Chapter 2- Runaway Señorita
Mga katok sa pintuan ang gumising sa diwa ng natutulog na si Nadielyn.
“Bakit ba?” pupungas-pungas na tanong niya sa kung sino man ang nang-istorbo.
Alas otso pa lang ng umaga nang mapatingin siya sa alarm clock na nasa bedside table.
“Eh, Ma’am breakfast daw po. Nagluto ang Mommy niyo. Sabay-sabay na raw po kayong kumain,” tugon ng kasambahay mula sa labas ng nakapinid na pintuan.
Nawala ang antok niya sa tinuran ng kasambahay. Sabay-sabay raw? Kasama ang bagong padre de pamilya kuno? Bumagon na siya at nagmamadaling tinungo ang pintuan saka binuksan iyon.
“Sige sabihin mo, bababa na ko,” aniya nang mapagbuksan ang kasambahay na si Ida.
“Sige po,” anito at bumaba na.
Nagtungo siya ng banyo saka naghilamos at nagtoothbrush bago siya pumanaog para sumabay sa almusal.
“Good morning anak!” masiglang bungad ng Mommy niya na abala sa paglalatag ng mga placemat at plato sa lamesa.
“Morning,” parang zombie na bati niya.
Dumiretso siya ng upo sa isang silya at hindi na nag-abalang humalik sa pisngi nito, kagaya ng nakagawian niya. Masama pa rin ang loob niya. Halos paborito niya lahat ang nakahayin. Longganisang Ilocos, tapa, bacon, itlog at sinangag. May kasama pa iyong creamy crab and corn soup. Mayroon ding mga hiniwang sariwang prutas. Kumulo kaagad ang tiyan niya kaya naman sumandok kaagad siya sa bandehado at naglagay na sa plato.
“Hi. Good morning,” bati ng asawa ng Mommy niya mula sa kusina.
Nakaapron pa ito habang may bitbit na pitsel ng fresh mango juice. Bahagya lang niya itong sinulyapan at parang walang narinig na sumubo.
“Nadie, anak hindi ka man lang ba maggi-greet back sa Tito mo?”
“Is it necessary?”
Halatang nabigla ito sa pabalang na sagot niya at hindi kaagad nakaimik. Marahil ay nanibago ito dahil hindi naman siya dating ganoon.
“Nadielyn! Kung may sama ka pa rin ng loob dahil sa muling pagpapakasal ko, pwes dapat na tanggapin mo ‘yon,” anang ina nang makabawi sa pagkabigla.
“Hon, tama na ‘yan. Let’s just have breakfast okay?” biglang awat Vic.
Lihim siyang napairap. Ewan ba naman niya kung saan humuhugot ng kapal ng mukha ang lalaking ito at sa mismong bahay pa talaga nila naisipang tumuloy. Nagtanggal ito ng apron at akmang uupo na sa upuang nasa gitnang bahagi ng dining table nang sitahin niya ito.
“That’s my Daddy’s chair. I believe if you have respect, hindi ka mauupo diyan,” ngising asong aniya.
“Nadielyn!” muling saway ng Ina.
“It’s okay. Dito na lang ako,” muling awat nito sa Mommy niya at naupo na sa tabi nito sa tapat niya.
Ramdam niya ang mga nagbabadiyang titig ng Mommy niya pero patay malisya lang siyang kumakain.
“Hmm mukhang masarap naman ang luto ko, ano? Sa susunod sabihin mo sa’kin ang iba pang mga paborito mo para kapag may time ako, maluto ko,” biglang kausap sa kanya ng lalaki.
Napatigil siya sa pagkain at malamig na tinitigan ito.
“Ikaw ang nagluto?” malamig na tanong niya kahit hindi pa tapos ngumuya.
“Yes!” tila proud na sagot pa nito.
Napasimangot siya at parang bata na inuluwa ang pagkaing nginunguya sa plato.
“No wonder kaya pala hindi masarap. So don’t bother. May cook na kami dito, unless gusto mong pumalit sa posisyon niya? Name your price for the salary,” naiiling na patutsada niya at tumayo na.
Akmang lalabas na siya ng dining area nang harangin siya ng Mommy niya.
“Nadielyn, apologize to him! Hindi kita pinalaking bastos!” halatang gigil na utos ng Mommy niya sa kanya.
Taas baba ang dibdib nito at nanlalaki pa ang mga mata sa sobrang inis sa inasal niya.
“Bastos? Ako pa ngayon? Hindi ba’t ikaw ang bastos? Kayo! Nagpakasal ka na nga at lahat, tapos dito mo pa itinira ang lalaking ‘yan! Hindi mo na inirespeto ang alaala ni Dad! Tapos nagkakagulo tayo ngayon dahil sa lalaking ‘yan!”
“Wala kang karapatan na pagsalitaan ako ng ganyan. Ina mo ko, anak lang kita!”
“Oh, ‘yon lumabas din! Priveledged pala para sa isang inang kagaya mong nawalan ng asawa ang magpakasal sa kung sinu-sinong lalaki-”
Napatigil siya nang humaginit sa mukha niya ang palad nito. Nabiling siya sa lakas niyon. Parang nayanig ang pagkatao niya dahil sa sakit. Hindi kaagad siya nakahuma. Pagkukwa’y namumuo ang luhang muli siyang humarap dito. Sapo ang namumulang pisngi habang nakatingin siya rito ng may panunumbat. Nangingilid ang mga luha.
“N-Nadielyn anak…I-I’m…” tila hindi magkandatutong sabi ng Mommy niya na tila nabigla rin sa nagawa.
Iyong lalaki naman ay hindi alam ang gagawin at tila itinulos na lang sa kinauupuan dahil sa nasaksihan. Iyon ang unang pagkakataon na napagbuhatan siya ng kamay ng ina. Para saan? Para sa bagong asawa nito? Mas lalo siyang napoot.
“I-I hate you Mom! Nagbago ka na!” paiyak at pasigaw na sumbat niya saka tumakbo palayo dito.
“Nadielyn!” tawag pa nito pero hindi niya ito nilingon.
Masamang-masama ang loob niya. Bumalik siya ng kwarto at nagkulong doon. Padapang ibinagsak niya ang sarili sa kama at nag-iiyak sa mga unang nandoon. Kinuha niya ang picture frame na nasa bedside table. Sila ng yumao niyang ama ang nandoon sa larawan.
“D-Dad…bakit mo kasi kami iniwan? Ipinagpalit ka tuloy ni Mom,” sisigok-sigok na kausap niya sa larawan.
Wala naman siyang nakuhang sagot dahil materyal na bagay lang naman iyon. Maghapon siyang nagmukmok at nang mahimasmasan ay nagtungo siya ng banyo para maligo. Nagbihis siya at nag-ayos. Pagtingin niya sa orasan alas-siyete na ng gabi.
Kumakalam na ang sikmura niya sa gutom pero tiniis niya iyon kahit panay ang katok ng kasambahay sa kanya kanina para maghapunan. Ayaw niya pa ring makaharap ang ina lalo na ang bagong asawa nito. Hindi rin naman siya nito kinulit.
Hinagilap niya ang landline na nasa bedside table at isa-isang tinawagan ang mga kaibigan habang nakaupo sa gilid ng kama. Una niyang tinawagan si Michelle. Barkada niya ito noong college.
“Hey, Nadie what’s up?” bungad nito mula sa kabilang linya.
“Mitch, pwede ba akong makituloy diyan sa pad mo?”
“Oh, bakit? May nangyari ba?”
“Hindi ko na kasi matagalan dito lalo pa at nandito ang bagong asawa ni Mom.”
“Naku, sorry girl. Nandito ang boyfriend ko. Dito na kasi siya laging natutulog kaya wala ng bakanteng kama.”
“What? Nagpapatulog ka ng lalaki diyan? Baka malaman ‘yan ng Mommy mo lagot ka! Live-in na ba kayo?” hindi makapaniwalang tanong niya.
Ito kasi ang pinakamahinhin sa kanila noon kaya hindi siya makapaniwala na para itong kabayo ngayon na nakawala sa kwadra at nagwala dahil nakalaya.
“Parang gano’n na nga, saka ano ka ba? Kaya nga ako bumukod di ba? Sakal na sakal na ko sa rules and regulations ng mga magulang ko. Isa pa I have my stable job, so nothing to worry kung magalit man sila sa’kin. I can handle myself na. Ikaw magwork ka na rin kaya? Para you can take care of yourself na rin.”
“Ayoko munang i-burden ang sarili ko sa work. Ang tagal nating nag-aral tapos sabak kaagad sa trabaho?”