MALIYAH
Nandito ako ngayon sa templo upang magdasal sa kaligtasan ng prinsipe. Mula nang malaman ko mula kay Cyrus na kinailangan nitong magpunta sa kaharian ng Yastreo upang makidigma ay gabi-gabi kong ipinagdasal na sana makabalik siyang ligtas.
“Maliyah, paano kung malaman ni Prinsipe Xenox na hindi ikaw si Prinsesa Asya? Sa tingin mo ba mapapatawad ka niya? Ikaw na rin ang may sabi na hindi mo mababago ang puso niya. Paano kung—”
Tinangal ko ang tela na nakatakip sa aking mukha at tumingin ako sa kanya dahil alam na rin naman niya na wala na ang sumpa.
“Hindi ko mababago ang puso niya. Ngunit hangang nagpapangap ako bilang aking kakambal. Hindi niya malalaman na hindi ako ang babaeng pinakasalan niya. At bago pa niya malaman ang katotohanan. Dinadala ko na ang magiging tagapagmana niya. At wala na siyang magagawa pa kundi ang panindigan ang pag-ibig ko para sa kanya. At para sa magiging anak namin.” Pahayag ko.
Hindi ako maaring mabigo dahil matagal na panahon kong pinagplanuhan ang mangyayaring ito. Kami ang unang nagkakilala ni Prinsipe Xenos. Tandang-tanda ko pa nang magawi siya sa Guenera Kingdom. Limang taong gulang lang kami noon at nakikita ko siyang nagsasanay malapit sa rumaragasang ilog. Nagkaroon kasi ng masaganang pagtitipon sa palasyo noon dahil yun ang araw na naging Emperador si Ama. Lahat ng Hari ay inimbita niya kaya nakilala ko siya.
Nakita niya akong pinapanuod kung paano siya magsanay ng espada. At lalo akong humanga sa kanya nang makipaglaban siya sa harapan ng lahat kay Marcus. Kahit katuwaan lang ang paglalaban na yun. Nagkaroon na siya ng hindi maipaliwanag na puwang sa aking puso nang matalo niya ito. Ngunit, kinabukasan ay nakita at narinig ko ang naging pag-uusap nila ng kakambal ko. Inakala ng Prinsipe na si Asyana ang palagi bumubuntot sa kanya sa loob ng isang lingo na pananatili nila sa emperyo. Noong araw ding yun ay nakita ko ang matamis na ngiti sa kanyang labi na dapat ay para sa akin.
Simula noon ay nagtanim na ako ng sama ng loob sa aking kakambal. Sa aming dalawa alam kong siya ang mas mahal ni Ina at Ama. Siya palagi ang centro ng katuwaan ng mga ito sa emperyo. At ako? Ay kanyang anino lamang. Siya ang nagbibigay ng ngiti sa kanila at ako naman ang nagbibigay ng sakit ng ulo. Sa tuwing mapapagalitan kaming dalawa dahil sa kalokohan ko palagi niya akong sinasalo. Kaya lalo akong nagagalit sa kanya kapag ginagawa niya ang bagay na yun dahil napapawi ang galit ni Ina at Ama.
Hangang sa isinumpa kami ng makapangyarihan na babaylan na si Selsa nang mapatay ni ama ang kanyang ina sa unang digmaan sa Yastreo Kingdom. Kinailangan kaming ilipat ng palasyo dahil nangangamba sila ama na baka magdulot kami ni Asyana ng panganib sa buong Guenera. Ngunit sinugod kami ng mga bandido. Kitang-kita ko kung paano nila kinuha ang walang malay na si Asyana mula sa karwahe. At nagawa kong makatakas.
Napunta ako sa itim na bundok dahil doon ako dinala ng mga paa ko. Nakilala ko si Selsa, ang babaylan na umampon sa akin. Tinuruan niya ako ng itim na mahika. Habang lumalaki ako ay unti-unti ko ding naiisip kung bakit hindi niya man ako tinanong tungkol sa aking nakatakip na mukha. Hangang sa siya na mismo ang nagtapat sa akin. Noong gabing nag-aagaw buhay na siya. Isinalin niya sa akin ang kanyang kapangyarihan at pagkatapos ay tuluyan kong tinapos ang kanyang buhay.
Umalis ako sa itim na bundok. Upang hanapin ang daan pabalik ng Guenera. Ngunit hinarang ako ng mga tulisan. At sa hindi inaasahang pagkakataon. Nakilala kong muli si Prinsipe Xenos. Niligtas niya ako at dinala sa Astral.
“Bakit hindi mo na lang tinapos ng tuluyan si Prinsesa Asya? Nang sa ganun wala na siyang balikan pa—”
Napahawak si Emma sa kanyang leeg nang gamitin ko ang itim na mahika upang sakalin siya.
“Ma-li-yah! Paka—walan mo ko!” nahihirapang sambit niya.
“Kahit malaki ang naging kasalanan sa akin ni Asyana! Hindi ko siya maaring patayin na lang! Mananatili siyang buhay dahil kapatid ko pa rin siya! Kung hindi dahil sa kapangyarihan ni Selsa, hindi ko malalagpasan ang kamatayan ng kanyang sumpa! Mas matindi pa sa kamatayan ang kanyang mararamdaman kapag naalala niya kung ano ang naging buhay niya bilang si Asya! Ang Prinsesa ng Celestria Kingdom!” marahas ko siyang binitawan at napaluhod siya sa sahig. Ako ang bumura sa ala-ala ni Asyana. Hanga’t hindi niya naalala kung sino siya sa buhay ng pinakamamahal kong prinsipe. Hindi siya magiging hadlang sa aking mga plano.
“Nagawa mo bang ibigay ang mapa kay Cyrus upang mapa-iksi ang kanilang paglalakbay pabalik ng Astral?” Balik tanong ko sa kanya ngayon ay nakatayong muli sa harapan ko at nakahawak sa kanyang namumulang leeg.
“O-Oo nagawa ko na…bukas ng gabi ay siguradong nandito na sila.” Malalim na paghinga niyang tugon.
“Simula ngayon, huwag mo na akong tatawaging bilang Maliyah na isang babaylan. Ako na ngayon si Prinsesa Asya, ang magiging reyna sa hinaharap ng Astral. Naunawaan mo ba?”
Tumango siya sa akin. Pagkatapos ay tinalikuran ko na siya upang magbalik sa aking silid.
Pagdating ko sa magiging silid namin ng Prinsipe ay naabutan ko si Mana. Inaayos niya ang sapin ng magiging higaan naming dalawa.
“Maraming salamat makakaalis ka na.” wika ko sa kanya. Yumuko siya sa akin at pagkatapos ay tinalikuran na niya ako.
“Sandali—” Pigil ko sa kanya at nahawakan ko pa ang kamay niya.
“Po?” naramdaman ko ang panginginig ng kanyang kamay at hindi siya makapag-angat ng tingin sa akin.
“M-may ipag-uutos pa po ba kayo?” nauutal niyang tanong sa akin. Kung hindi ako nagkakamali. Simula pagkabata pa lamang ni Asya ay siya na ang tumayong tagapag-lingkod nito. Napapikit ako nang may makita akong kaunting alaala sa kanyang hinaharap. Nakita kong may inabot na putting papel si Asya sa kanya sa Templo ng Sion at sinabi pa niyang kahit anong mangyari ay siya lamang ang maaring mag-abot ng sulat. Napasinghap ako at napabitaw sa kanyang kamay.
“Nasaan ang sulat na ibinigay ko sa’yo? Ibalik mo na ito sa akin dahil nakabalik naman ako ng ligtas hindi ba?” nakangiting sambit ko sa kanya.
“Po? Pero—”
“Nasaan?!” singhal ko sa kanya.
Nagmadali siyang dinukot ang puting papel sa loob ng kanyang damit at inabot sa akin.
“Ma-aari na po ba akong umalis?”
Ramdam ko ang takot sa kanya dahil sa naging asal ko. Kaya kinalma ko ang aking sarili.
“Paumanhin Mana, napagod lang ako sa paglalakbay kaya kita nasigawan. Lumabas ka na at magpahinga.”
Pagkasabi ko ay kaagad siyang umalis at sinara ang pinto. Ang pagkakaalam niya ako lang ang bumalik at nanatili si Maliyah sa itim na bundok dahil nabigo kami sa aming paglalakbay kaya hindi niya alam na ako na si Maliyah. Naupo ako sa higaan at binuklat ang puting tela upang basahin ang nilalaman nito.
“Mahal ko, kung hindi man mawala ang sumpa. Nagagalak pa din ako na nakilala kita. At sa maiksing panahon ay naging masaya ako dahil sa ipinaramdam mo. Mahal na mahal kita aking Prinsepe.” ~Prinsesa Asyana.
Itinapat ko sa kandila ang kanyang sulat at lumiyab ito hangang sa naging abo.
“Ako ang magpaparamdam sayo ng wagas na pag-ibig aking prinsipe. Kung kailangan salungatin ko ang tadhana at hinaharap kahit maging kapalit pa ang aking buhay ay malugod kong tatangapin. Dahil yun ang tapat kong pag-ibig para sayo.”
Kinabukasan ay hindi ko inaasahan ang pagdating ng prinsipe ng Celestria kingdom. Nais daw niya akong makita. Bilang si Asyana kailangan ko siyang harapin at kailangan kong magpangap na si Asya. Hindi ako maaring magkamali.
“Kumusta ka na?” bungad niya sa akin nang tangapin ko siya sa aking bulwagan bilang mahalagang bisita.
“Maayos na naman ako dito Kuya Silas.” Nakangiting sagot ko sa kanya.
“Ang misyon mo Asya ang tinutukoy ko. Ilang araw na ang ibinigay namin sa’yo pero wala pa rin kaming natatangap na balita. Kaya nag-alala kami ni ama kung ano na ang nangyari sayo.” Sambit niya na hindi ko maunawaan.
“Misyon?” nagtatakang tanong ko sa kanya. Bahagya siyang lumapit sa akin.
“Ang tapusin ang Prinsipe ng Astral. Bakit hindi mo pa rin ba nagagawa? Nakalimutan mo na ba? O baka naman nahulog na ang loob mo sa Prinsipe?” Giit niya na hindi ko inaasahan na marinig mula sa kanya.
Hindi ko alam ang isasagot ko sa naging tanong niya. Dahil wala akong alam sa usapan nila ngunit kung tama ang pagkakaunawa ko. Kinuha nila si Asyana upang maging sandata ng kanilang kaharian!
“Kapag nalaman ng prinsipe ang tungkol sa sumpa mo. Hindi ka rin niya matutunang mahalin at baka patayin ka pa nila…kaya dapat iniisip mo na kung kailangan mo siya papaslangin Asya. Binibigyan ka ni ama ng apat na araw upang gawin ang misyon mo dahil kung hindi. Siya na mismo ang gagawa ng hakbang upang sakupin ang Astral.”
Napakuyom ako sa aking kamao at pinigilan ko ang aking sarili upang mailabas ko ang aking galit. Tumayo ako sa kanyang harapan. “Mahal ko ang Prinsipe. Ako ang magiging Reyna ng Astral Kingdom. Sabihin mo kay ama na itigil ang bantang pagsakop sa Astral. Dahil kung hindi, mapipilitan akong kalabanin kayo ni Ama.” Matatag na sagot ko sa kanya. Nakita ko ang pag-awang ng kanyang labi. Hindi niya siguro inasahan ang magiging sagot ko. Ngunit kailangan kong magpakatapang upang protektahan ang aking Prinsipe at ang kaharian na naging tirahan ko na rin sa mahabang panahon!
“Asya, naririnig mo ba ang sinasabi mo? Kakalabanin mo kami dahil lang sa pagmamahal mo sa Prinsipe?!” singhal niya sa akin. Mabuti na lamang pinalayo ko ang mga tagapaglingkod dahil baka marinig pa nila ang usapan namin.
“Paumanhin kuya silas. Kabilang na ako ngayon sa Astral. Kaya paki-usap—”
Nagulat ako nang bunutin niya ang kanyang espada at ini-umang sa aking leeg.
“Para sa pagmamahal mo sa lalaking yun handa mo kaming kalabanin? Puwes, maghanda ka Asya. Sasabihin ko kay ama ang lahat ng naging pag-uusap nating dalawa. At kapag nagdesisyon kaming ituloy ang digmaan. Wala ka nang magagawa pa. Hindi mo naman siguro hahayaan na mapahamak si Ina hindi ba?” Pangungunsensya niya sa akin. Hindi ako nagpatinag sa ginawa niya.
“Ayokong may masaktan, kaya pakiusap. Huwag niyong ituloy ang digmaan.” Mahinahon na sambit ko. Binawi niya ng kanyang espada at tinalikuran niya ako.
Ang Celestria Kingdom. Hindi ko sila hahayaang makalapit sa Astral kahit ano man ang mangyari! Magbabayad sila sa ginawa nila sa amin noon.