ASYA
Nang magising ako ay wala pa rin siyang malay. Sinalat ko ang kanyang noo at pinakiramdam kung bumaba na ba ang lagnat niya. Nakahinga ako ng maluwag dahil hindi na siya kasing init ng kagabi. Sana magtuloy-tuloy na ang kanyang pagaling upang hindi na rin ako mag-alala.
“Saan ka pupunta?”
Napahinto ako sa tangkang pagbangon nang hawakan niya ako sa braso. Napatingin ako sa kanya at ganun din siya sa akin. Ngunit nang bumaba ang kanyang mga mata sa nakahantad kong dibdib na natatakpan lamang ng mahaba at itim kong buhok ay nagmadali akong hinila ang kumot upang takpan ito.
“A-ah…kasi inaapoy ka ng lagnat kagabi. Labis ang init ng katawan ko kaya—”
Nagulat ako nang hilahin niya ako at ipinahiga sa kanyang matigas na braso.
“Xenos…anong ginagawa mo?”
“Masakit pa rin ang katawan ko. Gusto ko pang magpahinga ng ganito kaya huwag kang umalis.” Sambit niya. Mas hinapit niya ang beywang ko at mas dumikit ang hubad kong katawan sa kanyang katawan. Lalong sumikdo ang t***k ng aking puso dahil sa ginawa niya.
Ngunit ilang sandali na lang puputok na ang liwanag. Baka maabutan kami ng ganito.
“Ikaw ang nagpagaling sa akin, Asya.” sambit niya habang nakapikit pa rin.
“Hin-di ako, gumaling ka dahil sa lunas na ipina-inom ko sa’yo. At ginawa ko lang ang makakaya ko.”
Dumilat ang mapupungay niyang mata at wari’y isang hangin na lang ang hini-hiningahan naming dalawa.
“Bakit? May pagkakataon ka na para patayin pero bakit mas pinili mo akong iligtas?” tanong niya sa akin.
“Dahil, ayaw kitang matulad sa una kong naging kabiyak. At isa pa, sinabi mo sa akin na wala kang intensyon na magkaroon ng digmaan sa pagitan ng kaharian nating dalawa. At dadalhin mo ako bilang iyong kabiyak sa Astral Kingdom. Pero hindi ibig sabihin noon ay wala na ang sumpa. Hindi ko alam kung dahil ba sa halik mo kaya ka nagkasakit. At hindi ko rin alam kung ma-apektuhan ka pa rin ba ng sumpa kapag tinangal ko ang maskarang ito.” pagtatapat ko sa kanya.
Inilapit niya ang kanyang mukha kaya napa-atras ako.
“Xenos, baka magkasakit ka na naman!” Pigil ko sa kanyang labi nang akmang hahalikan niya akong muli.
“Kung magkakasakit man ako ulit sa paghalik ko sayo. Gawin mo ulit ito.”
Niyuko niya ang mukha niya at tinignan niya ang hubad kong katawan.
“Ngayon lang ako nakakita ng katawan ng babae at may hatid na itong kakaibang pakiramdam sa akin. Pakiramdam na parang nais kong angkinin ka ngayon din.” Sambit niya. Nag-init ang aking pisngi at nakaramdam ng hiya.
Magsasalita na sana ako ngunit may narinig kaming yabag ng mga paa na papalit sa aming kublihan.
Muntik na akong mapasigaw nang kabigin niya ako at nagawa niya akong ilipat sa kanyang likuran kahit pareho kaming nakahiga. Ibinalot niya ko ng kumot at pinilit niyang tumayo upang i-ayos ang kanyang kasuotan.
“Mahal na prinsipe.”
Nagkatinginan kaming dalawa nang marinig namin ang boses ni Heneral Cyrus.
“Ayusin mo na ang ‘yong kasuotan. Lalabas lang ako upang maka-usap sila.” Sambit niya na ikinatango ko naman. Pagkalabas niya ang dali-dali kong inayos ang damit ko. Inayos ko na rin ang aking sarili dahil magulo na rin ang nakalugay kong buhok. Maya-maya pa ay pumasok ulit siya. Nakaupo na ako sa gilid ng higaan.
“Kailangan na natin umpisahan ang paglalakbay pabalik ng Astral Kingdom. May natangap si heneral na balita na may hukbong naghahanda tatlong bundok ang layo nito sa ating pahingahan. Kaya kailangan na nating—”
“Xenos!” tawag ko nang mapahawak siya sa kanyang dibdib at mapatukod sa lamesa. Sabi niya kanina hindi pa daw siya tuluyang magaling. Nilapitan ko siya at inalalayan kong maupo sa higaan.
“Kaya mo ba?” tanong ko sa kanya.
Napilitan siyang tumango. Pumasok ang mga mangagamot na may dalang lunas at inabot sa kanya. Inisang inom niya ito bago ibinalik sa mangagamot ang mangkok.
“Huwag mo akong alalahanin. Ang kailangan nating gawin ay maka-alis na.” sambit niya. Inalalayan ko siyang lumabas ng kublihan at pina-upo ko muna siya sa karwahe. Pagkatapos ay lumabas muna ako at nilapitan ko si Mana upang i-abot ko sa kanya ang kapiraso ng sulat na ginawa ko kanina.
“Ilagay mo ito kay Tawiti at palipadin mo siya. Makakarating yan kay Kuya Silas.” Utos ko sa kanya. Kaagad naman siyang tumalima. Sana lang hindi ang hukbo ng Celestria ang namataan ng mga mandirigma ng Astral. Pipigilan ko ang digmaan sa kahit na ano mang paraan.
“Saan ka nangaling?” bungad niya sa akin nang pumasok ulit ako sa karwahe.
“May mahalaga lang akong ini-utos kay Mana. Huwag kang mag-alala para sa ikabubuti yung ng dalawang kaharian.” sagot ko sa kanya.
Marahan siyang tumango at naupo na ako sa kanyang tabi. Kinuha ko ang mainit na sabaw ng manok at pagkatapos ay isinubo ko sa kanya upang mainitan ang kanyang sikmura. Hinipan ko muna dahil baka mapaso siya. Nasa akin lang ang mga mata niya habang ginagawa ko ito. Pero patuloy siya sa pagkain.
“Maraming salamat sa pagsisilbi mo mahal kong asawa.”
Nabaling ang tingin ko sa kanya nang ilapag ko ang mangkok sa maliit na mesa. Inilabas ito ng tagapaglingkod at pagkatapos ay tipid akong ngumiti. Hinatiran din nila ako ng pagkain at kaunti lang ang tinikman ko dahil wala pa akong gana. Maya-maya pa ay nag-umpisa na kaming tumuloy sa paglalakbay.
Napapatingin ako sa kanya dahil sa panaka-naka niyang pagsulyap sa akin.
“May suliranin ka ba? Pakiramdam ko kasi may nais kang sabihin sa akin.”
Kinuha niya ang kamay ko at pinagsiklop ang palad naming dalawa.
“Tutulungan kitang mawala ang sumpa, sa kahit na anong paraan. Hindi ako papayag na mawalan ako ng susunod na reyna ng Astral Kingdom.” nakangiting sambit niya na ikina-awang ng aking labi. Parang hinaplos ang aking puso sa sinabi niya sa akin. Nangilid ang aking luha. Hindi ko inaasahan na ito ang magiging kapalit ng papayag kong magpakasal sa kanya. Ang mabuhay sa labas ng palasyo. Ang makakita ng liwanag at makalanghap ng masarap na hangin sa kulay berdeng kapaligiran.
“Bakit? Ayaw mo ba?”
Umiling ako sa kanya.
“Hindi yun ang dahilan. Noon kasi naghihintay na lamang ako ng kamatayan ko sa palasyo. Kaya hindi ko akalain na darating ang araw na ito—pasensya ka na kung mababaw ang luha ko.”
Yumuko ako sa kanya upang itago ang aking mukha. Ngunit hinawakan niya ang aking baba at iniharap sa kanya.
“Pagdating natin sa Astral Kingdom. Ipaparanas ko sa’yo ang mga hindi mo naranasan sa kaharian niyo. Irerespeto ka nila bilang isang prinsesa. At bilang susunod na magiging reyna ng aking kaharian. Malaki ang tiwala kong matatapos ang sumpa.” Sambit niya.
“Paano ka nakakasiguro? Alam mo ba kung paano maalis ang sumpa?”
Umiling siya sa akin.
“Hindi ko alam, kaya kailangan mong sabihin sa akin ang lahat ng detalye tungkol sa sumpa. May tiwala ako Asya, may dahilan kung bakit tayo nagkakilala. May dahilan ang lahat ng bagay. Magtiwala ka sa akin. Gagawin ko ang lahat para matangal mo ang yung maskara.”
Kinabig niya ako at isinandal sa kanyang dibdib. Ipinikit ko ang aking mga mata. Pakiramdam ko naglalakbay ako sa isang panaginip—kung hindi man totoo ang lahat ng ito. Sana huwag na rin akong magising…dahil labis ang kasiyahan ng aking puso dahil kay Xenos.