ASYA
Ipinagpatuloy namin ang paglalakbay patungo sa itim na bundok. Inihanda ko na ang aking sarili dahil baka mas matindi pang pagsubok ang kaharapin naming dalawa.
“Kaya mo pa?” nag-aalang tanong ko dahil baka nahirapan na siyang patakbuhin ang kabayo dahil sa sugat niya.
“Huwag kang mag-alala, kaya ko. Ito ang mabilis na paraan upang marating natin ang kuweba sa itim na bundok. Ngunit kailangan pa rin nating maging ma-ingat.”
Tinalasan ko ang aking pandinig at paningin lalo pa’t tanaw ko na ang itim na bundok. Habang lumalapit kami nakikita ko na ang itim na lupa. Mga matataas na punong animo’y hindi nabubuhay dahil kulay itim din ito kahit ang mga dahon nito ay ganun din. Ang matataas na talahib, ligaw na mga halaman at mga bulalak ay kulay itim din. Ano kaya ang nababalot na hiwaga sa bundok na ito? At may nabubuhay kaya dito?
Tumigil pansamantala si Maliyah kaya tumigil din ako sa pagpapatakbo ng aking kabayo.
“Nasa paanan na tayo ng bundok. Sabi sa akin ni Selsa ang babaylan na nag-aruga sa akin. Walang nabubuhay na tao dito. Kinakatakutan ito kahit ng mga hayop. At tanging ang dalisay lang na tubig sa loob ng kuweba ang puro at makapangyarihan likido ang may kapangyarihan sa lahat ng mga sakit na hindi maipaliwanag ng tao. At tanging may malakas lang na kapangyarihan ang maaring makapasok dito. Naalala mo ba yung inabot ko sayong hugis bilog? Dala mo ba ito?”
Tumango ako sa kanya at kinuha ko ito sa aking beywang.
“Kainin mo ang isa, at kapag may naramdaman kang mabigat na enerhiya. Kumain ka ulit ng isa pa hangang sa makarating tayo sa kuweba. Makakatulong ito upang hindi ka matablan ng itim na enerhiya na magpapahina sa’yo. Dahil kung hindi…matutulad ka sa kanila.” Paliwanag niya sa akin sabay turo sa kinaroroonan ng mga kalansay sa gilid ng daan. Kinilabutan ako dahil ito ang unang beses kong makakakita ng ganun. Sadyang malakas si Maliyah dahil hindi siya na-apektuhan ng itim na enerhiya na kanina ko pa nararamdaman kahit nasa paanan pa lamang kami ng bundok. Kaagad kong kinain ang isang hugis bilog at nalasahan ko ang mapakla nitong lasa. Napangiwi pa ako ngunit tiniis ko ito at saka nilunok.
“Handa ka na?”
Tumango ako sa kanya at sinimulan na namin ang paghampas sa kabayo upang tumakbo ito. Hindi ko maiwasan ang mapatingin sa nadaanan namin. Kahit saan ako lumingon ay may mga kalansay akong nakikita. Kung hindi dahil sa galing na babaylan ni Maliyah baka ganito din ang mangyari sa amin.
May kadiliman din ang ulap na pumapaligid sa buong bundok kaya hindi aakalain na mataas pa rin ang araw sa labas ng bundok. Mas nagpadilim pa sa paligid ang mga puno at halaman.
Suminghap ako at huminga ng malalim. Kailangan kong lakasan ang loob ko! Lalo pa ngayon na nandito na kami sa itim na bundok at hindi na kami maaaring bumalik pa lalo pa’t malapit na kami sa tuktok nito.
Kumapal ang hamog na nakapalibot sa buong bundok. Halos hindi ko na matanaw si Maliyah pati na rin ang daan na tinutumbok naming dalawa.
“Maliyah!” tawag ko sa kanya ngunit wala akong nakuhang sagot. Hangang sa nagulat na lamang ako nang biglang nagwala ang kabayo ko. Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa renda ngunit nagkakawag na siya na parang takot na takot.
“Ahhh!” sigaw ko nang tuluyan akong mahulog. Mabilis na tumakbo ang kabayo palayo sa akin.
“M-maliyah… Maliyah!” sunod-sunod na pagtawag ko sa kanya. Dahil hindi ko na siya marinig at nakakabinging katahimikan na lang ang nadidinig ko.
Pinilit kong tumayo at naglakad. Kinuha ko ang patalim ko sa beywang kung sakali man na may masagupa ako ay maprotektahan ko ang aking sarili.
“Nasaan ka na Maliyah?!” patuloy na sigaw ko. Ipinagpatuloy ko din ang paglalakad at sinundan ko ang yapak ng kabayo. Hangang sa ilang sandali pa ay nawala na ang hamog.
Nakita ko siyang nakatayo sa bunganga ng kuweba at nakatalikod sa gawi ko.
“Mabuti nakarating ka, pareho tayong iniligaw ng bundok.” Sambit niya. Sadyang mahiwaga nga ang bundok na ito kung pati siya ay naligaw. Ngunit pinagtagpo pa rin kami dito.
“Tayo na at baka abutin tayo ng dilim.” Wika niya. Nauna siyang pumasok sa kuweba at sumunod ako sa kanya. Liwanag na nagmumula sad ala niyang sulo na may apoy lamang ang dala namin. Hindi rin patag ang dinadaanan namin dahil may matatalas itong mga bato. Ngunit nagpatuloy lang kami sa paglakad hangang sa marating namin ang liwanag. Ang nagkikislapang bato sa loob ng kuweba at ang kulay asul na tubig na sinasabi niyang lunas sa sumpa.
Hindi ko alam kung saan nagmumula ang liwanag ngunit dahil sa mala-crystal na diamanteng nakapalibot sa malawak na ilog dito sa loob ay lumiliwanag ito sa ganda.
“Maliyah, ito ba ang mahiwagang tubig na sinasabi mo?” usisa ko sa kanya. Inilagay niya ang solo sa gilid ng kuweba.
“Asya, mapalad ka dahil wala kang na-alala. Hindi mo naranasan ang malupit na mundo. Hindi mo naranasan ang ipagtabuyan ng lahat ng tao. Hindi mo naalala na wala dapat tayo sa katayuan natin ngayon kung hindi dahil sa babaylan na nagsumpa sa atin. Ngunit dito na magtatapos ang lahat…”
“A-anong ibig mong sabihin?”
Unti-unti siyang humarap sa akin. At nakita ko ang punyal na hawak niya.
“Kukunin ko ang lahat ng meron ka. Pati na rin ang pag-ibig ni Xenos na daw ay sa akin!”
Nagulat ako nang bigla niya akong sinugod. Mabuti na lamang at na-iharang ko ang aking hawak na patalim.
“Maliyah! Anong ginagawa mo!?”
Kasabay ng pagliwanag ng kanyang mga mata ay ang pagtalsik ko sa puting bato.
“Ako ang papalit sayo bilang reyna ng Astral!” sigaw niya sa akin. Muli siyang sumugod sa akin at mabilis akong tumayo. Hindi ko alam ang mga sinasabi niya simula pa kanina. Ngunit kung hindi ko siya pipigilan at kung hindi ako lalaban mamatay mapapatay niya ako.
“Maliyah! Tama na!” sigaw ko sa pagitan ng mga pag-atake niya. Dumadaplis na sa braso ko ang patalim niya.
“Lumaban ka! Siguraduhin mong mapapatay mo ako dahil kung hindi! Hindi ka na makakabalik sa Astral! At ako na ang magiging asawa ni Xenos!”
Napilitan akong labanan siya. Kahit ramdam kong masa malakas siya ay kinaya kong harapin ang mga pag-atake niya. Hindi ako maaring mabigo! Nandito na ako! At kapag napatay niya ako hindi na ako makakabalik pa!
“Maliyah!!!”
Buong lakas ko siyang sinugod at nasanga niya ang patalim ko.
“Matatapos na ang sumpa.” May ngiti sa labi na sambit niya. Nanlaki ang mata ko nang bitawan niya ang patalim at dumerecho ang hawak kong patalim sa puso niya. Bumaon ang kalahati ng patalim sa kanyang dibdib kasabay ng nakakamatay na sakit na naramdaman ko. Siya ang sinaksak ko ngunit pareho kaming nasaktan.
“M-mali-yah…”
Unti-unting na-upos ang kanyang maskara na parang sinunog na papel at nakita ko ang kanyang mukha.
“K-kamatayan ko mula sa mga kamay mo…ay kamatayan nating dalawa…yun ang lunas…sa sumpa ng babaylan na si Selsa…” sambit niya. Hangang sa tuluyan na siyang sumuka ng dugo at unti-unting napaluhod sa lupa. Nabitawan ko ang patalim at napaluhod na rin ako.
Sino si Selsa? At sino si Maliyah? Paanong kamatayan niya mula sa kamay ko ang lunas ng sumpa? Paanong nararamdaman ko din sa puso ko ang sakit nang ginawa kong pagtarak sa kanyang dibdib?
Maraming dugo ang bumulwak sa aking labi. Hangang sa tuluyan na rin akong napahiga sa lupa.
Napatingin ako sa kumikinang na diamante sa itaas ng kuweba. Nakita ko ang nakangiting mukha ni Xenos. At ang malambing na pagtawag niya sa akin.
“Mahal kita, Asya.” Narinig kong sambit niya. Gumuhit ang ngiti sa aking labi. Sa huling pagkakataon…nakita ko ang kanyang mukha…at narinig ko ang kanyang boses…
“M-mahal na mahal…din kita…Xenos…”
Tuluyan ko nang ipinikit ang aking mga mata at ipaubaya sa kamatayan ang aking buhay.