Chapter 4

1134 Words
Halos tatlong oras ang inabot ng biyahe. Pagtingin ni Nadielyn sa pambisig na orasan ay alas-onse na ng gabi. Bumukas ang pintuan ng sinasakyan niyang van at nagsibabaan ang mga kasabay niyang pasahero.             May mga sumalubong sa kanilang mga lalaki pagkababa nila. Iyon na yata ang sinasabi ng Yaya Menang niya na mga tricycle drivers na nag-aalok na gawin nilang service kung saan man sila pupunta.             “Ma’am sakay kayo?” tanong ng isang maitim at kalbong lalake.             May tattoo pa ito sa braso at mukhang goon kaya hindi niya ito sinagot dahil asiwa siya rito.             “Ineng, saan ang tungo mo?” tanong naman ng isang matandang lalake.             Sa tantiya niya ay nasa mid fifties na ito. Nakatsinelas lamang ito, maong na shorts at t-shirt.  Mabait ang bukas ng mukha kaya mas pinili niya itong kausapin.             “M-Manong alam niyo po ba kung saan ito?” tanong niya at iniabot dito ang maliit na papel kung saan nakasulat ang address ni Yaya Menang.             “Brgy. Dacanlao? Malapit sa kapilya at eskwelahan?”             “Opo kay Menang Dela Cruz po.”             “Ay oo! Si Menang kabaranggay ko iyan. Kilala ko, sa kanila ba ang tungo mo?”             “Opo! Alam niyo po kung saan?”             “Oo. Sige halika sumunod ka sa’kin at nandoon ang tricycle ko.”             Napangiti siya. Mukhang sinuswerte siya. Mabuti na lang at mukhang kilala ang pamilya ng dati niyang Yaya. Kinuha ng lalaki ang maleta niya at isinakay iyon sa isang tricycle na ngayon lang niya masasakyan. Sumakay na rin siya at nakaramdam ng excitement sa muling pagkikita nila ni Yaya Menang.             Sampung minuto lang ang itinagal ng biyahe. Tinulungan siya nitong makababa. Nanibago siya dahil pulos maliliit na bato ang nasa gilid ng daan at hindi flat na semento kagaya sa lungsod.             “Iyang green na gate magpatao po ka diyan, iyang unang bahay na natatanaw mo ang bahay nina Ka menang.” turo nito sa kanya kaya napatango-tango siya saka niya inaabot dito ang bayad.             “Aba ang laki naman nare? Otsenta lang ang singil ko.” bulalas nito ng iabot niya ang buong limang daang piso.             “Sa inyo na po ‘yan, tip ko po. Dahil sa inyo hindi na ko nahirapang hanapin ang bahay niya.” nakangiting tugon niya at tinapik pa ito sa balikat.             “O siya sige maraming salamat ineng. May pandagdag tuition na ang anak ko. Pwede na akong umuwi, pagod na rin ako, eh.”             “Palagi po ba kayong inaabot ng ganito kagabi?”             “Kadalasan, oo. Dalawa kasi ang iginagapang ko sa pag-aaral. Isang kolehiyo at high school kaya doble ang kayod kahit medyo nirarayuma na. Matanda na kasi ako na nakapag-asawa.”             Nakaramdam siya ng habag sa sinabi ng matanda. Siya kasi ay walang kahirap-hirap na nakuha ang halagang ibinigay niya dito, samantalang ito ay halos walang tigil sa pamamasada kumita lamang para sa pamilya. Naaalala niya tuloy ang Daddy niya.             “S-Sige po, ingat po kayo sa pag-uwi Mang…?”             “Pilo! Ako si Pilo.”             “Sige po salamat! Mang Pilo.”             Nang makaalis ito ay lakas loob siyang lumapit sa bakal na tarangkahan na hanggang dibdib lamang niya ang taas.             “T-Tao po? Tao po! Yaya Menang?” tawag niya.             Walang tumugon kaya muli niyang inulit ang pagtawag. Medyo madilim ang kabahayan dahil walang nakasinding ilaw. Mayamaya lang ay may suminding ilaw sa balkonahe ng bahay. May lumabas doon.             “Sino ‘yan?” boses ng lalaki. Inaninag niya ito. Nakilala niya ito. Ito ang anak ng dating Yaya. Nakasando lang ito at lantad ang matipunong pangangatawan.             “S-Si Nadielyn ‘to. Nandiyan ba si Yaya Menang?” lakas loob na tanong niya.             Halatang natigilan ito pero pagkukwa’y pumanaog ito at lumapit sa tarangkahan. Seryoso ang bukas ng mukha na binuksan nito ang tarangkahan.             “Tuloy ka,” yakag nito.             “T-Thank you.” wika niya at hinila na ang de gulong na maleta. Hindi man lang siya tulungan nito, kita ng halos magkandaire na siya sa paghihila niyon sa dami ng ipinaglalagay niyang gamit.             “Baka naman pwedeng tulungan mo akong buhatin ang mga ito? It’s kinda heavy, eh!” pasaring niya.             Saglit siyang tinitigan nito at pagkukwan ay walang imik na kinuha ang maleta sa kanya. Napairap siya sa hangin. Mukhang wala pa itong balak magpakamaginoo kundi pa niya inutusan. Iginiya siya nito papasok ng bahay. Awtomatikong iginala niya ang paningin nang makapasok sila. Hindi ganoon kalaki pero yari din naman sa bato ang bahay. Halos kumpleto rin sa gamit, sa pinakagitna ng bahay ay nandoon ang isang maliit na TV na nakapatong sa isang lamesa na yari sa kahoy na binarnisan lang. Maaliwalas din sa paningin ang kulay light blue na kurtina na nakakabit sa mga bintana.             “Gisingin ko lang si Nanay,” matipid na sabi ng binata sa kanya matapos nitong ilapag sa isang tabi ang maleta niya, saka ito gumawi sa kanang bahagi ng bahay at hinawi ang isang kurtina saka pumasok doon.             Napailing siya at umupo sa isang may kahabaang upuan na yari sa yantok. Ilang saglit pa ay lumabas na ang Yaya Menang niya. Halatang naalimpungatan ito dahil kinukusot-kusot pa ang mga mata.             “Yaya!” masigla at napatayong bati niya saka ito sinugod ng yakap.             “Jusmiyo! Nadielyn! Gabing-gabi ay napasugod ka?” halata ang gulat sa mukha nito.             “Di ba po sabi ko dadalawin ko kayo?”             “Oo nga pala, pero ikaw talaga binigla mo naman ako. Kanina lang ay kausap pa kita! Tapos ngayon nandito ka na. Halika nga maupo muna tayo. Danilo, anak magtimpla ka nga ng maiinom diyan para dine sa alaga ko,” baling nito sa binata na nakatayo lang at tahimik na nakamasid sa kanila.             “Nanay naman. Dan nga kasi!” biglang reklamo nito bago tumungo sa kusina.             “Parang ayaw niya pong tinatawag na Danilo, ano po?” hindi maiwasang komento niya habang natatawa.             “Ewan ko ba sa batang ‘yan. Ayaw yata sa pangalan niya. Pangmatanda raw. Nag-aatsake na parang bata kapag tinawag ko sa buong pangalan. Hala yaan mo nga siya. Halika maupo tayo.”             “Namiss ko po kayo,” sinserong sabi niya sa matanda nang makaupo sila habang hawak pa niya ang kamay nito.             “Ako rin ineng. Namiss ka ng Yaya. Ano, dito ka ba muna tutuloy?”             Napayuko siya sa tanong nito at hindi kaagad nakasagot. Paano kaya niya sasabihin dito na naglayas siya at balak na dito talaga tumira?             “May problema ba?” untag nito ng hindi siya makasagot.             “Yaya kasi pwede bang dito na ko…for good?”             “Ha? Ano’ng ibig mong sabihin?”             Napabuntong-hininga siya sa nakitang pagkalito sa mukha nito.             “N-Naglayas po kasi ako. Pwede kayang dito na ko tumira?”             “Naglayas?” anang isang tinig kaya napalingon sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD