Chapter 7

1634 Words
“It’s a beautiful day oh, oh, wohhh. It’s a beautiful day...” pakanta-kanta pa si KJ habang nag-aayos ng mga files sa reception area. Napapasayaw pa siya habang kumakanta. Wala kasi siyang magawa ngayon, kaya naman napag-diskitahan niyang ayusin ang mga files sa cabinet na naroon. Mga luma naman na ang mga iyon, pero ayon kay Vienne ay mahahalagang files daw iyon. “Saya natin ma’am a!” Napaangat siya ng tingin nang may biglang magsalita sa kaniyang harapan. Nakita niya si Mang Obet na nakangiti habang nakatunghay sa kaniya. “Hindi naman Mang Obet, bored na bored na kasi ako kaya heto naghanap ako ng magagawa,” nakangising sagot naman niya rito, saka ipinagpatuloy ang pagsasalansan ng mga files. “Wala ka bang magawa ma’am? ‘Lika palit muna tayo. Ikaw rito, diyan ako,” biro pa nito sa kaniya. “Sige ba! Basta sa akin din mapupunta ‘yong sahod mo ha?” nakangising sagot naman niya sa matanda. “Ayyy, grabe ka naman ma’am. Sugapa ka sa pera ha,” kakamot-kamot pa ito sa ulong sumagot sa kaniya. “Joke lang! ‘Di ka na mabiro Mang Obet.” Naka peace sign pa siya ng may mamataan siyang papasok ng building. “Mang Obet kumusta naman ang itsura ko? Mukha pa ba akong tao? Mabango pa ba ako? Ha?” biglang tanong niya sa matanda habang hinahagod ang damit, at inaamoy ang sarili. “Opo ma’am maganda ka pa rin naman at mabangong parang baby,” sagot naman nito habang nakikisinghot sa kaniya. “Talaga ha promise ha?” tanong pa niyang muli rito, saka malawak na malawak na ngumiti. Sinundan niya nang tingin si Ron na dire-diretsong naglalakad papalapit. Hindi niya sigurado kung sa kanya ba, o kay Mang Obet. Basta papalapit ang lalake. “My ghad Mang Obet, papalapit siya sa akin!” sabi niya rito habang nakangiti pa rin nang malapad. “Ma’am parang hindi naman sa iyo nakatingin. Parang sa akin siya nakatingin e,” kontra naman ng matanda sa kanya. “Mang Obet sa akin kaya,” saway niya rito. “Sa akin ma’am!” giit ng matanda. Natigil lang ang pagtatalo nila ng pareho silang lampasan nito. Nagkatinginan naman sila ni Mang Obet sabay lingon kay Ron. Dumiretso pala ito sa lounge kung saan siya unang nagpapansin dito. Agad namang nawala ang ngiti sa kanyang mga labi. “Sabi ko sa iyo ma’am hindi sa atin e. Ehehehe,” tatawa-tawa pa nitong sabi sa kaniya. Sumimangot naman siya sabay tuloy na lang sa kanyang ginagawa. “Ma’am, nga po pala may gaganaping photoshoot doon sa bahay ng kaibigan ni sir Ron. Sa susunod na buwan na iyon,” pukaw sa kanya ng matanda. Kunot-noo naman niyang muling sinulyapan si Mang Obet. “O, ano naman ngayon Mang Obet?” takang tanong pa niya rito. Bigla kasi siyang nawalan ng gana nang deadmahin na naman siya ng yummy-hunky papa niya. Ipinagpatuloy na lang tuloy niya ang ginagawa kanina. “Ang hina mo naman ma’am e! ‘Di ba sinusundan mo si Sir para magpa-cute? O, pagkakataon mo na iyon!” taas-baba pa ang kilay nitong saad sa kanya. Saglit siyang natigilan at saka ngumisi. Oo nga naman pagkakataon na niya iyon para mapansin nito. Nakipag-appear pa siya kay Mang Obet bilang pagsang-ayon dito. Sisiguruhin niyang mapapansin siya ni Ron sa pagkakataong ito. Pero ang tanong, paano siya makakapasok sa village na paggaganapan ng photoshoot nito? Kailangan niyang makaisip ng paraan kung paano siya lulusob sa photoshoot na iyon. E kung magpanggap kaya siyang photographer? E wala naman siyang kamera, so paano ‘yon? Ekis, hindi iyon uubra. E kung model kaya? Maganda rin naman ang katawan niya, at may face value rin naman siya. Kaso kinulang siya sa height, baka hindi maniwala iyong guard ng Village. Ekis ulit, hindi katanggap-tanggap! Hmmm, e kung food delivery? Biglang nagningning ang kanyang mga mata. Tama! Magpapanggap siyang food delivery girl. Ang talino talaga niya! Isang ngiting tagumpay na naman ang sumilay sa kanyang mga labi. Matapos siyang mag-ayos ng mga files ay dumating naman si Jazzy para palitan muna siya. Tanghali na kasi at hindi pa siya kumakain. Agad naman niyang itinabi ang kanyang ginagawa at mamaya na lang niya muling ipagpapatuloy iyon. “Jazz, don’t touch ha? Ako nang bahala rito mamaya. Basta riyan ka lang. Stay! Okay?” sabi pa niya sa kaibigan at kasamahan sa trabaho. “Hala, grabe ka. Aso lang ako? Stay talaga?” natatawang sabi nito sa kaniya. Humagikhik din naman siya sa kaniyang kalokohan. “Churi na bakla. Basta huwag mong gagalawin ang mga ito ha? Para kapag may nawala, katanggap-tanggap na ako nga ang nakawala. At wala nang madadamay na inosenteng mamamayan sa lipunang ito,” nakangisi niyang saad sa kaibigan na lalong ikinabungisngis nito. “Loka-loka! Kumain ka na nga at mukhang napasukan na ng hangin iyang utak mo, kaya kung ano-ano na iyang pinagsasasabi mo riyan.” Iwinasiwas pa nito ang mga kamay para itaboy siya palabas ng front desk. Natatawang sumunod naman siya rito sabay nag-flying kiss pa at kumindat siya sa kaibigan. Nabitin naman ang flying kiss niya nang makita si Ron na naka-shades at nakaharap sa kaniya. Hindi niya alam kung nakita siya nito sa kaniyang ginawang pagpapa-alam kay Jazz. Kasi nga naka-shades ito at hindi niya siyempre makita iyong mga mata ni Ron Rich, kung nakatingin ba ito sa kaniya o sa iba na naman ito nakatingin. Kagaya na lang ng nangyari kanina. Nagtalo pa sila ni Mang Obet kung kanino ito nakatingin. In the end, sa iba pala ito nakatingin at hindi sa kanila. ‘Ano na naman kayang pinaggagagawa ng babaeng ito? Magpapaalam lang sa katrabaho, may pa-fying kiss pang nalalaman,’ bulong ni Ron sa kaniyang sarili nang mapatingin sa reception area. Kanina nang pumasok siya mula sa entrance ng Condominium, nakita niya ito at ang janitor na nag-uusap. Tila may pinagtatalunan pa nga ang mga ito habang nakatingin ang mga ito sa kaniya. Natigil lang ang dalawa nang lampasan na niya ang mga ito. Nagsuot siya ng shades para hindi mahalatang ito ang tinitingnan niya. ‘Ano bang meron ka at palagi mong nakukuha ang atensiyon ko? Puro ka lang naman kapalpakan kapag nakikita kita,’ tanong niyang muli sa kaniyang sarili. Tumayo na siya at naglakad patungong elevator. Madadaanan niya ang reception area patungong elevator kung saan nakatayo pa rin ito roon. Nakatingin ito sa kaniya at ngumiti pa nga, pero agad din naman nitong binawi iyon nang hindi niya ito pansinin. Napangisi tuloy siya, lalo nang lampasan niya ito. ‘Hayst! Maganda sana kaso mukhang ewan,’ sabi pa niya sa kaniyang sarili. ‘Mukhang ewan eh attracted ka naman sa kaniya kunwari ka pa!’ sita naman ng kabilang bahagi ng utak niya. Kinakabahan si KJ nang palapit nang palapit si Ron sa kanya. Kinikilig siyang umayos sa pagkakatayo, saka iniipit ang ilang hibla ng kanyang buhok sa likod ng kanyang tainga. Inihanda niya ang kanyang matamis na ngiti nang malapit na ang binata mula sa kinatatayuan niya. Handa na niya itong batiin, nang lagpasan lang siya nito at dire-diretsong nagtungo sa elevator. Nakangangang nasundan na lang tuloy niya ito ng tingin. ‘Deadma na naman ang beauty mo inday!’ pang-aasar ng kanyang isip. Pabuntong hininga na lang siyang humarap muli kay Jazzy, na ngayon ay nakatakip ang mga kamay sa bibig habang tumatawa. Nakabusangot niya itong inirapan, saka nagmamartsang nagtungo na sa kanilang kainan. Kumuha siya ng pagkain saka naupo sa pangdalawahang upuan. Mag-isa lang naman kasi siya kaya roon na siya pumuwesto. Isa pa wala na siya sa mood para makipag-usap kahit kanino, dahil na-deadman na naman siya ni Ron Rich. ‘Hayyy, kailan ka ba titingin sa akin nang masabi ko sa mundong akin ka na at wala ng eepal pa?’ Napabuntong hininga pa siya sa isiping iyon, saka niya ibinunton ang atensiyon sa kanyang pagkain. Abala na siya sa pagkain nang may maupo sa kanyang katapat na upuan. Napaangat ang kanyang ulo upang alamin kung sino iyon. “Ma’am ang lalim naman nang iniisip mo. Baka naman malunod ka niyan,” nakangising sambit ni Mang Obet sa kaniya. Hindi siya kumibo at ipinagpatuloy lang sa kanyang pagkain. “Hala, sino ka? Ilabas mo si Ma’am KJ. Hindi ikaw siya!” exagerated pang sabi ni Mang Obet sa kanya. Napangiti naman siya sa itsura nitong nanlalaki ang mga mata. “Kinain ko na siya at ikaw na ang isusunod ko!” Pakikisakay naman niya sa sinabi ni Mang Obet. Pinalaki pa niya ang boses niya at mga mata. Humalakhak pa sila matapos niyang sabihin iyon. “Hayyy salamat at bumalik na ang Ma’am KJ na kilala ko,” magiliw na nakangiti pang sabi Mang Obet sa kaniya. Ngumiti na rin siya sa matanda dahil nakaka-guilty namang sungitan niya ito. Gayong wala namang ginagawang masama sa kanya ito. “Pasensiya na Mang Obet ha, na-deadmatology na naman kasi ako ni hunky-yummy papa e,” maya-maya ay saad niya sa matanda. “Okay lang ma’am. Hindi ka pa ba sanay kay Sir pogi?” nakangisi namang sagot nito sa kanya. “Mapapansin ka rin noon ma’am KJ. Basta sa photoshoot galingan mo ma’am, para mapansin ka na niya ng todo,” taas-baba pa ang kilay ni Mang Obet habang sinasabi iyon sa kanya. Natawa naman siya sa ginawa ng matanda. Nakagaan din naman ng loob ang paglapit nito sa kanya. Kaya ngayon ay nakakangiti na siya ulit. ‘Humanda ka Ron Rich Pulido, malapit mo nang makilala ang babaeng inilaan para sa iyo!’napabungisngis pa siya sa idea na pumasok sa isip niya. Gagawin niya lang naman ang lahat para hindi na siya makalimutan ng kaniyang hunky-yummy papa. Kaya maghanda na ito at baka hindi nito kayanin ang gagawin niya. Ano na naman kayang kalokohan ang gagawin niya this time?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD