Si Danilo pala ang nagsalita habang bitbit nito ang isang baso na may lamang juice. Hindi na ito nakasando, nakasuot na ito ng itim na jacket. Baka nailang sa kanya? Madilim ang mukhang inilapag nito sa maliit na center table na katapatan ng inuupuan nila ang juice. Umupo ito sa isa pang katapat na upuan na pang-isahan lang at seryosong tumitig sa kanya. Hindi niya alam pero kusa siyang nag-iwas ng tingin. Parang napaso siya sa paraan ng titig nito.
“Naglayas ka kamo? Tama ba?” tanong pa ni Danilo.
“Y-Yeah.”
“Oh, eh bakit mo naman naisipan ‘yon? Ang ganda-ganda ng bahay niyo, ipagpapalit mo dito sa munting bahay namin?” tila hindi makapaniwalang usisa ni Yaya Menang.
“Ayoko na do’n. Hindi ako makakatagal na kasama ‘yong bagong asawa ni Mommy. I can’t stand it. They’re so annoying!”
“Dahil lang do’n naglayas ka? Ang babaw naman yata!” halatang nang-aasar na sabi ni Danilo kaya nagpanting ang tenga niya.
“And who are you to say that? You know nothing. Wala ka sa posisyon ko para maintindihan ang nararamdaman ko. Saka ‘wag ka ngang sumali dito. Si Yaya ang kausap ko!” hindi niya naiwasang magtaray na ikinangisi nito.
“Dito ako nakatira. Anak ako niyang Yaya mo. May karapatan naman siguro ako kung sino ang gusto kong patuluyin at makakasama ko dito sa bahay. Matibay na ba ‘yang buto mo at kaya mo ng bumukod sa magulang mo? Eh, tingin ko sa’yo wala kang kaalam-alam sa buhay. Baka naman nabibigla ka lang, Señorita?”
Napatiim bagang siya dahil sa pagkasarkastiko nito ng tawagin siya nitong Señorita. Antipatiko ang lalaking ito! Medyo masarap sikmuraan pero hindi niya gagawin. Sa halip na makipagsagutan dito ay binigyan na lang niya ito ng isang makabaling leeg na irap.
“Tama na ‘yan. ‘Wag na kayong mag-away. Eh, kung gusto mo talagang tumira muna dine sa amin, eh, bukas naman ang bahay ko para sa’yo. Iyon nga lang ay kailangan mong magtiis ng kaunti. Wala kaming aircon dito, eh. Electric fan lang. Alam ko namang hindi talaga madaling tanggapin kaagad ang desisyon ng Mommy mo. Ganito na lang, tutal lumalalim na ang gabi, bukas na lang tayo mag-usap-usap,” awat ng Yaya Menang niya nang maramdaman ang mainit na girian nila ng antipatikong anak nito.
“Talaga Yaya? Wow! The best ka talaga! Thank you!” tuwang-tuwang aniya at niyakap pa ito.
Napasulyap siya kay Danilo na salubong na ang kilay. Nginisian niya ito at inirapan ulit pero nagulat siya nang magmake face ito at parang sinapian kung makatirik ang mga mata! Simpleng maldito pala ang kumag!
“Yaya, may isa pa sana akong pakiusap?” pacute na hiling niya.
“Basta kaya ng Yaya gagawin ko.”
“Pwedeng ‘wag mo na lang sabihin kay Mommy na nandito ako kung sakaling kokontakin niya kayo?”
“Iyan naman ang hindi pwede. Kung gusto mong tumira dito ng wala kang napeperwisiyo kailangan naming ipaalam sa magulang mo na nandito ka. Paano kung kasuhan kami ng k********g? Tahimik ang buhay namin dito ‘wag mo sanang guluhin,” sabat na naman ni Danilo kaya napasimangot na naman siya. Tawagin ba naman siyang panggulo?
“Nadielyn, ineng sa tingin ko tama ang anak ko. Kailangang malaman ng Mommy mo na nandito ka para hindi sila mag-alala.”
“Eh, paano kung pauwiin niya ko? Ayoko!”
“Aba kung makapagwala ka diyan, ah? Daig pa paslit. Lumupagi at magpapadiyak ka na rin kaya para kumpleto na ‘yang pag-iinarte mo diyan?” parungit na naman ng antipatikong binata.
“At sino’ng nag-iinarte? Ikaw namumuro ka na! Ihambalos ko na kaya sa’yo ‘tong maleta ko?” banta niya saka tumayo at nilapitan ang de gulong na maleta niya. Pikon na siya sa unggoy na ito.
“Kaya mo? Ni hindi mo nga mabuhat iyan, ihahambalos mo pa? Baka magkalas-kalas pa ‘yang mga buto mo. Kawawa ka naman.”
“Aba’t! Talagang-”
“Magtigil nga kayong dalawa! Para kayong aso’t-pusa, ah? Baka makabulahaw kayo, nakakahiya sa mga kapit-bahay!” saway ni Menang sa kanila.
“Iyang anak niyo po kasi.”
“Pagpasensiyahan mo na. Oh, bueno nakapagdesisyon na ko. Pwede kang pumirmi dito.”
“Nay!” tutol na naman ni Danilo kaya binelatan niya ito.
“Pero Nadielyn, sa oras na tumawag ang Mommy mo at hinanap ka, wala akong magagawa kundi sabihin na nandito ka. Ayoko namang magkaroon kami ng hidwaan kapag nalaman niyang itinatago kita. Malaki ang utang na loob ko kay Ma’am Celina. Ina rin ako. Hindi rin ako mapapakali kung sakaling layasan ako ng anak ko at hindi ko man lang alam kung nasaan siya.” pinal na turan ni Yaya Menang.
“Sige na nga po,” pagpayag niya.
“Danilo, doon muna siya sa kwarto mo. Dumito ka muna sa salas. Samahan mo at kukuha muna ako ng bagong unan at kumot.” utos nito sa anak.
“Dan, nga kasi Nay. Tsk. Halika na!” masungit na yakag nito sa kanya kaya napatayo siya at hinila ang maleta para sumunod dito.
Dalawa lang ang nakahilerang pintuan at sa pinakadulo ito pumasok. Binuhay nito ang ilaw sa silid, kulay puti at asul ang pintura ng silid. May isang single bed sa gitna at isang electric fan sa gilid nito. May cabinet na yari sa narra at may gitara pang nakasabit sa dingding.
Akala niya porke lalaki ang may ari ng silid ay inasahan na niyang makalat at magulo iyon pero hindi. Malinis iyon at walang mga unusal na kalat sa paligid. Makintab din ang sahig na halatang alaga sa linis.
“Matulog ka na. Bukas mo na lang ayusin ang mga gamit mo. Dadalhan ka ni Nanay ng mga unan. Hintayin mo na lang. Mauna na ko,” pormal na anito at kinuha ang dalawang unan at isang kumot sa kama. O mas tamang tawaging papag dahil gawa iyon sa kawayan.
Hindi na siya nagsalita at nagkibit-balikat lang. Ayaw niyang kausap ito dahil asar pa rin siya dito. Umupo na siya paanan ng kama nang makitang palabas na ito ng silid. Pero dagli ulit itong lumingon sa kanya.
“Paalala lang, ayoko ng makalat. Babae ka naman. Hindi ka naman siguro burara?” bilin nito kaya napaangat ang kilay niya.
“Don’t worry Mr. Danilo hindi ako magkakalat.”
Napansin niyang napasimangot ito. Lihim siyang natawa. Mukhang ayaw nga nitong tinatawag ng buo sa pangalan.
“Sige na, Señorita. Matulog ka ng mahimbing,” halatang sarkastikong anito bago tuluyang lumabas ng silid. Napailing siya at pabagsak na humiga sa kama saka siya tumitig sa kisame. Ngayon niya naramdaman ang pagod. Mukhang hindi magiging madali ang pagtuloy niya doon dahil kay Danilo antipatiko!