Chapter 1
“KJ, bumangon ka na nga riyan! Aba tanghali na anak. Ang sabi mo ay may interview ka ngayon ‘di ba? Kilos na!”
Nagising si KJ sa ingay na nagmumula sa labas ng kaniyang silid. Kakamot-kamot siya ng kaniyang ulo habang bumabangon sa kaniyang higaan. Nagpakapuyat na naman kasi siya sa panood ng ever favorite niyang K-drama. Kasi naman nakaka-aliw ‘yong pinapanood niya. Kapo-promise niya sa sarili ng last episode na, ang ending — natapos niya ang buong episode ng kaniyang pinanonood. Kaya ngayon tatamad-tamad na naman siya sa pagkilos.
‘KJ ano ka ba naman self? Kailangan mo nang kumilos diyan, at pang-limang interview mo na ito. Kailangan mo ng ipasa ito nang magkatrabaho ka naman!’ sermon niya sa kaniyang sarili.
Naghikab siya at nag-inat bago nagtungo sa banyo upang maligo. Hindi naman kasi niya kasalanan kung over qualified siya sa mga ina-apply-an niya. Charot! Iyong totoo? Palagi kasi siyang nale-late, kaya naman hindi siya nakakahabol sa mga interviews niya.
Nakapag-trabaho naman na rin siya sa ibang kumpanya. Ngunit napipilitan siyang magbitiw dahil sa sahod, o ‘di kaya naman ay sa maniyak niyang boss. Kaya ngayong araw kailangan niyang makuha ang trabahong in-applay-an kahit na anong mangyari. Iyon ay para matulungan niya ang kaniyang ina sa mga gastusin sa kanilang bahay.
Pagkatapos niyang magbihis at mag-ayos ng sarili ay agad na rin siyang umalis sa kanilang bahay, at tinahak ang opisina kung saan siya i-interview-hin. Isang simpleng office dress na kulay beige ang isinuot niya na pinatungan lang niya ng itim na blazer, para naman magmukha siyang professional. Nagsuot rin siya ng itim na office shoes na may two inches heels, para naman tumangkad siya nang kaunti.
Nang nasa tapat na siya nang building na kaniyang in-apply-an ay huminga muna siya nang malalim, upang kalmahin ang kaniyang sarili. Pagkatapos pakalmahin ang sarili ay nakangiti na siyang pumasok sa gusaling iyon, at dire-diretsong naglakad patungo sa reception area.
“Good morning, saan po rito ang HR office?” magalang niyang tanong sa babaeng nakatayo sa reception area.
“Applicant?” balik tanong naman nito sa kaniya.
“Opo.”
“Sixth floor, second door from your right, after you step out of the elevator,” sabi naman sa kaniya ng babae habang itinuturo ang daan sa kaniya.
“Thank you!” nakangiti niyang saad dito saka siya naglakad patungo sa elevator.
Agad niyang pinindot ang buton ng elevator paakyat sa sixth floor, kung saan naroon ang opisina ng HR na mag-i-interview sa kaniya. Habang nasa loob siya ng elevator, kinuha niya ang kaniyang cellphone sa loob ng kaniyang itim na bag upang mag-selfie. Ilalagay niya kasi iyon sa kaniyang Friend Zone account para mang-inggit.
Naka-ilang shot na siya nang may pumasok na kung sinong mabango sa loob ng elevator. Napasinghot pa siya at literal na slow motion ang paglingon sa kaniyang katabi. Isang matangkad, hunk, mahahaba ang pilik mata, matangos ang ilong na parang nililok, and oh so yummy red lips, na parang kay sarap kagat-kagatin, ang lalakeng kasabay niya sa elevetor.
‘Shocks, hindi lang mabango, yummy, at pogi pa ‘day!’ bulong niya sa kaniyang sarili.
Agad namang may pumasok na kalokohan sa kaniyang isip. Dali-dali niyang in-open ang camera ng kaniyang cellphone at saka nag-video. Ginaya niya ang usong-usong linya sa isang social media ngayon.
‘‘Kapag tumingin ka, e di wow!’ mahina pa niyang usal habang napapahagikhik sa sarili niyang kalokohan. Ngumiti siya nang ubod nang tamis habang pasimpleng nagvi-video habang nasa background niya ang lalake. Ngunit wa’ epek! Dahil ni hindi man lang lumingon ang lalake sa kaniya, hanggang sa bumaba na ito at naiwan na siyang mag-isa sa loob ng elevator. Umarte pa siya na kunwari ay pipigilan ito nang makalabas na ito ng elevator.
‘Ayyy, hunky papa! Bumalik ka rito. Please come back!’ sambit niya sa kaniyang isip.
‘Huyyy, KJ mamaya na ang landi. Focus! Trabaho ang ipinunta mo rito bruha ka!’ saway naman ng kabilang panig ng utak niya.
Agad naman siyang natauhan at umayos sa kaniyang pagkakatayo. Nang humito sa sixth floor angelevator ay huminga muna siya nang malalim saka lumabas mula roon. Nagpalinga-linga pa siya upang hanapin ang opisina ng HR nang makalabas na siya sa elevator.
Agad naman niyang nakita ang hinahanap niyang opisina, kaya naglakad na siyang palapit doon. Kumatok muna siya ng tatlong beses bago pinihit pabukas ang doorknob. Sumilip pa siya sa loob ng opisina bago tuluyang pumasok nang senyasan siya ng isang lalakeng lumapit dito.
“Good Morning, Sir!” ngiting-ngiting bati niya sa lalakeng nakaupo sa likuran ng mesang nasa harapan niya.
“Good Morning! Please have a sit.” Atubili naman siyang naupo sa bakanteng upuan sa harapan nito, saka iniabot ang kaniyang resume.
Ilang minuto rin siyang in-interview ng lalake saka siya nito nginitian. Dahil urgent hiring sila, natanggap naman siya kaagad. Receptionist ang kaniyang in-apply-an. Bagay na bagay naman sa kaniyang personalidad. Bilang madaldal siyang babae at palangiti, at well, may angking ganda rin naman siya kahit kinulang sa height.
“Okay, Ms. Marasigan, puwede ka na bang mag-start tomorrow? Mukhang complete naman na ang requirements mo e,” tanong nito sa kaniya.
“Opo sir, puwedeng-puwede na po akong mag-start kahit ngayon mismo,” agrisibong sagot niya rito na ikinatawa naman nito.
“Palabiro ka pala ‘no?” nakangising saad nito sa kaniya.
“Hindi naman po masyado — konti lang.” Iminuwestra pa niya ang mga daliri sa nag-interview sa kaniya.
Ngumiti lang naman ito bago nagpatuloy, “So, you will report to Ms. Vienne, at the lobby, by the reception area tomorrow, at eight o’clock in the morning,” nakangiting saad nito sa kaniya.
“Thank you Sir!” nagniningning ang mga matang tugon naman niya rito.
Tumango naman ito bilang tugon bago dinampot ang oditibo ng telepono sa harapan nito. May tinawagan ito mula roon at narinig niyang ipinasusundo siya rito. Sa wakas hindi na siya PAL as in PALAMUNIN ng kaniyang ina.
Maya-maya pa ay may pumasok na isang magandang babae. Hindi niya naitago ang paghanga sa babae. Nginitian naman siya nito bago bumaling sa HR manager.
“Ms. Vienne, this is Ms. Marasigan. Ikaw na ang bahala sa kaniya ha?” nakangiting saad nito sa babae.
“Yes sir. Ms. Marasigan, are you ready for me?” magiliw na tanong nito sa kaniya.
Tumango naman siya saka nagpaalam sa lalake. Naglakad na sila palabas at huminto sa tapat ng elevator. Habang naghihintay, tinanong siya ni Vienne, “Anong pangalan mo? Ang haba kasi ng Ms. Marasigan saka masyadong pormal.” Bumungisngis pa ito pagkasabi niyon sa kaniya.
Na-amazed naman siya, dahil hindi niya akalain na may pagkakikay pala ito. “KJ na lang Ms. Vienne,” sagot naman niya rito.
“Vienne na lang girl. Masyadong nakakababae iyong Ms. Vienne, at saka ang lakas maka-guidance councilor,” bumungisngis ulit nitong saad sa kaniya.
Nakakahawa ang pagkamasayahin nito kaya naman natawa na rin siya. “Sige, Vienne. Nice meeting you. Matagal ka na siguro rito ‘no?” tanong pa niya rito para naman magkaroon sila ng conversation nito.
“Hindi naman ganoon katagal, mga five years pa lang,” sagot nito sa kaniya.
“Wow! Matagal na rin ‘yon ha!” namamanghang sagot naman niya.
Nginitian lang siya nito saka sumakay sa elevator nang bumukas iyon. Nang huminto ito sa lobby ay agad silang nagtungo reception area. Itinuro rin nito sa kaniya ang magiging locker nila, at kung saan sila kumakain kapag break time. Ipinakilala na rin siya nito sa mga makakasama niya roon. Mukha namang mababait ang mga ito, kaya nae-excite tuloy siyang magtrabaho agad.
“So, tomorrow, before eight dapat nandito ka na ha? Ako ang magsu-supervise sa iyo for the entire week. Kung wala ka nang tanong, makakauwi ka na. See you bukas!” sabi pa nito saka siya nito dinismiss.
“Thank you, Vienne. See you bukas!” natatawang paalam niya rito.
May ngiti sa mga labi niyang naglakad siyang palabas ng building na iyon. Kaya naman hindi niya napansin ang lalakeng kasabay niyang naglalakad at nagmamadaling lumabas ng pintuan. Dahilan upang magkabanggaan ang kanilang mga balikat. Pareho silang napahinto at muling naglakad palabas ng pintuan. Gaya nang nauna, muli silang nagkabanggan, hanggang sa lingunin niya ito para sana sungitan.
Nabitin ang binabalak niyang pagsusungit nang mamukhaan ang lalake sa kaniyang tabi. Nanlalaki ang mga mata niyang napatingin na lang tuloy rito. Ito iyong lalakeng vinedeo niya kanina na hindi lumingon sa kaniya. Kunot-noo naman siya nitong tinapunan nang tingin at halatang naiirita na ito sa kaniya.
“Miss, isara mo iyang bibig mo, baka pasukan ng bangaw ‘yan,” sabi nito na nakapagpa-gising sa kaniya mula sa pangangarap.
Agad naman niyang itinikom ang kaniyang bibig, saka wala sa sariling sinundan ng tingin ang lalake. Teka sinungitan ba siya ng lalakeng iyon? Pero grabe, ang gwapo talaga niya! Tao pa ba iyon?
“Miss galaw-galaw, baka naman gusto mong tumabi? Nakaharang ka kasi sa daraanan eh,” narinig niyang sabi naman ng isa pang lalakeng nasa tapat na niya ngayon.
Agad naman siyang tumabi at humingi ng paumanhin dito. Hindi pa rin siya maka-move on sa sinabi ng lalakeng nakasabay sa elevator kanina. Hindi rin niya matanggap na nagmukha siyang engot sa harapan nito.
‘Ang sungit ng kumag na iyon a! Pero carry lang may karapatan naman siyang magsungit e. Ang pogi kaya niya. Ano kayang pangalan niya? Dito kaya siya nakatira? ‘Di bale malalaman ko rin iyan,’kinikilig pa niyang saad sa kaniyang sarili.
Masaya pa rin siyang lumabas ng gusaling iyon. Sa wakas ay may trabaho na rin siya. Excited na siyang ibalita iyon sa kanyang ina. Paniguradong matutuwa rin iyon, dahil gustong-gusto na nitong lumayas siya sa kanilang bahay. Joke lang!
****
“‘Nay! I have a surprise for you!” tawag pa niya sa kaniyang ina nang makapasok siya sa kanilang bahay. Inilapag niya ang kaniyang bag at pizza sa ibabaw ng kanilang mesa saka naghubad ng kaniyang high heels na sapatos.
“Mother! Yuhuuu! Nandito na po ang maganda mong anak!” nakangisi pa niyang tawag ulit dito.
“Ano ba iyan Kaye napaka-ingay mo! Para kang serena ng ambulansya. Ano ba iyang surprise, surprisena iyan?” tanong ng nanay niya paglabas ng silid nito.
Nagmano muna siya saka humalik sa pisngi ng kaniyang ina. “Kumapit ka ‘nay,” sabi pa niya sa ina, saka inihawak ang kamay nito sa haligi ng kanilang bahay.
“Susme kang bata ka, ano nga iyon? Makukurot kita sa singit!” nakakunot-noong tanong pa nito sa kaniya.
“May trabaho na ako!” patili pa niyang saad dito.
Tila wala namang reaksyon ang kaniyang ina sa kaniyang ibinalita. “Talaga? O, e, ano naman ngayon?” sabi pa nito sa kaniya. Napabusangot naman siya habang padabog na naupo sa harapan ng kanilang mesa.
“Joke lang! Mga kapit-bahay! May trabaho na rin sa wakas ang anak kong pasaway!” sigaw pa ng kaniyang ina na ikinatawa naman niya.
“‘Nay naman nakakahiya. Mga kapit-bahay! May trabaho na ako sa wakas!” kunwa’y saway niya rito sabay sigaw, dahilan ng pagbugisngis nilang mag-ina.
“Masaya ako anak na sa wakas ay may trabaho ka na. Galingan mo anak ha?” Niyakap siya ng kaniyang ina saka hinalikan sa kaniyang ulo.
Napangiti naman siya sa ginawang iyon ng kaniyang ina. Dalawa na lamang kasi sila ng kaniyang inang namumuhay na magkasama. Limang taon pa lamang siya noong iwan sila ng kanyang ama, at sumama sa iba. Kaya tanging ang ina lamang niya ang matiyagang nagpalaki sa kaniya.
Napagtapos naman siya nito ng pag-aaral, at nairaos nilang mag-ina ang pang-araw-araw na pamumuhay. Kaya ngayong siya naman ang may trabaho, siya naman ang mag-pa-pamper sa kanyang ina. Mahal na mahal niya ito kahit na minsan pasaway siya.
“I love you ‘nay! Tara ng kumain bago pa tayo magkaiyakan.” Tinapik na niya ito sa kamay at pinaupo sa kaniyang tabi.