“I’m Tamara Del Rosario, this is my—”
“Hoy, Tameng, ‘wag kang paharang-harang diyan sa dadaanan ng kabayo!”
Inis na inis si Tammy na binalingan si Benjamin Villa Del Rosario. Katulad niya ay labing-limang taon din ito.
“Hindi naman dito dadaan ‘yong kabayo, ah! Nakita mong nag-vlog ako ‘di ba?” iritang-irita na naman si Tamara o mas kilala sa rancho na Tammy.
Sa lahat naman ng mayaman si Benjamin na yata ang marumi! Ang dumi ng damit nito at may mga putik habang wala itong pakialam sa balat nito na noon ay maputing-maputi noong unang dating ngayon ay mas maitim na sa kanya. Wala rin siyang pakialam kung guwapo ito, mas nangingibabaw ang inis niya sa lalaki.
“Tameng, bakit ba araw-araw kang masungit?” nakangiti pa ‘to kaya kita ang pantay-pantay at mapuputing ngipin.
“Tamara o Tammy ang pangalan ko, anong Tameng?!” mataas ang boses niyang tanong.
Natawa si Benjamin, “Eh, bakit ba? Nakita kitang una no’ng nadapa ka sa mga tae ng kambing kaya Tameng.”
Iritang tinalikuran niya ‘to at nagmartsa siya palayo rito. Humanap siya ng mas magandang puwesto sa rancho, iyong mapapalayo siya sa gorillang si Benjamin.
Pumuwesto siya sa taniman ng mga ubas at inihanda na ang video niya sa bagong cellphone na bili ng ina. Isa ‘yon sa latest phone na may magandang kalidad kaya sobrang excited siya magsimulang maging vlogger.
Pagkabukas niya ng video ay ngumiti na siya kaagad.
“Hi!” masiglang-masigla pa siya, “I am—”
“Tameeeeeeng!”
Napapadyak talaga si Tammy nang marinig na naman ang boses ni Benjamin. Palapit ito sakay ng kabayo nitong puti na si Herodes. Gusto niyang maiyak sa sobrang pagkabuwisit dito. Kung hindi lang talaga ito apo ni Don Ysmael Villa Del Rosario ay tinadyakan niya na ito katulad ng ibang kalalakihang nagpapapansin sa kanya. Dahil kung papatol siya rito baka siya pa ang masipa sa lugar.
“Isama mo kaya ako sa ginagawa mo para mas sumikat ka!” sigaw pa ni Benjamin.
Inirapan niya ‘to saka nagmartsa ng nakasimangot. Dinig pa nito ang waging-waging pagtawa nito.
Nakasalubong ni Tammy sa paglalakad si Aling Melba. Magdadala na ‘to ng almusal sa palayan para mga magsasaka.
“Oh, bakit busangot ka na naman?” tanong ni Aling Melba.
“Naku, Aling Melba may palagi talaga pong gumagalit sa ‘kin dito! Hindi ata nagiging masaya ‘yong taong iyon ng walang iniinis!”
Natawa si Aling Melba nang makita na ang ngiting-ngiting binatilyo na nakasakay sa kabayo. Mukhang ito na naman ang salarin.
“Tameeeeng!”
Iritang-irita na naman si Tammy nang marinig ang pasigaw at tila napakasayang boses ni Benjamin.
“Ano na naman Benjong?!” iritang baling niya rito.
Imbis na mainis ito katulad niya ay natawa pa ito sa ibinansag niya. Lalo siyang nairita dahil tila wala talagang pang-aasar na magpapairita rito.
“Naku, kayo talagang dalawa hindi na nagsawang mag-away. Mabuti pa, samahan ninyo na lang ako mamahagi nitong almusal,” nangingiti’t napapailing si Aling Melba sa dalawa.
Sumama naman si Tammy kay Aling Melba habang ang nakakakabayong seniorito ay mabagal lang na pinasasabay sa kanila ang kabayo.
“Tameng, sumakay ka na kaya rito,” aya ni Benjamin sa dalagita.
“Hindi na ‘no! Kilalang-kilala kita, panigurado itatakbo mo ‘yan nang mabilis hanggang mahulog ako!”
“Ouch!” tila kunwari’y nasasaktang nasapo pa ni Benjamin ang dibdib, “Alam mong hindi ko magagawa ‘yon sa ‘yo.”
Halos umikot ang mata ni Tammy.
Si Aling Melba’y napapangiti lang, paano ay alam niyang ang seniorito ay crush na crush talaga ang may kasupladahang apo ni Mang Ime na si Tamara o mas kilala na Tammy. At ang gawain nito para magpapansin ay inisin nang inisin ang dalagita.
“Kayong dalawa, mamaya magkatuluyan kayo niyan,” natatawang biro ni Aling Melba.
“Hindi na po ‘no!” Mabilis na sagot ni Tamara at pinag-ekis pa ang braso.
Natawa nang malakas si Benjamin. “Naku, Aling Melba kapag po iyan ang napangasawa ko baka araw-araw bubungangaan ako niyan.”
“Feeling mo naman gusto kong maging asawa ka ‘no?” Iritable’t puno nang sarkasmong tanong ni Tammy sa binatilyo.
“Bakit hindi? nasa ‘kin na lahat, guwapo—”
“Guwapo your face!”
Napailing na lang si Aling Melba at buong paglalakad nila ay nag-aasaran lang ang dalawa. Pero halatang ang talo ay si Tammy dahil nga galit na galit itong sumasagot habang ang isa naman ay patawa-tawa lang. Pero malaking tulong kay Aling Melba na kasama ang dalawa dahil masipag naman ang mga ito na magtawag ng mga magsasaka at iba pang tauhan ng rancho para sa almusal na nagaganap sa malaking bahagi ng damuhan sa lilim ng mga punong manga.
“Matatapos na kayo ng hayskul, ikaw ba seniorito ay katulad ni seniorito Benneth na mag-aaral sa states?” tanong ni Mang Arnulfo, ang magsasaka na kasamahan sa umpukan.
Napatitig naman si Tammy rito, bilyonaryo ang mga magulang ni Benjamin—pareho ng estado ang magulang nito bago maging mag-asawa. Balita niya rin na bukod sa rancho ng Villa Del Rosario sa Rizal, mayroon din ang mga ito sa iba’t ibang probinsiya. Mas nag-i-invest din ang pamilya nito sa pagbili ng mga naglalakihang lupa. Kung tutuusin ay lahat ng gusto niya ngayong teenager siya ay madali lang makuha kung kasing-yaman siya ni Benjamin pero kabaligtaran naman niya ang lalaki. Parang wala itong kaluho-luho sa katawan. Madalas nga itong magpainit at makipaglaro pa sa edad at hindi naman ito pinipigilan ng lolo nito. Kompara sa ibang mayayamang binatilyo, si Benjamin ay lumaki kasama ang mga magsasaka, mga anak ng magsasaka, at paborito nito ang anihan at magpalipad ng saranggola.
“Masyado kang nakatitig sa ‘kin, hindi kaya matunaw ako niyan?” natatawang puna ni Benjamin.
Dahil nang-asar ang mga nasa paligid, pinamulahan si Tammy lalo at mukhang pipikunin na naman siya nito. Inirapan niya ‘to, ayaw niyang ipakita sa lahat na inaaway-away niya ito dahil baka makarating sa lolo ni Benjamin at masipa pa siya sa rancho. Kay Aling Melba kasi ay panatag si Tammy dahil mabait ang ginang at hindi chismosa.
“Pero iyon po, hindi ako mag-aaral sa states. Nag-usap na kami ng magulang ko na hanggang senior high dito ako sa Rizal mag-aaral at sa malapit lang na public school.”
“Oh, bakit naman sa public school mo pa gusto? Hindi ba’t mas maganda ang turo kung sa mga mamahaling eskuwelahan?” nagtatakang tanong ng matinis ang boses na si Aling Tisay, ito ang abala sa mga pagpapakain ng mga alagang sisiw at manok sa rancho.
“Naku, hindi po,” mabilis na sagot ni Benjamin.
“Sa public school po ay mga lisensiyadong guro rin ang naroon. Isa pa po, wala naman po iyan sa magtuturo nasa tao po iyan. Iyong ibang skills na siguro advance kong matututunan sa private ay puwede ko naman iyon balikan o pag-aralan sa susunod. Pero iyong panahon ko po ngayon sa edad na ‘to ay hindi na maibabalik. Gusto ko pa pong makasama ang mga kaibigan ko at manatili sa rancho,” paliwanag ni Benjamin.
Sa sinabi ni Benjamin napairap si Tammy ng pasimple rito. Kung siya ang tatanungin mas gusto niya ang private school at iyong malalaki sa maynila, sikat at sosyalin. Mas gusto niya ‘yong pakiramdam na mag-aral sa mga pangarap niyang kolehiyo. Pero ayaw niya pang ipagmalaki iyon dahil hindi pa nga sila nag-uusap ng ina.
Katulad nang madalas, umani ng papuri si Benjamin. Sanay na si Tammy roon, itinatanong din naman sa kanya ang mga tanong rito pero madalas siya ay hindi pa alam ang plano dahil may isang taon pa naman para mag-isip. Pero ang totoo ay umaasa siya na makapag-aral na sa gustong eskuwelahan sa darating na senior high at pilit niya ‘yong ipinagpipilitan sa ina na dating tagapag-alaga ni Benjamin na ngayon ay isa na ngang O.F.W. sa Hong Kong.
Nang matapos ang halos kalahating oras na pag-aalmusal ay bumalik na sa trabaho ang mga ito. Si Aling Melba ay bumalik na rin sa kusina para naman mag prepara para sa magiging tanghalian.
“Ano kaya ang iluluto sa tanghalian ni Aling Melba?” tanong ni Benjamin.
Naglalakad at pasunod-sunod kay Tammy si Benjamin.
“Sabi niya ay tinola raw dahil katatapos lang mag sinigang kahapon.”
Tila walang topak si Tammy at nakikipag-usap ng maayos kaya nangiti si Benjamin.
“Masarap talagang kumain dito sa rancho lalo kapag maraming kasabay.”
Binalingan ni Tammy si Benjamin. “Mas masarap nga ang pagkain sa loob ng mansion ninyo.”
Alam ni Tammy ‘yon dahil napupunta nga siya sa mansion noong naroon pa ang kanyang ina. Isang taon na itong wala sa mga Villa Del Rosario dahil nga nasa Hong Kong na ito. Halos limang taon din itong nag-alaga kay Benjamin noong dalhin ito sa rancho ng magulang.
“Mas masarap dito dahil maraming kasalo. Sa mansion, nakakaboring nga kumain do’n.”
Kompara sa kapatid nitong si Benneth hindi englishero si Benjamin. Nakita na ni Tammy si Benneth, mas matanda ito sa kanila ng limang taon. Napunta na ito na rancho pero suplado ang dating at ayaw maarawan. Nangangabayo lang ito at sisilong na rin bago sumikat ang araw. Pumupunta lang din ito kung may dadalhin na kaibigan at bibihira lang iyon sa isang taon. Pero ngayon sa ibang bansa na ‘to nag-aaral.
“Bakit ayaw mo sa ibang bansa?” tanong ni Tammy.
Nangiti naman si Benjamin, “Hindi ko talaga gusto, siguro hanggang manila lang ako para madaling bumalik. Bakit ikaw ba mas gusto mo sa ibang bansa?”
Napaisip si Tammy kung gusto niya bas a ibang bansa o hindi.
“Puwede, pero mas gusto ko sa maynila, eh. Noong hinatid namin si nanay sa airport, ang ganda ng mga buildings saka sobrang lalaki ng eskuwelahan. Saka iyong mga nasa T.V. na mga school, iyon sa mga ganoon ko gusto mag-aral.” Na-i-imagine pa nga lang ni Tammy ay nangingiti na siya.
“Mas maganda kaya iyong mga puno, bukid, at mga tanawin dito.” Tila hindi kombinsido si Benjamin.
“Mas maganda ang manila!”
“Mas maganda ang probinsiya!”
Ang magandang usapan nila nauwi na naman sa talikuran at martsahan palayo sa isa’t isa. Kahit kailan tingin ni Tammy ay hindi niya makakasundo si Benjamin!