XENOS
Lubog na ang araw nang marating namin ang Astral Kingdom. Magkahalong pananabik at saya ang aking nararamdaman sa mga oras na ito dahil nakabalik na rin ako sa palasyo.
“Ikinararangal kita anak ko, hindi mo lang naipanalo ang digmaan laban sa Yastreo at Guenera. Napauwi mo din ang ibang mga alipin at nagpatibay mo ang relasyon ng Astral Kingdom sa Emperyo.” Papuri ni ama. Pagkarating ko dito sa Astral ay kaagad akong nagpunta sa tangapan niya upang ihatid ang mahalagang balita. At nagagalak akong malaman na masaya siya sa aking naging tagumpay.
“Anak, wala ka bang naging pinsala sa pakikipaglaban mo?” nag-alalang tanong ni Ina.
“Hindi maiwasan sa digmaan ang masaktan at masugatan ina. Ngunit naging maagap ang mga mangangamot na kasama namin sa digmaan upang akoy malunasan at makauwi ng buhay.”
“O siya, alam kong pagal pa ang ‘yong katawan sa paglalakbay. Kaya umuwi ka na sa yong tirahan at siguradong nag-alala na sayo ang prinsesa.” Nakangiting turan ni ama. Magalang akong nagpaalam sa kanilang dalawa.
Nasasabik na rin akong makitang muli si Asya. Kahit nasa malayo ako ni minsan ay hindi siya nawala sa aking isip.
Kaya mabilis na tinungo ko ang aming tirahan upang makita siya. Naka-ilang katok pa lamang ako ay bumukas ang agad ang pinto at bumungad sa akin si Asya.
“Mahal ko…nandito na ako.”
Hindi ko na siya inantay na sagutin ako at may pananabik ko siyang niyakap. Naramdaman ko din ang pagyakap niya sa beywang ko.
“Mahal ko, mabuti naman at nandito ka na.” sambit niya. Hinaplos ko ang mahaba niyang buhok at kinintalan ko siya ng halik sa kanyang noo.
“Marami akong ikukuwento sa’yo sa naging paglalakbay ko. Ngunit maaari naman yung makapaghintay bukas. Kaya nais kong magkaroon muna ng oras para sa’yo.” Ani ko.
Muntik na akong linlangin ng aking puso nang makilala ko si Asyana ang prinsesa ng Guenera. Ngunit nang huli kaming mag-usap bumalik sa alaala ko na minsan ko na rin siyang nakilala noon kaya siguro iba ang pakiramdam ko nang magkita kaming muli. Kung hindi nabangit sa akin ni Cyrus na siya ang nakilala ko dati baka inalam ko pa ang lahat sa kanya. Ngunit mas naging matimbang sa akin ang pinadalang sulat ni Asya kaya nagmadali akong makabalik.
Nagpahanda ako ng panligo upang maglinis ng aking katawan. Kahit pagod at may mababaw na sugat ay nais kong mapawi ang pananabik ko sa kanya. Dahil ramdam kong ganun din siya sa akin.
Pagkatapos kong maligo ay nagsuot lang ako ng roba upang itago ang hubad kong katawan. Tinangal ko na rin ang halamang gamot sa aking sugat dahil tuyo na ito.
Pagbalik ko sa aming silid ay nakita ko siyang nakaharap sa bintana at nakasuot ng manipis na pantulog sa katawan. Lumapit ako sa kanya at dinampian ko ng halik ang kanyang balikat.
“Nabalitaan ko kayCyrus na nagtungo kayo sa Templo ng Sion upang magdasal sa pagdadalang tao mo. Nag-aalala ka ba na hindi mo ako mabigyan ng anak?”
Humarap siya sa akin at dinala ko ang kanyang kamay sa aking leeg. Hinawakan ko ang kanyang pisngi na may itim na maskara at pinagmasdan ko ang kanyang mga at labi. Sumagi sa isip ko ang mukha ni Asyana. Kahit hindi ko naman ito iniisip.
“Mahal ko, sabi ni Maliyah kailangan na nating magkaroon ng anak. Siya na daw ang bahalang pigilan ang pagdaloy ng sumpa sa magiging tagapagmana mo. Kaya paki-usap, kahit yun lang magampanan ko bilang yung kabiyak.”
Napangiti ako sa kanyang mga sinabi. Yun din naman ang nais ko. Ang magkaroon kami ng anak. Kaya hindi na niya kailangan pang ipaki-usap sa akin ang bagay na yun. Pina-ikot ko ang aking braso sa kanyang manipis na beywang. At kinabig ko ang kanyang batok upang ang angkinin ang kanyang labi. Ngunit nang ipikit ko ang aking mga mata ay naisip ko na naman ang malambot na labi ni Asyana nang iligtas ko siya sa pagkalunod kaya napahiwalay ako ng halik sa kanya.
“Bakit?” nagtatakang tanong niya sa akin nang bitawan ko siya. Pakiramdam ko nanibago ako sa paraan ng halik niya. Hindi na ito kagaya ng dating halos lumabas na ang puso ko sa lakas ng pagtibok nito sa tuwing hinahalikan ko ang kanyang labi. Bagkus isang babae ang paulit-ulit na dumadaan sa aking isip. Ang mabini niyang paglakad sa bulwagan noong gabing yun. Ang kanyang Magandang mukha at ngiti sa labi. At ang masarap sa pandinig na kanyang boses. Bakit? Bakit ganito ang nararamdaman ko? Hindi kaya nagtataksil na ang aking puso? Ngunit hindi maari ito dahil alam kong si Asya lang ang mahal ko.
“Kung pagod ka, puwede naman sa ibang araw mahal ko. Kaya kong maghintay…” sambit niya.
“Patawad, ayokong maghintay dahil sabik na ako sayo Asya.”
Binuhat ko siya at marahan na inihiga sa higaan. Pinatay ko ang labis na liwanag at naupo ako sa gilid ng kama at hinawakan ko ang mga kamay niya. Hangang sa may napansin akong bagay na wala sa kanya.
“Hindi mo ba sinuot ang polceras na ibinigay ko sa’yo?” usisa ko dahil wala ito sa kanyang pulsuhan.
Umangat siya at bumangon kaya halos isang dangkal na lamang ang mukha naming dalawa.
“M-Mahal ko, naiwala ko sa templo ang polceras. Patawarin mo ako.” Sambit niya. Napasinghap ako dahil pinaghirapan kong gawin ang bagay na yun tapos naiwala lang niya.
“Galit ka ba? Patawad kung gusto mo babalikan ko na lang para hanapin—”
“Hindi na kailangan, mas mahalaga ka sa akin. At isa pa marami pa naman akong oras upang gumawa ng panibago kaya huwag kang mag-alala.” Pilit na ngiti ko upang hindi na niya sisihin ang sarili kahit na sa loob-loob ko ay hindi ko maiwasan na magtampo dahil mahalaga sa akin ang bagay na ito. Ito ang naging lakas ko nang magtungo kami sa digmaan kaya pinilit kong mabuhay upang makabalik ng ligtas. Ngunit para sa kanya hindi man lang niya nagawang ingatan.
Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi.
“Patawad, hindi na mauulit mahal ko.” Sambit niya. Inilapit niya ang kanyang labi hangang sa siya na ang humalik sa akin. Pinilit kong ituon kay Asya ang aking isip at gumanti ako ng halik sa kanya.
Ngunit nang ihihiga ko na siya ay malakas na katok sa pinto ang nagpatigil sa akin. Napilitan akong bumangon upang tunguhin ito.
“Ama? Ina? Anong ibig sabihin nito?” naguguluhan na tanong ko sa kanila may kasama pa silang mga kawal.
“Hulihin niyo ang traydor na Prinsesa ng Celestria!” singhal ni ama na ikinagulat ko. Bago pa sila makakilos papasok sa loob ay humarang na ako.
“Anong ibig sabihin nito?! Pupunta kayo dito at bigla niyong huhulihin si Asya? Sa anong dahilan ama!?” singhal ko sa kanya.
Inabot sa akin ni ama ang puting papel at kaagad ko itong binasa. Nakasaad doon na ang prinsesa ay may dalang sumpa at magdadala ng kalbaryo sa buong kaharian ng Astral.
“Totoo ba ang nakasaad sa liham na yan Xenos?! Totoo bang may dalang sumpa ang babaeng pinakasalan mo?!” nangangalit na sigaw ni ama. Napalingon ako kay Asya at nakita ko ang takot sa kanyang mga mata.
“Hindi ito totoo ama—”
“Sinungaling! Kung tama ang nakalap kong imbestigasyon na ang prinsesang yan ay may dalang sumpa ang maganda niyang mukha. Ibig sabihin kasinungalingan ang sinabi mo noon!”
“Isa lang ang paraan para malaman natin ang totoo. Ang patunayan mo ito sa amin Asya. Tangalin mo ang yung maskara. Inuutusan kita.” Wika ni Ina.
“Hindi! Ina, ama, napag-usapan na namin ang bagay na yan. Hindi siya magdadala ng kalabaryo sa ating kaharian—”
Napatigil ako sa pagsasalita nang pagbuhatan niya ako ng kamay. Dahil s amalakas na suntok niya ay napabaling ako ng mukha at naramdaman ko pa ang pagputok ng aking labi.
Binalingan ko si Asya.
“Please…huwag mong gawin…” paki-usap ko sa kanya. Dahil baka sundin niya si Ina at mapahamak silang lahat.
“Hulihin siya!”
Wala na akong nagawa nang sabay-sabay na pumasok ang kawal at lagyan ng rehas ang mga kamay ni Asya. Masakit man sa akin ngunit wala akong magawa dahil si ama na hari na mismo ang may utos nito.
“Itigil niyo yan!” pigil ko sa kanila ngunit may espada na humarang sa akin.
“Subukan mong iligtas ang babaeng yan. Pati ikaw ay mapaparusahan ko Xenos. Malaki ang naging kasalanan mo dahil inilihim mo ito sa amin. At dahil sa nangyaring ito mapipilitan tayong lumaban sa isang digmaan laban sa Celestria.” Pahayag ni ama. Hinawakan ko ang talim ng kanyang espada.
“Ama, magtiwala kayo sa akin. Hindi magagawa ni Asya ang iniisip niyo. Totoo ang sumpa ngunit hindi niya magagawa ang manakit ama.
“Si Maliyah! Kaya ba hindi na nakabalik ito dahil nauna mo na siyang paslangin?” Akusa ni Ina.
“Mahal na reyna, maniwala kayo kay Prinsipe Xenos, wala akong intention na gumawa ng masama. At hinding-hindi ko magagawa ang pumaslang. Kaya paki-usap…itigil niyo po ito. Dahil siguradong lalo lamang marami ang mamatay kapag natuloy ang digmaan.” Nangingilid ang luhang sabi ni Asya sa kanila.
“Mahal na Hari!”
Napatingin kami kay Cyrus dahil sa biglaan na pagdating niya. Yumuko siya kay ama at napatingin siya sa akin.
“Ang Celestria kingdom, naglalakbay na ang kanilang hukbo patungo dito! Sabi ng pinadala nating espeya. Bukas bago lumubog ang araw siguradong nandito na sila upang sakupin tayo!” Imporma niya.
“Ano!?” bulalas ni ama. Napakuyom siya ng kanyang kamao at lumapit kay Asya kaya namagitan ako sa kanilang dalawa.
“Ikulong niyo ang babaeng yan. Gagawin natin siyang bihag sa digmaan. At ikaw Xenos, mamili ka. Ang kaligtasan ng buong kaharian ng Astral na yung paghaharian sa hinaharap. O ang sinumpang babaeng yan? Pag-isipan mong mabuti. Ikaw ang magiging hari ng Astral. Kapag naging mahina ka dahil lang sa isang babae. Hinding-hindi ka magiging matatag na hari balang araw.”
Pagkatapos sabihin yun ni ama ay tinalikuran na niya ako at sumunod na rin si Ina.
“Cyrus, ihanda ang hukbo!” narinig kong utos niya dito bago siya tuluyang umalis. Napalingon ako kay Asya. Hindi ko halos kaya na makita siya sa ganitong kalagayan.
“Huwag kang mag-alala mahal ko. Po-protektahan ko ang kaharian ng Astral.” Sambit niya. Nagawa ko siyang sugurin ng yakap.
“Asya, huwag kang mag-alala. Kakausapin ko si ama at ina. Manatili ka muna sa piitan gagawa ako ng paraan upang mailabas ka doon naunawaan mo ba?”
Hinawakan niya ang aking pisngi at dinala ko ang kamay niya sa aking labi.
“May tiwala ako sa magiging desisyon mo, mahal ko.” Nakangiting sambit niya.
Wala akong nagawa nang tuluyan siyang ilabas ng aking silid.
Nangako ako sa kanya. Nangako akong kahit ano man ang mangyari ay poprotektahan ko siya at hindi ko siya hahayaan na masaktan. Ngunit paano ko gagawin yun kung kaharian na niya ang magtatakda ng kaguluhan? Wala akong magagawa kundi lumaban at ipagtangol ang Astral Kingdom kahit magdulot pa ito ng pighati kay Asya. Kailangan kong tapusin ang kanilang hari na kanyang ama.