Kasalukuyan siyang nagche-check ng log book nang may humintong babae sa kaniyang harapan. Umangat ang kanyang ulo at nakangiting binati ito.
“Good morning Ma’am, welcome to Casa Vielle!” magiliw niyang bati rito.
Nakataas ang isang kilay na tiningnan siya ng babae. Matangkad ang babae na tila modelo rin ang tindig, matangos ang ilong na parang idinikit, mahaba ang blond na buhok nito na halatang bagong tina. Malantik ang pilik-mata na alam naman niyang false eyelashes lang. Makapal ang mga ngusong parang kay Angelina Jolie. At malaki ang hinaharap na alam din niyang salamat doc lang naman.
“Saan ho sila?” tanong niya rito with a plastic smile on her face. Hindi kasi niya nagustuhan ang paraan nang pakakatingin nito sa kanya. Parang minamaliit siya nito.
“Sa room ni Ron Rich please,” maarteng tugon nito sa kaniya.
‘Huh? At bakit? Anong gagawin mo sa unit ng hunky-yummy papa ko?’ tanong niya rito sa kaniyang isip.
“Is he expecting you Ma’am? Paki log na lang po rito, and leave an identification card,” magalang pa rin niyang sabi rito.
“Yes, he’s expecting me,” maarteng sagot nito sabay abot ng log book at nag-log doon.
Habang nagla-log ito ay idinial niya ang numero ng unit ni Ron, para kumpirmahin kung may ini-expect ba itong bwisita. Nang kumpirmahin ng lalake na ini-expect niya ito ay saka niya itinuro sa babae ang elevator.
“That way to the elevator ma’am,” pilit ang pagkakangiting sabi niya sa babaeng ja-fake.
“Thanks!” saad naman nito saka maarteng naglakad patungong elevator.
Nasundan na lang niya ito nang tingin, sabay napabuntong hiningang ibinalik sa log book ang kanyang atensiyon. Nilaro-laro pa niya ang log book habang nagsisintemyento.
‘Hayyy, ano naman kayang gagawin nila ng ganito kaaga sa unit ni hunky-yummy papa?’ nakasimangot na bulong niya sa kaniyang sarili.
Maya-maya ay napahinto siya sa paglalaro sa log book, at biglang lumaki ang mga mata niya.
‘Hala ‘di kaya mag-churvahan sila roon? Papakin nang halik ang aking hunky-yummy papa! Ubusin ang lakas ni papa Ron! Oh hindi!!!’ tili pa niya sa kaniyang isipan.
Bigla niyang in-imagine na ginagawa lahat iyon ng babaeng ja-fake kay Ron. Isipin pa lang niyang hinahalikan ng ja-fake na babae si Ron, nandidiri na siya. Marahas niyang ipinilig ang kanyang ulo, upang iwaksi ang kaniyang naiisip.
Napabuntong hininga na lang siya sa kanyang isipan. Hindi maaari iyon, dapat siya lang ang gagawa noon kay Ron, at wala ng iba pa! Kailangang walang mangyaring milagro sa kaniyang hunky-yummy papa, at sa maarteng retokadang babaeng iyon. Tila naman siya nabuhayan nang maisip niya si Mang Obet. Hindi naman nagtagal at natanaw niya itong papalapit sa kinaroroonan niya.
“Mang Obet, ‘di ba araw ng paglilinis mo sa unit ni hunky-yummy papa Ron ngayon?” agad niyang tanong sa matanda nang makita niya itong tulak-tulak ang panlinis nito.
Agad naman itong huminto sa kaniyang harapan. “Opo ma’am bakit po?” balik tanong nito sa kaniya.
“May maarte kasing babaeng nasa loob ng unit ngayon ni Ron, e baka may gawin silang milagro. Mang Obet, baka naman puwedeng antalain mo sila. Hindi ko ma-imagine na pinapapak ng ibang babae si Ron. Dapat ako lang!” nagmamakaawang saad niya rito.
Napakamot naman ito sa ulo bago magsalita, “Naku ma’am, baka naman magalit sa akin si Sir. Pero susubukan ko po ha? Teka sino ba iyong sinasabi mong babae?” curious na tanong nito sa kaniya.
Idiniscribe naman niya rito ang itsura ng babae. Natawa naman si Mang Obet sa pagkaka-describe niya rito. Nangunot naman ang noo niyang sinulyapan ang matanda. Para kasing kilala nito ang babaeng ja-fake na iyon.
“Bakit kayo tumatawa Mang Obet?” nagtatakang tanong niya rito.
“E kasi ma’am nakakatawa iyong paraan ng pagkaka-describe niyo kay Ms. Monique. Kung i-describe niyo siya para siyang isang babaeng bakla!” binuntutan pa nito iyon ng pagtawa. “Saka hindi mo naman dapat pag-selos-an si Ma’am Monique. Hindi siya type ni Sir, kaya relax ka lang diyan,” nakangising dugtong pa nito sa sinabi.
“E kung hindi niya type bakit sabi niya ini-expect niya iyong babaeng retokadang iyon ng ganito kaaga?” nakasimangot niyang tanong dito.
“Baka po nagbago nang isip si Sir.”
Tiningnan niya ito ng masama na lalong ikinatawa nito. “Joke lang ma’am! Baka po may importante silang pag-uusapan. Madalas kasi business lang pinag-uusapan nila. Pero sa ikapapanatag ng loob mo po, pupuntahan ko na sila ngayon. Para malaman natin kung ubos na ba si Sir,” nakangising saad nito na ikinasimangot naman niyang lalo.
“Ikaw Mang Obet nakakainis ka talaga!” lukot ang mukhang sabi niya rito.
“Ma’am ngiti ka na, pumapangit ka kapag nakasimangot ka e,” tatawa-tawang saad nito saka umalis na sa kaniyang harapan.
Nasundan na lang niya ito ng tingin habang papalayo ito sa kaniya. Bumuntong hininga siya at sinunod ang sabi ni Mang Obet. Pinilit niyang iwinaksi ang lahat ng masasamang isipin tungkol kay Ron at sa babaeng ja-fake na iyon. Hihintayin na lang niya ang pagbabalik ni Mang Obet para sa update nito.
Ilang minuto na ang nakalilipas, ngunit wala pa ring Mang Obet na bumababa mula sa unit ni Ron. Hindi na siya mapakali dahil talagang kinakain na siya ng pag-aalala. Kaya naman nang dumating si Jazzy, nagpaalam siya rito na may pupuntahan lang. Nagtataka man ay pumayag na rin ang kaibigan. Nagmamadali siyang nagtungo sa fire exit paakyat sa unit ni Ron, maghahagdan na lang siya. Mahirap na baka mahuli pa siya ng kaniyang boss kapag elevator ang kaniyang ginamit. Susundan na niya kasi si Mang Obet sa unit ni Ron.
Nang makarating siya sa ika-limang palapag, kung saan naroroon ang unit ni Ron ay hingal na hingal na siya. Isang malakas na buntong hininga muna ang pinakawalan niya bago dahan-dahang binuksan ang pintuan ng fire exit. Sumilip lang siya saka sinitsitan ang matandang janitor.
“Pssttt! Mang Obet!” mahinang tawag niya sa matanda.
Agad naman siyang nilingon ni Mang Obet sa kinaroroonan niya. Nasa bandang exit door siya ng mga sandaling iyon. Nagpalinga-linga naman ang matanda bago pasipol-sipol pa itong lumapit sa kaniya. Nagkunwari pa itong nag-aayos ng mga gamit panglinis upang ‘di mahalatang nakikipag-usap ito sa kaniya. May CCTV kasi sa palapag na iyon.
“Ma’am bakit ka naman umakyat dito? Baka naman mayari tayo niyan. May CCTV kaya rito,” bulong nito sa kaniya habang tuloy ito sa pagpapanggap na nag-aayos ng gamit.
“E Mang Obet, kasi hindi ako mapakali. Ano po bang nangyayari? Nakaalis na ba iyong babaeng ja-fake?” tanong niya rito.
Umiling naman ang matanda bago sumagot sa kaniya, “Ma’am nasa loob pa ho. Mukhang wala naman silang ginagawa ni Sir e. Sabi kasi ni Sir bumalik na lang daw ako after 15 minutes. Seryoso iyong mukha niya kaya hindi na ako nagtanong,” mahabang paliwanag nito sa kaniya.
‘15 minutes? Marami ng puwedeng gawin sa loob ilang minutong iyon huh!’ nanlalaki ang matang sambit niya sa kanyang isip.
Magsasalita sana siya nang biglang bumukas ang pinto ng unit ni Ron. Mabilis niyang naitulak si Mang Obet, dahilan upang bahagyang masubsob ito sa lagayan nito ng panlinis. Nag-peace sign siya rito bago dahan-dahang isinara ang pintuan. Narinig pa niya ang nag-aalalang tanong ni Ron sa matanda. Napakagat labi siya saka hinawakan ang kanyang dibdib na ngayon ay malakas na kumakabog.
‘Hayyy muntik ka na roon KJ. Naku bumaba ka na nga baka mamaya mahuli ka pa!’ sermon niya sa kaniyang sarili.
Kaya naman tinanggal niya ang kaniyang sapatos, upang makatakbo siya nang mabilis ng walang ginagawang ingay. Nagmamadali siyang bumaba ng hagdanan, hanggang makarating siya sa ground floor. Pagdating niya roon ay hihingal-hingal siyang naupo sa tabi ni Jazzy. Init na init din ang kanyang pakiramdam kaya naghanap siya ng puwedeng ipampaypay.
Nakita naman niya ang log book, kaya agad niyang kinuha iyon saka ipinampaypay ang unahang bahagi nito. Hinihingal pa siya at medyo nanunuyo na ang kanyang lalamunan. Kaya naman ilang beses siyang napalunok ng kaniyang laway para matanggal ang panunuyo ng kaniyang lalamunan.
“O bakit hingal na hingal ka riyan? Saan ka ba kasi galing bakla?” tanong ni Jazzy sa kaniya.
“Diyan lang, nag-jogging ako. Hooohhh! Ang init!” sabi pa niya rito sabay buga ng hangin.
“Jogging? Seryoso ka ba?” nakakunot-noong tanong naman nito sa kaniya.
“Joke lang, ito naman hindi na mabiro. Namasyal lang ako riyan. Nakakainip kasi rito e,” pabirong sagot niya ulit dito.
“Ewan ko talaga sa iyong babae ka. Nakakaloka ka!” napapailing na lang nitong wika.
Ngumisi lang siya sa kaibigan saka ipinagpatuloy ang pagpapaypay gamit ang log book. Nang makabawi na siya ng lakas, ibinalik niya ang log book sa lagayan nito. Eksakto namang nahagip nang paningin niya sina Ron at ang retokadang si Monique na papalapit sa kanilang puwesto. Tumayo siya saka humarap sa kanilang desk. Maarteng lumiyad pa ang babae sa kaniyang harapan, habang si Ron Rich naman ay busy sa pagkukutingting ng cellphone nito. Nginitian lang niya ito saka nagkunwaring may inaayos. Ilang sandali pa itong nanatili roon ng biglang magsalita ito.
“Miss, yung ID ko please,” maarteng saad nito sa kaniya.
“Excuse me ma’am?” tanong niya rito na tila hindi niya alam kung anong hinihingi nito.
“Here Ms. Monique. Have a nice day!” nakangiting sabi ni Jazzy sa kaniyang tabi, habang pasimple siyang siniko nito.
Iniikot pa nito ang eyeballs nito bago nagsalita, “My God! Natutulog pa yata iyang kasama mo. Bakit ba kayo nagha-hire ng ganiyang empleyado?” mataray na sabi pa nito. Tiningnan pa siya nito na parang nakakaloko, saka hinarap si Ron.
Tila naman nagpanting ang kanyang tainga sa narinig. Sasagot na sana siya nang pigilan siya ni Jazzy. Nakangisi namang naglakad ito palayo kasama si Ron. Naikuyom na lamang niya ang kaniyang kamao saka inambaan ang papalayong pigura ng mga ito. Ayaw na ayaw pa man din niya ang nayuyurakan ang kaniyang pagkatao. Nanggigigil siya sa ja-fake na babaeng kasama ni Ron Rich pero wala naman siyang magagawa e. Nakaalis na ang mga ito saka isa pa guest pa rin nila ang babae.
“Buwiset na babaeng iyon! Ang arte-arte retokada naman! Hmp!” naiinis niyang saad.
“Yaan mo na girl. Mag-ayos ka na at uwian mo na,” anito sabay tapik sa kanya ni Jazzy.
Tumingin siya sa kaibigan saka sumulyap sa relong pambisig. Hindi niya namalayan ang mabilis na paglipas ng oras. Kaya naman sinunod niya ang sinabi ng kaibigan. Inayos niya ang mga gamit sa kaniyang lamesa saka nagpaalam dito. Kaysa naman tuluyang masira ang kaniyang mood, mabuti pa ngang umuwi na lamang siya.
Nagtungo siya sa kanilang locker at saka mabilis na nagbihis. Nang matapos magbihis at masigurong wala na siyang naiwan ay saka siya lumabas sa kanilang locker, at dire-diretsong nagtungo sa parking kung saan niya ipinark ang kaniyang motor. Masama man ang kaniyang loob paniguradong mawawala rin iyon oras na makasakay na siya sa kaniyang pinakamamahal na motor.