ASYA
Mahabang araw ang naging paglalakbay namin patungo sa templo ng sion. Malalim na ang gabi ng makarating kami. Sa buong paglalakbay ay hindi ko maiwasan ang mag-isip kung tama ba ang naging pasya kong sumama sa kanya. May pagdududa ngunit mas iniisip ko ang kahi-hinatnan ng mangyayaring ito. Kailan kong magtiwala sa kanya. Siya ang makapangyarihang babaylan ng Astral kaya alam kong hindi ako mapapahamak.
“Maraming salamat, Maliyah.”
Yumuko siya sa akin at nagpa-alam upang tumungo sa tutuluyan niyang silid.
“Mahal na prinsesa, maaari na po kayong magpahinga.” wika ni Mana. Binawasan niya ang liwanag at pagkatapos ay lumabas na rin siya. Naiwan akong mag-isa dito sa aking silid. Nandito kami sa templo ng sion magpapahinga ng magdamag. At bukas ng umaga kami tutungo sa itim na bundok.
Kumuha ako ng malaking papel at panulat. Dahil nais kong gumawa ng sulat para kay Prinsipe Xenos. Alam kong mapanganib ang gagawin kong ito at kung ano man ang mangyayari sa akin sa bundok. Buong puso kong tatangapin ang aking kapalaran. Ngunit bago yun nais kong may maiwan akong sulat para sa kanya. Isang sulat ng pamama-alam at huwag niyang sisihin ang kanyang sarili kung sakali man na hindi na ako makabalik pa.
Makalipas ang isang oras ay inayos ko na ito at inilagay sa ilalim ng aking tulugan. Nahiga ako upang magpahinga at mag-ipon ng lakas para bukas.
Nang magising ako ay tirik na ang araw. Nagsimula akong maghanda ng susuotin na kasuotan. Sabi ni Maliyah kailangan daw pangkaraniwan lang ang isusuot naming dalawa. Hindi maaring napapalibutan kami ng ginto sa katawan kaya imbis na hangang talampakan na kasuotan ay nagpalit ako ng damit na sinusuot ng ordinaryong mamamayan. Itinali ni Mana ang buhok ko pataas at inayos ko naman ang itim na suot kong maskara.
“Mahal na Prinsesa, sumama na kaya ako sa inyo? Nag-alala ako sa gagawin niyo. Paano kung mapahamak ka?”
Hinarap ko siya dahil tapos na niyang lagyan ng simpleng palamuti ang aking buhok. Suot ko ang mahabang pantalon at damit na hangang hita ang haba. May nakatali sa aking beywang na tela.
Kinuha ko ang sulat na nakabalot sa aking panyora.
“Kahit na anuman ang mangyari, makabalik man ako o hindi. Inaatasan kitang ihatid ang huling sulat at habilin ko para sa pinakamamahal kong prinsipe. Paki-usap Mana, malaki ang tiwala ko sa’yo. Magagawa mo ba?”
Nangingilid ang luha niyang tinangap ang sulat na inabot ko.
“Maghihintay ako dito, mahal na prinsesa. Bumalik po kayo at mag-iingat. Dahil hihintayin kayo ng prinsipe.” Bilin niya sa akin. Ngumiti ako sa kanya at tumango. Hinatid kami ng nagbabantay sa templo sa likod na tarangkahan. Nandoon na ang dalawang kabayo na sasakyan namin ni Maliyah patungo sa itim na bundok.
“Maraming salamat Monghar, ikaw na ang bahala sa aming mga kasama.” Tukoy niya sa mga kasama naming tagapaglingkod at mandirigma na sumama sa amin patungo rito. Yumuko siya bilang pagsagot. Pagkatapos ay lumapit siya sa akin.
“Mag-iingat kayon dalawa, mapanganib ang tutunguhin niyong lugar. At umaasa akong sabay kayong babalik.” Paalam niya sa akin.
Huminga ako ng malalim at sinundan si Maliyah na sumakay na rin sa kabayo.
“Babalik kami Monghar, salamat.”
Nakangiting paalam ko sa kanya.
“Tayo na.” wika ni Maliyah, nauna siyang patakbuhin ang kabayo patungo sa gubat at sumunod ako sa kanya.
Marunong din pala siyang magpatakbo ng kabayo. Kaya binilisan ko ang patakbo ko upang mahabol ko siya.
Halos apat na oras na rin ang nakalipas. At tumitindi na rin ang init ng araw. Kahit nakabalot ako ng tela sa ulo ay mainit na rin sa pakiramdam.
Tumigil ang kanyang kabayo at pinabagalan ko din ang pagtakbo.
“Bakit?” tanong ko sa kanya.
“May naririnig akong ilog sa dako roon. Magpahinga muna tayo sandali.”
Bumaba siya sa kabayo at ginaya ko lang siya. Hinila namin ang kabayo patungo sa tunog ng lagaslas ng tubig. At tama nga si Maliyah, may malakas na agos ng ilog dito.
Pina-inom namin ang mga kabayo at sumalok na rin kami ng tubig sa malinis na bukal. Dahil paubos na ang baon naming tubig.
“Kumain muna tayo dito, Prinsesa Asya. Dahil malapit na tayo sa paanan ng itim na bundok.” Wika niya sa akin. Binuksan ko ang dala kong pagkain na nakalagay sa makapal na dahon. At nakapaloob sa dala kong bag. Si mana ang nagbigay sa akin nito kanina. At meron din siya.”
Naupo kami sa malaking bato at nakaharap sa ilog. Tahimik kaming kumain. Hangang sa matapos kami.
“Maaari ba akong magtanong?”
Napatingin ako sa kanya.
“Ano yun?” usisa ko dahil ngayon lang niya ako kinausap na siya ang may unang nagsalita.
“Kumusta ang naging buhay mo sa Celestria? Bilang isang prinsesa na isinumpa ng isang masamang babaylan. Nais kong malaman kung naging masaya ka ba sa buhay mo?”
Napatingin ako sa mataas na talon na bumabagsak sa malalim na ilog. Mapait akong ngumiti.
“Hindi…nabuhay ako sa madilim na silid. Sa likod nito ay mayroon akong sariling hardin. Paminsan-minsan doon ako nag-aaral magbasa at magsulat. Nag-aral din akong gumamit ng espada at pana. Lumalabas lang ako kapag nais kong mangabayo. Ngunit hindi ako pinapahintulutan na lumabas ng palasyo ni Ama. Minsan lang din sila magtungo sa aking silid upang kumustahin ako. At tingin ng ibang tagapaglingkod sa akin ay higit pa sa isinumpa. Natatakot sila sa akin kaya iilan lang ang nakakalapit sa akin at isa na doon si Mana. Kung hindi dumating si Xenos sa buhay ko. Hindi ko mararanasan ang sumaya, ngumiti at mahalin.”
Hindi ko namalayan na napapangiti na pala ako.
“Ay, pasensya na, mahaba na ang naging kwento ko.”
Nahihiyang sambit ko. Sa tuwing naiisip ko kasi si Xenos nawawala ang alalahanin ko at napapalitan ito ng saya.
“Tayo na, kailangan na nating umalis.” Wika niya sa akin. Nagulat na lamang ako sa mabilis niyang pagkilos at namalayan ko na lamang naitulak na niya ako sa lupa.
“Ahhh!”
“Maliyah!” sigaw ko nang makita ko kung paano siya tinamaan ng palaso sa braso. Napa-luhod siya sa lupa. At sinundan ko ng tingin kung saan ito nangaling.
“Mga bandido!”
Sabay-sabay na naglabasan ang mga lalaking malalaki ang katawan at nakakatakot ang mga mukha may mga malalaki silang hikaw at may dala din silang bangkaw.
“Maliyah, huwag kang kikilos.” Utos ko sa kanya at dahan-dahan akong tumayo at humarang sa harapan niya.
Nakangising lumapit sila sa akin. Kaunting bilang lang naman at hindi banta sa aming kaligtasan.
“Sinaktan ka nila, ibig sabihin masasama sila hindi ba?” tanong ko sa kanya.
“Maaari.” narinig kong sagot niya.
“Mga babae? At anong ginagawa niyo sa lugar na ito? Hindi niyo ba alam na pugad ng mga bandido ang lugar na ito?!” singhal ng lalaking nangunguna sa kanila.
“Sirka, sa tingin ko hindi naman sila banta. Ma-aaring naligaw lang sila dito.” Nakangising sabi ng isa pa sa kanila na nakatungtong sa malaking bato.
“Oo nga, mabuti pa dalhin na lang natin sila at gawing pulutan.”
Sabay-sabay silang nagtawanan sa aking harapan.
“Hubarin niyo ang inyong maskara!” utos ng lalaking tinawag nilang Sirka.
Kinapa ko ang tali ng aking maskara sa likod at dahan-dahan kong tinangal ito.
“Tinupad ko lang ang nais mo.” Sambit ko. Kagaya ng mga nakakakita sa aking mukha. Nag-umpisa silang sumigaw hangang sa unti-unti silang na-uupos na parang sinindihan na papel sa harapan ko.
Muli kong ibinalik ang aking maskara at bumaling ako sa kanya upang tulungan siya. Nahugot na niya ang palaso at tinakpan niya ng kanyang palad ang kanyang sugat.
“Halika, linisin natin ang sugat mo.”
Hinila ko siya palapit sa ilog at pagkatapos ay kumuha ako ng pamilyar na halaman na puwedeng pangamot. Dinikdik ko ang dahon upang lumabas ang katas at pagkatapos ay kinuha ko ang tela na nakatali sa aking beywang at tinali ko sa kanyang braso.
“Sandali lang ito. Mamaya titigil din ang pagdurugo.” Seryosong sabi ko sa kanya.
“Malayo ito sa bituka, kaya kong pagalingin ang sarili ko.” pigil niya sa akin habang ina-ayos ko ng tali ang braso niya.
“Alam ko dahil isa kang babaylan. Ngunit kahit paano gusto kong tulungan ka. Ayokong maging pabigat sa’yo at sabay tayong babalik sa templo.