Kinabukasan gaya nang nakaraang araw, maagang pumasok si KJ. Nag-ayos muna siya ng sarili sa locker nila, bago lumabas sa reception area. Mabuti na lamang at medyo maayos na ang kanyang balakang. Kaya naman nakakapaglakad na siya ng maige ngayon.
“Good Morning Jazzy! How was your day?” nakangising tanong niya sa kasamahan nang nasa loob na siya ng reception desk.
“Boring! Walang poging nagpakalat-kalat e,” anito habang nakapangalumbaba ito sa counter. “Oo nga pala, may nasagap akong tsismis. Totoo bang nag-practice kang mag-ice skating kahapon?” nakangising tanong nito sa kanya nang balingan siya ng babae.
Natawa naman siya sa itinanong nito. Naitsismis na siguro siya ni manong janitor kaya alam na rin nito ang nangyari sa kanya kahapon.
“Sino ang nag-tsismis sa iyo? Si Manong janitor ‘no? Loko iyon ah!” tatawa-tawang sabi niya rito.
“So totoo nga? Nag-landing ka sa sahig?” namimilog ang matang tanong nito sa kaniya.
“Oo e. Kasi naman si manong janitor hindi naglalagay ng caution sign kaya ayun, pabisaklat akong nag-crash landing sa matigas na sahig. Buset!” nagkatawanan pa silang dalawa matapos niyang sabihin iyon. Hindi tuloy nila napansin ang paglapit ng guest sa harapan nila.
“Proud ka pa talaga sa nangyari sa iyo kahapon ha?” anang baritonong boses sa harapan ng reception desk.
Napalingon naman siya rito at nanlaki ang mga mata nang mapagsino ang nagsalita.
‘Oh my hunky-yummy papa!’ tili niya sa kanyang isip.
“Good Morning sir!” ngiting-ngiting bati niya rito.
Hindi man lang siya nito binati. Naglakad lang ito palayo sa kinaroroonan nila ni Jazzy. Imbes na ma-bad trip, mas lalo pang lumapad ang pagkakangiti niya. Nagniningning ang mga matang sinundan niya ito ng tingin.
“Huyyy, nakita ka ni Sir Ron kahapon nang madulas ka?” nanlalaki ang mga matang tanong ng kaibigan sa kaniya.
“Sir Ron? Ron ba pangalan ni hunky-yummy papa?” tanong pa niya kay Jazzy habang hinahabol ng kaniyang mga mata ang papalayong lalake.
“Gaga! Hindi mo siya kilala?” Kunot-noong umiling naman siya rito bilang tugon.
“Hala siya! Sikat na celebrity-model si Sir Ron Rich Pulido. Ano ka ba? Sabagay nga napaka-simple lang naman kasi niya mag-ayos kapag wala sa harapan ng kamera,” litanya nito sa kaniya.
“Talaga ba? Kaya pala pamilyar iyong mukha niya. Anyway, Oo, actually siya nga ang dahilan kung bakit ako nadulas kahapon e,” nakangising tugon niya sa kaibigan.
Kumunot naman ang noo ng kaibigan nang tiningnan siya nito. “Paanong siya ang dahilan bakla?”
Agad naman niyang ikinuwento rito ang nangyari kahapon habang matamang nakikinig si Jazzy sa kaniyang salaysay.
“So ayun ang lola mo kapapa-cute, nag-crash landing tuloy ako sa sahig. At ang guwapong supladong iyon, hindi ako sinalo. Pak na pak tuloy ang wetpaks ko sa malamig na sahig!” kwento pa niya rito.
Humalgalpak naman si Jazzy ng tawa bago muling nagtanong, “So may pagnanasa ka kay Sir Ron? Naku, bakla I’m warning you. Nuknukan ng kasupladuhan, at kasungitan iyon. Wala ngang pinapansin dito iyon e,” sabi pa nito sa kanya.
Nagulat naman siya sa sinabi nito. Maya-maya rin ay nagnining ang kanyang mga mata.
“Ohw really? So ako pa lang ang pinansin niya kung ganoon? Ayyyiiieee!!!” nakangising tanong niya rito, sabay kilig na kilig pa siya sa tabi ng kaibigan niya.
“Ewan ko sa iyo! Tuwang-tuwa ka pa, samantalang sinungitan ka na nga niya. Malala ka na bakla!” napapailing na sabi pa nito sa kaniya, habang siya naman ay malapad pa rin ang pagkakangiti sa tabi nito.
‘So, ako pa lang ang pinansin niya dito kung ganoon. Hmmm, interesting! Humanda ka ngayon sa akin hunky-yummy papa Ron!’
Hindi maalis-alis ang pagkakangisi niya sa kanyang mga labi. Simula ngayong araw, huhusayan na niya ang pagpapapansin dito. Ngayon pa na alam na niyang siya ang kauna-unahang nilalang na pinansin ng guwapong supladong lalakeng iyon?
*****
‘Ibang klase talaga ang babaeng iyon. Nakuha pang matuwa sa kamalasang nangyari sa kaniya kagabi!’ napapailing na sambit ni Ron sa kaniyang sarili.
Wala naman kasi siyang balak pakinggan ang pinag-uusapan ng dalawa kanina, ang kaso sa lakas ng kwentuhan ng mga ito, hindi niya naiwasang marinig ang pinag-uusapan ng dalawang babae. Kaya hayun, nasungitan na naman niya ito. Pero parang imbis na maasar, lalo pang natuwa ang babae sa kaniyang pagsita rito.
“Ang lalim naman ng iniisip mo.”
Napalingon siya sa nagsalita. Hindi niya namalayan ang pag-upo ng lalake sa katapat niyang upuan. Tinawagan kasi siya ni Don kanina dahil may nais daw itong sabihin sa kaniya. Sa totoo lang ayaw naman sana niyang patulan ang nais ng kaibigan, alam na kasi niya ang sasabihin nito sa kaniya. Kaya lang bored na bored na kasi talaga siya, kaya hayun pinatulan niya ang kalokohan ni Don.
“Ang tagal mo naman. Akala ko ba ikaw ang may kailangan sa akin? Bakit ako pa ang nauna rito?” walang ganang saad niya sa kaibigan.
“Sorry na babe,” tatawa-tawang sagot naman nito sa kaniya.
“Sira ulo!” nakangising wika naman niya saka ito binato ng crystal sugar.
Tatawa-tawa naman ito habang umiilag sa ibinabato niya rito. “Ano ba kasi iyang sasabihin mo sa akin?” kunwa’y tanong niya sa lalake.
“Grabe, pa-order-in mo naman muna ako kahit regular coffee lang,” pagrereklamo pa nito sa kaniya.
“Ang arte mo! Um-order ka na kung o-order ka, ang dami mong alam!” aniya rito.
Um-order nga ito ng gusto nitong order-in saka ito nagsalita, “Okay, ganito kasi iyon. May ipinade-date sa akin si mama, ang kaso sunod-sunod ang commitment ko this month. Kaya hindi ko siya masisipot. Ayaw ko namang magalit sa akin si mama. Alam mo naman iyon, matampuhin masyado,” anito sa kaniya.
“So ngayon, ako ang ibabala mo sa kanyon?” singit niya sa kaibigan.
“Bro, hindi naman sa gano’n, kailangan ko lang ng proxy hanggang matapos ang shoot ko ng araw na iyon. Sige naman na o, promise last na ‘to!” nagmamakaawa pang sabi nito sa kaniya.
“Sus, gagawin mo pa akong tagaaliw. Ano ako — clown?” nakangising tanong niya rito.
Napakamot naman sa ulo si Don. “Hindi naman bro, aaliwin mo lang siya ng ilang oras. Tapos pagdating ko, batchi ka na,” nakangising sagot pa nito sa kaniya.
“Oo na, oo na. Pero tandaan mo, kapag ako naman ang nangailangan, dapat handa ka.”
Nag-aliwalas naman ang mukha ng kaniyang kaibigan dahil sa sinabi niyang iyon.
“Salamat bro! The best ka talaga! Don’t worry kapag ikaw naman ang nangailangan, ililibre ko ang Athena Island para sa iyo!” tuwang-tuwang sambit pa nito sa kaniya.
Natawa na lang siya sa kaniyang kaibigan. Ang Athena Island ay isa sa mga private island ng kaniyang kaibigan. Hindi siya makapaniwalang handa nitong ipahiram ang islang iyon sa kaniya, oras na kailanganin niya iyon. Napakaarte nito pagdating sa isla na iyon, halos ayaw ipagamit sa iba. Dahil ayon dito sagrado ang isla na iyon. Sa paanong paraan, hindi rin niya alam.
Samantala, buong araw na maganda ang mood ni KJ dahil kay Ron. Napapakanta pa nga siya kapag hindi sila busy. Wala namang masyadong ginagawa kaya nakakapag-biruan sila ng mga empleyado roon. Nakakabagot naman kasi kung hindi siya hahanap nang mapaglilibangan. Kaya naman nakikipag-utuan na lang siya sa mga ito. Pati nga minsan si manong guard ay binu-bully niya.
“Pssst, manong janitor!” tawag niya sa mamang nagma-mop nang mapadaan ito sa harapan ng reception area.
“Ma’am kumusta ka na po? Masakit pa ba iyong balakang mo?” nakangiting tanong nito sa kaniya nang lingunin siya nito. Huminto pa ito sa ginagawa, at naglakad na din palapit sa kanya.
“Okay naman na po. Ikaw manong ha tsinismis mo ako sa kasamahan ko,” biro niya rito. Nakita pa niyang nagkamot ng ulo ang matanda dahil siguro sa kahihiyan.
“Pasensya na ma’am. Ikaw naman po kasi e, sa susunod ‘wag ka na po magpa-slide. Tinakot niyo rin ako kahapon akala ko mawawalan na ako ng trabaho.”
Naalala pa niya kung paano ito mag-react kahapon. Takot na takot talaga ito. At sa sobrang takot, gusto pa ngang tumawag ng ambulansya. Natawa naman siya nang maalala iyon. Napapailing na lang siya sa matanda. Syempre hindi naman niya hahayaang mapahamak si manong.
“Hindi naman syempre ako papayag ng ganoon manong ‘no? May kasalanan naman din po ako kahapon e. Hindi ako nag-iingat at tumitingin sa daraanan ko. Pasensya ka na po ha?” hinging paumanhin pa niya rito.
Nakahawak ito sa mop saka ngumiti sa kaniya. “Okay lang po Ma’am, alam ko naman po kung bakit ka nadulas. Nagpapa-cute ka kasi kay Sir Ron e. Pogi naman kasi talaga siya e. Kung ako lang din ay babae, baka hindi lang pa-cute ginawa ko kay Sir,” nakangising saad pa nito.
‘Aba at haliparot ka manong ha! Buti na lang at hindi ka naging babae. Kundi magiging karibal pa pala kita sa hunky-yummy papa ko!’ bulong niya sa kanyang sarili.
“Mabuti na lang nga manong ‘no, at hindi ka babae?” napabungisngis pa niyang saad dito.
Tumawa rin naman ang matanda, saka kunwa’y nagpatuloy sa pagma-mop, kahit pa paulit-ulit lang ito sa pagma-mop sa kanyang harapan. Para-paraan din si manong e. Ilang saglit pa silang nagkakwentuhan ni Mang Obet — the janitor bago ito nagbalik sa trabaho nito. Yes, sa wakas at nakilala din niya si manong janitor. Mahaba kasi masyado kung every now and then, ay manong janitor ang itatawag niya rito.
Madali naman niyang nakasundo ang tsismosong matanda. Ang dami rin niyang nalaman dito, at kung ano-ano pa ang tsinismis nito sa kaniya. Pati nga yata ang panganganak ng pusa nila ay naikwento na nito sa kaniya. Natapos na lang ang usapan nila nang magsalita si Vienne sa kanyang likuran.
“KJ, hindi ka pa ba mag-a-out?” sabay pa silang napalingon ni Mang Obet sa kanyang likuran.
“Vienne, uwian na ba?” tanong niya sa babae sabay tingin sa relong pambisig.
Namilog pa ang mga mata niya nang makita ang oras. Masyado siyang naaliw kay Manong Obet, kaya hindi niya namalayan ang oras.
“Ayyy, five minutes na pala ang nakalilipas. Inaliw kasi ako ni Mang Obet e. Paano ba iyan manong, mauuna na ako sa iyo. Tsismisan mo ulit ako sa susunod ha? Iyong panganganak naman ng baboy ng kapit bahay mo ang ikwento mo sa susunod,” humagikhik pa siya habang sinasabi iyon kay Mang Obet.
“Ikaw talaga Ma’am mapagbiro ka talaga. Sige po mag-iingat po kayo. ‘Wag kayong mag-alala tuyo na ang sahig kaya hindi ka na madudulas,” nakangising sabi pa nito sa kaniya.
Natawa naman siya, saka kumaway rito bago siya lumapit kay Vienne, na mukhang naghihintay sa kaniya.
“Mukhang kasundo mo na ang mga tao rito ha?” nakangiting sabi nito sa kanya.
“Medyo. Hindi kasi ako sanay ng hindi nagdadaldal. Kaya naman kapag walang tao, nakikipag-tsismisan at biruan ako sa kanila. Ayaw ko kasing mapanisan ng laway, saka anti-bored na rin,” mahabang paliwanag niya sa babae.
Bahagya namang natawa ito sa kanyang sinabi. “Oo nga napakadaldal mo ngang talaga. Natutuwa naman din sila sa iyo, dahil hindi raw sila nababagot sa duty nila,” imporma pa nito sa kanya.
Napangiti naman siya sa sinabi nito. Natutuwa siyang natutuwa sa kaniya ang mga kasamahan niya sa trabaho. Hindi rin niya alam, pero parang ikamamatay niya ang hindi magsalita. Kaya naman ginagawa niya ang lahat para hindi mabagot. Nakakatuwa rin namang mababait ang mga kasamahan niya roon, at game sa lahat ng biro niya.
“Kapag nagtuloy-tuloy iyang magandang pakikisama mo sa mga tao rito, malamang na mabilis ding tataas ang pwesto mo. Malay mo palitan mo ako bigla,” sabi pa nito sa kaniya.
“Naku Vienne, maraming salamat kung ganoon nga. Pero okay pa naman ako sa position ko ngayon. Saka kabago-bago ko pa lang naman. Baka mamaya niyan may magtampo, at ingudngod ako bigla rito,” pabirong saad pa niya rito.
“Sira, wala naman sigurong gagawa noon. Mababait naman ang mga kasamahan natin e. Hmmm, basta ipagpatuloy mo lang ‘yang magandang nasimulan mo. Malay mo nga talaga, maging supervisor ka rin kagaya ko.”
Nagkibit balikat na lang siya sa sinabi nito. Hindi naman kasi siya naghahabol ng promotion. Masaya siyang may trabaho siya ngayon, at maganda ang pakisama ng mga kasamahan niya. In short, nag-e-enjoy siya sa kung anong ginagawa niya ngayon. Pero siyempre kung sa pagdating ng panahon ay ma-promote siya, ipagpapasalamat niya iyon ng lubos.
Saglit niyang kinuha ang mga gamit sa locker, saka muling nagtungo sa reception area. Nakita niya si Vienne na nakatayo sa front desk. Nilapitan niya ito saka nagpaalam.
“Vienne, paano ba iyan. Galit-galit muna tayo ha? See you tomorrow. Salamat sa araw na ito!” Nag-flying kiss pa siya rito saka naglakad palabas ng gusali.
Hindi na niya nakita pang muli si Ron, pagkatapos nitong mapadaan sa reception area kaninang umaga. Siguro ay abala na ito sa kanyang trabaho kagaya niya. Dahil doon nakaisip na naman siya ng idea kung paano magpapapansin sa supladong binata. Tama! Aalamin niya ang schedule nito kay Mang Obet. Paniguradong alam ng matandang iyon ang detalye tungkol sa lakad ng lalakeng hinahangaan.