ASYA
Nang matapos ang seremonya ng kasal ay nag-umpisa na rin ang pagtitipon. Habang lumilipas ang mga oras lalo lamang nadadagdagan ang aking pangamba sa magaganap sa aming dalawa mamaya. Panay ang sulyap ko sa lalaking ngayon ay kabiyak ko na. Bibihira lang siya magsalita kapag kinakausap lang siya ng mga matataas na katungkulan sa palasyo. Ngayon ay kausap naman niya si ama at ang hari ng Astral Kingdom. Hindi ko alam kung ano man ang pinag-uusapan nila. Dahil ang alam ko lang mahalaga ang magiging tungkulin ko sa plano ni Ama.
Napalingon ako nang dumating si Kuya Silas.
“Asya, gusto ng prinsipe ng Astral Kingdom na doon kayo mamalagi pagkatapos ng piging na ito.” pahayag niya na hindi ko inasahan. Ito ang unang beses na doon ako sa palasyo ng aking naging asawa.
“At payag si ama?” tanong ko sa kanya. Marahan siyang tumango sa akin kaya hindi ko maiwasan ang mangamba.
“Huwag kang mag-alala. Pagkatapos ng libing ni Xenos. Kaagad ka naming kukunin sa Astral Kingdom. Bago umpisahan ni ama ang digmaan ay ililigtas ka muna namin.” dagdag na paliwanag niya. Kahit tumutol pa ako wala na rin yung halaga. Asawa na ako ng Prinsipe Xenos. Kaya siya ang masusunod.
“Kuya, kung ano man ang mangyari sa akin sa Astral Kingdom. Huwag mong pababayaan si ama at ina. Ikaw ang susunod na hari ng Celestria Kingdom. Kaya maging malakas kang hari. Ngunit huwag mong hahangarin ang higit pa doon. Ang malaking ambisyon ay nangangailangan ng mas malaking sakripisyo. Piliin mo ang ating nasasakupan hindi ang pansariling interest. Isang taon na lamang ang natitira sa aking buhay. Hangang ngayon hindi ko pa rin alam kung paano mawawala ang sumpa sa akin. Ang nais ko na lamang bago mawala sa mundong ito ay ang kahilingan ko kay ama pagkatapos ng kasal na ito.”
Humarap siya sa akin at nanatili siyang nakatingin sa akin.
“Mahal ka ni ama. Hindi mo man maunawaan yun sa ngayon. Pero sa maniwala ka at hindi kasama sa layunin niya ang sumpa sayo ng babaeng yun.” Paliwanag niya. Kinagat ko ang ibabang labi upang pigilan ang aking emosyon.
“Alam ko yun Kuya Silas, kaya ginagawa ko ang lahat ng ito. Dahil sa inyong lahat. Isa akong prinsesa ng ating kaharian. Mahalaga sa akin ang ating nasusukan. Kahit buhay ko kaya kung isugal para sa kaharian. Sana lamang tama si ama sa naging pasya niya.”
Natigil kami sa pag-uusap nang dumating si Prinsipe Xenos.
“Kailangan na nating umalis.” Sambit niya. Napatingin siya kay Kuya Xenos.
“Ingatan mo ang prinsesa. Nawa’y maging masaya ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, Prinsipe Xenos.” bilin niya. Kung tunay lang sana ang kanyang hangarin baka maramdaman ko ang pagiging sensero ng kanyang sinambit. Ngunit kasinungalingan lang ang lahat ng ito.
“Huwag kang mag-alala Prinsipe Silas. Walang ibang mananakit sa prinsesa habang ako’y nabubuhay.”
Dahil sa kanyang tinuran ay napatingin ako sa kanyang mukha. Hindi ko alam kung mula sa puso ba niya ang kanyang mga sinambit. Nanatiling seryoso ang kanyang mukha. Nagbigay siya ng respeto sa aking kapatid pagkatapos ay inilahad na niya ang kanyang kamay sa akin.
“Tayo na, aabutin ng tatlong araw ang paglalakbay patungo sa Astral Kingdom.” saad niya. Ipinatong ko ang aking kamay sa kanya. At lumakad na kami palabas ng bulwagan.
Nilingon ko sila ama at si ina ngayon ay umiiyak dahil ito ang unang beses kong aalis ng palasyo. Nagkausap na kami kanina ni ina at sinabihan niya ako na mag-iingat ako. Pero hindi ko pa rin maiwasan ang mapaluha dahil mahihiwalay ako sa kanila.
Sumakay kami sa karwahe na may anim na putting kabayo. Kasunod na namin ang ibang mandirigma na mula sa Astral Kingdom. Lahat sila ay lulan ng mga kabayo dahil malayo pa ang lalakbayin naming lahat.
Binuksan ko ang maliit na bintana upang tanawin ang paglabas namin ng Celestria Kingdom. Nanlalabo ang mga mata dahil pakiramdam ko ito ang huling sulyap ko sa aming kaharian. Humikbi na lamang ako dahil sa magkahalong emosyon na aking nararamdaman.
“Hindi mo kailangan tumangis ng ganyan. Kung nais mong bumalik dito malaya mo yung magagawa.” narinig kong sambit niya.
Napatingin ako sa kanya at nanatiling derecho ang mga mata niya sa harapan.
“Pareho tayong napilitan sa kasunduan na ito. Para sa kapayapaan ng ating mga kaharian. Ngunit kung hindi natin paninindigan ang ating naging pasya. Mas mahihirapan tayong tangapin ang isa’t-isa.” paliwanag niya sa akin. Kung alam lang niya ang dahilan kung bakit ako pumayag. Kakausapin niya pa kaya ako ng ganito?
“Naintidihan ko, Xenos.” Nakayukong sambit ko.
Halos anim na oras na kaming nasa paglalakbay nang tumigil ang karwahe. Bumaba siya at nagpunta sa harapan. Maya-maya pa ay bumalik na siya.
“Dito muna tayo magpapalipas ng gabi. May malapit na mainit na bukal dito. Kung gusto mong magpalit ng kasuotan. Huwag kang mag-alala palilibutan ko ng mga mandirigma ang itaas ng bukal upang walang gumambala sa’yo.” wika niya sa akin. Bumaba ako sa karwahe at lumapit sa akin si Mana. Siya ang personal kong tagapaglingkod na kasama ko patungo sa Astral. Dala niya ang pamalit kong kasuotan.
“Maraming salamat Xenos.” usal ko. Itinaas ko ang laylayan ng mahaba kong damit pangkasal at sumunod ako sa kanya.
“Kayong lahat! Ihanda ang kubol! Magpapahinga ang prinsipe at prinsesa! Ang iba ay sumunod sa bukal at bantayan ang bukana!” narinig kong sigaw ng lalaki na kanina ay nasa unahan naming hanay.
“Ipinahanda ko na kay Heneral Cyrus ang lahat. Kaya pagbalik mo galing sa bukal ay may matutulugan na tayo.”
Handang-handa sila sa paglalakbay namin. Pati nag hihintuan namin ay may Magandang lokasyon din upang makapag-pahinga.
Inilahad niya ang kamay niya sa akin.
“Malubak ang dadaanan natin pababa ng bukal kaya humawak ka sa kamay ko.” Sambit niya. Sinunod ko ang kanyang nais. Pababa ng bundok ang tinungo namin at nahirapan pa ako dahil sa suot ko ngunit sinigurado niya ang kaligtasan ko.
Nang makababa kami sa mabatong bahagi ng lupa at bumungad sa akin ang bukal. Nalililiman ng malagong puno. Kaya hindi basta makikita ng mga nasa itaas. May mga bato din sa buong paligid kung saan puwede akong magpalit ng kasuotan.
“Maiwan muna kita dito. Babalikan kita mamaya. Aayusin ko lang ang lahat. Kapag nagkaproblema tawagin mo lang ako.” Bilin niya sa akin. Hindi ko maiwasan ang mapangiti sa hindi malamang dahilan.
“Tayo na mahal na prinsesa.”
Napunta kay Mana ang atensyon ko. Siya naman ang umalalay sa akin sa likod ng malaking bato. May dala siyang malaking sulo. Ngunit kita ko naman ang daraanan dahil bilog na bilog ang buwan.
“Ang palad niyo mahal na prinsesa. Napakakisig ni Prinsipe Xenos. Tapos inaalala ka pa niya. Masaya ako para sa inyo.” Nakangiting sambit niya habang tinutulungan niya akong maghubad ng kasuotan.
“Salamat.”
Nag-umpisa akong maligo sa bukal. Gumaan ang aking pakiramdam sa mainit na tubig at malamig na hangin na sumasamyo sa aking balikat. Dahil nilublob ko sa tubig ang aking katawan. Nanatiling nakatakip ang aking mukha.
“Mana, maaari mo ba akong iwan? Gusto kong alisin ang takip ng aking mukha.” Wika ko sa kanya.
“Sige mahal na prinsesa. Doon lang ako sa malayo tawagin niyo na lamang ako kapag natapos na kayo.” Paalam niya sa akin at kaagad siyang umalis. Inumpisahan kong alisin ang takip ng aking mukha at ipinatong ko sa ibabaw ng bato ang tela.
Nagsahod ako ng tubig sa palad at isinamyo ko sa aking mukha. Kumawala ang mahaba at itim kong buhok sa tubig. Mas masarap sa aking pakiramdam ang maligo ng ganito. Lalo pa’t masarap din ang tubig sa bukal.
Ipinikit ko ang aking mga mata upang pakiramdaman ang buong paligid. Tanging huni ng ibon at mga insekto lang ang madidinig. Nang dumilat ako ay laking gulat ko nang makakita ako ng malaking ahas na nakaikot sa sanga ng puno sa ibabaw ng ulo ko. Bumitin ang kanyang ulo pababa malapit sa akin.
“Tulong!” sigaw ko dahil sa labis na takot. Ibinaba ko ang katawan ko sa tubig nang may maramdaman akong papalapit sa kinaroroonan ko.
Hangang sa isang nag-aapoy na palaso ang biglang lumitaw at kitang-kita ko kung paano ito bumaon sa ulo ng malaking ahas. Kumawala ito sa sanga hangang sa tuluyang nahulog sa tubig.
“Aahhh!”
May narinig akong tumalon sa tubig at sinubukan kong makaalis ngunit hindi ganun kadali dahil wala akong anumang saplot sa katawan.
“Prinsesa!” narinig kong tawag ni Mana.
“Huwag kang lalapit sa akin!” sigaw ko sa kanya nang marinig ko ang papalapit niyang boses. Ayokong pati siya ay mamatay kapag nakita niya ang aking mukha.
“Asya, ako ito.”
Napatigil ako sa paghakbang nang marinig ko siya sa aking likuran.
“Wala na ang malaking ahas. Itinapon ko na ito palayo. Huwag ka nang matakot.” Sambit niya. Nangilid ang aking luha. Akala ko talaga manganganib na ako ng tuluyan hindi ko alam kung patay na ba yung ahas, kaya ako natakot. Bigla kong naalala ang sinabi ni ama. Ito na ba ang tamang oras upang makita niya ang aking mukha?
Kaya ko bang gawin sa kanya ang bagay na ito? Naramdaman ko ang paglapit niya dahil sa pagalaw ng tubig.
“Paki-usap…huwag kang lumapit sa akin.”
“Bakit? Asawa mo na ako Asya. Kaya hindi mo na kailangan itago sa akin ang lahat.” Mariin akong napapikit. Pakiramdam ko hindi ko kaya. Kapag hinarap ko siya ngayon. Siguradong matatapos ang kanyang buhay. Pero yun naman talaga ang gusto ni ama. Kaya bakit kailangan kong mag-alinlangan?
Yun ang dahilan kaya ako pumayag na magpakasal. At kapag namatay na siya. Hihina ang kanilang puwersa at magkakaroon na si ama ng pagkakataon na masakop ang Astral Kingdom.
“Xenos…patawad.”