Episode 2

2197 Words
1 2 3 Asawa ni Marie AiTenshi May 2, 2021 Episode 2 "Inay bakit ba kailangan nating magtrabaho kila senyorita Annabel? Pwede naman mamasukan si itay sa ibang mayayamang pamilya diba?" tanong ko kay inay habang nakatayo sa harap ng bintana ng aming dampa. "Mario, alam mo namang malaki ang pagkakautang ng mga ninuno natin sa pamilya nila Senyorita Annabel. At sa tingin ko ay hindi agad ito mababayaran kaya't ang pangangatulong lang at pagbibigay ng ating serbisyon ang kailangan," ang sagot ni Inay. "At kaya kinuha akong katulong ni Senyorita Annabel dahil sa malaking pagkakautang na iyon? Tama ba?" tanong ko pa. Natahimik si inay at nalingon ang bintana kung saan ako nakatayo, "patawarin mo kami anak, patawad kung kailangan mong maghirap. Huwag kang mag-alala kung sakali mang maisipan mong mag-asawa at magkaroon ng anak ay maaari ka pa ring tumira dito sa puder namin ng iyong ama," nakangiting wika ni inay. Ngumiti ako at humarap kay inay "talaga inay? Pwede na akong mag-uwi ng lalaki dito sa bahay?" tanong ko naman. "Eh bakit lalaki? Paano ka magkakaanak kung lalaki ang iuuwi mo? Mario, ang lalaki ay para sa babae at ang babae naman ay para sa lalaki. Hindi maaari ang lalaki sa lalaki dahil bawal ito. Saka bakit ba pinipilit mong isa kang babae eh ang laki laki ng katawan anak?" pagtataka ni inay. "Nay pwede wag kang basag trip? Basta nararamdaman kong isa akong babae. Bakit ba hindi niyo matanggap inay? Ramdam ko na panahon pa ng bato ay ganito na talaga ako. Kaya nga nagdesisyon ako na baguhin ang pangalan ko at gawin itong Marie," ang hirit ko naman dahilan para mapahawak si inay sa kanyang ulo, parang nananakit ito at nakaramdam siya ng pagkahilo, "huwag ka ngang baliw anak, ikaw si Mario at hindi ka magiging si Marie! Sige na gumayak na at ramdam kong dalawang taon na lang ay makakatapos ka na rin ng elementarya," ang wika ni inay. "Inay, ayoko nang pumasok dahil 19 na taon na ako sa elementarya, ayoko na doon. Bakit ba hindi niyo matanggap na mahina talaga ang utak ko kaya ilang taon na akong pabalik balik sa paaralan. Hindi ako magaling magsalita ng espanyol kaya hindi ako makapasa-pasa. Bihira ang nakakapasang indio doon. Ang purong anak ng mga Pilipino ay hindi talaga ni binibiyayang makapagtapos dahil ayaw nila. Inay sumuko na tayo dahil matagal na akong pabalik balik doon, baka doon na ako tumanda," ang reklamo ko naman. Napabuntong hininga si inay, "Hay, o sige anak hindi ka na papasok sa paaralan simula ngayon," ang wika nito. "Talaga inay?" ang masigla kong tanong. "Oo, pero papasok ka doon kay senyorita Annabel araw araw upang tulungan ang iyong ama doon," ang wika ni inay. "Hala, mas mahirap pa? Pwedeng Lunes, Biyernes at Linggo lang inay?" "Paano tayo makakabayad ng utang natin kung bihira kang papasok? Magkaibigan kayo ni Senyorita Annabel hindi ba? At saka balita ko ay doon na rin nakatira sa mansyon si Senyorito Sergio hindi ba't kaibigan mo rin iyon?" "Eh hindi naman kami malapit sa isa't isa saka mainit ang dugo sa akin ni Senyorita Annabel, kulang na lang ay ipako niya ako sa krus at ibilad sa plaza hanggang sa manuyo ang aking katawan. Teka inay, bakit nandoon si Sergio? Ikakasal na ba sila ni Senyorita Annabel?" tanong ko naman. "Hindi pa naman, pero nandoon si Senyorito Sergio dahil mayroong pagsasanib ng negosyo ang kanilang mga magulang. Hindi ba malapit kayo sa isa't isa ni Senyorito? Makipagkaibigan ka sa kanya para mahilig ka rin sa babae," ang wika ni inay habang nakangisi. "Bago pa lang kaming magkakilala ni Senyorito Sergio, halos dalawang buwan pa lang mabuhat noong umuwi siya dito sa bayan. Nagkita kami doon sa plaza habang buhat ko yung mga gamit ni Senyorita Annabel. Tinulungan niya ako at doon ay naging magkaibigan kami. Si Senyorita Annabel naman ay matagal ko nang kakilala at matagal na siyang galit sa akin mula ulo ang hanggang paa. Maganda si Senyorita pero hindi ganoon ang ugali niya," ang sagot ko naman. "Ang ibig sabihin ba niyan ay ayaw mo na magtrabaho kila Senyorita Annabel?" tanong ni inay. "Ah e, hindi ko naman sinasabi na ayoko, siguro kaya ko pang magtiis kahit kaunti pa," ang sagot ko naman. "Mabuti naman kung ganoon. Iyan ang Mario ko, matatag at hindi basta basta sumusuko," ang masayang wika ni Inay sabay yakap sa akin ng mahigpit. "Marie po, ang kulit e," kunwari'y pagmamaktol ko naman ngunit matamis ang aking ngiti habang nakayakap rin sa kanya. At iyon ang pangyayari sa buhay ko, wala akong nagawa kundi ang pumasok sa mansiyon at mag silbi senyorita Annabel. Dati na akong nagsisilbi sa kanila upang tulungan si itay pero hanggang hindi ito madalas. Ngayon ang gusto nila inay ay dalasan ko ang pagsisilbi doon upang makabayad kami ng utang pero alam ko naman na imposible iyon dahil ilang henerasyon na ang kanilang utang pero hindi pa rin nila ito nababayaran. Noong hapon din iyon ay natagpuan ko ang aking sarili na nakaupo sa plaza, sa ilalim ng isang puno at wala direksyon ang iniisip. Nakatanaw lang ako sa paligid at pinagmamasdan ang mga taong naglalakad sa aking harapan, lahat sila ay may ngiti sa kani-kanilang labi, ngunit bakit ako ay parang nalulungkot? O nangangamba kaya? Basta hindi ko lubos maipaliwanag ang aking nararamdaman. Tahimik. Habang nasa ganoong posisyon ako noong tumabi sa akin si Senyorito Sergio na aking ikinagulat. "Mukhang malalim ang iniisip natin pare, kumusta kana? Pasensiya ka na kay Annabel at talagang mainitin ang ulo noon," ang wika nito. Ngumiti ako sa kanya at nagwika, "Ayos naman ako papa este pare. Anong ginagawa mo dito sa plaza? Alam ba ni Senyorita na nandito ka?" Natawa ito sa aking tanong, "Ano ka ba, hindi na ako bata. Hindi naman ako kailangan magpaalam kung kani-kanino para lang magpunta kung saan." "Kung sa bagay," ang simple kong tugon. "Nga pala, nasabi sa akin ng iyong ama na mapapadalas ang padalaw mo sa mansion dahil magiging regular na ang pagtulong mo doon. Ibig sabihin ay madalas na tayong magkikita at makakapagkwentuhan," ang nakangiti niyang tugon na hindi maitago ang pananabik kaya naman nakaramdam ako ng kakaibang tuwa noong mga sandaling iyon. "Ah e, parang ganoon na nga pero pinag iisipan ko pa dahil baka hindi ko kayanin na madalas makasama si Senyorita Annabel, baka maya maya ay madali ang buhay ko," ang biro ko naman dahilan para matawa siya. "Huwag mo na pansinin si Annabel, sadyang mainitin lang talaga ang ulo niya, sumasabay ito sa tag-init," ang sagot ni Sergio habang naka ngiti, lalo siyang nagiging gwapo kapag nakalabas ang kanyang maputing ngipin. Tahimik. Pareho kaming nakatanaw sa kalayuan. "Balita doon sa bayan ay ikakasal ka na kay Senyorita Annabel at magkasama na kayong naninirahan sa iisang bubong," ang tanong ko sa kanya. Natawa siya, "kasintahan ko lamang si Annabel at malabo pa ang tungkol sa kasal. Nandoon lamang ako sa kanila dahil maraming inaayos ang aming mga magulang tungkol sa negosyo. Sa tingin ko ay masyado pa tayong mga bata para isipin ang papakasal, tama hindi ba?" tanong rin niya sa akin. "Talaga? Yes! Este, oo tama ka masyado pang maaga para isipin ang pagpapakasal," ang nakangiti kong sagot. Nagtawanan kami ni Sergio na para bang matagal na kaming magkakilala, para bang alam na namin ang ugali ng isa't isa bagamat ilang buwan pa lang naman kami ng kakausap at madalang rin kaming mag usap ng ganito kalapit sa isa't isa. Tumitibok ng mabilis ang puso ko, ramdam ko ito kapag nagkakadikit ang aming mga balat. May kakaiba akong pakiramdam na tila mahirap ipaliwanag pero napaka sarap nitong damhin. Tahimik ulit. Habang nasa ganoong posisyon kami ay nagdatingan ang mga alalay ni Senyorita Annabel sa aming paligid. Dito ay bumaba siya sa kanyang magandang karwahe suot ang isang magarbong damit na hindi naman akma sa lugar at maging sa panahon. "Sergio, kanina pa kita hinahanap, saan ka ba nagpunta? At bakit kasama mo ang muchacha na iyan?" ang tanong nito. "Kayo po pala Senyorita Annabel, saan po ang kasal? Bakit po ganyan ang suot niyo?" tanong ko naman sa kanya. "Wala kang paki! Bumalik ka na nga doon sa mansyon at magwalis sa buong bakuran! Sabihin mo rin sa mga muchacha na iayos ang mamahaling kasuotan ko mamaya para sa sagala!" ang utos nito na may kasamang panininghal. Lumapit siya kay Sergio at kumapit sa leeg nito na parang nang-aakit. "At ikaw naman lover boy, anong ginagawa mo sa plazang ito? Alam mo naman na maraming patay gutom na indio sa paligid, baka bigla ka nilang dukutin kapalit ng malaking halaga. Tiyak na hindi ko kakayanin kapag nangyari iyon. At dahil delikado ang paligid ay kumuha si papa ng bagong tagapagbantay at taga protekta ko," ang wika nito sabay kambat sa isang lalaking malaki ang katawan, matangkad at meztiso rin "Masyado yata nagiging praning ang iyong ama? Saka bakit nakaganyan ka ng damit? Mainit masyado dito sa labas para magsuot ka ng pangkasal," ang sagot ni Sergio. Natawa si Senyorita, "ano ka ba, pang araw araw ko lang ito. Pero anyway, gusto kong makilala niyo ang aking bagong tagapagprotekta, pero huwag kang magseselos Sergio ha. Baka maya maya ay awayin mo ako," ang malanding hirit nito. "Bakit naman ako magseselos? Sino ba iyan?" tanong ni Sergio. Samantalang lumapit sa aming harapan ang isang lalaki na parang pamilyar sa akin. Kumabog ang aking dibdib noong makita ko siya. Nakita ko rin ang kakaibang reaksyon sa mukha ni Sergio na parang unang silay pa lamang ay ayaw na niya dito. "Siya si Bastos Pantos, nag mula siya ng angkan ng mga meztiso. Siya ang kinuha ni papa upang magprotekta sa akin sa lahat ng oras," ang wika ng senyorita. "Bastos? Parang pamilyar sa akin ang pangalan niya," ang bulong ni Sergio pero hindi na niya pinansin pa, ngumiti ang binata at kinamayan ang bagong alalay ni senyorita Annabel. "Kinagagalak kitang makilala Senyorito Sergio," ang tugon ni Bastos na hindi mo malaman kung masaya ba ito ay may iniisip na hindi maganda. Hindi ko maunawaan ngunit tila may halong inggit tingin niya kay Sergio. Kahit itago niya ito ay nababanaag pa rin sa kanyang mga mata. Habang nasa ganoong posisyon kami kumapit si Senyorita sa bilugang braso ni Sergio at nagwika ito, "bumalik na tayo sa hacienda dahil mamaya na ang parada, ikaw ang aking konsorte kaya mag aayos pa tayong dalawa. Tiyak na bagay na bagay tayo at marami na namang mga kababaihan ang luluwa ang mata sa inggit sa atin mamaya," ang hirit nito sabay tingin sa akin, "Hoy Mario, bumalik ka na doon sa mansyon at ayusin ang mga gamit ko! Baka ipatumba pa kita kay Bastos kapag hindi ka sa akin sumunod! Inutil! Pangit!" ang singhal nito sabay amba sa akin. Lumakad silang dalawa ni Sergio palayo sa akin, samantalang ako naman ay walang nagawa kundi ang bumalik sa mansyon at ituloy ang paninilbihan sa bruhang si Seryorita Annabel. Hindi ko alam kung hanggang kailan tatagal ang pangmamalupit niya sa akin pero batid kong palala ito ng palala habang tumatagal. Pagdating sa mansiyon ay agad akong pumasok sa silid ni Senyorita Annabel para ayusin ang kanyang mga gamit, lilinisin ko rin ito dahil tiyak na magagalit iyon kapag nakitang marumi pa rin ang kanyang sahig at pati ibang kasambahay ay pagbubuntunan niya ng galit. Pagpasok ko sa loob ng kanyang magarbong silid ay nakita ko agad ang maraming mga damit na nakakalat sa kanyang malambot at mala prinsesang kama. Nagkalat rin ang mamahalin sapatos at sandalyas na gawa pa sa iba't ibang bansa. Mayroon isang malaking salamin sa tokador at dito ay nakahilera ang mga produktong ginagamit niya sa pampanganda, makukulay, mababango at talagang mamahalin ang mga ito. Nakakaakit rin na pagmasdan ang lipstick na kanyang madalas gamitin, rosas ang kulay nito sa labi at medyo kumikintab pa kapag tinatamaan ng liwanag. Pero higit sa lahat ay mas naakit ako sa magarbong damit ni Senyorita Annabel sa sagala mamaya. Isang maganda at mahabang damit na maraming burdang pilak at ginto. Ito na yata ang pinakamagandang bagay na nakita ko sa buhay ko. Hindi ko tuloy maiwasang haplusin ito at namnamin ang matingkad na palamuti sa aking daliri. Isa pang nakapukaw sa akin ng pansin ay ang napakagandang korona sa tabi ng damit. Ito ang ipinuputong sa ulo ng reynang pumaparada upang mas maging kaaya aya ang kanyang anyo. "Hay, nakaka-inggit isipin na nakay Senyorita Annabel na ang lahat. Kagandahan, kayamanan at magagandang luho sa buhay," ang bulong ko sa aking sarili at kasabay nito ang hawak ko sa korona at tinitigan ang nakakalasing na nakagandahan nito. Hindi ko alam kung anong kalokohan ang pumasok sa aking isipan para iputong ito sa aking sarili. Noong dumikit ang korona sa aking ulo ay tila nagliwanag ang aking katawan, para bang nakita ko ang isang magandang dilag na nakatayo sa harapan ng salamin kung saan ako nakalingon. Ninamnam ko ang pagkakaputong ng koronang iyon sa aking ulo. Bagay na bagay ito sa akin. Nagawa ko pang hawakang scepter na kapareha nito at dito ay dinama ko ang pagiging isang reyna ko, kahit minsan lang, kahit ilang saglit lamang. Masaya na ako sa ganito. Itutuloy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD