XENOS
“Mahal na Prinsipe, ano ang gagawin natin? Susundin niyo ba ang Emperador?” tanong ni Cyrus. Pinapunta ako ni Ama dito sa Guenera kingdom upang maghatid ng alay na ginto at pilak. Ngunit bukod sa mga alay ay nais pa niya akong pamunuan ang magaganap na digmaan laban sa Yastreo Kingdom. Dahil hindi pa nakakabalik ang kanyang anak na Prinsipe sa paglalakbay.
“Hindi ko alam, habang tumatagal, palaki ng palaki ang hinihingi niyang pabor.”
Napabuntong hininga ako at napatingin sa ibaba ng aking tinutuluyan na bulwagan. Inilibot ko ang aking paningin. Ang Emperyo ng Guenera ay malaking kaharian. Bukod sa bihasa nilang mga mandirigma. Nangunguna pa sila sa pagawa ng mga matitibay na sandata at pampasabog. Ngunit dahil sa ambisyon ng maliliit na kaharian na sakupin sila hindi natatapos ang digmaan.
“Kapag sinunod mo ang Emperador maraming makakauwing bihag mula sa Astral Kingdom at makikita na nilang muli ang kanilang pamilya. Diba yun naman ang nais mo? Ang bawiin ang lahat ng may dugong Astral dito sa Guenera? At hindi lang yun, malaki ang magiging pakinabang natin kapag nagpahayag ng supporta ang Guenera sa Astral.” Pahayag ni Cyrus. Alam ko ang bagay na yun.
“Naging sunod-sunuran si Ama sa Emperador noon. Maraming Astral ang dinala sa Guenera upang gawing bihag. Sa tingin mo ba walang malalim na dahilan kaya ako ang nais niyang humarap sa digmaan? Matalino ang Emperador ng Guenera kaya naging maunlad itong kaharian. Ang ikinakatakot ko, paano kung hindi tayo magtagumpay? Paano na ang mahal kong naghihintay sa pagbabalik ko? Kaka-isang dibdib lang namin ngunit kinailangan ko na siyang iwan dahil sa utos ni ama. Hindi pa siya sanay sa Astral. Paano kung—”
Napasinghap ako at humarap kay Cyrus.
“Kailangan kong makabalik sa aking Prinsesa, Cyrus. Ngunit, nais kong mauna ka nang bumalik sa Astral—”
“Nais mong iwan kita dito? Hindi ko gagawin yun. Paano kung patibong lang pala ito upang gawin kang bihag ng Emperador at tuluyan ka niyang paslangin? Hindi kita iiwan Prinsipe.”
Ipinatong ko ang kamay ko sa kanyang balikat.
“Protektahan mo ang Prinsesa habang wala ako. At ipinapangako ko sayo na babalik ako kahit sa paanong paraan.”
Umiling siya sa akin at ayaw niyang sundin ang utos ko.
“Kaya niyang protektahan ang kanyang sarili. Pero ikaw, wala kang kapangyarihan na gawin yun kapag sumuong ka na sa digmaan. Wala kang kapangyarihan mahal na Prinsipe.” wika niya sa akin.
“Huwag mo akong maliitin Cyrus—”
Itinukod niya ang kanyang tuhod at lumuhod sa harapan ko.
“Hindi ako mangangahas na maliitin ka mahal na prinsipe. Ngunit hayaan mo akong nasa tabi mo habang tinutupad mo ang tungkulin mo sa ating kaharian.”
Huminga ako ng malalim at tinalikuran ko siya.
“Nakalimutan mo na ba ang sinabi ko sayo noon? Ako ang susunod na magiging hari ng Astral Kingdom. At sa araw na ililipat na sa akin ni ama ang kanyang trono. Nais kong nasa tabi kita at ang babaeng napili kong maging reyna. Simula pagkabata kasama na kitang lumaban. Ipinakita mo ang yong katapatan sa akin. Malaki ang utang na loob ko sayo, Cyrus. At tinuring na rin kitang kapatid. Higit sa lahat…ikaw lang ang mapagkakatiwalaan ko pagdating sa Prinsesa. Kaya paki-usap, bumalik ka na sa Astral at bantayan mo siya para sa akin. Sa ganuong paraan mababasan ang aking alalahanin.”
Naramdaman ko ang pagtayo niya sa likuran ko.
“Nauunawaan ko, bukas ng umaga ay babalik na ako sa Astral gaya ng nais mo. Ngunit kapag hindi ka nakabalik makalipas ng dalawang lingo ay babalik ako dito kaagad. Mahal na Prinsipe, bumalik kang ligtas.”
Nakangiti akong tumango sa kanya. At nagpaalam na rin siya.
Gaya nang pinag-usapan namin ay hindi pa sumisikat ang araw nagpaalam na siya sa akin. Nagsuot ako ng baluting pandigma bago ako nagpunta sa bulwagan ng Emperador.
“Mabuti ang naging desisyon mong lumaban para sa emperyo ng Guenera. Naway magtagumpay kang pamunuan ang aming mga mandirigma. At hangad ko ang inyong tagumpay.”
Yumuko ako at nagbigay galang sa kanya bago ako tumalikod upang puntahan ang pulutong na mga mandirigma na nag-aabang sa labas ng palasyo.
“Ilan ang ating bilang?” tanong ko sa governador ng Guenera na kasama kong lalaban.
“Limang libong mandirigma laban sa sampung libong mandirigma ng Yastreo Kingdom, Prinsipe Xenos.”
“Sampung libo? Saan galing ang bilang nila? At bakit limang libo lang sa ating hanay?” hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya.
“Magagaling ang mandirigma ng Guenera. Hindi natin kailangan na pantayan ang kanilang bilang. Bukod doon, malaki ang tiwala sayo ng Emperador.” Pahayag niya. Pakiramdam ko ay mahihirapan kaming talunin ang ganun kadaming mga kalaban. Kahit pa magagaling silang mandirigma kung may taktika ang Yastreo Kindom mahihirapan kaming talunin sila.
“Hindi lang ang bilang nila ang kailangan nating bantayan.”
Nabaling ang tingin ko sa lalaking may mahaba ang buhok at kulay puti.
“Iwan mo muna kami Gobernador.” Utos niya sa kausap ko.
“Ako ang kanang kamay ni Prinsipe Yarik. At ipapalala ko lang sayo mahal na Prinsipe Xenos. Gumagamit ng mahika ang mamayan ng Yastreo kingdom at may malalim ang ugat ng away ng Emperyo ng Guenera laban sa kanilang kaharian… dahil doon nangaling ang babaylan na naging dahilan ng sumpa sa kambal na anak ng Emperador.” Sambit niya na hindi ko maunawaan.
“Kambal? Anong ibig mong sabihin?”
“Ang kambal na prinsesa ng Guenera kingdom ay isinumpa ng babaylan na mamayan ng Yastreo Kingdom. Ngayon na patay na nag babaylan may pag-asa na tayong manalo sa digmaan. Ngunit kailangan niyo pa ding mag-ingat dahil hindi natin alam kung naipamana ba niya ang kanyang kaalaman.”
“Gusto kong malaman kung anong nangyari sa sinumpang kambal na prinsesa. Nandito ba sila sa Guenera?” May kuryusidad kong tanong.
“Wala na, matagal na silang namayapa. Dahil kamatayan ang lunas sa naging sumpa sa kanilang dalawa.” Wika niya sa akin. Pagkatapos niyang sabihin sa akin ang lahat ng yun ay iniwan na niya ako.
Kamatayan? Yun lang ba talaga ang lunas sa sumpa? Katulad din ba siya sa sumpa ni Asya? Kailangan ba talaga niyang mawala?
Napakuyom ako ng aking kamao. Hindi ko na rin mahahanap pa ang babaylan na sumumpa sa kanya dahil wala na rin itong buhay.
Nangako akong tutulungan ko siya. At hindi ako basta na lamang susuko!
Sumakay ako sa kabayo at nauna ako sa hanay ng mga mandirigma. Makiki-digma ako ngunit hindi para sa Astral kundi para sa Emperyo!
“Hiyahhh!”
Sinalat ko ang polceras na meron ako sa pulsuhan. Katulad ito ng Polceras na ipinadala ko kay Asya.
Antayin mo ako, mahal na prinsesa. Babalik ako kaagad. Pangako…