“ARAY!!! Dahan-dahan naman ‘nay!” napapahiyaw niyang saad sa kaniyang ina.
“Aray, aray ka riyan ngayon? Bakit ba naman kasi kung anu-anong pinag-gagagawa mo at nadulas ka?!” Muling hinilot ng ina ang kanyang balakang. Napangiwi naman siya saka nagpapapadyak, habang nakadapa sa kanyang kama.
“‘Nay naman dahan-dahan lang sa pagpisil! Mesheket keye!” maarte pa niyang saad sa kaniyang ina.
“Uhmp! Diyan ka magaling — sa kalokohan! Nasaktan ka na nga’t lahat nakukuha mo pang umarte riyan!” Bahagya pa siyang tinampal ng ina sa kanyang pang-upo.
“‘Nay naman wala kang awa. Nasaktan na nga ako, nananakit ka pa lalo,” nanghahaba ang ngusong saad niya rito habang nakayakap sa kaniyang unan.
“Tigilan mo ako sa kaartehan mo Kaye, ha! Akala ko ba sabi mo hindi circus ang papasukan mo? O, e, ba’t ngayon ay ganiyan ang nangyari sa iyo?” Muli nitong hinilot ang bandang balakang niya na kaniyang ikinasinghap.
“Nakakita kasi ako ng pogi ‘nay e. Ayun nagpa-cute ako. Hindi ko naman alam na nag-mop pala si manong janitor. Ayun ang kawawang anak mo, nadulas at pabisaklat na lumanding sa sahig!”
Humagalpak naman ng tawa ang kanyang ina. Napalingon tuloy siya rito saka sumimangot. Nakakaloka, pinagtawanan pa talaga siya ng kanyang ina.
“Nanay ba talaga kita? Bakit ang sama-sama mo? Pinagtatawanan mo pa ang kaawa-awang kalagayan ko!” kunwa’y naghihinanakit niyang saad dito.
“Kasi naman anak e. Bakit hindi ka nag-iingat? Ayan panigurado, turn off na sa iyo iyong poging sinasabi mo,” nakangisi pang wika nito, saka ipinagpatuloy ang panghihilot sa kanya.
Nakabusangot siyang dahan-dahang humarap sa ina. Medyo naibsan na ang sakit na kanyang nararamdaman buhat sa pagkakadulas niya. Inalalayan naman siya ng inang makaupo ng maayos.
“Pero ‘nay, kahit masungit siya, ang gwapo-gwapo pa rin niya!” Tila nangangarap pa siyang tumingin sa kawalan.
Nakikita pa rin niya ang masungit na mukha ng binata. Ewan ba niya kung bakit? Pero kahit sinungitan siya nito, gustong-gusto pa rin niya ang binata. May sayad yata siya e.
“Ayan tayo e. Landi pa more anak! Baka sa susunod, sa orthopedic na kita puntahan.”
Binalingan niya ang ina saka pabirong inirapan ito. “Panira ka ng moment ‘nay e!” reklamo pa niya rito.
“Hoy babaeng maharot! Baka gusto mong ibalik kita sa sinapupunan ko nang makita mo ang hinahanap mo?” Kinurot pa siya nito sa braso.
“Awww! Kakasya pa ba ako riyan ‘nay?” nakangising tanong niya sa ina habang hinihimas ang kinurot nitong braso niya.
“Gusto mo i-try natin ngayon?” pakikisakay naman ng nanay niya.
“I love you ‘nay!” tumatawang sabi niya sabay yakap dito.
“Bolera! Teka at maghahanda na ako ng pagkain natin. Kaya mo na bang tumayo?” tanong pa nito sa kanya.
“Opo ‘nay. Don’t worry I can management.” Humagikhik pa siya, saka dahan-dahang tumayo at sumunod sa ina.
Napaka-suwerte niya lang at parang magbarkada lang sila ng kaniyang ina. Napaka-cool ng nanay niya at talaga namang mahal na mahal siya nito. Ni hindi na nito naisipan pang mag-asawa ng iba, at nag-focus lang sa kaniya. May maliit itong tindahan sa palengke, na siyang kabuhayan nila.
“Aling Kikay!” narinig niyang may tumatawag sa nanay niya. “Uyyy mukhang masarap ang ulam niyo ah!” nakadungaw sa pintuang sabi ni Tyrone, habang sumisinghot-singhot pa.
Bestfriend at kababata niya si Tyrone. Simula pagkabata ay palagi na itong sumusulpot basta oras ng kainan sa kanila. Kaya naman sanay na sanay na siya rito. Paano ba naman kasi, ang nanay nito ay wala ng ibang ginawa kundi ang unahin ang pakikipag-jowa, kaysa ang alagaan ang kaibigan niya.
“Style mo bulok! Pasok na, alam ko namang makikikain ka lang e,” pambabara niya sa kaibigan.
Napakamot naman ito sa ulo bago pumasok sa kanilang bahay. “Ito namang si Kikay JR o. ‘Wag na busog pa ako,” kunwa’y nagtatampong sagot nito sa kaniya.
“Okay, bye. Tsupi na!” Pagpapalayas niya sa kaibigan.
“Kaye, anong itinuro ko sa iyo? Masyado kang harsh kay Tyrone. Sabi ko ‘di ba, be kind to animals?”
Humagalpak siya sa pagtawa, sa banat ng kanyang ina. Nakabusangot namang lumapit si Tyrone rito saka nagmano.
“Mapang-alipusta kayong mag-nanay. Grabe kayo sa akin,” nakangusong saad pa nito.
“Dami mong alam Tyrone. Maupo ka na riyan at kakain na,” nakangising sabi naman niya rito.
Agad naman itong dumulog sa mesa at nauna pang magsalin ng pagkain kaysa sa kanila. Natatawang napapailing na lang siya sa kaibigan. Feel at home na feel at home kasi ito sa kanila. Palibhasa, simula pagkabata ay palagi na ito sa kanila.
“Ayan diyan ka magaling! Ang siba mo talaga pagdating sa pagkain. Walang hiya ka!” Binatukan pa niya ito bago tumabi rito.
“Aray ko naman Kikay JR! Wala kasing luto sa bahay kaya makikikain ako ngayon dito.” Hinimas pa nito ang nasaktang ulo.
“Ngayon lang ba? E sa loob ng isang lingo, parang apat na beses ka rito kumakain ng hapunan e. Dito ka na rin kaya tumira?” pang-aalaska pa niya sa lalake.
“Actually good idea huh! Sige mamaya ililipat ko na ang mga gamit ko rito. Ayos ba iyon Kikay JR?” taas-baba pa ang kilay nitong sabi sa kanya.
Inambaan naman niya ito ng suntok na agad nitong inilagan. Tatawa-tawa pa ang kurimaw niyang kaibigan. Inawat naman na sila ng kanyang ina bago pa man sila magkapikunan.
“Oist kayong dalawa, magsitigil na kayo riyan. Kumain na lang kayo nang kumain. Teka Tyrone, bakit parang ang porma mo yata ngayon a?” tanong ng nanay niya rito.
Doon lang din niya napansing naka long sleeve ito, at slacks na pantalon. Napangisi naman siya at tila nakaisip na naman ng pang-aasar dito.
“Ayos Tyrone ah, saang binyagan ka ba pupunta ng ganitong oras? Ibinuhos mo pa yata iyong pabago mo sa katawan mo e,” nakangising tanong niya rito sabay singhot, saka sumubo ng pagkain.
“Tange mali ka naman eh! Ang obob mo kamo! Sa burol ako pupunta,” ganting biro nito sa kanya.
“Ahhh, ‘di mo naman agad kami in-inform ibuburol ka na pala ngayong gabi?” tatawa-tawa pa niyang wika sa kaibigan.
“Grabe ka talagang babae ka!” napapailing na lang nitong tugon sa kanya.
“E, saan ba kasi talaga ang lakad mo, at naka long as sleeve ka pa?” tanong naman ng kanyang ina.
“Mag-nanay nga talaga kayo. Mapang-api kayong dalawa. Papasok po ako sa trabaho ngayon,” may pagmamaking sagot nito sabay subo ng pagkain.
“O? May tumaggap sa iyo?” pang-aasar niyang muli rito.
“Of course, i*********e. Palagay mo sa akin? Mahinang nilalang?” Tinapik pa nito ang dibdib habang nakatingin sa kanya.
“O, e, saan naman iyang trabaho mo hijo?” tanong ng kanyang ina.
“Sa Makati po — call center,” taas noong wika nito at tinaasan pa siya ng kilay.
“Wooowwwrrr! Ikaw na!” nang-uuyam na wika naman niya.
“Ikaw Kikay JR ha! Kapag ako sumahod, hindi kita ililibre kahit kending hubad!” Nabitin ang pagsubo nito, nang agawin niya ang hawak na kutsara, at ilayo ang plato nito.
“Ahhh gano’n? Sige makakalayas ka na, at ‘wag ka na ding makikikain ulit dito ha?” masungit niyang saad sa kaibigan.
“Ito naman hindi na mabiro. Joke lang iyon! Ililibre kita kahit saan mo pa gusto. Basta sa ngayon, pakainin mo muna naman ako. Kawawa naman ako kapag pumasok akong gutom,” nagpapaawang sabi pa nito sa kanya.
“Ayan ganiyan nga! Good boy. Kain ka pa nang kain ha, hayop ka!” Tumawa naman ang nanay niya sa ginawa niya.
“Hala sige, kumain na kayong dalawa nang makapasok ka na. At ikaw naman Kaye, magpahinga ka na rin pagkatapos mo riyan. Para bukas hindi na masakit iyang balakang mo,” mahabang litaniya ng kanyang ina.
Tumango-tango naman siya saka nagpatuloy sa kaniyang pagkain. Napahinto lang siya sa pagsubo nang nakatingin lang sa kanya si Tyrone.
“O bakit? Alam kong maganda ako, kaya kumain ka na riyan. Mamaya na kita bigyan ng autograph,” sabi pa niya rito saka siya ngumuyang muli.
“Anong nangyari? Bakit masakit iyang balakang mo?” seryosong tanong naman nito sa kanya.
Kahit naman madalas silang magbarahan, concern naman ito sa kanya. Ayaw na ayaw nitong may nangyayaring masama sa kaniya.
“Wala, nadulas lang ako. Kumain ka na at baka ma-late ka, kasalanan ko pa,” sagot na lang niya sa binata.
“Huwag ka kasing tatanga-tanga,” sabi nito saka nagpatuloy na rin sa pagkain.
“E di wow! Ikaw na ang perfect,” tanging nasabi niya sa kababata saka hinarap ang kaniyang plato at nagpatuloy sa pagkain.
Nang matapos ay agad ding nagpaalam si Tyrone upang pumasok sa trabaho nito. Natutuwa siya sa kaibigan, kahit inaalipusta niya ito ng madalas, hindi ito napipikon sa kaniya. Masipag at madiskarte si Tyrone, kaya naman napag-aral nito ang sarili. Kung iaasa kasi nito ang pag-aaral niya sa ina, isang malaking good luck na lang sa kaibigan niya. Dahil wala namang ka-amor-amor ang nanay nito sa kaibigan.