ASYANA
Palubog na ang araw nang makarating ako sa tarangkahan ng Emperyo ng Guenera. Malaki na ang pinagbago nito ngayon ay mas maunlad na ito at hindi ko na halos matanaw ang lawak ng palasyo sa laki nito. Limang taon lang kami ni Malyana nang umalis kami dito. Tandang-tanda ko pa ang araw na yun. Hindi maampat ang pagluha naming dalawa dahil pilit nila kaming inilalayo sa palasyo. Ayaw pumayag ni Ina ngunit wala siyang magawa dahil natatakot si ama sa naging sumpa sa amin.
At ngayon nagbalik na ako.
“Magpakilala ka.” Utos sa akin ng tagabantay sa tarangkahan ng palasyo.
“Buksan niyo ang tarangkahan. Ako, si Asyana. Ang prinsesa ng kaharian na ito.”
Nagkatanginan silang dalawa dahil sa sinabi ko.
“Kung hindi kayo naniniwala. Ipatawag niyo ang reyna ng Guenera.”
Pumasok ang isa sa bantay upang mag-utos sa loob na bantay. Pagkatapos ay lumabas ulit ito at nanatili sila sa pagharang sa akin. Magkahalong kaba, at pananabik ang aking nararamdaman. At hinanda ko na rin ang aking sarili kung sakali man na hindi niya ako kilalanin bilang kanyang anak.
Bumaba ako sa kabayo at naiinip na nagpalakad-lakad sa harapan nila. Sinusundan ako ng tingin ng taga-bantay.
Maya-maya pa ay bumukas muli ang tarangkahan. Isang babae ang lumabas. Nanatiling maganda ang kanyang mukha sa paglipas ng mga taon.
“A-asyana? I-ikaw na ba ‘yan?” nangingilid ang luhang tanong niya sa akin. Hindi ko na rin napigilan ang aking emosyon at bumaha na rin ang aking luha. Ipinakita ko sa kanya ang tanda ng pagiging prinsesa. Ang tanda na kaming tatlo lang ni Malyana at ina ang mayroon.
Napatakip siya sa kanyang bibig dahil sa pagkamangha.
“I-ikaw nga…Ikaw ang anak ko!”
Sinugod niya ako ng yakap, mahigpit na yakap ng ina na nangungulila sa kanyang anak. Wala pa rin itong pinagbago mainit pa rin at masarap ang yakap ni Ina.
“W-wala na ang sumpa? P-Paano? Anong nangyari? Buhay ka…ang laki mo na at ang ganda-ganda mo…anak” humihikbing sambit niya.
“Ina, wala na ang sumpa. Maari na ba akong bumalik dito sa palasyo at makasama kayo ni ama?”
Muli niya akong niyakap nang mahigpit. Dumating din si ama at nagulat nang makita niya ako.
“A-asyana? Ikaw nga ba yan?” hindi makapaniwalang tanong niya sa akin. Bumitaw si ina sa akin at nilapitan ko si ama.
“Ama, ako nga. Ang prinsesa niyo…”
Niyakap niya din ako at hinagod ang buhok ko.
Pagkatapos ng madamdamin naming tagpo sa labas ay pinapasok na nila ako sa loob. Dinala ako ni Ina sa dati kong silid.
“Umasa ako na babalik kayong dalawa. Hindi ako tumigil sa paghahanap sa inyo. Ngunit maraming taon na rin ang lumipas. Kaya tinangap ko na lamang na nawalan ako ng mga anak…ngunit hindi ko hinayaan na mawala ang ala-ala niyo sa akin. Kaya habang lumilipas ang panahon. Pinanatili ko ang ganda ng silid niyo ni Malyana. Nang sa ganun kung sakali man na ibalik kayo sa akin ng maykapal ay may matutuluyan kayo dito sa kaharian.” Madamdaming sambit ni Ina.
“Ina, maraming salamat po. Masaya akong makabalik dito. Ngunit…hindi ko maalala ang nakalipas na ilang taon ng aking buhay. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin. Ang huli ko lang naalala pilit akong dinala ng mga bandido. At nagkahiwalay na kami ni Malyana. Hanapin natin siya Ina, malakas ang kutob ko na buhay pa siya.” Wika ko kay Ina. Tumango siya sa akin.
“Ngunit saan ka ba nangaling anak?” usisa ni ama.
“Sa itim na bundok po. Sabi noong dating naninilbihan dito sa palasyo na nagligtas sa akin. Nakita niya daw akong palutang-lutang sa mahiwagang tubig ng kuweba. Akala daw niya patay na ako ngunit dinala niya ako sa kanyang kubo. Bihisan at ginamot niya ang mga sugat ko. Ama, maaari ba akong humiling na magpadala kayo ng mga mandirigma sa bundok at dalhin niyo dito ang matandang yun?”
Nagkatinginan sila ni Ina.
“Anak, sigurado ka ba talaga na doon ka nangaling? Ngunit, hindi basta-basta ang pagpasok sa bundok na yun. Delikado ito para sa normal na tao.” Wika ni Ina.
“Normal na tao? Ngunit wala namang panganib kaming nasagupa doon bukod sa itim na kulay ng mga halaman.”
“Marcus.” Tawag ni ama. Pumasok ang lalaking tinawag niya.
“Magpadala kayo ng mga mandirigma sa itim na bundok at suyudin niyo ito upang hanapin ang matanda na sinasabi ng Prinsesa. Dalhin niyo siya dito ng ligtas.” Utos ni ama sa kanya.
“Masusunod Emperador, ngunit may nais po akong sabihin sa inyo tungkol sa digmaan sa Yastreo. Kakarating lang ng balita. Natalo na nila ng buong pwersa ng yastreo sa pangunguna ni Prinsipe Xenos. At baka bukas ay nakabalik na sila ng emperyo.”
Xenos? Parang pamilyar sa akin ang kanyang pangalan. Parang narinig ko na ito dati.
“Magaling, hindi ako nagkamali na piliin siya. Batid kong magiging tanyag at malakas siyang hari ng Astral sa hinaharap. Bukas ay magkakaroon tayo ng malaking piging para sa pagbabalik ng prinsesa at para sa pagkapanalo ni Prinsipe Xenos sa digmaan. Kaya ngayon pa lang ay gawin niyo na ang paghahanda.”
“Masusunod Emperador!”
Napahawak ako sa aking ulo dahil sa pagsigid ng sakit nito.
“Anak? Ayos ka lang ba?” nag-alalang tanong ni Ina.
“Wala po ito ina, sumakit lang ang ulo ko.” Sagot ko sa kanya.
“Bago ka magpahinga, magpapadala ako dito ng tagapaglingkod para sa pagligo at sa pagkain mo. Pati na rin lunas sa nararamdaman mo. Nang sa ganun bukas maayos na ang gising mo. At ihanda mo rin ang yung sarili para sa magaganap na pagtitipon sa buong emperyo.”
Ngumiti ako sa kanya at tumango. Pagkatapos ay iniwan na nila ako. Inilibot ko ang aking paningin sa kabuohan ng aking silid. Mas gumanda at lumaki pa ito kumpara dati. Tumayo ako at lumapit sa malaking salamin.
Pinagmasdan ko ang kabuohan ko. Ngayon ko pa lamang nakita ang aking sarili at masasabi kong minana ko ang aking kagandahan sa aking ina. Ang mala-gatas kong balat. Ang makinis kong mukha at matangos na ilong. Ang natural na mapulang labi. Mga matang kakulay ng langit sa gabi na may mahahabang pilik.
Natigil ang pagtitig ko sa aking sarili nang magdatingan ang mga tagapaglingkod. May hawak pa silang kasuotan na sa tingin ko ay damit pantulog.
“Mahal na prinsesa, nakahanda na po ang inyong pampaligo.” Wika niya.
Ngumiti ako sa kanya at sumunod.
Naging mapayapa ang pagtulog ko dahil sa ginawa nilang pag-aasikaso sa mga kailangan ko. Nagising akong magaan ang aking pakiramdam at bumalik na din ang lakas ko. Napatingin ako sa bintana ng aking silid. Gusto kong makita mula dito ang kabuohan ng emperyo. Kaya sumilip ako sa bintana. Suminghap sa malamig na hangin. At inilibot ko ang aking paningin.
“Mahal na prinsesa, ipinapatawag na po kayo ng inyong inau pang sumabay na kumain. Kailangan niyo na pong magbihis ng damit.”
Pumasok sila at inayos ang tulugan ko. Saka nila ako hinubaran at binihisan ng kulay puti at mahabang kasuotan. Sumabay ako sa kanila sa pagkain at hinayaan nila akong maglibot sa palasyo. Ipinasama ni ama si Marcus at ang mga tagapaglingkod sa emperyo. Kita ko kung gaano sila ka-abala ngayong araw dahil mamayang gabi magaganap ang pagtitipon.
“Mahal na prinsesa. Ipapaalala ko lang po sa inyo na kailangan bago magdilim ay nakabalik na kayo sa inyong silid. Kailangan niyo pang maghanda para sa pagtitipon.” Wika ng tagapaglingkod kong si Lucresia.
“Naunawaan ko, babalik din ako maya-maya.” Nakangiting sabi ko sa kanya.
“Wow! Ang lalaki ng bunga!” Manghang sabi ko nang makakita ako ng kulay pulang bunga na sa tingin ko ay prutas.
“Dragon fruit po ang tawag sa prutas na yan. Mula sa malayong kaharian at pinadami ng inyong ina dahil maganda daw sa katawan ang bunga nito.” Imporma ni Marcus.
“Maaari mo ba akong ikuha? Gusto kong matikman ang dragon fruit. Bumubuga din ba ito ng apoy?” kakatwang tanong ko sa kanya. Narinig ko ang paghagikhikan ng mga taga-paglingkod ngunit sinaway sila si Lucresia.
“A-ah hindi po ngunit ikukuha ko kayo.”
Hinugot niya ang kanyang sandata at sa isang saglit ay nagawa niyang tangalin ang bung anito. Hiniwaan pa niya ang dulo nito at lumabas ang kulay pula at may tuldok na itim nitong laman.
“Mukhang masarap!” natatakam na bulalas ko nang i-abot niya sa akin. Kaagad ko itong kinagat ngunit matigas ang kanyang balat.
“Naku—mahal na prinsesa kailangan niyo pa yang balatan.”
Napakamot si Marcus sa kanyang ulo at kinuha naman ni Lucresia ang prutas sa kamay ko. Kita ko kung paano niya ito dahan-dahan na binalatan na parang saging. Hangang sa kalahati at pagkatapos ay inabot niya sa akin. Kaya kinagat ko agad.
“Ang sarap nga! Matamis din!”
Nakadalawa pa ako muna ako bago ko naramdaman ang kabusugan.
“Naku mahal na prinsesa, kailangan niyo pong maglinis ng mukha at magpalit ng damit.”
Niyuko ko ang aking sarili. Pati ang puti kong damit ay nagkaroon na ng mantsa ng prutas na kinain ko. Sinalat ko ang aking mukha at meron din pati ang kamay ko.
“Teka—diba may ilog dito? Doon na lang maglilinis!”
“Prinsesa!” Dinig kong tawag nila dahil sa mabilis na pagtakbo ko. Doon sa ilog naglalaba ang ibang tagapaglingkod dahil bukod sa malakas din ang tubig doon marami pang puwede gawin sa ilog. At nasasabik ako ulit na makita ito. Nagpasikot-sikot ako upang hindi nila ako mahabol. Gawain namin ito ni Malyana noon. Ang takasan ang nagbabantay sa amin. Alam ko pilya pa rin ako ngunit nakaramdam ako ng kalayaan sa puso ko.
“Wow! Ang ganda na dito!” bulalas ko nang maabot ng mata ko ang napakagandang talon. Hindi na ako nag-aksya ng oras at kaagad ko nang hinubad ang sapatos ko. Hindi naman siguro magagalit si ama at ina kung sakaling maligo ulit ako dito.
Walang pagdadalawang isip na tumalon ako sa malaking bato patungo sa ilog. Na hindi inisip kung marunong ba akong lumangoy.
Nagsimula akong mangamba nang hindi maabot ng paa ko ang lalim nito. Pinilit kong pumaitaas sa tubig ngunit nagpabigat pa sa pag-ahon ko ang damit ko.
Nauubusan na ako ng hangin sa dibdib. At nakakainom na rin ako ng tubig.
Tulong!
Idinilat ko ang aking mga mata at nakita ko ang isang lalaking papalapit sa akin. Ngunit unti-unti na ring bumibitaw ang aking paghinga. Hangang sa tuluyan na akong nawalan ng malay.
Nang magising ako ay napaubo ako at inilabas ko ang lahat ng tubig na nainom ko.
“Sawa ka na ba sa buhay mo kaya ginusto mong magpakalunod na lang?!” singhal niya sa akin. Napabaling ako sa kanya dahil sa pagsigaw niya at natigilan ako nang makita ang kanyang mukha. Sandaling naghinang ang mga mata naming dalawa.
“Prinsesa!” narinig kong tawag ni Marcus.
“Tumalon siya sa ilog at hindi na umahon kaya iniligtas ko siya.” Sagot ng lalaking sumagip sa akin sa pagkalunod.
“Prinsesa! Jusko! Ibalot niyo siya!” nag-aalalang sabi ni Lucresia. Kaagad nila akong inalalayan na tumayo at ibinalot ng mahabang tela.
“May ibang prinsesa pa palang anak nag Emperador?” nagtatakang tanong ng lalaking nagligtas sa akin.
Humarap sa kanya si Marcus. “Mahal na prinsipe Xenos. Maraming salamat sa pagligtas niyo sa kanya. Kakabalik lang ni Prinsesa Asyana dito sa emperyo. Kailangan na namin siyang ibalik sa kanyang silid.” Wika ni Marcus. Nilingon ko pa siya na ngayon ay nakatingin pa rin sa akin.
“Ikaw talagang bata ka. Malalatigo kami ng ama mo dahil sa pinangagawa mo!” narinig kong bulong ni Lucresia. Ngunit hindi ko siya pinansin at bumaling ako kay Marcus.
“Siya ba ang susunod na hari ng Astral Kingdom?” usisa ko kay Marcus.
“Opo, mahal na Prinsesa. Siya ang nanguna sa digmaan labas sa Yastreo.”
Napalingon ulit ako sa kanya ngunit wala na siya doon.