“You shouldn’t told that to the receptionist a while ago Monique,” seryosong saad ni Ron sa babaeng kasama niya ngayon.
Pinuntahan siya nito para sunduin, dahil may biglaang meeting daw with Miles Studio. Nag-back out kasi ang isang artist at siya ang pina-planong ipalit dito. Bilang si Monique ang kanyang manager, responsibilidad siya nito — at hindi ito basta nakikipag-deal ng walang permiso niya.
“What?” tanong nito na parang hindi siya naintindihan nito.
“About kanina, you shouldn’t have told them that,” naiinis niyang sabi rito.
“Oh! That one, hmmm, totoo naman iyong sinabi kong hindi dapat sila nagha-hire ng tutulog-tulog na empleyada rito. My ghad! Ang mahal-mahal ng bili mo rito, tapos tatanga-tanga naman ang mga tauhan!” kumukumpas-kumpas pa ang kamay nito habang naglilitaniya.
Kaya naman huminto si Ron at hinarap si Monique. Naiinis niya itong pinamaywangan.
“Just don’t do it next time! Understood?” matigas niyang saad saka tinalikuran ang babae.
Tila nagulat naman ito sa kaniyang sinabi dahil hindi agad ito nakakilos mula sa kinatatayuan nito. Maski siya ay hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit niya ipinagtatanggol si KJ.
“Okay fine!” naiinis na ring sagot ni Monique sa kaniya.
Wala na silang kibuan nang sumakay sa kotse ni Monique. Ito na rin ang magda-drive tutal sasakyan naman nito iyon.
Samantala, nang makarating si KJ sa parking lot ay agad niyang isinuot ang kanyang helmet saka sumakay sa kaniyang motor. Paalis na sana siya nang biglang may sasakyang sumulpot sa kaniyang likuran. Mabuti na lamang at maagap niyang nai-abante ang kaniyang motor, kung hindi — baka sa hospital siya pulutin. At kapag nangyari iyon paniguradong isang kahimbal-himbal na talak ang aabutin niya sa kaniyang ina.
“Ang yabang mo ungas!” nanggigigil na sigaw niya sa nagmamaneho ng kotseng muntik ng makadisgrasiya sa kaniya. Napababa pa siya sa kaniyang motor dahil doon.
‘Bwiset na iyon, muntik pa akong mabangga!’ nagpupuyos sa galit na sambit niya sa sarili.
“Monique!” bulalas ni Ron nang makitang muntik na nilang mahagip ang isang motor sa kanilang harapan. “s**t! Can you slow down a little bit? Muntik na tayong makadisgrasiya!” pabulyaw na saad niya rito.
Hindi mawala ang malakas na pagkabog ng kaniyang dibdib matapos ang pangyayaring iyon. Napakakaskasera kasi ng kaniyang manager magmaneho.
“Oh! Sorry!” tanging sagot nito na tila hindi nababahala.
“Sorry? Paano kung nadisgrasiya natin iyon?” litaniya niya rito.
“Hey! Hindi naman natin nadisgrasiya ‘di ba?” inis na tanong na rin nito sa kaniya. “Will you just shut up? Kasi nagugulo ang konsintrasiyon ko sa pagmamaneho!” At siya pa talaga ang galit?
Mahina na lang siyang napamura sa sinabing iyon ni Monique. Napaka-imposible talaga ng babaeng ito. Muntik na nga silang makabangga at makadisgrasiya, ganoon lang ang naging reaksiyon nito? Napapailing na lang na sumandal si Ron mula sa kinauupuan nito. Palalampasin na lang niya ang nangyaring iyon — sa ngayon. Dahil kapag naulit pa iyon, talagang masasakal na niya ang babaeng ito.
*****
Bumuntong hininga muna si KJ, bago siya muling sumakay sa kaniyang motor. Kinundisyon kasi niya ang sarili bago muling paandarin iyon. Habang nasa daan, nakita niya ang kotseng muntik nang makadisgrasiya sa kaniya. Agad siyang nakaisip ng ipambabawi kaya mabilis niyang hinabol iyon.
Dahil tinted ang salamin ng sasakyan, hindi niya siyempre makita kung sino ang nagmamaneho niyon. Tumabi siya roon at kinatok ang bintana nito saka nag-dirty-finger sign. Malakas ang loob niya dahil naka-helmet naman siya — paniguradong hindi siya makikilala ng nakasakay roon. Nang mag-go na ang signal ng traffic light, mabilis siyang tumalilis nang alis upang hindi na siya magantihan pa ng nasa loob ng sasakyan. Napapangiti pa siya dahil kahit papaano, nakaganti siya sa hinayupak na driver ng sasakyan na iyon.
“Mother! Nandito na po ako!” tawag niya sa kaniyang ina nang makarating na siya sa kanilang bahay. Agad siyang nagtanggal ng helmet at inilapag iyon sa upuan. Nilingon naman siya ng kaniyang inang nagluluto ng mga oras na iyon.
“O, nandito na pala ang anak kong lalake. Kumusta ang araw mo hijo?” sarkastikong tanong ng kaniyang ina.
Kakamot-kamot naman siya ng kaniyang ulo, sabay mano sa kaniyang ina. Pagkamano niya ay nakatikim siya ng tampal sa kaniyang noo. Nakasimangot na lang siyang tiningnan ang kaniyang nanay, saka nakangusong hinimas ang kaniyang noo.
“Nay naman e!” reklamo pa niya sa kaniyang ina.
“Nay, nay-in mo iyang mukha mo! Nag-motor ka na naman pa lang babae ka! Naku makukurot na talaga kita sa singit!” anito sa kaniya sabay ambang kukurutin nga siya nito. Agad naman siyang tumakbo sa likuran ng kaniyang ina.
“Nay, male-late na kasi ako kanina, kaya naman nag-motor na ako. ‘Wag ka na pong mag-alala, kasi ‘nay okay naman po ako e.” Niyakap niya ito mula sa likuran at ipinatong ang baba sa balikat nito.
“Hihintayin mo pa talagang madisgrasya ka bago ka tumigil diyan sa pagmo-motor mo? Anak nag-aalala lang naman ako sa iyo. Saka isa pa, dadalawa na nga lang tayo e. Paano kapag may nangyaring masama sa iyo? O, e, di nga-nga ako?” madamdaming saad ng kanyang ina.
Napangiti naman siya, sabay mas hinigpitan pa ang pagkakayakap dito. “Nay, hinding-hindi mangyayari iyon. Palagi akong nag-iingat at nananalangin. Malakas kaya ako doon!” Sabay turo pa niya sa taas.
Hinalikan pa niya ang ina sa pisngi nito. Napahinga na lang ng malalim ang kanyang ina bago magsalitang muli, “Oh siya sige na. Tara ng kumain. Teka hindi mo ba nakita si Tyrone sa labasan?” Tinapik pa nito ang braso ni KJ saka humarap sa anak.
“Hindi po. Baka naman nasa bahay nila ‘nay,” sagot naman niya rito habang umiiling.
“Paanong nasa bahay nila? E ‘di ba nga at dito muna siya sa atin, hanggat nando-doon ang nobyo ng nanay niya? Ewan ko ba naman kasi kay Naty, ang tanda-tanda na e nagno-nobyo pa. E, hindi rin naman siya siniseryoso ng mga lalake,” mahabang saad ng kaniyang ina.
Hindi rin niya maintidihan ang nanay ni Tyrone, kaya wala siyang maisagot sa ina. Maya-maya naman ay dumating na si Tyrone na dumudugo ang labi nito at nag-uumpisa nang mamaga ang kanang pisngi. Agad naman nilang dinaluhan ito at inalalayang makaupo sa sofa.
“Huyyy, anong nangyari? Ba’t ganiyan ang itsura mo? Nakipag-away ka ba?” sunod-sunod na tanong niya rito, habang iniinspeksiyon ang mga galos ng kaibigan.
“Isa-isa lang ang tanong Kikay JR, mahina ang kalaban,” nakangising saad pa nito, kaya naman nakatikim ito ng batok sa kaniya.
“Aray! Grabe ka abugbog a Berna na nga ako e, abugbog mo rin ako!” reklamo naman nito sa kainya, sabay nakanguso pa itong tumingin sa direksiyon niya. Natawa naman silang mag-nanay sa sinabi nito.
“Ano ba kasi ang nangyari? Uuwi ka ritong ganiyan ang itsura mo, natural na magtanong kami,” sabad naman ng kaniyang ina.
Saglit naman siyang nagtungo sa kusina para kumuha ng yelo. Kinuha na rin niya ang medicine kit para gamutin ang sugat ni Tyrone. Nang makabalik siya sa sala ay narinig niyang nagkwe-kwento na ito sa kaniyang ina.
“Iyong lalake kasi ni nanay e. Nakita kong may kasamang chix sa bayan. Ayun binugbog ko,” pagkwe-kwento nito sa kanilang mag-ina.
“O, e kung ikaw ang nambugbog, bakit ganiyan iyang mukha mo ngayon? Saka anong sabi ni Naty?” tanong ulit ng nanay ni KJ.
“Ayun na nga ho, siyempre gumanti siya kaya ganito itsura ko ngayon. Tapos pinalayas ako ni nanay sa bahay namin. Wala raw ho akong utang na loob, at sinisiraan ko pa raw ho iyong lalake niya,” malungkot na salaysay nito sa kanilang mag-ina.
“Kaya aling Kikay, puwede ho bang dumito na lang po muna ako sa inyo? Kahit po magbayad na lang po ako, tutal may trabaho naman na po ako e,” nakakaawa ang itsura nitong pakiusap sa nanay ni KJ.
“Sus ko naman ikaw na bata ka, siyempre naman p’wede. Dumito ka hangga’t gusto mo. Para mo na rin naman akong nanay, at parang magkapatid na rin naman kayo ng anak ko. Hayaan mo’t kakausapin ko rin iyang nanay mo. Hindi naman yata tamang palayasin ka niya sa inyo.” Tinapik-tapik naman ng nanay niya ang balikat ng kaibigan.
“E, puwede ho bang nanay na rin ang itawag ko sa inyo? Tutal para ko naman na po kayong nanay e,” nakangising tanong nito sa kaniyang ina.
“Oo naman anak,” nakangiting sambit ng kaniyang ina.
Tuwang-tuwa naman ito sa narinig kaya naman nayakap nito ang kaniyang ina. Siya namang lapit niya sa mga ito.
“Abusado! Halika na at gamutin na natin iyang sugat at pasa mo.” Singit naman niya sa pagdadramahan ng mga ito.
“Aray! Dahan-dahan naman ate masakit kaya,” pagre-reklamo pa nito nang mapadiin ang paglalapat niya ng yelo sa pisngi nito.
Natatawang muli niyang diniinan ang yelo sa pisngi nito na ikinangiwi naman ng binata. Hinawakan pa nito ang kaniyang kamay nang akmang ilalapat niyang muli iyon sa pisngi nito.
“Ate ka riyan! Dagdagan ko kaya iyang pasa mo at sugat ha?” Pinanlakihan pa niya ito ng mata na ikinatawa naman nito.
“Aray ko naman! Dahan-dahan lang naman masakit nga! Akin na nga, ako na lang magga-gamot sa sarili ko. Masama yata loob mo e!” anito sabay agaw sa hawak niyang tela na may yelo.
Tinawanan lang niya ito sabay kuha ng gamot sa medicine kit. Sabay pa silang napalingon sa kaniyang ina nang magsalita ito, “Hala sige na’t bilisan ninyo riyan, at kakain na tayo.” Tumalikod na ang ina niya, at nagtungo na sa kusina upang maghanda ng makakain.
“Kaye, salamat ha? Ang bait ninyo sa akin ni nanay Kikay. Kung siguro wala kayo ngayon dito — naku hindi ko alam kung saan ako pupulutin,” madamdaming saad nito sa kaniya.
“Sus, drama mo! Hindi bagay sa iyo, pang-comedy ka e,” sagot niya rito sabay gulo sa buhok nito.
“Seryoso kasi Kaye, basta maraming, maraming salamat sa inyo,” nakangiti nang sabi nito sa kaniya.
“Walang anuman, superman, batman, wonderwoman, lahat ng may man!” nakangisi naman niyang tugon. Natawa naman ito sa sinabi niya.
“Bilisan na nga nating gamutin iyang mga sugat mo nang makakain na tayo. Kanina pa ako nagugutom e.”
Kinuha na niya ang bulak saka nilagyan ng antiseptic at dahan-dahang idinampi niya iyon sa bahagi ng mukha nitong may galos. Malapit na silang matapos nang muling sumilip ang kaniyang ina.
“Kung tapos na kayo riyan, tarana’t kumain,” narinig nilang tawag ng kaniyang ina.
“Opo saglit na lang ‘nay!” sagot niya sa kaniyang ina.
Nang matapos ang pangga-gamot sa mga sugat ng kaibigan ay agad na rin silang nagtungo sa kusina upang kumain. Matapos nilang kumain ay ang nanay na niya ang nagligpit ng pinagkainan. Ikinuha naman niya ng gamit sa pagtulog si Rex saka iniabot iyon sa kaibigan.
“O, ayan magtiis ka muna riyan. Sa off ko ililipat ko ang mga gamit ko sa kwarto ni nanay para naman sa kwarto ka na matutulog,” sabi niya rito nang maiabot ang mga gamit sa kaibigan.
“Kahit dito na lang ako Kikay JR. Okay naman ako rito sa sala e,” kakamot-kamot sa ulong tugon nito at tila nahihiya pa ito sa kaniya.
“Aysus, ‘wag ka nang mahiya hindi bagay sa iyo. Basta sa off ko aayusin ko iyong kwarto ko, para roon ka na matulog,” nakangiting sabi niya rito saka nagpaalam upang magpahinga na rin.