Kinaumagahan naalimpungatan si Nadielyn ng tumama ang sinag ng araw sa magandang mukha niya na nagmumula sa nakabukas na bintana. Napabaling kaagad siya sa pintuan ng biglang bumukas iyon matapos ang dalawang katok.
Si Danilo ang nakita niya doon. Halatang bagong paligo ito at nakabrush up pa ang buhok. Nakasuot ito ng pants simpleng polo shirt. Ang bango tingnan. Fresh…ngiii! Swear hindi niya ginustong puriin ito kahit na konti. Hindi bukal sa loob niya iyon.
“Gising ka na pala Señorita. Tamang-tama. Bumangon ka na diyan. Pakiligpit niyang hinigaan mo at sumunod ka na sa kusina. Handa na ang almusal,” pormal na anito saka tumalikod at lumabas na.
“Sungit talaga. Hindi man lang marunong mag-good morning,” naiiling na sabi niya sa sarili at iinat-inat na bumangon. Mag-aalasiyete na pala pagtingin niya sa relong nakasabit sa ulunan ng kama.
Bahagya pa niyang nahimas ang likuran. Medyo masakit iyon dahil sa tigas ng hinihigaan niya. Hindi katulad ng kama niya sa mansion na pinanggalingan, super lambot. Oh, well papel wala naman siyang magagawa. Pinili niyang maglayas. Dapat ay mapanindigan niya.
“Hello!” bati ng isang batang babae na bigla na lang pumasok at masiglang binati siya.
Mataba ito at morena. Nakasuot ito ng uniporme na halatang pamasok. Nakapigtail pa ang kulot na buhok nito. Sa tantiya niya nasa walo hanggang sampung na taong gulang ito.
“Who are you?” kunot noong tanong niya dito.
Kapag umaga kasi at bagong gising ay may kasungitan siya. Wala siya sa mood makipag-usap.
“No English? Pwede? Alam ko Pilipina ka po kaya magtagalog ka.”
Naipaikot niya ang mga mata at napailing. Matabil ang batang ito.
“So sino ka nga?”
“Bebang. Pamangkin po ako ni Tiya Menang. Ano’ng pangalan mo?”
“Nadielyn. Nadie na lang. So ano’ng ginagawa mo dito?”
“Dito ako nakatira, eh. Eh, ikaw bakit ka nandito?”
“D-Dito na rin ako titira. I guess?”
“Papaampon ka?”
“Papaampon? Ang laki ko na naman yata para do’n?” pakli niya saka tumayo at tiniklop ang kumot na ginamit saka niya ipinatas ang mga unan.
“Sus. Hindi lang naman bata ang inaampon. ‘Wag kang mag-alala okay dito.”
“I hope so. Teka nga matanong kita, kung dito ka nakatira, ibig sabihin nandito rin ang magulang mo? Akala ko pa naman sila Yaya lang ang nandito.”
“Tatlo lang kami dito. Ako, si Tiya at si Kuya Danilo.”
“Gano’n? Asan parents mo?”
“Utas na.”
“Utas?” maang na tanong niya dahil hindi pamilyar sa kanya ang salitang iyon.
“Patay na. Iyong Nanay ko, iyon ang bunsong kapatid ni Tiya Menang. Namatay ‘yon sa panganganak sa’kin. Iyong Tatay ko naman lumubog ang sinasakyang bangka no’ng nangingisda siya. Ang kulit kasi, sabi ng may bumagyo pumalaot pa rin. Kaya nalunod. Tapos iyong iba ko pang mga kapatid na mas panganay sa’kin may kanya-kanya ng pamilya kaya parang mag-isa na lang ako. Pwera pala kay Ate ko na dalaga pa rin, nagpapadala siya sa akin, nasa Dubai siya. Kaya parang inampon na lang ako nina Kuya kasi walang magbabantay sa’kin.”
“Sorry to hear about your parents,” sinserong sabi niya.
Nakaramdam siya ng habag para sa batang si Bebang. Napakaagang naulila.
“Ay nag-english ka na naman. Halika na nga. Gutom na ko,” hila nito sa kanya kaya napasunod siya.
Pumasok sila sa kusina na nagsisilbing komedor na rin na karugtong ng sala. Kurtina lang ang nagsisilbing divider niyon. Napatakip siya sa ilong ng masagap ng ilong niya ang kakaibang amoy. Naabutan niyang nandoon na si Danilo at kumakain sa isang pabilog na mesa na yari sa plastik. Hindi iyon ganoon kalaki, kasiya lamang para kanilang apat dahil apat lang din ang monoblock na upuan na nakapalibot doon. Nagtitimpla naman ng kape si Yaya Menang.
“Morning po Yaya.”
“Good morning, Nadie anak. Maupo ka na at kumain,” nakangiting bati ni Yaya Menang sa kanya at umupo na.
Nauna nang umupo sa kanya si Bebang kaya naupo na siya sa isang silya na bakante. Sa gilid ni Danilo. Seryoso itong kumakain at hindi man lang siya sinusulyapan.
“Yaya ano ‘yong naaamoy ko? Parang patay na daga?”
Tumawa si Bebang sa tanong niya.
“Baka itong tuyo ang naaamoy mo ate? Haha medyo mabantot nga ito,” anito at kumuha ng isang pirasong isda na nakahain sa lamesa at inilapit pa sa mukha niya kaya mas lalo siyang napangiwi at napatakip sa ilong.
“Mukhang malnourished ‘yang tuyo na sinasabi mo. Ang payat, eh!” puna niya.
“Ganyan talaga. Pero masarap naman. O tikman mo,” anang bata at ipinaglagay siya sa plato na nasa tapat niya.
“Ui Bebang ‘wag mo ngang pakainin ang ate Nadielyn mo niyan at baka mangati. Itong itlog at hotdog na lang ang sa kanya. Ipinagbukod ko talaga siya,” saway ni Menang sa bata at ipinaglagay pa siya ng Yaya Menang niya sa plato.
Napansin niyang dalawang piraso lang ang hotdog at hindi pa jumbo. Kakaunti lang din ang itlog at sakto lang sa kanila. Naamoy niya ang mabangong sinangag kaya kumuha na rin siya.
“Yaya walang spam?” tanong pa niya. Nauuntian kasi siya sa mga nakahayin, parang walang masiyadong mapagpilian.
“Ano’ng spam? Gusto mong mapalampang? Kung ano’ng nakahain diyan kainin mo,” kunot noong ani Danilo na noon lang nagsalita.
“What? Ano’ng palampang?”
“Hahampasin ka raw niya ate! Ang sungit talaga. Hahaha!” tumatawang paliwanag ni Bebang kaya napaangat ang kilay niya.
“Inaano ka? Pakasungit mo. Kung walang spam, fine! Bacon na lang.”
“Bacon? Ako malapit ng mapikon sa’yo. Wala ka sa bahay niyo. Umayos ka!” pagsusungit na naman nito.
“Danilo, tama na ‘yan. Bakit ganyan ka kay Nadielyn? Baka nakakalimutan mo babae ‘yan,” saway ni Menang sa anak.
“Dan nga kasi. Saka Nay di ba ginusto niyang tumira dito? Dapat hindi niya tayo hinahanapan ng kung anu-ano.”
Natameme siya sa sinabi nito. Napagtanto nga niyang mali siya. Siya nga naman ang nakikitira doon nagdidemand pa siya. Pero siyempre, dahil asar siya dito ay ayaw niyang magpatalo.
“Fine. Hindi na lang ako kakain. I already lost my appetite. Excuse me,” malamig na sabi niya at tumayo na saka tuloy-tuloy na umalis ng lamesa. Hinawi na niya ang kurtina para makalabas ng kusina.
“Nadielyn!” pigil ni Yaya Menang sa dalaga.
“Pabayaan niyo kasi siya Nay. Napakaspoiled niyang alaga niyo. Dapat diyan dinidisiplina. Kakasuyo lalong lumalaki ulo. Kita niyo ang asal niyang ‘yan? Siya na itong mali, siya pa itong may ganang mag-alpog. Parang bata,” naiiling na sabi ni Danilo sa Ina.
“Ikaw naman kasi dapat pinabayaan mo na lang.”
“Ano’ng pabayaan? Eh, wala naman po tayo no’ng mga hinihingi niya. Saan tayo kukuha noong mga pinaghihingi niyang spam at bacon? Sa mamahal ng mga ‘yon ilang kilong bigas na ang katapat niyon. Ah, basta Nay! Kung gusto niyang manatili dito, dapat tigilan niya ang mga kapritso niya. Sige na po alis na ko. Baka mahuli pa ko,” paalam ni Danilo sa Ina saka kinuha ang bag na nakasabit sa likuran ng silya at isinukbit iyon. May internship pa siya. Huling taon na ng binata sa kolehiyo sa kursong BS Accountancy.
Lumabas na ang binata sa kusina at sumunod naman si Menang. Pareho silang napatda nang makita si Nadielyn na hila-hila ang maleta nito.
Mukhang mag-aalsabalutan!