ASYA
“Sasamahan mo ako sa templo?”
Napatingin ako kay Xenos dahil sa sinambit niya. Nagpaalam kasi ako sa kanya na pupunta ako sa templo ngayong gabi upang makausap si Maliyah ngunit naghanda rin siya para sumama sa akin.
“Oo, nais ko ding malaman kung ano ang sasabihin ni Maliyah. Baka sakaling makumbinsi ko sya kung hihingi ka ng tulong sa kanya.”
Hindi na ako tumutol pa at sabay na kaming umakyat sa templo. Kung may mabilis nga lang na daan. Kaso hindi maiwasan na hingalin ako sa sobrang tarik ng hagdan pa-akyat ng templo.
“Nais mo bang pasanin na kita?” alok niya dahil napapakapit na ako sa tuhod ko sa pagod.
“Hindi, kaya ko pa.”
Pumunta siya sa harapan ko at tumungo.
“Halika ka na, malakas ang asawa mo kaya kitang pasanin.” Pamimilit niya.
“Huwag na Xenos, kaya ko naman—”
Hinawakan niya ang pulsuhan ko at hinila ako upang dalhin sa likod niya.
“Humawak kang mabuti.” Sambit niya. Hindi ko na siya tinangihan at pumasan na ako sa likod niya.
“Hindi kaya sabay tayong mahulog nito?” nangangamba na tanong ko sa kanya.
“Huwag kang mag-alala hindi kita hahayaan na masaktan.” Nakangiting sambit niya nang lingunin ako at parang papel niya akong binuhat pa-akyat sa templo.
Napangiti ako sa ginagawa niya para sa akin. Pero habang papalapit kami sa itaas ay pabigat na rin ng pabigat ang kanyang paghinga.
“Mahal ko? Ma-aari mo na akong ibaba rito.”
Umiling siya. “Malapit na tayo.” Pagtutul niya. Hangang sa tuluyan na kaming nakarating sa itaas.
“Pasensya ka na kung napagod kita.” Nakayukong sambit ko.
“Huwag kang mag-alala dahil mamaya ikaw naman ang papagurin ko.”
Nag-init ang pisngi ko dahil sa sinabi niya. Ngunit naramdaman ko din ang paparating na si Maliyah. Kaya doon napunta ang attensyon naming dalawa.
“Mahal na prinsipe, bakit po kayo naririto?” yumuko siya sa aming dalawa.
“Maliyah, ma-aari bang sa loob na lang tayo ng templo mag-usap?” wika ni Xenos. Pumasok kami sa loob ng templo at dinala niya kami sa likurang bahagi ng templo. Mataas na bangin na pala ang likuran nito. May mga upuan na yari sa matibay na puno at may mesa din sa gitna nito.
“Maupo kayo.” Sambit niya. Kita mula rito ang liwanag ng bilog na buwan.
“Maliyah, ang sumpa…alam mo ito hindi ba?” panimula ko sa kanya. Nag-angat siya ng tingin ngunit hindi ko pa rin makita ang kanyang mukha. At ganun din siya sa akin.
“Prinsesa Asya, ikinalulungkot ko. Ngunit wala akong kapangyarihan na makakatangal sa sumpa.” Sambit niya. Tuluyan na akong nawalan ng pag-asa. Umasa kasi ako na may maitutulong siya sa akin ngunit bigo pa rin ako.
“Maliyah, hindi lang ito ang unang beses na lumapit ako sa’yo. Ngunit nakiki-usap ako. Ma-aari mo ba kaming tulungan na mapawalang bisa ang sumpa sa mahal kong prinsesa?” Paki-usap ni Xenos. Tumayo si Maliyah at humarap sa langit.
“Ang sumpa na dumadaloy sa katawan mo ay hindi mapapawalang bisa ng kahit na anong mang orasyon. Dahil ang babaeng nagsumpa sayo ay matagal nang pumanaw.”
Napatayo ako sa upuan at ganun din si Xenos.
“A-Ang ibig mong sabihin?”
Naramdaman ko ang paghawak ni Xenos sa kamay ko kaya hindi ko naituloy ang nais kong sabihin.
“Ginawa ko ang lahat upang hindi dumaloy sa mahal na Prinsipe ang sumpa na nasa iyo. Dahil kapag nangyari yun. Mawawalan ng tagapagmana ang hari at magluluksa ang buong kaharian ng Astral magdudulot ito ng digmaan sa kaharian. Hindi lang ang Celestria kundi pati na rin ang mga nais sakupin ang Astral Kingdom. Kaya ang maipapayo ko sa inyo bilang isang hamak na babaylan. Habang hindi pa natin nagagawan ng paraan na mapawalang bisa ang sumpa. Iwasan niyo muna ang magtalik. Dahil hindi kakayanin ng kapangyarihan ko kapag inulit ko pa ang ginawa kong orasyon kagabi.” Mahabang paliwanag niya. Hindi ko na napigilan ang aking luha. Akala ko may mahahanap akong sagot ngunit kung pumanaw na ang nagsumpa sa akin. Lalong wala na akong magagawa kundi antayin na lamang ang kamatayan ko. Ngunit ang mas masakit. Hindi ko magagawa ang obligasyon ko bilang asawa ni Xenos.
“Kasinungalingan lang ba ang lahat ng sinabi mo kay Reyna Auria?”
Bumaling siya ng tingin sa akin dahil sa naging tanong ko.
“Nakatakda kang maging prinsesa ng Astral Kingdom, mahal na Prinsesa Asya. Ngunit hindi ikaw ang magiging reyna ng kaharian na ito. Ipagpaumanhin niyo ang aking kapangahasan. Ngunit yun ang nakita ko sayong hinaharap.”
Nawalan ng lakas ang aking mga binti. Mabuti na lamang at nasa likod ko si Xenos. Inalalayan niya akong maupo.
“Maraming salamat…bumalik na tayo Xenos. Nais ko nang magpahinga.” Wika ko sa kanya. At pinilit kong tumayo upang lumabas na sa templo.
Nang makabalik kami sa aming silid ay wala akong salita na narinig mula sa kanya. Siguro iniisip na rin niya ang magiging hakbang niya kapag nawala ako.
“Xenos…wala ka bang sasabihin sa akin?” nangingilid ang luhang tanong ko sa kanya.
“Asya…naniniwala akong may paraan pa.” sambit niya. Napatingin ako sa kanya. Kung ako nawalan na ng pag-asa…pero siya desidido pa rin siyang mabigyan ng lunas ang sumpa.
Kinabukasan ay niyaya niya akong lumabas ng palasyo. At pumayag naman ako dahil ayokong igupo ng kawalan ng pag-asang mabuhay.
Sa kabila ng sinabi ni Maliyah sa kanya kagabi. Nakangiti pa rin niya akong tinitignan na parang wala kaming dinadala na pagsubok.
Sumakay kami sa isang malaking kabayo at lumabas kami ng palasyo. Walang ibang tao na nakasunod sa amin dahil sakop parin daw ng Astral ang pupuntahan naming lugar. Mas magaan ang suot ko ngayong damit kaya mas magaan din ang kumilos.
Hindi ko maiwasan na mamangha dahil sa ganda ng tanawin na nakikita ko. Masarap din ang simoy ng hangin sa buong paligid.
Hangang sa bumaba na kami sa kabayo. Hawak niya ang kamay ko at inililibot ko ang aking paningin dahil nandito kami sa mataas na burol na napapligiran ng kulay dilaw na bulaklak. At tanaw mula dito ang Astral Kingdom.
Kumuha siya ng isang bulaklak at inilagay sa gilid ng aking tenga. Para kaming nagliligawan at kuntento na ako sa matamis niyang ngiti.
Hangang sa tumigil kami sa lilim ng malaking puno na may kakaibang dahon. Tahimik lang kami at dinig ko pa ang pag-ihip ng hangin.
“Xenos…humanap ka na ng ibang reyna.”
Binitawan niya ang kamay kong hawak niya at tumingin siya sa akin.
“Asya—”
“Hindi kita ma-aaring bigyan ng anak. Hindi ko magagawa ang obligasyon ko bilang asawa mo Xenos. Kaya ngayon pa lamang…humanap ka na ng ibang ipapalit sa akin. At ibalik mo na ako sa aming kaharian.” Seryosong sabi ko sa kanya. Pero imbis na sumagot ay lumapit siya sa akin at kinabig niya ako upang yakapin.
“Dahil sa sinabi ni Maliyah, sumuko ka kaagad. Nakalimutan mo na ba ang ipinangako ko sa’yo? Malaki ang tiwala ko kay Maliyah. Ilang beses na rin niyang pinatunayan ang kakayahan niya. Ngunit, hindi ako susuko Asya.” Wika niya sa akin binitawan niya ako at tumitig siya sa mga mata ko.
“Hahanap ako ng lunas, kahit sa paanong paraan.” Sambit niya.
Nagbagsakan ang pinipigilan kong luha at napahikbi na ako ng tuluyan sa bisig niya.
“B-bakit? Bakit ginagawa mo ito?”
“Dahil mahal kita. Hindi nagkakamali ang puso ko Asya. Mahal kita kaya gagawin ko ang lahat. Hindi ako papayag na dahil lang sa isang hula mawala ka sa akin. Kung kailangan kalabanin natin ang kapalaran ay gagawin nating dalawa ng magkasama. Kaya paki-usap…huwag kang bibitaw.”
Muli niya akong niyakap. Kahit paano ay gumaan ang nararamdaman kong takot. Tama si Xenos, hindi kami maaring mawalan ng pag-asa.
Kinabukasan pagising ko ay wala na siya sa aking tabi. Bago kami matulog kagabi ay nagpaalam siyang aalis ngayong araw dahil may mahalaga siyang pupuntahan. Nakakalungkot man dahil hindi niya ako maaring isama ngunit nangako naman siyang babalik kaagad.
Bumukas ang pinto at iniluwa si Mana.
“Mahal na prinsesa, dito na po ako upang maglingkod sa inyo.” Nakayukong sabi niya.
“Mabuti naman at magaling ka na.” masayang sabi ko sa kanya. Siya ang nag-asikaso ng lahat ng pangangailangan ko.
“Mahal na prinsesa, ipinapatawag po kayo ng mahal na reyna.” Imporma ng babaeng tagapaglingkod mula sa tahanan ni Reyna Auria.
“Sige susunod na ako.” Wika ko sa kanya.
Lumabas ako sa aking silid upang magtungo sa silid ni Reyna Auria at pinapasok naman nila ako.
“Ano pong maipaglilingkod ko mahal na reyna?” magalang na sabi ko sa kanya.
“Gusto lang kitang makausap nagpahanda ako ng minatamis at tsaa.”
Sumunod ako sa kanya at nagtungo kami sa labas ng silid niya at nagtungo kami sa hardin kung saan may upuan at mesa. May nakahanda na rin na pagkain at tsaa.
“Mahal na prinsesa, Asya. Biyaya ka sa aming kaharian kaya nais kong maging malapit ka sa aming pamilya.” Sambit niya. Napangiti ako dahil sa malugod niyang pagtangap sa akin. Ngunit kung alam lang niya ang katotohanan ganito pa rin kaya ang magiging trato niya sa akin?
Marami kaming pinag-usapan ni Reyna Auria. Lalo na tungkol kay Xenos. Kaya mas lalo ko pa siyang nakilala. Napatunayan kong mabuting tao nga siya dahil sa kuwento ng kanyang Ina.
Isang oras din ang lumipas ay nagpaalam na siya sa akin dahil pupunta pa daw siya sa templo kaya nagpasya akong bumalik na lamang sa aking silid. Ngunit pagbukas ko ng pinto ay nadatnan ko ang kapatid ni Xenos. Si Prinsesa Celestina at hawak niya pa ang isa kong maskara na bigay sa akin ni Xenos.
“Anong ginawa mo dito?” tanong ko sa kanya. Kahit isa pa siyang prinsesa ng Astral ay kalapastangan ang ginawa niyang pagpasok sa silid ko ng walang pahintulot. Bumaling siya sa akin.
“Nais kong makita ang ‘yong mukha. Tangalin mo ang yong maskara.” Utos niya sa akin.
“Hindi ko mapagbibigyan ang kahilingan mo. Maaari ka ng lumabas ng silid ko.” Wika ko sa kanya. Humakbang siya papalapit sa akin. Ngunit humarang si Mana.
“Mahal na Prinsesa Celestina. Paki-usap, lumabas na po kayo sa silid na ito. Ibinilin sa akin ni Prinsipe Xenos na walang maaring pumasok na kahit na sino dito.” Wika ni Mana na hindi ko inasahan.
“Kahit na sino?”
Nagulat ako nang malakas niyang sampalin si Mana at napasubsob pa ito sa sahig.
“Mana!”
Kaagad ko siyang nilapitan at matalim ang naging tingin ko kay Celestina.
“Bakit mo ginawa yun? Kahit na prinsesa ka pa ng kaharian na ito baka nakakalimutan mo kung ano ang katayuan ko? Ako magiging susunod na Reyna ng Astral. Kaya inuutusan kitang lumabas ka ng aking silid ngayon din. Bago pa ito makarating kay Ama.” Banta ko sa kanya.
“Ano ang tinatago mo sa likod maskara na ‘yan? Yun lang ang gusto kong malaman!”
Akmang lalapitan niya ako upang hablutin ang aking maskara nang may biglang sumulpot sa harapan ko at pumagitan sa aming dalawa.
“M-Maliyah?” sambit niya.
“Nakiki-usap ako mahal na Prinsesa Celestina. Lumabas na kayo sa silid.” Nakayukong sabi ni Maliyah sa kanya. Tahimik itong lumabas at wala man lang salitang binitawan sa amin. Inalalayan kong tumayo si Mana. Humarap sa akin si Maliyah.
“Hanga’t ma-aari iwasan mo siya. May pagtingin siya kay Prinsipe Xenos kaya nais niyang malaman kung ano ang tinatago mo. At kapag napaslang mo siya hindi ko masisiguro ang kaligtasan mo dito sa palasyo.”