“Good morning Sir,” narinig ni KJ na bati ni Jazzy sa isang guest.
Kasalukuyan siyang nasa likod ni Jazzy at nag-aayos ng mga files. Wala siya sa mood makipagbolahan sa mga guests nila ngayon, kaya si Jazzy na lang ang pinapuwesto niya roon.
“Good morning, can you give me a call when Monique arrive?” anang baritonong boses na iyon.
Bigla siyang huminto sa kaniyang ginagawa at napahawak sa kaniyang dibdib. Bigla-bigla na lang kasi ang pagsirko ng kaniyang puso. Napakagat labi pa siya habang pigil ang kanyang hininga.
“Okay sir,” narinig naman niyang sagot ni Jazzy rito.
“Thank you,” anito sa kaibigan.
Ang sumunod na narinig niya ay ang papalayong yabag ng kausap ni Jazzy. Doon lang siya tila nahimasmasan at napabuga ng hangin. Habol niya ang kaniyang hininga habang marahang pumipihit paharap kay Jazzy.
“O, anong nangyari sa iyo? Si sir Ron nga pala iyong kausap ko kanina,” tila nanunukso pa nitong saad sa kaniya.
“Alam ko, kaya nga hindi ako umimik e,” sagot naman niya rito.
“Ayyy, oo nga ‘no? Bakit nga ba?” takang tanong pa nito sa kaniya.
“Wala lang. Ayaw ko na sa kanya, he broke my kawawang heart!” nakabusangot na sabi niya rito.
Kunot-noo naman itong napatingin sa kanya. “Ayyy, vahket?” maarteng tanong naman nito.
Napabuntong hininga siya saka nagkibit-balikat. “Taken na siya bakla,” malungkot niyang saad dito.
Tila nagulat naman ito sa kanyang sinabi. “Ha? Talaga? Paano mo naman nasabi?” nanlalaki ang matang tanong nito sa kaniya.
“E basta, nakita ko silang magkayakap kahapon,” nakasimangot niyang sagot dito.
Muli siyang humugot ng malalim na hininga saka siya tumalikod sa kaibigan. Itinuloy niya ang pag-aayos ng mga files na iniwan niya kanina habang nag-uusap sila ni Jazzy.
“Sinong kayakap niya? Saan? Bakit hindi ko alam iyon?” sunod-sunod na tanong ng tsismosang kaibigan sa kaniya. Tinabihan pa siya nito at hinawakan sa kaniyang braso. Napataas naman ang kilay niya sa reaksiyon nito. Parang gulat na gulat kasi ang itsura ng babae.
“Bakit naman gulat na gulat ka riyan? Ang OA mag-react huh,” sabi pa niya rito.
“E kasi naman bakla nakagugulat naman talaga iyang sinasabi mong taken na siya. Tapos may kayakap pa kahapon?” humalukipkip pa ito sa kaniyang harapan habang naglilitaniya.
“Magtaka ka kung wala siyang jowa, ano ka ba?” paingos namang sagot niya rito.
“Lukaret! E wala naman kasi talagang jowa si sir Ron. Ano ka ba?” Parang kilalang-kilala nito si Ron kung magsalita ito.
Muli niya itong hinarap at matamang tiningnan. “Bakit parang kilalang-kilala mo na si Ron aber?” tanong niya rito.
“Wow! Close na kayo? Ron na lang — wala ng SIR?” may diing tanong naman nito sa kaniya. “Anyways, wala nga kasing jowa si sir. Believe me,” siguradong-siguradong saad nito sa kaniya.
“E ano iyong nakita ko kahapon? Ang sweet-sweet pa nga nila e. Magkasabay pa nga silang umalis kahapon. Tapos naka-abrisyete pa iyong babae sa kaniya,” mahaba-haba niyang litaniya habang nanunulis ang kaniyang nguso.
“Ayyy! Teka parang alam ko na kung sino iyan,” nakangising wika naman nito sa kaniya.
“Ah hah! Nagseselos ka ba?” nanunudyong tanong nito sa kaniya.
“Ako? Magse-selos? Hindi a!” defensive naman niyang sagot dito.
May kasama pa iyong pagturo sa kanyang sarili. Inirapan niya ito saka humalukipkip na humarap sa entrance ng Condominium. Tumawa naman ito sa kanyang reaksiyon.
“Alam mo ikaw, in denial ka pa riyan. Nagse-selos ka ng wala naman dapat ipag-selos!” naiiling na turan nito sa kaniya.
Kunot-noo niya itong binalingan. “Hindi nga kasi ako nagse-selos, okay? Saka ano namang ibig mong sabihin sa sinabi mo?” curious niyang tanong dito.
Pilya itong ngumiti sa kaniya bago sumagot, “Uyyy, interested?”
“Ewan ko sa iyo! Hmp! Magtrabaho na nga lang tayo,” nakairap niyang tugon sa kaibigan. Oo, interesado siyang malaman kung ano ang ibig sabihin ni Jazzy sa binitla nito kanina, pero ayaw naman niyang magmukhang tanga sa harapan ng kaibigan.
“Okay.”
Nakangising tinalikuran pa siya nito saka nagpatuloy na rin sa pagtatrabaho. Nanghinayang naman siyang hindi nito itinuloy ang sasabihin sa kaniya — kung bakit hindi siya dapat mag-selos sa nakita niya kahapon.
‘Work ka na lang self, may mapapala pa tayo. ‘Wag kang masyadong harsh sa sarili mo KJ,’ bulong pa niya sa sarili.
*****
Nagtataka si Ron kung bakit hindi man lang yata humarap ang isang receptionist kaninang nagbilin siya sa reception area. Hindi siya sanay na hindi ito nagpapapansin sa kaniya.
‘What the hell? Bakit ba parang nami-miss ko ang pagpapacute niya sa akin?’ tanong niya sa kaniyang sarili.
‘Pssshhh! Kulang lang siguro ako sa tulog. Ang mabuti pa iidlip ko na lang ito habang wala pa ang manager kong isa ring pasaway!’ napapailing na sambit pa niya sa kaniyang sarili, saka nagtungo na sa kaniyang kama upang ilapat ang kaniyang likod.
Ngunit hindi pa nakakalipas ang ilang minuto ay tumawag na ang receptionist na binilinan niya kanina, at sinabing nasa baba na si Monique. Pagkababa niya ng telepono ay agad siyang nagbihis. Bababain na niya si Monique bago pa man nito maisipang umakyat sa kaniyang unit.
*****
Buong maghapong pinagod ni KJ ang kaniyang sarili, para hindi niya maisip sina Ron at Vienne. Nagtagumpay naman siyang gawin iyon. Ngunit nang uwian na ay hindi na niya naiwasan si Vienne. Nasa locker sila at naghahanda na para sa kanilang pag-uwi nang magsalita ito, “Uuwi ka na?” nakangiting tanong nito sa kaniya.
Nilingon niya ito saka nginitian. “Oo e. Ikaw ba?” balik tanong niya rito.
“Oo, sabay ka na sa akin,” alok nito sa kaniya.
“Naku nakakahiya naman. Okay lang ako sa commute,” magalang niyang tanggi rito.
“Okay lang ano ka ba? Magkaibigan naman tayo e,” balewalang saad pa nito sa kaniya.
Paano pa ba siya tatanggi rito? Wala na siyang maisip na ibang excuse bukod sa nahihiya siya rito. Kaya kahit ayaw niya, tumango na lang siya sa babae. Maganda rin naman ang may kasabay.
“Let’s go!” sabi pa nito saka siya nginitian nito at sinabayan na siyang maglakad palabas ng locker.
“Daan muna tayo sa burger shop, nagugutom kasi ako e. Okay lang ba?” tanong nito sa kaniya nang nasa labas na sila ng Casa Vielle.
“Ahm, sige,” matipid niyang sagot dito.
Natuwa naman ito kaya umabrisyete pa ito sa kaniya bago sila nagpatuloy sa paglalakad. Kahit feeling awkward na siya sa situwasyon, nagpatianod na lang siya rito. Ito na rin ang um-order ng pagkain nila, habang siya ay naupo sa bakanteng upuang medyo tago sa karamihan.
“Here you go!” anito nang makalapit na sa kanilang table.
Inilapag nito ang tray sa kanilang harapan saka ito naupo sa kaniyang katapat na upuan. Agad niyang kinuha ang burger at nilantakan iyon. Doon lang niya naramdamang gutom na rin pala siya.
“Dahan-dahan KJ, baka mabulunan ka niyan,” natatawang paalala pa nito sa kaniya.
Ngumisi siya rito bago magsalita, “Naku Vienne, ngayon ko lang naramdaman ang gutom ko, promise!” aniya rito na ikinatawa naman ng huli.
“Mukha nga girl.” Saka ito nagpatuloy sa pagkain.
Maya-maya ay tumunog ang cellphone ni Vienne. Nagpasintabi ito at sinagot ang tawag. Nagniningning ang mga mata nito habang nakangiting sinasagot ang tawag.
“Yes Babe, I’ll be there in...” tumingin ito sa kanyang orasan saka muling sumagot, “Next twenty minutes? Kung hindi ako mata-traffic,” bumungisngis pa nitong sagot sa kausap.
‘Siguro kausap niya si Ron. Hayst!’ bulong niya sa sarili.
Inilapag niya ang kinakaing burger at saka uminom ng iced tea. Tila nawalan siya nang gana sa pagkain dahil sa isiping si Ron ang kausap ni Vienne.
“Okay! See you in a bit Babe, bye!” narinig pa niyang paalam ni Vienne sa kausap.
Malapad ang pagkakangiti nito sa mga labi nang balingan siya nito. Pilit naman siyang ngumiti at saka pilit inuubos ang kaniyang pagkain.
“Sorry about that, my fiance. Ang kulit kasi e,” kumikislap ang mga matang saad nito sa kaniya.
‘Ouch!’ sambit naman niya sa sarili.
“Ahm, ehehehe, may fiance ka na pala Vienne. Siguro ang hirap maging fiance ng isang sikat ‘no?” aniya dito.
“Naku, hindi naman sikat ang fiance ko. Simpleng tao lang din siya kagaya natin,” nakangiting sagot nito sa kaniya.
“Talaga? E ‘di ba celebrity ang jowa mo?” tanong pa niya rito.
Tila naman nagulat ito sa kaniyang sinabi. Ngumiti ito at saka ibinaba ang kinakain nitong burger. Umiling pa ito habang umiinom ng iced tea.
“Hmmm, hindi celebrity ang fiance ko girl. He’s a Chef,” wika nito sa kaniya.
“Chef? Si Ron Chef?” ulit niya sa sinabi nito.
Tumawa naman ito saka nagsalita, “Ahahaha, you thought my fiance is Ron?”
Tumango siya bilang tugon dito. Ngumisi naman ito saka muling kumagat ng burger nito.
“Kung hindi si Ron ang fiance mo, e bakit magkasama kayo kahapon? Tapos nagyakapan pa kayo. Ang sweet niyo kaya,” pang-uusisa niya rito.
Nginitian siya nito saka ginagap ang kaniyang kamay. “Girl, Ron is my cousin. Ganoon lang kami ka-sweet kasi lumaki siyang kasama ko. Para na kaming magkapatid kung tutuusin,” paliwanag nito sa kaniya.
Natameme naman siya sa sinabi nito. Totoo ba ang kaniyang naririnig? Magpinsan lang sila ni Ron at kaya sila sweet, dahil lumaki silang magkasama? Nalilitong nakamasid siya kay Vienne.
“Okay, ganito kasi iyon. Fifteen years old lang si Ron noong mamatay ang mga magulang niya sa isang aksidente. Kaya bilang malapit na kamag-anak, kinupkop nila papa at mama si Ron. Panganay siya sa akin ng tatlong taon, so ayun he treated me as his younger sister,” mahaba-habang litanya nito.
Tila naman siya nakahinga nang maluwag sa sinabing iyon ni Vienne. Kung gayon, tama nga si Jazzy. Wala nga talaga siyang dapat ipag-selos sa nakita niya kahapon. Natuwa naman siya sa nalaman niyang iyon. Parang isang vitamins ang sinabi ni Vienne sa kaniya, kung kaya bumalik ang kaniyang gana sa pagkain.
“Ang sarap pala nitong burger,” nakangisi pa niyang saad kay Vienne.
Natawa naman ito sa kanyang sinabi. Napapailing na sinabayan na lang siya nito sa magana niyang pagkain.
‘Gusto ko na ulit si hunky-yummy papa Ron! Eeeiii!!!’ kinikilig pa niyang saad sa kaniyang sarili.
Hindi na niya kailangang pagselosan si Vienne, dahil magpinsan naman pala ang mga ito. Kaya naman naisip niyang planuhin ng mabuti ang gagawin niya sa photo shoot ni Ron sa isang lingo.
‘You’ll be mine hunky-yummy papa! Humanda ka na sa aking alindong!’ nakangisi pa niyang sambit sa kaniyang sarili.
Magana na ulit niyang kinain ang kaniyang burger na kanina lang ay ayaw na niyang ubusin. Nang matapos silang kumain ay nagyaya na rin si Vienne dahil hinihintay na ito ng fiance nito. Baon naman niya ang magandang ngiti nang umalis na sila sa lugar na iyon ni Vienne.