Titig na titig si Benjamin kay Tammy na abala na naman sa pagsasalita nang pagsasalita habang nagvi-video. Kahit ang sungit-sungit nito ay nagagandahan talaga si Benjamin sa dalagitang apo ni Mang Ime. Halos lahat sa rancho alam na crush na crush niya ito pero hindi man lang ito nakararamdam. Dahil na rin siguro bully ang tingin nito sa kanya.
“Baka matunaw na ‘yan sa titig mo, Benj!”
Natawa si Benjamin sa biglaang pagsingit ng mukha ni Vico sa kanyang harapan.
“Loko ka!”
Tumingin si Vico sa lugar ni Tammy. “Maganda naman talaga ‘yang apo ni Mang Ime, talagang lalaban sa mga magaganda sa eskuwelahan natin, pero hindi talaga ako boto diyan para sa ‘yo. Sobrang suplada kaya niyan saka marami pang mas maganda sa kanya ‘no.”
Natawa si Benjamin, “Iyon nga nagustuhan ko sa kanya dahil nga suplada siya pero cute kaya.”
Napapailing na lang si Vico. “Sus! Mukhang hindi ka naman gusto niyan.”
“Ano ka ba, magiging sa ‘kin din iyan saka maaga pa para sabihin mo ‘yan.” Ginulo ni Benjamin ang buhok ni Vico.
“Bahala ka! Bahala ka!” pasigaw na sabi ni Vico.
Iritang bumaling si Tammy sa dalawang binatilyo at inirapan ang mga ito dahil sa ginagawang ingay.
“Tamara!”
Napalingon si Tammy sa likuran nang marinig ang pagtawag ng kaklase’t kaibigan na si Enna.
Nangiti kaagad siya nang makompirmang si Enna nga iyon at tumatakbo ito papalapit sa kanya.
“Baka naman madapa ka, hindi pa naman tayo huli sa flag ceremony.”
Pareho silang junior high sa malapit na eskuwelahan sa rancho, isang public school.
“Tumaba ka sa bakasyon, ah!” natatawang puna ni Tammy kay Enna.
“Napakabastos talaga ng bunganga mo kahit kailan, Tamara Del Rosario.” Nameywang pa si Enna sa kaibigan.
Natawa naman si Tammy, “Binibiro lang kita, lalo ka nga sumexy.”
“Ayon ang gusto ko!”
Naglakad na sila patungo sa ground para sa flag ceremony.
“Kumusta naman si Benjamin?” ngiting-ngiting tanong ni Enna.
“Ayon, may sungay pa rin.” Nangasim kaagad ang mukha ni Tammy.
“Eh! Ikaw talaga, napakaguwapo kaya no’n, sa dami ng nagkaka-crush doon ikaw na nga suwerte.”
“Suwerte?” hindi makapaniwala si Tammy, “Kung suwerte na makita iyon, ay pipiliin ko na lang malasin!”
“Tameeeeeeng!”
Napadiresto ng tayo si Tammy nang marinig sa mic mismo ang tawag sa kanya ni Benjamin.
Natatawa ito sa gilid ng stage. Oo nga pala, section nito ang assign sa Panatang Makabayan, Vision Mission at iba pa! Kaya naroon ang mga ito sa gilid.
Iritang-irita siya dahil tawanan nang tawanan lahat lalo at nagulat din ang mga ito sa biglaang ‘Tameeeeng’ na naman ni Benjamin. Hiyang-hiya siya kahit hindi naman alam ng mga ito na siya ang tinatawag nitong ‘Tameng!’ Nang makipag-usap ito sa mga kaklase at nagtawanan pakiramdam ni Tammy ay siya ang pinag-uusapan. Hindi na talaga niya matatagalan pa ang makasama ‘to sa rancho at sa iisang eskuwelahan!
Araw-araw ganoon ang senaryo nil ani Benjamin, kung saan-saan ito sumusulpot para lamang tawagin siyang ‘Tameng’ at susulpot pa ito kapag nag-iisa siya at feel na feel mag pictorial sa rancho. Napakadakilang photobomber talaga nito!
Sa sobrang pagkairita niya rito hanggang sa panaginip minsan nadadala pa talaga niya ito. Pero tinitiis na lang niya dahil ayon sa ina nag-iipon na ito para sa kanyang pag-aaral sa maynila na sobrang ikinasasaya niya.
“Tameng, sabay na tayo umuwi.”
Hindi pinansin ni Tammy si Benjamin nang tumabi ito sa kanya sa paglalakad isang hapon pauwi.
“Napakasungit mo naman, parang sasabay lang.”
Naririnig pa lang niya ang natatawa nitong boses naiirita na siya.
“May ipinapabili sa ‘kin si Aling Melba sa palengke kaya hindi ako uuwi agad.” Iritang binalingan niya ‘to saka inirapan.
Iyong palengke ay malapit lang sa eskuwelahan.
“Sasamahan na kita baka kailangan mo ng tagabitbit.”
“Hindi mabigat ang bibitbitin ko ‘no!” Binalingan niya si Benjamin, pero nag-iwas kaagad siya. Tama talaga ang mga kaeskuwela niya na guwapo ito. Dahil sa bukid ang kulay nito ay medyo naging darker na pero bagay pa rin naman dito. Matangos ang ilong ni Benjamin at palaging nakangiti, siguro kung hindi siya nito tinatawag na ‘Tameng’ o iniirita palagi baka naging crush niya pa ito pero dahil inisin sa araw-araw ang trip nito sa kanya kaya ang titigan ito at umisip ng makakapagpaggusto sa kanya rito ay nawawalan na siya ng oras.
Kahit anong taboy niya rito ay sumunod ito sa kanya sa palengke.
“Sumama ka pa, mamaya ay may magalit pa sa ‘tin sa palengke kapag umarte-arte ka roon.”
Nangiti si Benjamin. “Bakit ba ang init ng dugo mo sa ‘kin? Ayoko lang naman hayaang mag-isa ka.”
Nabigla si Tammy pero kaagad inalis sa isipan ang tila kilig na naramdaman.
May ilan silang kaeskuwela na napapatingin sa kanila, marami-rami kasing mga anak ng mga nagtitinda sa palengke na kaeskuwela nila. Iniisip marahil ng mga ito ang ugnayan nilang dalawa.
Sa loob ng palengke sila pumasok kung saan naroon ang mga linya ng baboy at manok—pangsahog lang namnan ang ipinabibili ni Aling Melba.
“Kalahating kilo po ng atay ng manok wala pong kasamang balun-balonan.” Iniabot ni Tammy ang bayad nang sabihin ng tindera ang presyo.
“Dadalhin ko na.”
Ibinigay niya talaga kay Benjamin ang ipinamili.
“Saan na tayo nito?” tanong nito.
“Doon sa pagbaba sa kabilang dulo naroon iyong mga isda.”
Sinadya niyang idaan si Benjamin sa isdaan, siya ay nahihirapan ng huminga roon dahil malansa kaya iniisip niyang maiinis niya ito sa ganoon niyang taktika.
Inaalok sila ng inaalok ng mga tindera pero magalang na tumatanggi si Benjamin na ikinangingiti ni Tammy. Ito lang yata ang nakapasok ng palengke na tuwing inaalok ay sumasagot sa lahat at nagpapaliwanag pa.
Bumabaliktad ang sikmura ni Tammy, nakalimutan niya ang plano. Hindi talaga niya kaya ang amoy ng lansa at hasang ng isda. Halos masuka siya hanggang makababa sila.
“Ayos ka lang?” iniangat ni Benjamin ang mukha niya.
Nabigla si Tammy dahil nagkatitigan sila at iyong pag-aalala nito ang umukit sa kanyang isipan. Hinampas niya ang kamay nito.
“Bumili na tayo para makauwi na.” Nagmadali si Tammy na nauna at pumunta sa hilera ng mga nagtitinda ng tahong at hipon.
“Gusto mo bang buhatin kita pauwi?” tanong ni Benjamin. Natapos na silang mamili sa loob ng palengke at huling destinasyon nila ang mga kamatis, sibuyas, at bawang na iniutos ni Aling Melba. Ang iba ay mayroon naman sa rancho na tanim.
Nauna siya rito, dama pa rin niya ang titig nito kanina. Hindi alam ni Tammy kung bakit kailangan niyang pamulahan dahil doon! Nag-iinit ang kanyang mukha.
Ilang saglit pa ay hindi na nagsasalita si Benjamin kaya natigilan si Tammy at inalam kung kasunod pa ba niya ito. Pero nasa likuran niya naman ito at nagbabalat ng saging.
“Oh,” abot nito sa kanya.
“Ayoko, ikaw kumain niyan mukha ka namang unggoy.”
Natawa ito, “O sige, mukhang unggoy na pero kainin mo na ‘to.” Inilapit nito ‘yong saging sa bibig niya.
Inagaw niya ‘yon dito ng maamoy iyon. Kinain niya iyon para mawala sa sistema niya ang amoy ng hasang. Noon pa man, talagang amoy ng isda at hasang ang kanyang kahinaan.
“Iyan, mukha ka ng babaeng unggoy.”
Sa inis talagang siniko niya ‘to pero iyon na naman ang tawa nito.
Naglakad lang sila at dahil palayan ang dinadaanan nila kaya masarap ang simoy ng hangin. Kahel na rin ang kulay ng kalangitan, malapit ng tuluyang lumubog ang araw. Hindi lang naman sila ang naglalakad kaya hindi nakakatakot sa lugar, marami-raming estudyante at ilang employee. Iilan lang iyong nagta-tricycle dahil masarap talagang maglakad.
“Sa rancho tayo titira kapag mag-asawa na tayo. Mas masarap dito—”
“Sinong mapapangasawa mo?” tinaasan niya ‘to ng kilay.
“Ikaw. Guwapo ako, maganda ka naman, suplada lang pero mapagtitiyagaan.”
Hindi alam ni Tammy bakit nag-init ang mukha niya nang sabihin nitong ‘maganda’ siya.
“Ayoko sa ‘yo ‘no, saka sa maynila ko nga gusto tumira. Marami naman may ibang may interes sa ‘yo doon ka na lang.”
“Sino ba ang gusto mo si Don?” tila nainis na tanong nito.
Si Don iyong kaeskuwela nila na nanliligaw sa kanya. Pero wala pa talaga si Tammy sa edad para mag boyfriend. Sa lahat ng pangako niya sa ina, iyon ang tinutupad niya lalo at nag-aalala ito dahil dinala siya nito sa edad na labing-anim na ayaw nitong matulad siya.
Nakaramdam ng kasiyahan si Tammy sa isiping nainis niya yata ‘to bigla.
“Oh, bakit? Guwapo naman si Don, ah. Isa pa, sa maynila din siya mag-aaral kaya tingin ko mas magkakasundo kami.”
Nanahimik ito at hindi siya pinansin. Nainis niya nga talaga ito?
Hanggang sa rancho ay tahimik ito, nagsalita ito nang ibigay nila kay Aling Melba ang mga pinamili. Nauna rin itong magpaalam.
Napakunot ang noo ni Tammy dahil first time nitong mainis at ganoon kaagad ang inarte nito?
“Salamat, Tammy. Magbihis na kayo at sabay-sabay tayo maghahapunan at patapos na rin itong preparasyon sa birthday-an.”
“Sige po.”
Sa rancho may ambagan ang mga tao, at tuwing katapusan ng buwan ipinagdidiwang lahat ng may birthday ng naturang buwan kaya buwan-buwan ay may handaan. Isa ‘yon sa favorite nilang lahat, ang boodle fight dahil sobrang daming pagkain na pagpipilian. Isama pa na si Benjamin ay sagot palagi ang limang lechon na manok na nabibili sa bayan. Ang lolo naman nito ay nagbibigay din ng limang pirasong manok na kakatayin. Ang rancho at ang mga tao ay isang malaking pamilya.
Hinabol ni Tammy si Benjamin. Naglalakad na ‘to patungo sa mansion. Tumakbo siya at sumabay rito. Pinakiramdaman niya ito pero mukhang blangko ang hitsura ng lalaki.
“Iyong lechon manok mo handa na ba?”
Tumango lang ito.
Talaga bang napikon ito?
Siniko niya si Benjamin pero hindi pa rin ito umimik.
“Ikaw isang beses ka pa lang napikon ganyan ka na!” inis na aniya rito. “Ikaw nga araw-araw mo akong iniinis!”
“Magkaiba ‘yon,” matipid na sagot nito.
“Anong magkaiba ‘yon? Hindi ‘yon magkaiba ‘no! Pareho lang pang-iinis ‘yon—”
“Malamang sasabihin mo mas gusto mo si Don, samantalang ‘di pa nga ako nagsisimulang manligaw sa ‘yo!”
Natigilan si Tammy, nag-init ang mukha niya.
“Eh, b-bakit ka naman manliligaw sa ‘kin?”
“Malamang gusto kita, gustong-gusto kaya kita.” Binalingan siya nito kaya nagulat si Tammy.
“Ano ‘yan i-i-inaasar m-mo na naman ako ‘no!”
“Hindi, mukha bang inaasar kita?”
Hinarap ni
Lumakad siya para mawala ang atensiyon niya sa mukha nito. Pero nahawakan nito ang kanyang braso.
“A-ano ba?” kulang sa lakas ang boses ni Tammy.
“Gusto kita—”
“Oh, ano naman? H-hindi pa ‘ko puwede magpaligaw ‘no. S-saka bata pa tayo sa college pa ‘ko puwede.”
Napansin ni Benjamin na hindi nito hinihila ang kamay at iwas lang ito nang iwas.
“Ibig sabihin no’n hindi mo sasagutin si Don?” may katuwaan ng tanong ni Benjamin.
“Hindi!”
“Oh, ako sasagutin mo sa college?”
Hinila ni Tammy ang kamay.
“Hindi ka pa nga nanliligaw saka marami pang taon na lilipas ‘no! W-wag kang ligaw kaagad!” Nagmartsa paalis si Tammy, sa sobrang kaba niya ay naglakad-takbo siya para mas mapalayo rito.
Nakalayo na siya at nakakahinga na ng mas maayos nang sumigaw ito.
“Gusto kita! Liligawan kita sa college, magiging tayo, ikaw at ako ang first and last ng isa’t isa Tamara Del Rosario!”
Binalikan ni Tammy ng tingin si Benjamin. Pulang-pula ang kanyang mukha. Nakita niyang ngiting-ngiti si Benjamin, gusto niyang sabihin na hindi niya ‘to magugustuhan kaso baka mainis na naman ito kaya tumalikod na lang siya at ‘di na ito pinansin kahit parang ang boses nito ay paulit-ulit sa kanyang tainga.