Episode 3

2051 Words
1 2 3 Asawa ni Marie AiTenshi May 3, 2021 Episode 3 Ninamnam ko ang pagkakaputong ng koronang iyon sa aking ulo. Bagay na bagay ito sa akin. Nagawa ko pang hawakang scepter na kapareha nito at dito ay dinama ko ang pagiging isang reyna ko, kahit minsan lang, kahit ilang saglit lamang. Masaya na ako sa ganito. Pinagmasdan kong mabuti ang aking sarili, ito ang pinakamagandang imahe na nakita ko sa buhay ko. Ang aking sarili habang nakasuot ng magarbong korona. Nasa ganoong posisyon ako noong biglang bumukas ang pinto at dito ay pumasok si Senyorita Annabel, gulat na gulat ito noong makitang suot ko ang kanyang korona. "Mario! Aba't! Anong nagtulak sa iyo para isuot ang korona ko ng walang paalam? Que te empujo usar mi corona sin decir adios?" ang pag uulit nito sa salitang espanyol. "Kruk kruk inamerz!" ang sagot ko naman. "Ano?! Baliw ka! Bakit suot mo iyan? Hubarin mo nga iyang korona ko!" ang singhal niya. "Suot? Hindi po ah," ang pagtanggi ko naman. "Nagmamaang-maangan ka pa diyan! Ayan na nga sa ulo mo oh! Hubarin mo na iyan bago pa kita ipatapon kay Bastos!" ang singhal niya sabay lapit sa akin at hinubad niya ang korona saka ako sinabunutan! "Bakla ka! Sinasabi ko na nga ba! Ang laki laki ng katawan mo kaya huwag ka na mangarap maging reyna! Hampas lupang indio!" "Tama na po senyorita, hindi ko naman po sinasadya," ang pagpigil ko sa kanya. "Kesho sinasadya mo o hindi ay pangit ka pa rin! Hindi ka maganda at hindi magiging kamukha ko!" singhal pa niya kaya naman wala akong nagawa kundi ang umalis na lang at lumabas sa kanyang silid. Durog na durog ang aking puso noong mga oras na iyon. Winasak ni Senyorita Annabel ang aking kaligayahan sa isang masalimuot na paraan, gamit ang kanyang matalas na dila at malapad na bunganga! Napakasama talaga niya! Hindi na ako tatagal pa ng isang araw na makasama siya! Nagtatakbo ako palabas sa tarangkahan ng mansion at dito ay hindi sinasadyang nakabunggo ko si Sergio dahilan para pareho kaming mawala sa balanse. "O, dahan dahan, bakit nag aapura ka Mario? May problema ba?" pagtataka niya. Nayuko ko at tinago ang aking emosyon, "Ah e, wala. Pinagalitan lang ako ni Senyorita Annabel kaya mabilis akong umalis sa harapan niya. Hindi ko na kasi kaya pang marinig ang boses niya na parang nagmumula sa ilalim ng lupa," ang tugon ko naman dahilan para matawa siya, "Katulad ng sinasabi ko sa iyo, huwag mo na lamang pansinin si Annabel dahil malakas ang kanyang buwanang dalaw ngayon, para itong isang gripo kapag tumatagas. Ang mabuti pa ay samahan mo na lamang ako sa bayan upang dalhin sa mga bata itong mga gamit panulat na bigay ng aking ama," ang pagyaya niya habang nakangiti. Sino ba naman ako para tumanggi? Ang makasama si Sergio ay nag-uumapaw na kaligayahan na ang katumbas sa akin. Naglakad kaming dalawa patungo sa pamilihang bayan, malapit lang naman iyon at maganda rin naman ang panahon, malamig at masarap sa pakiramdam. "Mapagkawang gawa pala talaga ang ama mo," ang wika ko habang nakangiti sa kanya. "Sinabi mo pa, mahilig tumulong si papa sa mga bata, lalo't nakakagiliwan niya ang mga anak ng indio. Gusto niyang tumulong para mapalawak ang mga kaalaman nila sa pagsasalita ng espanyol," ang wika niya. "Eh bakit ikaw? Bakit hindi ka nagsasalita ng espanyol? Mas madalas ka pa yatang magsalita ng wikang Filipino kaysa sa inyong wika?" ang tugon ko naman. "Kapag may kaharap akong espanyol ay salita nila ang aking ginagamit. Dito ay pinoy ang kadalasan kong kaharap kaya't lumalagay lamang ako sa kanilang sapatos. Ang pagkakaiba ng aming mga lengwahe ay madudulot ng hindi pagkakaunawaan kung ipagpapatuloy ko ang pagsasalita ng espanyol sa kanilang harapan," ang sagot niya habang nakangiti. "Kung sa bagay ay tama ka doon, mas mabuti na yung ganito para mas madali tayong magkaunawaan," nakangiti ko ring sagot. Makalipas ang ilang minutong paglalakad ay nakarating kami sa pamilihang bayan. Hawak pa rin namin ang mga kahon ng panulat at sulatan. Hindi ko alintana ang pagod basta nakatingin lang ako sa mukha ni Sergio, sa tingin ko ay iyon ang pinakamasaya sa lahat. Nasa ganoong pagkukwentuhan kami habang naglalakad ay mayroon akong nakita isang batang nakahawak sa bestida ng kanyang ina, maya maya ay kinalabit niya ang kanyang nanay habang namimili ng gulay. "Bakit?" tanong ng ina. Nakatingin sa akin ang bata, hindi ko alam kung anong iniisip niya. "Inay, inay tingnan mo may bakla!" ang wika nito sabay turo sa akin dahilan para mapakunot noo ako at nagtago sa likod ni Sergio. Tumingin sa aking direksyon ang kanyang ina, "Oo nga no," ang pagsuporta nito pero agad rin niyang sinuway ang anak. Asar na asar ako noong mga sandaling iyon, gusto ko puntahan yung bata at ihampas sa ulo niya yung Patolang hawak ng nanay niya. Pero hindi ko na lang ito pinansin. "Ayos ka lang ba, Mario?" tanong ni Sergio. "Ayos lang, alam mo ang sasama ng mga tao dito. Biruin mo itinuro ka pa nung bata na iyon at sinabing bakla ka daw. Masyado ka kasi maputi na parang isang babae," ang hirit ko. Natawa siya at napakamot ng ulo, "langhiya naman, ikaw kaya yung tinuro. Huwag ka na nga mga kunwari sa akin, alam ko naman bakla ka kahit ginagawa mo pang lalaki yung sarili mo. Kanina ka pa kasi nakatitig sa mukha ko habang naglalakad tayo. Siguro may gusto ka sa akin no?" pang aasar niya habang nakangisi. Noong marinig ko iyon ay gusto ko na lang ibigay sa kanyang yung hawak kong kahon at inawanan na lang siya doon. Sobrang nahiya ako sa kanyang mga sinabi at hindi ko tuloy alam kung ano ang itutugon ko. Bagamat tanggap ko naman ang aking sarili pero nakakahiya pa rin nasabihin niya ang ganitong bagay lalo pinipilit kong maging matigas kapag kasama ko siya. "Paano ka naman nakakasigurado na may gusto nga ako sa iyo?" masungit kong tanong sa kanya. Nagkibit balikat siya, "ewan, basta ramdam ko lang. Saka wag mo ngang seryosohin yung mga biro ko. Huwag kang mag-alala dahil hindi ka naman halatang bakla sa kilos at pananalita, nagkataon lang minsan ay lumalabas ito, pero madalang," ang hirit niya sabay hila sa akin sa loob ng isang maliit na paaralan kung saan naroon ang mga batang pagbibigyan namin ng mga gamit. Noong mga sandaling iyon ay kitang kita ko sa mukha ni Sergio ang kakaibang saya habang pinagmamasdan ito sa pagbibigay ng mga gamit sa mga bata. Ramdam ko ang pagiging isang mabuting tao niya na may ginintuang puso. Kaya naman tila mas lalo pa siyang naging gwapo sa aking mga mata. Kung literal na nakakatunaw ang pagtitig, malamang ay lusaw na itong si Sergio. Kotang kota ang mata ko noong mga sandaling iyon at habang nakangiti at nakatitig sa kanya ay naramdaman kong may humihila sa aking damit dahilan para bumalik sa normal ang aking ulirat. Kinakalabit ako ng batang mataba, istorbo naman itong butanding na itey. "Kuya, kuya bakla po ba kayo?" ang tanong nito dahilan para mapangiwi ako. "Hindi ah! Ano bang sinasabi mo diyan?" ang tanong ko sa kanya. Ngumiti ang batang mataba at nagtatakbo sa gilid kung nasaan ang kanyang mga kaibigan. "Sabi sa inyo e, hindi siya bakla! O, talo kayo, akin mga pusta niyo!" ang hirit ng mga ito. "Tang ina naman pala! Pati ba naman tong mga hinayupak na batang ito ay pinagpupustahan pa ang kasarian ko? Kung hindi lang masama ang manakit ay kanina ko pa ito ginawa! Asar na asar na talaga ako!" ang sigaw ko sa aking sarili. Halos hapon na noong makatapos kami ni Sergio, nagpasalamat siya sa akin dahil sa ginawa kong pagtulong. Samantalang isang matamis na ngiti naman ang aking isinukli bilang paghanga sa kanyang walang kapantay na kabutihan. "Uuwi ka na ba?" tanong niya sa akin. "Oo, sa palagay ko ay hindi magandang dumiretso ako sa mansyon dahil mainit pa ang dugo sa akin ni Senyorita Annabel. Saka doon na lang ako mag aabang ng sagala. Galingan mo ha," tugon ko naman. "Lalakad lang naman iyon, kung hindi lang ako nahihiya sa magulang ni Anna ay hindi talaga ako mapapa-payag na lumahok sa ganito." Natawa ako, "sa gwapo mong iyan? Tiyak na hahangaan ka ng lahat mamaya," ang wika ko naman sabay tapik sa kanyang balikat. Tahimik. Habang nasa ganoong paglalakad kami ay sakto namang pagdating ni Bastos kasama ang ibang mga tauhan ng senyorita. "Pasensiya na po sa abala ngunit pinapatawag na po kayo sa mansion Senyorito Sergio. Kailangan niyo na pong mag ayos para sa pagdiriwang mamaya," ang magalang na wika nito sabay harap sa akin at dito ay napakunot noo ito. "At ikaw naman ay maiiwan dito dahil bubugbugin ka namin! Iyon ang utos ni senyorita Annabel dahil sa ginawa mong pagsusuot ng kanyang korona! Sisiguraduhin namin ngayon na dila mo lang ang walang latay!" ang gigil na wika ni Bastos. Humarang si Sergio sa aking harapan, "Para iyon lang? Mababaw ang dahilan ni Annabel para manakit ng pisikal. Hindi niyo gagalawin si Mario dahil ako mismo ang makakalaban niyo!" "Pero iyon po ay ipinag-uutos lamang ni Senyorita, at sinusunod lang namin ang kanyang trip!" ang sagot ni Bastos. "Hindi maaari dahil si Mario ang aking representante sa pagbibitbit ng arko ng bulaklak mamaya sa parada. Mahalaga ang kanyang parte sa aming pararda," wika nito, tumingin pa siya sa akin at sabay kindat sa akin. "Kahit isang sapak lang po?" ang tanong ni Bastos. "Hindi maaari, kinuha ko rin si Mario bilang personal kong taga silbi. Hindi niyo siya pwedeng saktan," ang sagot ni Sergio kaya walang nagawa si Bastos at ang kanyang mga kasama kundi ang umalis na lamang at pabayaan kami. "Bakit sinabi mo iyon? Tiyak na magagalit lalo sa akin si Seryorita Annabel," ang pag-aalala ko. "Ano ka ba, hangga't nakadikit ka sa akin ay walang mangyayaring masama sa iyo. Halika na doon sa Mansion at mamili ng damit para sa parada mamaya dahil nasabi ko na sa kanilang ikaw ang dadala ng arko mamaya, tiyak na aasahan nila ito," ang tugon ko niya sabay hila sa akin pauwi. Alas 7 ng gabi, nakahanda ang lahat. Nakasuot ako ng isang simpleng barong tagalog. Kami ni Bastos ang bubuhat sa magkabilang arko, magaan lang naman nito kaya't walang problema. Ang naging problema lang ay hindi nagustuhan ni senyorita Annabel ang makita ako doon. Noong lumabas sila sa simbahan ay naging sentro na ng atraksyon ang dalawa. Angat na angat ang magarbo at nag-niningning na traje de boda suot ni Senyorita, halos lahat ay napapalingon sa kanyang hindi matatawarang ganda. Ang kanyang leeg, braso, at mga kamay ay balot ng mga alahas na may malalaking bato. Samantalang halos kiligin naman ang mga babae sa paligid noong makita si Sergio suot ang kulay itim at gintong burda ng barong kastila. Halos lumuwa ang kanilang mata sa sobrang kagwapuhan nito na kahit ang ibang anak ng mayayamang tao ay walang laban at walang habol sa kaniya. Hindi matatawaran ang tawanin iyon, ang isa pinakamagandang pagmasdan noong gabing iyon. Bumibilis ang pintig ng aking puso habang nakatanaw ako sa kanyang mga ngiti. Napakalapit lamang ni Sergio ngunit bakit tila napakalayo pa rin niya? Pilit ko siyang inaabot ngunit hindi ko siya mahawakan. Ngunit sa kabilang banda ay alam kong may magandang simula sa pagitan naming dalawa. Alam kong noon pa man ay magkakonekta na kami at iyon ang aking pinanghahawakan. Narrator: Noong gabing iyon ay kitang kita sa mukha ni Mario ang paghanga sa lalaking lihim na minamahal na si Sergio. Samantalang sa kabilang gilid naman ay halos tumulo ang laway ni Bastos habang nakatitig sa babaeng labis na hinahangaan na si Annabel. Para kay Bastos, si Sergio ay malaking hadlang sa kanyang kaligayahan ang prisensiya ng binata lalo't alam niya si Annabel ay baliw na baliw dito. Sa kabilang banda ay nagkakaroon naman ng espesyal na puwang si Mario sa puso ni Sergio, iyon nga ay bilang isang kapatid at kaibigang pinapahalagahan. Mga bagay na ayaw ni Annabel dahil ang gusto niya ay siya lamang ang sentro ng mundo ni Sergio at wala nang iba pa. Lihim na minamahal ni Mario si Sergio. Lihim rin ang pagmamahal ni Bastos kay Annabel. Ito ang magiging simula ng magulong pag-iibigan ng apat sa panahon ng espanyol. Itutuloy.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD