ASYA
“Kung ganun, totoo nga.”
Napatigil ako sa akmang paglingon sa kanya.
“Totoo nga ang sumpa sa’yo? Akala ko kuwento lang ang lahat ng narinig ko. Sinubukan ko lang kung magagawa mo din sa akin ang ginawa mo sa matalik kong kaibigan. Ngunit dahil sa paghingi mo ng tawad kanina ramdam kong pati ako ay gusto mo ring mahulog sa sumpa at mamatay.”
Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko akalain na may alam pala siya tungkol sa akin.
“Sinong kaibigan ang tinutukoy mo?”
Inabot niya sa akin ang pulang tela na ipinatong ko sa ibabaw ng bato. Kinuha ko ito sa mga kamay niya.
“Si Dektus, ang prinsipe ng Layamer Kingdom na ikinasal sa’yo tatlong buwan na ang nakakaraan. Nanduon ako sa araw ng kasal niyong dalawa at nagpangap akong isang ordinaryong mandirigma ng Layamer Kingdom. Ngunit kinabukasan nalaman ko na lamang na wala na siyang buhay nang ibalik sa kaharian nila. Simula noong araw na yun ay inalam ko ang lahat ng tungkol sa’yo. Nagpasok pa ako ng espeya upang malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng kaibigan ko. At nalaman ko ang totoo.” paliwanag niya sa akin. Ibinalot ko ang pulang tela sa aking mukha.
“Kung alam mo na ang totoo, bakit pumayag ka pa ring magpakasal sa akin? Kung alam mong panganib ang dala ko sa kaharian niyo bakit nais mo pa rin akong dalhin sa palasyo niyo? Nais mo ba akong gantihan sa nangyari sa kaibigan mo?”
Humarap ako sa kanya at napatitig siya sa mga mata ko na tangi lang niyang nakikita.
“Gantihan? Hindi yun ang dahilan. Kilala ko si Dektus. Malupit siya sa mga babae. Kaya ako pumayag sa kasunduang kasal dahil alam kong plano ng ama mo ang pabagsakin ang Astral Kingdom. Habang nasa akin ka, hindi siya magkakaroon ng hakbang. Kahit pa malaki ang tiwala ko sa puwersa ng aming kaharian. Hindi ko isusugal ang buhay ng aking nasasakupan para sa isang digmaan kung saan maraming buhay ang malalagas.”
Tinalikuran niya ako at humakbang siya palayo sa akin.
“Kung ganun, nais mo akong gawing bihag upang hindi makipagdigma si ama sa kaharian niyo?”
Napatigil siya sa paghakbang at bahagyang nilingon ako.
“Hindi ako takot sa digmaan, Asya. Ang kinakatakutan ko ay mga buhay na malalagas dahil sa magaganap na digmaan. Sa isang kaharian hindi lang mahalaga ang lakas ng sandatahan. Mahalaga din ang bawat buhay ng ating nasasakupan. Kung ano man ang layunin ng yung ama sa pakikipagkasundo sa aking ama. Gusto kong matutunan niya na hindi kasakiman sa kapangyarihan ang mahalagang katangian ng isang hari. Wala akong planong saktan ka o gawin kang bihag. Dadalhin kita sa aking palasyo bilang aking kabiyak. Dahil prinsesa ka pa rin ng Celestria Kingdom. Ngunit kapag may ginawa ka sa aking kaharian. Hindi ako magdadalawang isip na paslangin ka.”
Pagkatapos niyang sabihin sa akin ang lahat ng yun ay nagpatuloy na siya sa paglakad palayo sa akin.
“Prinsesa…okay lang po kayo?”
Narinig kong sambit ni Mana nang lapitan niya ako. Tumango ako sa kanya at umalis na ako sa tubig upang magpalit ng damit. Hindi ko maikakaila na pareho kami ng prinsipyo pagdating sa aming nasasakupan. Magiging mabuti siyang hari sa hinaharap. At ako? Hindi ko alam ang naghihintay na kapalaran sa akin sa Astral Kingdom. Alam na niya ang tungkol sa sumpa. At si ama ang nahulog sa kanyang bitag. Sa ngayon hindi ko pa alam ang gagawin ko. Siguradong iiwasan niyang makita ang mukha ko dahil sa sumpa.
Pagkabalik ko ay naitayo na ang tent na gagamitin namin sa pamamahinga. Iginiya ako ni mana patungo sa malaking pahingahan na gawa sa tolda kung saan ako matutulog.
“Maiwan ko na po kayo mahal na prinsesa, kung may kailangan kayo. Ipatawag niyo na lamang po ako sa kawal na magbabantay dito sa labas.
Pagpasok ko sa loob ay nadatnan ko siyang nakaupo sa upuan at umiinom ng tsaa. May malaki ding kawayan na higaan at makapal na tela na sapin nito.
“Maupo ka.” Utos niya sa akin. Lumapit ako sa kanya at naupo ako sa tapat niya. Sinalinan niya ako ng tsaa sa maliit na tasa.
May inabot siyang kuwadradong kahoy na lagayan at binuksan ito. Nakita ko ang kulay pulang maskara na hugis paro-paro. Napapalibutan ito ng gintong desenyo at napakaganda nitong tignan.
“Ito muna ang gamitin mo pagbalik natin sa palasyo. Mas madali mo itong maikakabit kumpara sa tela na nakabalot sa buong ulo mo. Mas maghihinala sila kapag nakita ka nilang ganyan.” Paliwanag niya sa akin. Tumayo siya at umikot sa likod ko. Tinangal niya ang palamuti na nagsisilbing tali ng tela sa ulo ko. Unti-unti niyang tinangal paikot at ipinatong sa ibabaw ng mesa. Kakaiba ang pagtibok ng puso ko sa bawat pagdaiti ng kanyang balat sa akin. Inayos niya ang mahaba at halos basa ko pang buhok at kinuha ang maskara at marahan niyang ikinabit sa akin at itinali sa likod ng ulo ko. Sinalat ko ang aking mukha. Tama nga siya. Mas maganda at mas magaan itong gamitin kumpara sa tela. Kahit mata at labi ko lang ang kita mas maayos akong makakahinga. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Nag-iinit ang aking mga mata at parang gustong dumaloy ng aking luha.
Pagkatapos niyang ikabit ang maskara ay bumalik siya sa kanyang upuan. Niyuko ko ang aking mukha dahil natatakot pa rin akong tumalab ang sumpa.
Ngunit hinawakan niya ang baba ko at inangat ang aking mukha. Sumilay ang kanyang ngiti sa labi.
“Anong ibig sabihin ng ngiti mo?”
“Wala lang, bagay sa’yo ang maskara.”
Mula sa baba ay itinaas niya ang kamay at hinawakan ang aking pisngi. Nasa mukha lang niya ako nakatingin dahil napakalapit na niya sa akin.
“Hindi ka ba natatakot na pakasalan ang babaeng isinumpa na gaya ko? Alam mo bang maaring matapos ang buhay mo dahil sa akin kapag naisipan kong tangalin ang maskarang ito?”
Umiling siya sa akin.
“Marami kang pagkakataon pero hindi mo ginawa. Ibig sabihin, hindi mo rin nais na gawin ang ini-utos sayo ng yung ama.” Sagot niya sa akin. Pakiramdam ko kaya niyang basahin ang laman ng isip ko.
Hinawakan ko ang kamay niyang nakahawak sa aking pisngi at ibinaba ito. Tumayo ako at nagtungo sa higaan upang maupo.
“Xenos, hindi ako ang babaeng nararapat para sa’yo. Kaya matatangap ko kung maghahanap ka ng ibang magiging asawa. Isang taon na lamang ang natitira sa buhay ko. At hindi ko alam kung paano aalisin ang sumpa sa akin. Kaya wala ng rason upang manatili ako sa tabi mo. Dahil alam mo na naman ang tungkol sa akin.”
Narinig ko ang pagsinghap niya at tumayo siya at lumapit sa akin. Naupo siya sa aking tabi. Ilang sandali siyang natahimik kaya napatingin ako ng derecho sa kanyang maamong mukha. Nanatili siyang nakatitig sa akin. Bumaba ang tingin niya sa aking labi at nakita ko ang paglunok niya.
“Asya, bakit hindi natin umpisahan sa isang halik.”
Umawang ang aking labi sa sinabi niya. Halik? Hindi ko pa nararanasan yun. At hindi ko alam kung ano ang magiging epekto nito sa kanya.
Bago pa ako makapagsalita ay nasa batok ko na ang kamay niya. Kinabig niya ang likod ko at ilang saglit lang ay bihag na niya ang aking labi.
Nanatili akong nakadilat dahil hindi ko inaasahan na ganito ang magiging epekto ng kanyang ginawa sa akin. Naramdaman ko ang malambot niyang labi at nagsimula itong gumalaw. Hangang sa tuluyan ko na ring ipinikit ang aking mga mata. Sumayaw ang aming labi na parang t***k lang ng puso ko ang nagsisilbing musika.
Ngunit ilang sandali lang ay naramdaman ko ang pagbitaw niya sa aking batok hangang sa tuluyang naghiwalay ang labi naming dalawa. Nang idilat ko ang aking mga mata ay hindi ko inasahan ang sumunod na nangyari. Napahiga siya sa higaan at tuluyang nawalan ng malay.
“X-Xenos—Xenos!!!”