaw ba gagastos?” Tinaasan niya ‘to ng kilay.
“Pinag-ipunan ko ‘to, piso-piso araw-araw,” biro nito.
“Baka naman gutumin mo lang ako ro’n.”
Napakamot ‘to sa batok. “Ang mahalaga nakapag-pa-aircon tayo.”
Natawa si Tammy at hinampas ‘to sa braso.
“Ano papayag ka na ba?”
“Wala naman akong plano bukas, ewan ko lang kung aayain ako nila—”
“Set date na, ako ang kasama mo bukas.”
Iyong ngiti ni Benjamin masyadong mahirap tanggihan kaya nag-init ang mukha ni Tammy.
“Oo na, magkukulit ka na naman kapag ‘di napagbigyan.”
Inihatid siya nito hanggang sa bahay na okupado ng kanilang lolo. Ang kasama nito sa bahay ay siya, ang kuya Noel niya na anak ng kapatid ng kanyang ina na nag-aalaga ng mga baboy, si Terry na anak ng kanyang kuya Noel na limang taon at ang asawa ng kanyang kuya Noel na si Noemi.
“Oh, seniorito, pumasok ka at sumabay ng hapunan sa ‘min,” tawag ng lolo ni Tammy sa nagpaalam kaagad na si Benjamin.
“Naku, hindi na po. Baka po kulangin kayo.”
“Hindi, ano ka ba, marami ito dali na pasok na seniorito,” aya pa ni Noemi rito.
Tiningnan siya ni Benjamin kaya tinanguan niya ito.
“Baka kapag hindi ka pa kumain sabihin na naman ng mga iyan na napakasungit ko sa seniorito.”
Natawa si Benjamin at pumasok naman. Pinigilan ‘tong mag-alis ng sapatos pero nahubad na nito.
Totoo naman talaga ang sinasabi ng mga nasa rancho, si Benjamin ay kumikilos katulad nilang mga pangkaraniwan lamang. Nakikipagkuwentuhan, kumakain ng kahit na ano, at mapagbiro sa lahat. Kaya nga natutuwa ang mga taga-rancho nang sabihin na si Benjamin ang magmamana ng Rancho ayon sa lolo nito dahil mas alam daw nito ang buhay roon at kilala ang mga tao kompara sa ibang apo nito.
“Iyang apo ko, mas gusto sa maynila hindi ko nga alam diyan. Sabi ko nga, pare-pareho lamang naman ang turo pagagastusin pa nang husto ang ina,” dabi ni Mang Ime. Napag-usapan nila sa hapagkainan ang tungkol kolehiyo.
Nakita ni Benjamin na natigilan si Tammy pero hindi naman ito palasagot kahit may pagkasuplada ito.
“Baka po naroon lang iyong kurso na gusto ni Tammy. Isa pa po, Lo, maganda rin iyong marami siyang makilalang tao. Baka gusto rin po ng mama niya na doon siya mag-aral,”[agtatanggol ni Benjamin kay Tammy.
Tumango-tango lang si Noemi at Noel. Paano ay madalas iyon ang sinasabi ng matanda sa hapagkainan. Pero mukhang desidido si Tammy na sa maynila magkolehiyo dahil kahit anong pigil dito ay iyon talaga ang ipinipilit nito at nag-aaral pa ito nang husto para makuha ang matataas na grado.
“Mag-ta-trabaho naman ako ng part time sa maynila, lolo,” singit ni Tammy.
“Naku, edi napabayaan mo pa ang pag-aaral mo dahil magta-trabaho kang sabay. Hindi ka na lang lumagi dito at kasama mo ang mga kaibigan mo. Siguro gusto mo lang maging malaya, iyong kung saan-saan ka pumupunta at gabi na puwede kang umuwi. Ano ang magiging buhay mo sa maynila? Baka umuwi ka na lamang ng buntis dito.”
Sumama ang timpla ni Tammy dahil sa sinabi ng kanyang lolo.
“Magtiwala kayo sa kanya, ‘lo. Nililigawan ko nga ‘yan ayaw magpaligaw at wala daw boyfriend, bawal na bawal daw dahil nga usapan nila ng nanay niya at mas gusto niya makatapos muna kaya sigurado ako, all good si Tameng do’n,” Nakangiting panghihikayat ni Benjamin.
Nagulat naman ang mga ito maging si Tammy, ang alam niya sabi niya ay sa kolehiyo siya puwedeng mag-boyfriend at hindi naman ito nanligaw sa kanya. Kahit paano gumaan ang loob niya dahil sumegunda na ang kuya Noel niya at asawa nito. Tila nauwi rin ang usapan sa panliligaw nito sa kanya.
Umuwi rin naman si Benjamin pagkatapos kumain dahil baka hinahanap na raw ito. Nagkaroon pa ng diskusyon ang pamilya patungkol sa ‘panliligaw’ na hindi natuloy ni Benjamin. Pero natigil naman iyon noong nag video call ang kanyang ina.
“Ma!” masayang tawag ni Tammy sa ina.
“Oh, kumusta na kayo?”
Nagpakita isa-isa ang mga kasama niya sa bahay, nakipagkuwentuhan saglit sa ina bago bumalik sa kanya.
“Tammy, ito nga, baka ngayong senior high malipat na kita sa eskuwelahan na gusto mo. Pero iyon kung mapapasa mo ang exam ng scholarship ni Mada’am Rishanne,” masayang balita ng ina. “Kalahati ng tuition ang sasagutin niya sa ‘yo kaya malaking tulong iyon. Pasasamahan na lang kita kay Noemi dahil maalam iyan sa maynila.”
Hindi mapigilan ni Tammy ang matuwa. Hindi niya magawang umimik tila maiiyak din siya ano mang oras. Akala niya maghihintay pa talaga siya ng dalawang taon bago makalipat sa manila.
Si Mada’am Rishanne ay kakilala ng kanyang ina. Isa itong Canadian na nakilala ng ina sa Hong Kong airport at napagtanungan. Dahil ang kanyang ina ay maalam naman sa pagsasalita ng ingles ay natulungan nito ang ginang. Nagbakasyon sa Hong Kong si Mada’am Rishanne at nang makabalik ito ng bansang Canada ay hindi ito tumigil sa pakikipagkomunikasyon sa kanyang ina. Minsan na rin nga siyang nakausap nito sa isang conference videocall kung saan ipinakilala siya nito sa anak nitong si Stevenson na matanda sa kanya ng isang taon at ipinakilala naman siya ng ina rito.