Naghahanda na sa pagpasok si KJ nang madaanan niya sa sala ang kaibigang nagliligpit nang pinagtulugan nito. Ngumiti ito sa kaniya at bumati, “Good Morning ate Kikay JR!” nakangising wika nito sa kaniya.
“Ate ka riyan! Gusto mo palayasin kita ngayon na?” masungit naman niyang sagot dito.
Kakamot-kamot naman ito ng ulong sumulyap sa kaniya. “Grabe ka palalayasin mo ako agad? Hindi ka na mabiro,” nakangusong saad pa nito sa kaniya.
Natawa naman siya sa itsura nito. “Joke lang! Papasok na ako, ikaw na ang bahala rito ha? Pakisabi kay nanay na umalis na ang maganda niyang anak. Babush!” ngumisi siya rito saka nagbilin bago tuluyang lumabas ng bahay nila.
“Sige ingat ate!” narinig pa niyang sigaw ni Rex sa kaniya.
Napapailing na lang siya habang naglalakad patungong sakayan. Hindi siya nag-motor ngayon, dahil baka bumengga na siya sa nanay niya. Isa pa naka-skirt siya ngayon kaya hindi puwede. Nasa labahan na kasi lahat ng pantalon niya, at hindi pa naglalaba ang nanay niya, kaya naman tiis siya sa commute ngayon. Maaga pa naman kaya hindi siya masyadong nag-aalalang baka ma-late siya sa trabaho.
“Good morning kuya!” nakangiting bati niya sa guard na nagpapasok sa kaniya sa loob ng Condominium.
“Good morning ma’am ganda!” ganting bati naman nito sa kaniya.
Dire-diretso siyang naglakad papuntang locker nila habang nakangiti. Papasok na lang siya roon nang mahagip ng kaniyang paningin ang kanyang hunky-yummy papa na nakatingin sa direksiyon niya.
‘Ayan ka na naman KJ huh! Napaka-feelingera mo na naman!’ sita niya sa sarili.
Magkagayon pa man, ngumiti siya nang ubod ng tamis habang nagpapa-cute sa binata. As usual, deadmatology na naman ang beauty niya! Kaya naman nakasimangot na humarap na siyang muli sa pintuan papuntang locker nila. Dahil sa wala roon ang atensiyon niya, natamaan siya nang bumukas na pintuan. At dahil sa kabiglaan napaatras siya at bahagyang tumalsik.
‘Oh no! Babagsak ako!’ tili pa niya sa kaniyang isip.
Napapikit na lang siya at hinintay ang pagbagsak niya sa malamig na sahig, ngunit hindi nangyari iyon. Naimulat niya ang isang mata at doon napagtantong may sumalo pala sa kaniya. Hanggang sa nanlalaki ang mga mata niyang napabaling sa kung sinong anghel na sumalo sa kaniya. Halos maduling siya sa sobrang lapit ng kanilang mga mukha.
“Next time, tumingin ka sa daraanan mo!” masungit nitong saad na nakapampagising sa kaniyang ulirat.
Inalalayan siya nitong makatayo ng maayos saka ito naglakad palayo sa kanya. Nakatulala pa rin siya habang sinusundan nang tingin si Ron. Nang makabawi ay sumilay naman ang isang malapad na ngiti sa kaniyang mga labi.
‘Eeeiii! Ibig sabihin ba noon, nakatingin din siya sa akin? Eeeiii!!!’ tumitiling turan niya sa kaniyang sarili.
“Hoy! Bakla! Kilos na, male-late ka na!” untag sa kaniya ni Jazzy.
Nilingon niya ito saka binalingan ang kanyang relong pambisig. Tama nga ito male-late na siya! Kaya naman nagmamadali na siyang pumasok sa loob ng kanilang locker at mabilis na inayos ang sarili. Pambihira! Male-late pa siya dahil sa kaharutan niya.
*****
Nasa lounge na si Ron ngunit hindi pa rin mawala sa isip niya ang mukha ng babaeng sinalo niya kanina. Napapailing pa siya dahil sa itsura nito kanina nang tamaan ito ng pinto. Mabuti na lang at nandoon siya para saluhin ito. Dahil kung hindi, baka sa sahig na naman ang kahinatnan nito. Kagaya noong unang beses niya itong makita sa lobby. Naputol ang pag-iisip niya nng may lumapit sa kaniya.
“Mukhang malalim iyang iniisip mo huh?” anang tinig na nambulabog sa kaniya.
Tiningala niya ito saka ngumiti. Tumayo siya at nakipagbeso rito.
“How are you?” tanong pa niya rito.
“I’m good. Ikaw ang kumusta na? Matagal-tagal na kitang hindi nakikita e,” sagot naman ng kausap niya.
“Vienne, alam mo namang busy ako palagi e,” nakangiting sabi niya rito.
“Uh huh? Kaya wala ka ng time magpakita sa akin?” may himig patatampong saad nito sa kaniya.
Hinawakan niya ang kamay nito saka masuyong pinisil iyon. Hinaplos din niya ang mukha nito at masuyong hinalikan sa noo ang babae.
“Sweetheart, ‘wag ka nang magtampo,” panunuyo pa niya rito. “Ganito na lang, why don’t we go out for a dinner tonight? I’ll pick you up after work. Okay ba iyon?” malambing niyang tanong dito.
Nag-aliwalas naman ang mukha ni Vienne saka siya niyakap nang mahigpit nito. Natatawang ginantihan din niya ito nang yakap. Iyon ang eksenang nabungaran ni KJ, nang makarating siya sa reception area. Tila siya tinarakan nang sampung punyal sa kaniyang dibdib. Nanghihinang napatalikod siya mula sa mga ito at sumandal sa counter.
“Hoy, bakla! Okay ka lang ba?” tanong sa kaniya ni Jazzy.
Nilingon niya ito saka tumango, “O-oo naman!” pilit na ngiting saad niya rito.
Pero ang totoo, hindi siya okay. Bakit magkayakap sina Vienne at Ron? Anong relasyon nila sa isa’t isa? Bakit si Vienne pa? Ang dami niyang tanong sa kaniyang sarili, na alam naman niyang walang kasagutan. Huminga muna siya ng ilang beses saka nakangiti na muling humarap sa entrance ng Condominium. Iniwasan niyang mapatingin sa lounge kung saan nakita niya sina Ron at Vienne na magkayakap kanina.
‘Kanina lang ang saya-saya ko, kasi sinalo niya ako mula sa muntikan ko nang pagbagsak sa sahig. Tapos wala pang twenty four hours, makikita ko sila ni Vienne na magkayakap. Sana man lang pinaabot muna kahit isang oras lang iyong pag-iilusyon ko,’ reklamo niya sa kaniyang sarili.
Muli siyang napabuntong hininga saka itinuloy na lang ang pagtatrabaho. Buong shift niya tuloy ay para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Pilit din niyang iniiwasan si Vienne buong duty niya. Ayaw niya munang kausapin ito, baka kasi hindi siya makapagpigil at ma-confront niya ang babae.
“Hoy, KJ! Kanina pa ako salita nang salita rito, hindi mo naman ako pinapansin,” nayayamot na saad ni Jazzy sa kaniya.
“Huh?” wala sa sariling tanong niya rito.
“Hay naku sinasabi ko na nga ba e!” nakahalukipkip na saad nito sa kaniya.
Tumayo naman siya nang tuwid saka tuluyan nang hinarap ang kaibigan. Wala talaga siyang naintindihan sa pinagsasasabi nito sa totoo lang.
“Sor’ na bakla, ano nga ulit iyong sinasabi mo?” nakangising tanong pa niya rito.
“Hay, ayaw ko nang ulitin. Ang haba-haba kaya nang sinabi ko, tapos hindi ka naman pala nakikinig. Nakakaloka ka!” nakasimangot na wika nito.
Para naman siyang tinaman ng guilt sa sinabi nito. Kaya nilapitan niya ito saka niyakap. “Sor’ na bakla,” paglalambing pa niya rito.
“Hmp! Ano ba kasing iniisip mo? Rather sino ba kasing iniisip mo?” tanong nito sa kaniya.
“Wala iyon. So ano nga iyong sinasabi mo kanina?” pag-iiba niya ng usapan.
Tumayo siya nang maayos, at pahalukipkip na hinarap ito.
“Hmmm, si Sir Ron na naman ba iyang iniisip mo?” nakangising tanong nito sa kaniya.
“Huh? Teka ikaw itong tinatanong ko, bakit naman napunta sa akin?” salubong ang kilay niyang tanong dito.
Mukhang wala na itong balak tantanan siya, dahil ngayon ay mataman na siyang tinititigan nito. Napaiwas naman siya nang tingin dito. Ayaw niyang mabasa nito ang kalungkutan sa kaniyang mga mata.
“Uyyy, iniisip niya si Sir Ron!” panunukso pa nito sa kanya.
“Hindi a! Bakit ko naman siya iisipin?” mariing tanggi niya rito.
‘Hindi naman ako iisipin noon, kasi masaya na sila ni Vienne, kaya bakit ko siya iisipin?’ bulong pa niya sa kaniyang sarili.
“Hus! Kuwari ka pa riyan. Baka naman ginagahasa mo na si Sir sa imahinasyon mo ha?” bumungisngis pa ito pagkatapos sabihin iyon.
“Gaga! Magtrabaho na nga lang tayo. Kung ano-ano iyang pinagsasasabi mo riyan,” sabi pa niya rito.
“Okay!” anito saka muling nagsalita, “Girl gumamit ka ng condom sa pangarap mo huh? Mahirap na baka mabuntis ka,” humahagikhik na bilin pa nito sa kaniya.
Pinandilatan naman niya ito saka kinurot sa tagiliran. Nakaka-skandalo ang mga sinabi nito!
“Luka-luka! Magtrabaho ka na nga lang diyan!” pabirong inirapan pa niya ito.
‘Ouch! My virgin ears!’ anang isip niya.
Pigil ang mga ngiting napailing na lang siya sa kaniyang naisip. Nahawa na siya sa lukaret na si Jazzy. Pero nagpapasalamat siya at saglit niyang nakalimutan ang hunky-yummy papa niya at si Vienne. Napailing na lang siya at muling itinuon ang atensiyon sa kaniyang trabaho.