ASYA
“Maraming salamat Maliyah, kung hindi ka dumating baka kung ano na ang nangyari kay Celestina. Wala akong intensyon na manakit ng kahit na sino dito sa Astral Kingdom ang nais ko lang ay magampanan ang tungkulin ko kay Xenos.” Pahayag ko. Nandito kami ngayon sa templo dahil may mahalaga daw siyang sasabihin sa akin. Yun din ang sadya niya kaya siya nagtungo sa aking silid.
“Walang anuman ‘yun. Tungkulin kong protektahan ang lahat ng tao na nangangailangan ng tulong ko at kabilang kana doon Prinsesa Asya.”
Nakahinga ako ng maluwag dahil pakiramdam ko ay isang kaibigan si Maliyah.
“Ano ang nais mong sabihin sa akin?” usisa ko sa kanya.
Nandito kami sa likuran ng templo kung saan kami nag-usap kagabi nila Xenos at dito rin niya ako dinala.
“Nais mo ba talagang mawala ang sumpa?” seryosong tanong niya nang bumaling siya sa akin.
“Oo, kahit anong maging kapalit, Maliyah. Mawala lang ang sumpa na meron ako ngayon.” Tugon ko.
“May alam akong isang paraan upang mawala ang sumpa ngunit ma-aari kang mapahamak.”
Napatayo ako at hinarap ko siya. Hinawakan ko ang kamay niya at nagulat siya sa ginawa ko.
“Paki-usap Maliyah, ituro mo sa akin. Kahit na posibleng mapahamak pa ako susubukan ko pa din basta mawala lang ang sumpa!”
Nabuhayan ako ng loob dahil sa sinabi niya. Ayokong intayin na lamang ang aking kamatayan. Kung gumagawa ng paraan si Xenos upang iligtas ako. Nais ko ding gumawa ng paraan upang mawala ang sumpa sa akin.
“Kung ganun, kailangan nating magpaalam sa mahal na Reyna. Sasamahan kitang maglakbay sa itim na bundok at upang hanapin ang kuweba kung nasaan ang mahiwagang tubig na maaaring makapag-alis ng sumpa.” Paliwanag niya sa akin na ikina-awang ng aking labi.
“Mahiwagang tubig? Sa loob ng kuweba? Ngunit maaari mo bang ilarawan kung paano mo nalaman na mahiwaga ang tubig na nagmumula doon?”
Binitawan ko ang kamay niya at tumingin ulit siya sa malayo.
“Nakikita mo ba ang itim na bundok na yun?” turo niya sa akin. Sobrang layo nito ngunit kita ko naman ang perpektong hugis nito na animo’y bulkan sa malayo ngunit ang kalahati nito ay nababalutan ito ng itim na ulap
“Maraming taong sumubok na kumuha ng tubig sa itim na bundok ngunit iilan lang ang pinalad na makabalik. At lahat ng nakabalik ay iisa ang kanilang sinabi. Gumaling sila sa mahiwagang karamdaman matapos nilang inumin ang tubig na nagmumula sa kuweba. Ngunit bukod sa peligro na kakaharapin sa pag-akyat doon ay hindi maaring magdala ng kahit isang patak ng tubig palabas ng kuweba. Kaya kailangan na ikaw mismo ang kumuha at uminom sa mahiwagang tubig na naroon sa kuweba.” Paliwanag niya sa akin.
“Kung isa yun sa paraan upang mawala ang sumpa. Handa akong harapin ang panganib, Maliyah kahit buhay ko pa ang maging kapalit ngunit gaano katagal ang paglalakbay? Paano kung dumating si Xenos at hanapin ako?”
“Huwag kang mabahala kailangan lang natin na kausapin ang mahal na reyna at siya na ang magpapaliwanag kay Prinsipe Xenos.”
Pagkatapos ng naging pag-uusap namin ay nagtungo kami sa bulwagan ng mahal na Reyna Auria.
“Nais niyo raw akong makausap?” bungad nito sa kanila pagkapasok nila. Yumuko sila at nagbigay galang.
“Mahal na reyna, isasama ko sa paglalakbay si Prinsesa Asya upang magtungo sa Templo ng Sion.” Paalam niya dito.
“Templo ng Sion? Malayo ito sa ating kaharian hindi ba? Ano ang pakay niyo sa kilalang templo?” usisa nito. Nangangamba ako na baka hindi pumayag ang mahal na reyna at hindi kami matuloy sa paglalakbay ni Maliyah.
“Nais naming ipagdasal ang kanyang pagdadalantao upang magbunga ang pagmamahalan nila ng Prinsipe na magiging tagapangmana niya sa hinaharap.” Pagsisinungaling ni Maliyah sa kanya.
“Naunawaan ko, ganun din ang ginawa ko nang dalhin ko sa aking sinapupunan si Xenos. At hindi ako nabigo sa pamamanata sa templo. Maraming salamat sa pag-aalala mo Maliyah. Ihahanda ko ang inyong pag-alis bukas bago sumikat ang araw.” Pagpayag niya na ikinatuwa ko. Ngunit naalala ko si Xenos. Paano kung hindi kami magtagumpay? Paano kung hindi ako makabalik?
“Dalampung araw pa bago ang pagbabalik ni Xenos. Kaya pagkatapos ng pamamanata niyo ay nakabalik na kayo.”
Dalampung araw? Ganun katagal siyang mawawala? At hindi ko alam kung saan siya nagtungo?
“Maraming salamat Ina, aalis na po kami.” magalang na paalam namin sa kanya.
Pagkalabas namin ni Maliyah ay hinatid pa niya ako sa aking bulwagan.
“Nasa emperyo ng Guenera si Prinsipe Xenos, may mahalaga siyang misyon doon na utos ng hari. Kaya hindi ka dapat mabahala sa pagkawala niya. Ngunit kailangan mong maghanda sa gagawin nating paglalakbay bukas ng umaga. Dahil gabi pa tayo makakarating sa Templo ng Sion at doon tayo mangagaling bago tumungo sa Itim na bundok. Mahaba ang magiging paglalakbay natin kaya kailangan mo ng sapat na pahinga.”
Napatingin ako sa kamay niya dahil may inabot siya sa aking tela na kulay puti. Tinangap ko ito at binuksan.
“Ano ito?” usisa ko nang makita ko ang kulay ginto ngunit bilog na kasing laki ng bunga ng ubas.
“Kakailanganin mo yan sa paglalakbay natin sa itim na bundok kaya itago mo.” Paalala niya sa akin. Ngumiti ako sa kanya at nagpaalam. Mamamahinga na sana ako ngunit biglang pumasok si Mana sa aking silid.
“Ano ang dala mo?” usisa ko nang mapansin ang mahabang kawayan na may desenyo. Tinangal niya ang takip nito at hinulog sa kamay niya ang laman sa loob ng kawayan.
“Sulat ng mahal na Prinsipe Xenos para sayo Prinsesa.” Nakangiting sambit niya. Maayos itong nakabilog at may pulang laso pa sa gitna.
Pagkatapos ay nagpaalam na siya sa akin. Na-upo ako sa malambot na higaan upang buksan ang liham.
“Mahal ko, hindi ko inasahan na magkakalayo tayo ng matagal. Hindi sinabi ni ama na kailangan ko palang manatili dito sa Guenera pansamantala. Ngunit habang narito ako ay mangangalap ako ng impormasyon na makakatulong sa sumpa. Nasasabik na akong makita kang muli. Ngunit habang wala ako. Maari mo bang isuot ang nakapaloob sa sulat na polceras? Suot ko din ang kapiraso ng simbulo nito upang kahit wala ako sa tabi mo ay hindi mo makalimutan ang prinsipe mong nasa malayo at nagmamahal sayo. Nawa’y mahanap ko na ang lunas at wala nang makakahadlang pa sa pagsasama nating dalawa.” ~Xenos.
Pinagmasdan ko ang polceras at kaagad ko itong sinuot sa aking pulsuhan. Napakaganda nitong pagmasdan. May kulay itim at bilog na nakapalibot dito at may isang ginto na sa tingin ko ay kalahating desenyo ng isang dragon. Pagkatapos ay inilagay ko ang kanyang sulat sa ilalim ng aking unan. At nagpahinga na rin ako.
Kinabukasan ay maaga akong gumayak, nakahanda na ang mga tagapaglingkod at mandirigma na maghahatid sa amin sa Templo ng Sion. Nagbihis ako ng puting damit na hangang talampakan ang haba at nagtalukbong ng aking mukha. Paglabas ko ng bulwagan ay naroon na sila at naghihintay sa akin. Pumasok ako sa karwahe na kasama si Maliyah. Wala akong nararamdaman na anumang takot at pag-alala. Dahil may kasama akong makapangyarihang babaylan at may kakayanan din naman akong protektahan ang aking sarili.
“Tayo na.”
Sambit ko at nagsimula kaming maglakbay palabas ng Astral Kingdom.