“Ikaw na bata ka naitakas mo na naman iyang motor mo! Paano kung madisgrasiya ka habang sakay ka niyan?”
Kararating niya lang sa kanilang bahay, at sinisermunan na siya ng kaniyang ina.
“Nay, hindi naman po ako nadisgrasya e. O, tingnan mo pa, walang galos ang malaporselana kong kutis!” sagot naman niya rito. Umikot pa siya sa harapan ng kanyang ina, saka maarteng ibinaba ang jacket sa kanyang mga balikat.
“E kung ngayon kaya kita galusan diyan? Hihintayin mo pa talagang madisgrasya ka, bago ka tumigil sa kamo-motor mo?!” nakapamaywang pa ito habang tinatalakan siya nito.
“Mother, ‘wag ka ng HB diyan. Nag-iingat naman po ako. Saka mahal ko ang buhay ko, kaya makakasiguro kang hindi ako madidisgrasya sa motor.” Niyakap pa niya ito mula sa likuran nito saka ito hinalikan sa pisngi. Ganoon siya palagi kapag nagagalit na ang kaniyang ina. Nilalambing niya ito para humupa ang galit nito sa kaniya.
“Tigilan mo ako Kaye ha! ‘Wag mo akong madaan-daan diyan sa paglalambing mo!” kunwa’y mataray na saad nito sa kaniya.
“Asus, kunwari pa si nanay. Ngingiti na iyan. Sige na ‘nay, hindi naman ako madi-disgrasya, at mag-iingat ako promise!”
Ipinatong niya ang baba sa balikat ng kanyang ina. Napapangiti pa siya nang maramdamang lumambot na ang kaniyang ina at tila kumalma na. Ganito lang naman sila palagi, pero kapag nilambing na niya ang ina ay nawawala na ang pagsusungit nito sa kanya.
“Sige na magbihis ka na at kakain na tayo. Amoy suka ka na pati.” Pagtataboy nito sa kaniya habang tinatapik ang kaniyang braso.
Humagikgik naman siya saka hinalikan ang ina sa pisngi. Alam na alam niyang hindi siya matitiis ng kaniyang ina. Inamoy pa niya ang sarili saka tumalikod na rito, tama ito — medyo maasim na nga ang amoy niya.
Nagtungo na siya sa kanyang silid at kumuha ng gamit panligo, bago magtungo sa banyo upang maligo. Pagkatapos maligo ay nag-ayos siya ng sarili sa kaniyang silid at nang matapos, lumabas na rin siya agad upang tulungan ang kaniyang ina sa kusina. Naabutan naman niya si Tyrone na prenteng nakaupo sa harapan ng hapag kainan.
“Ang tagal mo naman Kikay JR, nagugutom na ang mga alaga ko e!” nakangising saad nito sa kaniya.
‘Aba’t siya pa ang nagre-reklamo? Kung palayasin ko kaya ito ngayon na?’ kausap niya sa sarili bago humila ng upuan na katabi nang masiba niyang kaibigan.
“Bakit ka na naman dito nakikikain aber?” mataray niyang tanong kay Tyrone.
“Ikaw ang damot mo ‘no? Para sabihin ko sa iyo, may ambag ako ngayong gabi ‘no!” Itinaas pa nito ang letchong manok na nasa lamesa.
“Wooowwwrrrr! Katapusan na ba ng mundo? Isa itong himala!” OA na pagkakasabi niya sa kaibigan.
Nagsandok nang kanin ang kaibigan saka iniabot iyon sa kaniya. “Sige lang Kikay JR. Sa susunod, sa labas ko na kayo pakakainin ni Aling Kikay,” sabay subo ng pagkain.
“Sosyalin! Saang labas? Labas ng bahay?” nang-aasar na sabi niya rito habang kumukuha ng ipinagmamalaki nitong lechong manok.
“OO tapos tatawagin natin mga kapit-bahay, para ‘the more the merrier’!” Tumawa pa ito saka nagpatuloy sa pagkain.
“Naku, kayong dalawa talaga. Magsikain na nga lang kayo ng hindi puro kalokohan iyang pinag-gagagawa ninyo. Ikaw naman Tyrone, bakit nga ba rito ka kumakain ngayon? Nakita ko naman si Naty kanina a,” tanong ng nanay niya sa lalake.
Biglang nalungkot ang mukha nito, pero saglit lang. “Parang ayaw niyo na ako rito sa bahay niyo a. Sige na nga uuwi na ako,” sabi nito pero ni hindi naman tumayo sa kinauupuan ang kaniyang kaibigan.
“Uuwi raw e ni hindi naman tumatayo,” sabat niya sa usapan sabay subo ng pagkain sa kanyang bibig.
“E Aling Kikay, kasi si nanay ay may buwisita. Kaya rito na lang muna po ako. Saka kung p’wede po, boarder mo muna ako ngayong gabi ha?” paalam pa nito sa nanay niya.
“Aba kung ayos lang bang sa sala ka matutulog e. Bakit iyong jowa ba ng nanay mo iyong buwisitang sinasabi mo?” usisa ng nanay niya na tinanguan lang naman ni Tyrone.
Alam nilang mag-ina na hindi magkasundo sina Tyrone at ang jowa ng ina nito. Kaya madalas si Tyrone na lang ang lumalayo para makaiwas sa jowa ng nanay nito.
“Oh siya sige rito ka na magpalipas ng gabi. Kaye, bigyan mo ng kumot at unan si Tyrone ha?” wika naman ng nanay niya sa kaniya.
Tumango naman siya saka nagpatuloy sa pagkain. Kung tutuusin para ng anak ng nanay niya si Tyrone. Madalas kasi noong mga bata pa sila, sa kanila ito natutulog dahil sa nanay nitong pasaway. Naaawa nga ito noon sa kaibigan dahil ni hindi siya inaasikaso ng nanay nito. Simula nang mamatay ang ama ni Tyrone ay hindi na rin natigil sa paghahanap ng boylet ang nanay nito.
“Salamat po Aling Kikay. Hayaan niyo ho ‘pag naka-sahod na ako, mag-aabot na lang po ako sa inyo,” nahihiyang sabi pa nito sa kaniyang ina.
“Aysus, ‘wag na ipunin mo na lang ‘yong sasahurin mo. Para naman makabili ka ng sarili mong bahay. Para na rin naman kitang anak e, kaya naman welcome ka rito sa bahay. Huwag kang mahihiya, dahil wala ka naman noon,” nakangiting tugon naman ng kanyang ina, sabay biro pa nito kay Tyrone na ikinatawa niya.
Napangiti naman ito saka tumayo at lumapit sa kaniyang ina. Niyakap nito ang ina saka muling nagpasalamat.
“Thank you po!” anito.
“Tama na iyan, kumain ka na ulit,” sabi naman ng kaniyang nanay rito habang tinatapik ang kamay nitong nakayakap sa ina.
Kaya naman muli itong naupo sa kaniyang tabi at magana ang kumain. Napapangiti na lang siya habang pinagmamasdan ang kanyang kaibigang kumakain. Kitang-kita sa mukha nito ang kaligayahang hindi nito nararanasan sa piling ng sariling ina.
Matapos kumain at magligpit ay inihatid na niya ang mga gagamiting unan at kumot ni Tyrone sa sala. Inabutan niya itong malalim ang iniisip, ngunit agad din naman iyong nagbago nang makita siya nito. Tumayo ito at kinuha mula sa kaniya ang mga gamit pantulog.
“Ang lalim yata ng iniisip mo a,” sabi pa niya rito.
“Wala, naiisip ko lang napakabait ninyo sa akin ni Aling Kikay. Sana kayo na lang ang naging pamilya ko,” malungkot nitong saad sa kaniya.
“Huh? Ayaw nga kitang maging kapatid! Ang siba-siba mong kumain e,” biro naman niya rito para gumaan ang pakiramdam nito.
Tumawa naman ito ng mapakla saka inayos ang unan sa sofa. Para naman siyang nginatngat ng konsensiya kaya umupo siya sa tabi nito.
“Huy, joke lang iyon ha?” sabi pa niya rito. “Napaka-drama mo naman kasi. Hindi bagay sa iyo. Saka bakit? Para ka na rin naman naming kapamilya ni nanay a, hindi mo ba nararamdaman iyon?” tanong niya rito.
“Ramdam. Kaya nga nagpapasalamat ako dahil nandiyan kayo palagi para sa akin e. Paano na lang kung hindi ko kayo nakilala? Baka kung saan na ako damputin,” nakangisi pang saad nito sa kaniya.
Ginulo naman niya ang buhok nito saka brinaso. “Ang drama mo Tyrone, matulog ka na nga. Huwag mo ng masyadong iniisip iyang problema mo sa nanay mo. Iyang paghahanap buhay ang isipin mo, kasi iyan ang magdadala sa iyo ng pera,” bumungisngis pa siya nang sabihin niya iyon sa kaibigan.
“Oo nga. Kung si nanay ang iisipin ko, wala namang ilalabas na pera iyon e. Baka ako pa ang hingian,” tatawa-tawa na ring sagot nito sa kaniya.
“O siya, good night! Maaga rin ako bukas e,” tumayo na siya saka naglakad patungo sa kaniyang silid.
“Good night,” narinig pa niyang sabi ni Tyrone.
Kinawayan lang niya ang kaibigan habang naglalakad pabalik sa kaniyang silid. Agad siyang nahiga sa kaniyang kama at nakangiting nakatitig sa kisame. Nakita niya roon ang supladong mukha ni Ron. Napangiti siyang muli dahil kanina habang sumasayaw ito sa entablado ay malayong-malayo ito sa Ron na nagsusungit sa kaniya. Parang anghel ito kanina at nakangiti habang nagpe-perform. Ang sarap tuloy niya — este ang sarap niyang pagmasdan.
‘Makamundo ka KJ! Itulog mo na lang iyan girl!’ anang kaniyang isip.
Kaya naman tumagilid na siya at pumikit. Tama ang isip niya, itutulog na lang niya ang kaniyang ilusyon. Baka sakaling mapanaginipan niya si Ron at mahalikan niya sa panaginip ang binata.
‘Ilusyunada!’ nakangiti na niyang niyakap ang unan, at natulog na baon ang imahe ni Ron sa kaniyang balintataw.