Kagagraduate lang nila Nadielyn noong nakaraang Marso sa kursong Business Management. Ang iba sa mga kabatchmate at kaibigan niya ay may mga trabaho na kaagad pero siya, mas pinili munang umistambay at maglakwatsa nang maglakwatsa, kahit panay ang pangungulit ng Mommy niya na tulungan niya ito sa negosiyo nilang shipyard o iyong pagawaan ng mga barko.
Napabuntong-hininga siya. Malabong dito siya makatuloy. Ayaw naman niyang mang-istorbo at lalong ayaw niyang masaksihan ang mga paghaharutang gagawin ng mga ito kung sakali.
Kahit may pagkaout-going siya ay may pagkakonserbatibo pa rin siya. Kaya medyo nawiwindang siya sa pinaggagawa ng kaibigan niya sa buhay nito ngayon. Matanda lang ito sa kanya ng halos isang taon kaya gulat siya. Naniniwala siyang marriage first bago na ang mga tsurbahan na ‘yan.
“O sige hindi bale na nga lang. Thank you,” paalam niya at naiiling na pinatay ang tawag.
Nagtatawag pa siya ng ilang kaibigan pero puro mga hindi pwede. Samu’t-sari ang dahilan ng mga ito. Merong nasa out-of-town kaya walang tao sa bahay. Merong nasa party at hindi alam kung ano’ng oras makakauwi.
Napabuntong-hininga siya. Naisip niya bigla si Bryle. Last straw na niya ito. Nag-aalangan pa siya kung tatawagan ito lalo pa at nasinghalan niya ito last time. Pero wala na siyang choice. Hindi na niya talaga kayang tumagal pa sa bahay kasama ang lalaking ipinagpalit ng Mommy niya sa namayapang ama. Never!
“H-Hello, Bryle?” nahihiyang bungad niya nang sagutin nito ang tawag niya.
“Yes Nadie, napatawag ka?”
“Magsosorry sana ko, saka may alam ka bang place na pwede kong-”
“Bryle, sweetie sino ‘yan?” boses ng babae iyon kaya naantala siya sa pagsasalita.
“Nadie, can we talk some other time? May ginagawa lang ako.”
“Pero-”
He hanged up. Wala siyang nagawa kundi mapapalo sa kama sa inis. Mukhang ipinagpalit na siya ng damuhong iyon. May bago ng kinalolokohan. Pero kunsabagay hindi naman sila. Nililigawan pa lang siya pero kahit na! Gano’n ba talaga ang mga lalaki? Kapag nainip, hahanap ng kapalit?
Wala na yatang matinong lalaki sa mundo, mapwera sa ama niya na hanggang kamatayan Mommy lang niya ang minahal. Tumayo na siya at nagsimula ng mag-empake habang nag-iisip kung saan siya pupunta? Hanggang sa maisip niya si Yaya Menang. Hinanap niya ang papel na ibinigay nito. Nakalagay iyon sa wallet niya. Binasa niya ang nakasulat na address at may cellphone number pa. Sana pala kahapon pa siya lumayas at sumama sa Yaya niya.
“Dacanlao, Batangas? Ang layo naman nito? Paano ba ko pupunta rito?” himutok niya.
Sinubukan niyang tawagan ang numero. Meron namang sumagot.
“Hello? Sino ga are?”
“Yaya Menang?” paniniyak niya ng mabosesan ito.
“Ay, ako nga. Nadie?”
“Ako nga po, kamusta po?” parang maiiyak na tanong niya.
Miss na kasi niya talaga ang dating tagapag-alaga. Gusto niyang magsumbong dito at magngu-nguyngoy para mabawasan kahit papaano ang bigat na dinadala niya.
“Ay ito mabuti naman. Natawag ka? Teka nasa banyo ako kaya hindi ko na napansin na ikaw ang tumatawag. Kamusta ka?”
“Hindi po ako okay, eh.”
“Naku, bakit naman? May problema ka ba? Sabihin mo at baka makatulong ang Yaya.”
Napasinghot na siya at napatingala pa para pigilan ang pag-iyak.
“P-Paano po ba pumunta diyan kung magkocommute lang ako?” sa halip ay tanong niya.
“Dadalawin mo ako? Kailan?” tuwang tanong nito.
“Basta po. Sosorpresahin ko na lang po kayo.”
“O siya sige. Ganire ang pagpunta sa amin, pumunta ka ng Pasay, may terminal ng bus at van doon. Ipagtanong mo lang ang sakayan ng Balayan. Tapos kapag nakarating ka na doon may mga tricycle driver na sasalubong sa inyo at itatanong kung saang barangay o bayan kayo ihahatid. Sabihin mo Dacanlao makalampas ng tulay. Sa tapat kami ng kapilya ng Iglesia ni Kristo.”
“Ano po’ng mas magandang sakyan? Iyong mabilis lang para makarating kaagad?”
“Iyong van wala ng masiyadong dinadaanang bayan-bayan, kailan ka ba papasiyal dine?”
“Ang totoo po-”
Nawala ito sa kabilang linya kaya natigilan siya. Muli niya itong tinawagan pero hindi na macontact. Out of reach na ito. Inisip na lamang niya na nalowbat ito. Kinuha na niya ang de-gulong na maleta at tinungo ang pintuan. Sumilip muna siya. Walang tao sa hallway kaya lumabas na siya.
Maingat ang mga hakbang niya. Mukhang wala pa ang Ina. Kapag ganoong oras kasi ay nasa opisina pa ito, malamang ay kasama pa nito ang bagong asawa, samantalang ang mga kasambahay ay alam niya na abala sa kusina sa oras nito. Naghahanda ng dinner para sa Mommy niya, para kung sakaling dumating ito ay nakahanda na kaagad.
Nagmamadaling tinalunton niya ang daan pababa ng hagdanan saka tinungo ang maindoor. Ayaw niyang maabutan ng kahit na sino at baka mapurnada pa ang plano niyang pagtakas. Nakalabas na siya ng gate ng walang nakapuna sa kanya. Lakad-takbo siya hanggang sa makalabas ng exclusive subdivision at makapara siya ng taxi.
Nagpahatid siya sa terminal sa Pasay. May mga kalapit iyong fast food chain kaya kumain na muna siya saka niya tinungo ang terminal. Nagtanong-tanong siya at mabilis naman siyang nakasakay kahit pumila pa siya.
Medyo naimbyerna lang siya nang mapansing siksikan ang mga pasahero sa loob. Ipinatong niya ang maleta sa tabi niya. Sa likod siya ng driver nakapwesto katabi ng bintana.
“Miss ibabayad mo ba’yan?” tanong sa kanya ng driver.
“A-Ang alin po?” hindi niya kasi kaagad nakuha ang itinanong nito. First time niya kasing sumakay ng pampasaherong sasakyan.
“Iyang maleta mo. Kung hindi, ibaba mo na ‘yan at may iba pang sasakay diyan sa tabi mo.”
“Ibabayad ko na lang po kaysa naman siksikin ako dito,” sagot niya at iniaabot ang bayad. Sinuklian naman siya nito.
Nang mapuno ay napansin niyang bukas ang mga bintana kahit nagpastart na ng sasakyan ang driver.
“Manong wala pong aircon?” usisa niya.
“Naku sira, eh. Fresh air lang tayo.”
Napailing siya. Ngayon lang siya babiyahe ng walang aircon ang sasakyan. Kaya ang resulta halos hindi siya nakatulog sa biyahe! Hinangin ang mahaba niyang buhok at nanigas iyon dahil sa samu’t-saring alikabok na kumapit doon. Napilitan tuloy siyang ipuyod iyon.
Masuka-suka pa siya dahil may paatomic bomb ang kili-kili ng taong katabi ng maleta niya. Sana lang ay hindi magkaamoy ang maleta niyang sinasandalan nito. Hays. Mukhang hindi magiging madali ang bagong yugtong papasukin niya, sa anghit pa lang nitong lalaking katabi ng maleta niya’y nawiwindang na siya!