ASYA
Pangalawang gabi na naming itong paglalakbay. Bukas bago mag-agaw ang dilim at liwanag ay makakarating na kami sa Astral Kingdom. Ngayon ay naghahanda silang muli na gumawa ng mga kublihan upang magpalipas ng magdamag. Hindi kasi kami maaring magpatuloy sa paglalakbay dahil maaari kaming makaharap ng mga bandido na layuning kunin ang mga kabang-kaban na ginto na ipinadala ni ama para sa Astral Kingdom bilang regalo sa aming mag-asawa. Bukod sag into marami din silang pinadalang mamahalin na tela at kagamitan. Magiging mapanganib kung magpapatuloy kami sa paglalakbay.
Naupo kami sa malaking bato habang naghihintay kami na maitayo ang kublihan namin ni Xenos.
“Gumaan na ba ang pakiramdam mo?” usisa ko sa kanya. Kasalukuyan siyang naglilinis ng kanyang espada. Kahit makintab na naman ito.
“Hindi pa, ngunit kaya ko naman.”
“Mabuti kung ganun.”
May lumapit sa amin at sinabing handa na ang tutulugan namin. Tumayo siya at inaya niya ako sa loob ng kublihan. Kumpara noong nakaraang gabi dalawang beses na mas malawak ito. At may nakita pa akong malaking batya na hugis pahaba.
“Para saan yan?” usisa ko sa kanya nang lapitan niya ito at ibaba ang kurtina na nakapalibot dito.
“Malayo ang bukal dito kaya nagpahanda ako ng maligam-gam na tubig upang makapaglinis ka ng ‘yong katawan.” Sambit niya. Kasabay ng mga lalaking pumasok na may dalang timba.
Ibinuhos nila ito sa malalim at pahaba na batya.
“Huwag kang mabahala hindi kita sisilipan. Magbabad ka hanga’t gusto mo at lalabas muna ako para maghanda ng tsaa at minatamis na kakanin.” Saad niya. Hindi ko maiwasan ang mapangiti habang pinapanuod ang likuran niya. Sinisigurado niya talaga na komportable ako sa mahabang paglalakbay na ito.
Kanina habang naglalakbay kami hindi ko maiwasan ang humanga sa nadadaanan namin. Magaganda kasi ang mga tanawin at masarap langhapin ang hangin. Minsan naman nakakatulog na ako habang nakasandal sa kanya. Tumitigil lang kami kapag kailangan na naming kumain.
“Mahal na prinsesa, tawagin mo na lamang ako kapag tapos ka nang maligo upang matulungan kitang magbihis.” Wika ni Mana sabay patong ng damit pantulog na isusuot ko sa ibabaw ng lamesa.
“Maraming salamat Mana.”
Nagtuloy ako sa batya at inilubog ang aking hubad na katawan. Huminga ako ng malalim at humiga pa ako dahil may kalakihan pa ito. Ang sarap sa pakiramdam. Hindi kasing sarap sa bukal ngunit kahit paano masaya ako dahil ipinaparanas ni Xenos sa akin ang mga ito. Pakiramdam ko especial akong tao at hindi mapanganib.
Tinangal ko ang pagkakabuhol ng aking maskara at isinabit ito sa tagiliran ko. Ano kaya ang aking tunay na mukha? Totoo nga kayang kapag nakita ko ang sarili ko ay maski ako walang ligtas sa sumpa?
Ipinikit ko ang aking mga mata at sinubukan kong ilubog ang buo kong katawan. Pagkatapos ay hinayaan kong malayang maglayag ang aking isipan. Ngunit napukaw ng atensyon ko ang paparating na panganib.
“Ahhh!”
Napaupo ako sa batya nang marinig ko ang pamilyar na sigaw.
“Mana?”
Sunod kong narinig ay tunong ng naglalaban na mga espada.
“Nilulusob tayo!!!”
Kaagad kong hinila ang aking maskara upang itali ito. Pagkatapos ay hinila ko naman ang puting mahabang pantulog ko upang makapagsuot agad ng damit.
Nababalisa na ako sa labanan na nagaganap sa labas. At nang magtungo ako sa pintuan ng tolda ay nakita kong sugatan si Mana.
Akmang dadaluhan ko sana siya ngunit may dalawang mahabang espada na pumigil sa akin.
“Ikaw ba si Prinsesa Asya?” seryosong tanong ng lalaking nakatakip ang buong mukha at tanging nakikita. Hindi sila mula sa aming tribo. Mga upahan sila. Tawag sa mga mamatay tao na inuupahan upang pumatay.
Kaagad akong tumakbo papasok ng loob upang kunin ang espada ni Xenos na iniwan niya sa ibabaw ng kama.
Bago pa sila makalapit ay tinangal ko na ito sa lalagyan at pagkatapos ay hinarap ko sila. Hindi ko pa nasubukan makipaglaban ngunit palihim akong nagsasanay sa sarili kong garden. Upang kapag pinayagan na ako ni ama na maglakbay mag-isa kahit paano ay maipagtangol ko ang aking sarili.
Nagulat ako nang may pumasok pa na tatlo sa loob. Lima na silang nasa harapan ko.
“Ano ang kailangan niyo sa akin?” tanong ko sa kanila.
“Hindi mo na kailangan na malaman. Malinaw s autos sa amin na paslangin ang prinsesa ng Celestria!”
Kaagad niya akong sinugod at nasanga ko ng espada ang kanyang espada.
Napangiwi ako dahil sa lakas niya. Malakas ko siyang sinipa at winasiwas ko pataas ang aking espada sa isa pang lalaking nais na patayin ako ngunit sa lapit niya sa akin ay tinamaan niya ang maskara ko at tumalsik ito sa ibabaw ng higaan. Tuluyan itong nasira. Sa gulat ko ay namalayan ko na lamang ang pagsigid ng sakit sa aking braso dahil sat ama ng espada ng aking kalaban. Napatingin ako sa kanya at natigilan siya sa tangkang pagsaksak sa akin.
“Asya!!!” narinig kong sigaw ni Xenos sa labas.
“Huwag kang papasok!!!” malakas na sigaw ko rin sa kanya. Parang papel na nagniningas ang mga katawan ng lalaking nakakakita ng mukha ko hangang sa parang kandila itong nauupos sa harapan ko.
Napaluhod ako sa lupa at napahawak sa aking braso.
“Bitawan mo ako Cyrus!” narinig kong sambit ni Xenos sa labas ng kublihan. hinila ang puting kumot upang itago ang aking mukha.
“Asya!”
Kaagad niya akong nilapitan.
“May sugat ka! Cyrus! Tawagin mo ang mga mangagamot!” narinig kong sigaw niya.
“Patawarin mo ako…madami ang kalaban na lumusob. Nawalan ako ng pagkakataon na makapasok agad sa kublihan natin.”
Nakita ko ang pagtulo ng dugo sa kamay niya.
“May sugat ka din.”
“Wala ito…ang mahalaga ligtas ka. Kasalukuyan pa silang nakikipaglaban. Ngunit nasaan—”
Napatingin siya sa mga itim na buhangin na kanyang natatapakan.
“Wala na sila.” Walang emosyon kong sagot sa kanya.
“Nakita nila ang mukha ko kaya naging abo na sila. Ganito ang nangyari sa kaibigan mo, Xenos…gusto mo pa rin ba akong dalhin sa kaharian mo sa kabila ng hatid kong panganib sa ‘yong nasasakupan?”
Hindi ko na napigilan ang pagbagsakan ng aking luha. Malinaw na ako ang nais nilang paslangin at dahil doon marami ang nadamay at nasugatan at hindi ko rin alam kung anong dahilan ng galit nila sa akin.
“Asya, bago pa ako magdesisyon na magpakasal sayo ay buo na ang desisyon ko. Hindi maiiwasan ang ganitong labanan sa loob man at labas ng palasyo. Ngunit alam ko wala kang intensyon na manakit ng kahit na sino.”
Napatingin ako sa kanyang mukha. Hindi ko maramdaman na nagsisinungaling siya. Kaya mabilis akong nagtiwala sa kanya dahil pakiramdam ko totoo palagi ang sinasabi niya sa akin.
Maya-maya pa ay dumating na ang mga mangagamot. Sabay nilang ginamot ang sugat naming dalawa. Mabuti na lamang at daplis lang ang sugat namin. Nahiga ako at siya naman ay naupo sa tabi ko. Kakatapos lang namin uminom ng lunas at tapos na rin ang labanan at ini-imbistigahan na ni heneral Cyrus ang nangyari.
“Si Mana?” usisa ko sa natirang mandirigma na naglilinis sa loob ng kublihan namin.
“Yung tagapaglingkod niyo po? Nagamot na po siya kanina sa labas at nagpapahinga na rin ang sugatan mahal na Prinsesa Asya.” Sagot niya sa akin. Dinakot nila ang itim na mga buhangin at inilabas ito sa aming tolda.
“Xenos…anong iniisip mo?” tanong ko sa kanya dahil napansin ko ang paninitig niya sa mga natirang abo ng kalaban.
“Wala…kahit malaki pa ang kagustuhan kong makita ang ‘yong mukha. Hindi ko maaring isantabi ang panganib nab aka matulad ako sa kanila.” Sagot niya. Kinuha niya ang maskara ko sa ibabaw ng mesa at pinagmasdan ito.
“Ngunit sa kabila noon, gusto kong saktan ang aking sarili dahil hindi kaagad kita nagawang iligtas. Kung nasa kundisyon lang sana ang katawan ko baka hindi ka nasugatan. At nagawa sana kitang ipagtangol sa mga nagtangka sa’yo. Labis siguro ang naramdaman mong takot kanina.”
Nag-ipon ako ng hangin sa dibdib. Ang totoo pinipilit ko lang ang maging kalmado ngunit nanginginig pa rin ako sa takot dahil sa nangyari. Nakita ko sa kanyang mukha ang panghihinayang na huli na siyang dumating.
“Huwag kang mag-alala, kaya ko naman protektahan ang aking sarili kahit wala ka. Saka sinubukan mo naman diba? Kaya nga nasugatan ka eh sa pagpupumilit mong makapunta kaagad sa akin.”
Napatingin siya sa akin at napatitig sa mga mata ko. Inabot niya sa akin ang maskara na inayos niya upang masuot ko ulit dahil kasalukuyang nakabalot ang mukha ko ng puting kumot.
“Mangako ka, mangako ka na kahit hindi mo ako kailangan. Pangalan ko ang tatawagin mo kapag nasa panganib ka. Mangako ka Asya.” Sambit niya habang hawak ang kamay ko.
Ngumiti ako sa kanya at marahan na tumango.
“Masusunod kamahalan.”
Nilapitan niya ako at napapikit ako nang kintalan niya ako ng magaan na halik sa noo.
“Magpahinga ka muna. Lalabas ako upang alamin ang sitwasyon ng lahat. Huwag kang mag-alala. May nakapalibot na mandirigma sa likod nitong tolda. At sa tingin ko wala nang mga upahan na magtatangkang kalabanin tayong muli.” Paalam niya sa akin. Hindi ko na siya pinigilan dahil alam kong bukod sa akin may obligasyon din siya sa kanyang nasasakupan. Sana lamang ay marami sa kanila ang nakaligtas lalo na ang mga kasama naming babae sa paglalakbay. Naiwan akong mag-isa at bumigat na rin ang talukap ng mga mata ko hangang sa tuluyan na akong nakatulog.