“Saan ka galing?” malamig ang boses ni Ireta. Buong-araw na hindi nagpakita sa kanya si Lukas. May mga pagkaing nakaimbak sa loob ng silid at mga bote ng tubig. Hindi siya magugutom. Pero hindi niya gusto ang pakiramdam na para siyang bilanggong dinadalaw lang nito kung kailan nito gusto. Madaling araw na at ngayon lang naisipan ng asawa na silipin siya. Nakaupo siya sa paanan ng kama, kaya nang umawang pabukas ang pinto ay tumama kaagad sa mukha niya ang ilaw mula sa pasilyo. Humakbang sa loob ng silid si Lukas. Inilibot nito ang tingin sa paligid at natawa dahil parang dinaanan ng bagyo ang loob ng kuwarto. Hindi na nakakabit sa kutson ng higaan ang kubrekama. Natanggal na ang lahat ng punda ng unan. Nagkalat ang mga gamit sa sahig at ang iba ay nabasag pa nga. “Bingi ka ba, Lukas, o