✿✿♡ KIM ♡✿✿
ALAS siete ng gabi nang kalabogin na naman ng bunso kong kapatid ang pinto ng kwarto ko. Nagulantang pa nga ako dahil kasalukuyan na sana akong naiidlip.
“Ate! Kakain na raw! Lumabas ka na d’yan!” sigaw ni Raven. Inis ko namang sinipa ang kumot para maalis sa katawan ko.
Nakakainis. Hindi ba nila kayang kumain nang wala ako? Hindi ko naman dala ang rice cooker!
Pupungas-pungas akong lumabas sa kwarto at wala akong pakialam kahit mukhang pugad ng ibon ang aking buhok. Nagulo kasi ‘yon sa pagkakahiga ko.
“Nakilala ko po s’ya nu’ng nag-birthday ‘yung isang kaibigan ko. Nagkita po kami ro’n.” Hindi ko alam kung tulog pa rin ba ang diwa ko sa pagkakataong ito at tila naririnig ko ang boses ni Julian habang palapit ako sa kusina.
“Andito na pala s’ya. Halika na, anak. Dito ka sa tabi ni Julian.” Si mama. Ngunit hindi ko siya pinansin dahil tuluyang bumukas ang mga mata ko at tumama iyon kay Julian na kasalukuyang nakaupo sa harap ng mesa, kasama si mama, papa, Raven, at ang isa ko pang nakababatang kapatid na si Tisay—middle child sa amin since ako ang panganay.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” inis kong tanong kay Julian nang tuluyan akong makalapit sa kaniya. “Tumayo ka d’yan. Umuwi ka na. Gabi na.” Hinawakan ko pa siya sa kamay at pilit pinatatayo, ngunit sinaway ako ni mama.
“Kim! Hindi pa tapos kumain si Julian! Bakit pinaaalis mo na?!”
“Ma, mas marami ‘yan pagkain sa bahay nila! Expensive s’ya! Hindi ‘yan mawawalan ng makakain!” sagot ko naman at muling binalingan si Julian. Kahit na parang ayaw niyang tumayo ay wala siyang nagawa nang pilitin ko siya.
Si mama at papa naman ay abot ang sermon sa akin habang inaakay ko na si Julian palabas sa bahay. Huwag ko raw muna itong paalisin dahil maaga pa naman.
Nang makarating na kami sa gate ay saka ko siya muling hinarap. “’Di ba sabi ko sa’yo ‘wag ka pupunta rito nang hindi nagsasabi sa ‘kin?”
“Kapag nagsasabi ako sa’yo, hindi mo naman ako pinapayagan.” Bahagya pa siyang sumimangot. Ang cutie pie n’ya talaga, Sarap kurutin sa pisngi.
“Julian, baka nakakalimutan mo, hindi pa ‘ko pumapayag na ligawan mo,” paalala ko sa kaniya.
“Kaya nga parents mo na ‘yung nililigawan ko para sila na mag-push sa’yo na tanggapin ako.”
Napalingon ako pabalik sa bahay namin dahil hanggang dito ay dinig ko ang bulungan ni papa at mama habang nakasilip sa bintana at tinatanaw kami ni Julian.
“Sa loob ng sasakyan mo tayo mag-usap. May matanglawin na nakamasid sa ‘tin,” baling ko sa kaniya. Agad naman siyang napangiti sa sinabi ko at saka niya dinukot ang susi sa kaniyang bulsa. May pinindot siya roon para ma-unlock ang sasakyan niya.
Hindi ko na rin hinayaang ihatid niya pa ako sa kabilang pinto para pagbuksan, ako na lamang ang kusang humakbang papunta roon, habang siya naman ay tinungo na rin ang backseat.
“Bakit ba kasi ayaw mo pang pumayag?” tanong niya nang pareho na kaming nasa loob. Binalingan na rin niya ako kaya tiningnan ko rin siya. “May mali ba sa ‘kin? May hindi ka ba gusto? G’wapo naman ako, ah? Good boy pa.”
“Walang mali sa’yo, Julian. Sa ‘kin may mali. Maraming mali sa ‘kin, kaya nga nagtataka ako kung bakit mo ‘ko gustong ligawan. Saka bata pa ‘ko. I’m not yet ready to be in a relationship.” Naks! Buti na lang nagbubuklat-buklat na ‘ko ng dictionary nitong mga nakakaraang araw. “I prefer landian over dating, Julian. Mas gusto ko kung ano’ng meron tayo ngayon. Gusto mo ‘ko, gusto rin kita. Pero ayokong maging tayo. Gusto ko ‘yung para tayong mag-boyfriend-girlfriend sa chat pero hindi in reality. Na-ge-gets mo ba ‘ko?”
“Honestly, no. Hindi kita ma-gets, Kim. Hindi ko alam kung ano’ng tawag sa relasyon na gusto mo. Pero hindi ako pabor do’n. Gusto ko may label tayo para p’wede kitang i-flex sa buong mundo, pati na sa family ko.”
“Juliaaaaan~” maktol ko. Napasandal pa ang ulo ko sa headrest. Saglit akong natahimik at nag-isip habang pinagmamasdan siya. “Gusto mo ba hindi na kita kausapin o i-chat kahit kailan?”
“Of course not!”
“Yun naman pala, eh? Kung gusto mong maging magkausap pa rin tayo, ‘wag mo ‘ko liwagan. Dahil kapag pinilit mo ‘ko, ibo-block na kita sa lahat ng social media account ko.”
“Kim . . .”
“Hindi ako nagbibiro. Mas gusto ko ang ganitong set-up. Parang MU lang,” seryoso kong sabi sa kaniya. Pinagmasdan naman niya ako nang tahimik at ilang sandali ang lumipas bago siya nagpakawala ng buntong-hininga.
“MU? How can I kiss and hug you kung MU lang tayo?” pabulong niyang sabi sabay iwas sa akin ng tingin. Itinuon niya ang mga mata niya sa harap.
Kiss? Iyon lang ba ang gusto n’ya kaya s’ya nag-i-insist na ligawan ako?
“Yun lang ba pinag-aalala mo?” Binalik niya ang tingin niya sa akin dahil sa tanong ko.
Bahagya siyang nakasimagot. Pinagmasdan ko ang mukha niya at ang cutie pie niyang labi na manipis at mamula-mula. Tumahip pa ang dibdib ko habang iniisip ang aking gagawin pero, bahala na.
Agad akong dumukwang palapit sa kaniya at mabilis dinampian ng halik ang pisngi niya. Oo. Pisngi lang. Hindi naman ako mapagsamantala.
Muli akong bumalik sa upuan ko habang siya naman ay tulalang nakangin sa akin. Mukhang na-shock siya sa ginawa ko. Napahawak pa siya sa pisngi niya kung saan ko siya hinalikan.
“Did you just . . . kiss me?”
“Oo, Julian. Lutang ka ba?” pamimilosopo ko pa sa kaniya. Muli siyang natahimik at hindi inalis ang tingin sa mukha ko. Hanggang sa napansin kong bumaba ang mga mata niya sa labi ko, kasunod ang paggalaw ng adams apple niya dahil sa ginawa niyang paglunok. “Labas na ‘ko. Iba na tingin mo sa ‘kin, eh. Mukha ka ng mananakmal . . .” I joked. Bumaling na ako sa pinto at mabilis iyon binuksan para makalabas. “Bye, Julian pogi.” Ngumiti pa ako sa kaniya nang bahagya bago ko malakas na isinara ang pinto.
At maging ako, hindi ko naiwasang kiligin at mapangiti habang papasok sa loob ng bahay. Kiss lang 'yon sa pisngi pero parang nabusog na agad ako kahit wala pang laman ang tiyan ko.