Matapos nilang kumain ay nagpaalam muna si Shey na maglilinis na ng sarili at matutulog na. Kahit naman nakalipas na. Alam ni Igo ang takot na naramdaman nito kanina. Kaya naman hinayaan na lang nila si Shey na maagang magtungo sa kwarto ni Igo para makapagpahinga. Nagtungo naman sa may garahe ang tatlo, at uminom ulit ng kape.
"Makatulog pa kaya tayong tatlo nito? Bago kumain kape. Pagkatapos kumain kape pa rin?" Tanong ni Cy pero patuloy pa rin sa paghigop sa kape niyang hawak.
"Sino ba ang nagrequest ng kape?" Ani Igo.
"Si Jose. Siya ang nagtimpla eh. Dinamay pa tayo. Pag ako talaga hindi nakatulog nito."
"Pag hindi ka nakatulog isa lang naman ang pwedeng mangyari sayo." Sagot ni Rodrigo, habang nakikinig lang naman sa kanila si Jose.
"Ano?"
"Di puyat ka!" Natatawang sagot ni Rodrigo, natawa din naman si Jose sa sagot niyang iyon.
"Nakakatawa nga. Daig mo pang nakahithit ng kung ano Igo."
"Anong nahithit?"
"Daig mo pang nakahithit ng katol. Manyapat at may ibinabahay ka na."
"Tumigil ka Cy, sinabi ko nga sayong hindi ko iyon ibinabahay. Ang kulit mo. Pinatira ko lang. Maliwanag! Magsilayas na nga kayong dalawa ni Jose." Pagtataboy nito sa dalawa.
"Hindi ibinabahay. Eh pati damit at panloob ikaw ang naglalaba. Anong tawag doon?"
"Kawang gawa ang tawag doon. Tinuruan ko naman nga. Di ba sinabi na sa inyo na siya na ang naglalaba ngayon. Para kasi talaga iyong alien. Ang grade one nga marunong ng maglaba ng underware niya. Habang ang alien na iyon hindi. Kaya naman sinong hindi mahahabag doon?" Tanong ni Igo kay Cy na kanina pa niya pinipigilang matuktukan.
"Habag? Sus ko po Rodrigo. Hindi ko alam na mabait ka pala." Biro ni Cy.
"Matagal ng g*go ka. Noong maging kaibigan kita."
"Sakit noon ha." Reklamo ni Cy.
"Kailan ka pa nagpapasok ng babae dito sa bahay mo?"
"Noong muntikan ko ng mabangga ang babaeng iyon." Sagot ni Igo.
"Kahit nga si Chellay na head over heels ang pagkagusto sayo, hindi makapasok sa bahay mo. Tapos iyong si Shey sa kwarto mo pa pinapatulog at ikaw itong nagtitiis matulog sa matigas mong upuang kawayan? Kaya magsabi ka na Rodrigo Cardenal, may pagtingin ka doon kay Shey ano?" May panunuri pa sa tingin ni Cy ng salubungin iyon ni Igo.
"Wala. Naawa lang talaga ako doon sa tao, kahit nga kayo hindi ninyo pinapapasok sa mga bahay ninyo si Chellay."
"Ay babae iyon eh."
"See! And speaking of Chellay nasaan na ba s'ya ngayon?"
"Bakit mo hinahanap? Namimiss mo, ay may Shey ka na?"
"Utak mo Cy, may ubo. Nagtatanong lang ako."
"Malay ko ba, kung nagtatanong ka lang talaga. Pero ang sagot sa tanong mo. Nasa Santa Barbara si Chellay. Namatay daw iyong lola nito gawa na rin sa katandaan. Tapos hiniling ng kamag-anak nila na magbakasyon naman doon ang pamilya nito kahit isang buwan. Kaya naman baka sa mga susunod pang mga linggo ang balik ng pamilya nila." Tugon ni Cy kaya napatango naman si Rodrigo.
"Okay, nagtanong lang naman ako. Mabuti na rin at natahimik ang mundo ko. S'ya magsilayas na kayong dalawa."
"Bakit ba atat na atat kang palayasin na kami?"
"Sa tingin mo, anong oras na Cypher? Anong oras ng dating ng mga idedeliver na gulay? Tanghaliin tayo at magtatatalak na naman si manager." Ani Igo at tatango-tango naman ang dalawa. Manager ang tawag nila sa may-ari ng malaking tindahan ng gulay at prutas sa palengke. Kung saan sila nagtatrabahong tatlo.
"Ngayon kung makatango kayo. Naku talaga. Bakit ko ba kayo naging kaibigan?"
"Kasi, gwapo tayong tatlo." Natatawamg sagot ni Cy.
"Baka g*go." Sagot ni Jose kaya naman napasimangot pa sila pareho.
"Uwi na nga kayo. Magsasalita pa itong si Jose, hindi pa gandahan. Ito ang susi ng trycycle ko. Ihatid mo na rin iyang si Jose, baka mamaya ay kung ano pa ang lumabas sa bibig n'yan. Ako na lang ang isabay ninyo bukas. Mga makukulit na nilalang." Sapilitan pa ang pagpapalayas ni Igo sa dalawa.
"Salamat sa hapunan at sa kape." Paalam pa ni Cy habang isang tango lang ang pagpapaalam sa kanya ni Jose at nag-okay sign bago tuluyang umalis ang dalawa.
"Dalawang pasaway." Wika ni Igo bago pumasok sa loob.
Pagpasok naman niya ng bahay, ay pinuntahan muna niya si Shey sa kwarto. nakita niya ito na natutulog na. "Prinsesa talaga ang isang 'to. Saan ko kaya malalaman ang pamilya nito ng maisauli na. Mahirap din ang may kasama ka sa bahay na animo ay batang turuan. Habang may dalawa kang makulit na kaibigan. Hindi nga nagsasalita ang isa. Para naman walang makakalampas na maliit na detalye sa isa. Tatanda ako ng bigla nito eh." Kausap pa ni Rodrigo sa sarili at isinara na ang pintuan ng kwarto niya. Nahiga na rin siya sa may upuang kawayan at maaga pa silang tatlo na tutungo bukas sa palengke.
Halos nasa isang buwan na ring nananantili si Shey sa bahay ni Rodrigo. Kahit papaano ay nasasanay na siya sa buhay doon. Nagpapasalamat na rin naman siya at hindi talaga siya nahahanap ng daddy niya kung talagang pinapahanap siya nito. Iniisip niyang baka sa ibang bansa, o kaya naman sa malalaking hotel siya ipinapahanap ng daddy niya. Lalo na at alam nitong hindi siya tatagal sa mahirap na pamumuhay. At iyon ang malaking pagkakamali ng daddy niya pagnagkataon. Because she enjoyed her life now with Igo. Mabait ito at sobrang mahaba ang pasensya. Wag lang maiinis sa kanya, at baka balatan na siya nito ng buhay.
"Nasaan ba si Igo. Siguro nasa mga kaibigan na naman niya. Basta maagang umuwi, dahil sanay na ako dito sa bahay niya. Iniiwan na ako." Reklamo ni Shey, ng mapatingin siya sa isang palanggan na may lamang tubig at may nakalagay na maliliit na talangka.
"Saan ba kayo galing? Ang liliit pa naman ninyo? Bakit kayo inilagay dyan ni Igo? Sige na ako lang ang bahalang magpaalam kay Igo na pinakawalan ko kayo. Baka kasi nakalimutan lang niya na nandyan pa kayo." Nakangiting wika pa ni Shey, at kumakaway pa siya sa naglalakad na maliliit na talangka papalayo, bago siya pumasok muli sa loob ng bahay.
Pagkarating ni Igo galing kina Cy, ay tinungo niya ang pinaglagyan niya ng mga maliliit na talangka. Mayroon siya nakitang medyo malaki na bunga sa mga tanim niyang kalabasa kaya bumili siya ng talangka, bago nagtungo kina Cy, ng makakita siyang nagtitinda noon.
Pero pagdating niya doon sa pinaglalagyan niya, palangga na lang ang nandoon at wala na ang mga talangka.
"Shey?" Tawag ni Igo kaya naman mabilis na lumapit sa kanya ang dalaga.
"Nasaan iyong maliliit na talangka? Bakit nawawala? Dito ko lang inilagay iyon. Nilagyan ko pa ng tubig. Pinapasuka ko lang iyon para malinis ang loob ng tiyan bago ko lutuin." Paliwanag ni Igo.
"Iyong maliliit na alimango? Naawa kasi ako, sobrang liliit pa naman. Baka, nakalimutan mo lang pakawalan. Kaya ayon pinakawalan ko na muna para lumaki pa sila. Tapos isa-isa na silang umalis. Nagpaalam pa nga ako. Masaya naman silang kumaway habang naglalakad papalayo." Ani Shey kaya naman napahilot si Rodrigo ng ulo.
"As in pinakawalan mo? Itinaktak mo sa lupa iyong mga talangka, tapos naglakad na?"
"Yes! Naawa ako eh. I know naman na masaya sila sa ginawa ko. Sa tingin ko nga, babalik sila para magpasalamat na pinakawalan ko sila." Nakangiti pang sagot nito kay Igo. Kung hindi lang talaga alien ang kasama niya, mukhang sasamain talaga si Shey sa kanya.
"Oh! God! Ano po bang gagawin ko sa alien na ito? Alam ng bata na kinakain at niluluto iyon kahit maliliit. Pero bakit hindi alam nitong kasama ko. Bigyan pa po ninyo ako ng mahaba-habang pasensya. Minsan lang akong makakita noon, kaya excited akong lutuin tapos ganito pa. Anong gagawin ko sa kalabasa?" Hindi makapaniwalang sambit ni Igo bago humarap kay Shey na biglang nawala ang ngiti.
"Galit ka?"
"Hindi ako galit." May diin sa boses ni Igo. Pero talagang pinipigilan niyang magalit.
"Galit ka eh!" Naiiyak ng wika ni Shey.
"Wag kang umiyak. Pero please lang kumain ka ng lulutuin ko kung ayaw mo talaga magalit ako." Ani Igo at tinalikuran na si Shey. Ang kalabasa na nakuha niya, inilagay na lang niya, sa bulanglang na malunggay.
Halos maiyak pa siya sa parusang iyon ni Igo. Dahil nilagay lang ni Igo sa tubig ang malunggay at kalabasa, matapos pakuluan ay kinain na nila. Ayaw sana niyang kainin, pero dahil sa tinitigan siya ni Rodrigo ng masama, wala na siyang nagawa. At baka palayasin na siya nito.
"Kinakain ba talaga ito?" Halos tumulo na ang luha ni Shey habang isinusubo ang sabaw, kalabasa at malunggay.
"Oo naman. See kinakain ko oh." Sagot ni Igo at patuloy sa pagkain ng gulay na niluto niya. Nais sana niyang ipagluto si Shey, ng homemade tocino na ginawa niya noong nakaraan ng maaga itong nakatulog. Pero dahil sa inis niya, bulanglang na kalabasa na may malunggay na lang ang ipinakain niya, dito.
"Sorry na Igo. Hindi ko naman sinasadya na pakawalan sila. Kaso kasalanan din naman nila iyon eh. Kasi umalis sila."
"Oh! God! Sinisi mo pa iyong mga talangka? Umalis sila kasi mayroon silang mga paa, at buhay iyon."
"Sorry talaga ulit. Hindi ko naman talaga sinasadya."
"Oo na. Sige na. Ok na. Kumain ka na lang at ubusin mo yang gulay na iyan at ng mawala ang inis ko sayo." Sagot na lang ni Igo, at muling tinitigan si Shey na nakatingin sa mangkok nitong may lamang bulanglang na kalabasa at malunggay.
Kahit naiiyak si Shey ay pinilit niyang ubusin ang pagkain na bigay ni Igo kahit halos hindi niya iyon malunok. Para lang mawala ang galit nito sa kanya ay ginawa niya ang nais nito.
Matapos kumain ay sinabihan na lang muli ni Igo na maglinis na si Shey ng sarili at matulong na, at siya na muli ang bahala sa hugasin. Dahil siguro ramdam pa rin ni Shey ang inis niya. Mabilis itong sumunod sa kanya.
Nailing na lang si Igo kay Shey habang papalabas ng kusina. Hindi talaga inasahan ni Igo na iiwan siya ng ulam nila ngayong gabi.
"Ginataang talangka na sana, kaso naging bulanglang na kalabasa at malunggay pa."