PROLOGUE
1 2 3 Asawa ni Marie
AiTenshi
May 2, 2021
PROLOGUE
Narrator: Ito ang makasaysayang kwento ni Marie at ni Sergio na huhubugin ng iba't ibang panahon. Ito ay tatlong henerasyon ng kanilang masaya at masalimuot na pagmamahal na magsisimula sa panahon ng Bato.
Noong unang panahon sa isang malayong bundok ay mayroong mag-asawang hindi magkaroon ng anak kaya naman humiling sila sa Bathala na sila ay pagkalooban ng isang magandang supling. At hindi nagtagal ay dininig ng Panginoon ang kanilang taimtim na dalangin at pinagkalooban sila ng isang malusog na sanggol. Pero wala naman itong kinalaman sa kwento ko.
Dumako pa tayo sa pinakalumang panahon kung saan namuhay ang kauna unahang tao sa lupa at dito ay natuksalan nila ang pinakamahalagang bagay noon at iyon ang pag-gamit ng apoy.
Abala si Marie sa pag-ihip sa mga baga upang makagawa ng apoy para sa kanyang among si Annabel. Suot nila ang mga pinatuyong balat ng hayop at mga dahon bilang kanilang saplot. Ang pinakaburda sa kanilang mga ulo ay mga bulaklak, pinatuyong insekto at kung minsan ay mga pinatuyong buto ng hayop.
Maging ang buwan at araw ay hindi maipaliwanag kung anong klaseng tao si Marie. Naniniwala kasi siya na siya'y isang babaeng nakakulong sa katawan ng isang lalaki. Kaya naman sa paglipas ng panahon ay sinunod niya ang kanyang kaligayahan at tuluyang nagbihis ng kasuotang pangbabae. Tinakpan niya ang kanyang dibdib at ipinusod ang kanyang buhok, ito ang dahilan kaya mainit ang dugo sa kanya ni Annabel dahil sa halip na siya lang ang babae lupa ay nadagdagan pa ito ng isang "Bakla, iyan naman talaga si Marie no, ihampas ko pa sa kanya itong buto ng dinosaur na nahukay ni Bastos kanina," ang wika ni Annabel habang nakaupo sa kanyang tronong hinubog sa luwad, ito ay gawa ng kanyang ala-alay na si Bastos, isang matapat na alagad.
Si Bastos ay lihim na umiibig kay Annabel. Ngunit ang tinitibok naman ng puso ng dalaga ay walang iba kundi si Sergio na isang makisig at gwapong lalaki. Kaya naman ganoon na lang ang lihim na galit ni Bastos kay Sergio.
Tuwing sasapit ang dapit hapon ay nakaugalian na ni Marie na magsayaw at magpakitang gilas kay Sergio habang sumisiklab ang malakas na apoy sa siga na kanyang ginawa. Hayop na hayop ang datingan ni Marie habang sumasayaw, para siyang isang magandang Flamingo, mali, para siyang isang Cheeta na nasa itaas ng puno kung humataw. Mga bagay na tuwang tuwa si Sergio kapag pinapanood siya.
Samantalang ganadong ganado naman sa pagpapakitang gilas si Marie, gumugulong ito, bumubukaka, walang ritmo ang kanyang galaw, hindi mo malaman kung nagwawala o inaatake ng malubhang sakit. Ngunit para kay Marie na lihim na umiibig kay Sergio ay nagiging masaya siya kapag nakikita niya ang ngiti nito.
Pareho sila ng kasarian ng lalaking hinahangaan, ngunit para kay Marie kahit na ipinanganak siya na ang kanyang pangalan ay Mario ay namumukod tangi siya sa lahat, siya ay isang espesyal dahil taglay niya ang pinaghalong puso ng isang lalaki at isang babae.
Kaya naman habang nasa ganoong pagwawala ito ay nakataas na naman ang kilay ni Annabel at diring diring sa kanyang nakikita. "Sergio, bakit ba pinapanood mo pa si Marie e, para siyang isang unggoy na nilason doon sa gubat? Huwag mo sabihing nagkakagusto ko ka sa kanya? Hindi kayo maaaring magsama dahil pareho kayong lalaki noh. Ikaw ay nakatakdang maging kabiyak ko at tayong dalawa ang nakatadhana sa isa't isa," ang wika ni Annabel sabay kapit sa maskuladong braso ng binatang si Sergio, kumuha rin siya ng bato at ibinalibag ito kay Marie.
Tinamaan si Marie sa ulo dahilan para matumba ito. "Tumigil ka na nga dyan Marie, sa palagay mo ba ikinaganda mo yang pagsasayaw mo na parang sinasaniban ng anito? Wala akong magandang makita sa kilos mo! Napakapangit, napaka-sagwa!" ang pagbawal nito.
"Pero mahal na prinsesa, gusto ko lang naman pong libangin kayo ni Sergio. Nakakainip ang gabi at masyado itong tahimik, nakakalungkot rin," ang sagot ni Marie.
"Ikaw lang ang malungkot dahil walang nagmamahal sa iyo Marie! Hindi ka rin mahal ng mga magulang mo kaya maaga ka nilang iniwanan. Saka bakit ba kailangan mong ipitin iyang boses mong kasing laki ng braso mo? Hindi maganda ang pagsasayaw mo, wala itong dating at alam mo ba na naisip ko kanina na itulak ka na lang diyan sa siga para tuluyan ka nang masunog!" ang masungit na hirit ni Annabel. Pero sa kabila ng kasungitan nito ay parating ipinagtatanggol ni Sergio si Marie.
"Anna, bakit ba ang sungit mo kay Marie? Ginagawa lang naman niya ang makakaya niya para pasayahin tayong dalawa. Saka ang husay niyang magsayaw, para siyang isang insektong nalason sa bukid. Kakaiba talaga ang sayaw ni Marie at nagustuhan ko ito," ang hirit naman ni Sergio.
Parating ganito ang eksena sa pagitan ng tatlong tauhan. Laging ipinagtatanggol ni Sergio si Marie laban sa panunuligsa ni Annabel kaya naman habang tumatagal ay lalong nagagalit ito sa kanila. Sa kabilang banda naman ay parati lamang naka-alalay si Bastos na kanyang masugid na tagapaglingkod para protektahan at ipagtanggol ang kanyang prinsesang si Annabel.
"Wala ka ba talagang balak magdamit ng panglalaki, Marie? Sa tingin ko ay mas bagay sa iyo na maging si Mario na lamang," ang wika ni Sergio habang nalalakad sila sa tabing ilog sa ilalim ng maliwanag na buwan.
Kilig na kilig si Marie noong mga oras na iyon, "Ito talaga ako, isa akong babaeng nakulong lamang sa chakang katawan na shutang boylet na ito. Pero kung titingnan mo akong mabuti ay makikita mo ang isang magandang dilag, mas maganda pa sa ate Annabel mo."
"Talaga ba? Susubukan kitang titigan baka sakaling makita ko ang sinasabi mong magandang dilag," ang nakangiting wika naman ni Sergio.
Dito ay nagharap silang dalawa, mukha sa mukha, mata sa mata. Tinitigan ni Sergio ang mukha ni Marie at nagbabaka sakali ang binata na makikita niya ang magandang dilag na sinasabi nito.
Nagpapungay ng mata si Marie na para bang nang-aakit pa, napakagat labi ito habang pinagmamasdan siya ng lalaking lihim na minamahal.
Tahimik.
Makalipas ang ilang minuto pagtitig ng binata ay napakurap na lang ito na wari'y natauhan, "Wala e, wala akong makita. Pangit pa rin talaga ang nakikita ko, ah e ang ibig kong sabihin ay ikaw pa rin ang nakikita ko, yung lalaking ikaw," ang wika nito na halatang iniiwasan masaktan si Marie.
"Ganoon ba? Siguro hindi pa lang bukas ang puso at isipan mo upang makita ito, hayaan mo na nga, ang mahalaga ay kasama kitang naglalakad ngayon," ang sagot ni Marie at habang maarte itong naglalakad sa batuhan ay natapilok ito at nawala sa balanse.
Nahila niya si Sergio sa kanyang pagkakatumba at kapwa sila nahiga sa batuhan. Napatong si Sergio kay Marie at nagpagulong gulong sila patungo sa mababaw na parte ng malamig na ilog.
Habang nasa ganoong posisyon ang dalawa ay wala silang kamalay-malay na nakamasid sa kanila si Annabel, nakatago ito sa talahiban at noong mga oras na iyon nagliliyab ang mga mata ito sa galit dahil sa inaakalang kataksilan ng dalawa. Isinumpa niya gaganti sa mga ito at puputulin niya ang bawal kaligayahan ng dalawa.
KINABUKASAN.
"Ano magagawa mo ba?" tanong ni Annabel kay Bastos.
"Madali naman akong kausap prinsesa Annabel, dudurugin ko si Marie at Sergio hanggang sa maging pinong pino sila," ang gigil na wika ni Bastos sabay tingin sa hita ni Annabel at bigla niya itong hinipo.
"Ay bastos! Ano ka ba naman, huwag mo ngang pangatawanan ang pangalan mo. Si Marie lang ang durugin mo ng buhay. Gusto ko ay durog na durog, yung parang magiging lupa na lang siya. Huwag mong sasaktan si Sergio dahil mahal ko siya at magpapakasal kaming dalawa, naunaawaan mo ba?" tanong ni Annabel.
"Opo, mahal ko este mahal na prinsesa, ako na ang bahala kay Marie dahil sisiguraduhin kong dila lang niya ang walang latay!" ang laban na labang wika ni Bastos.
Nangiti si Annabel at himas ang kanyang alagang manok, "magaling, kapag nagawa mo ito ng maayos ay sa iyo ng isang buong oras, gawin mo ang gusto mo," ang wika nito.
"Ayos!" ang hirit ni Bastos pero noong mga sandaling iyon ay pumasok na sa isip niyang patayin pareho sina Sergio at Marie upang masolo na niya si Annabel at magawa niya ang lahat ng gusto niya.
Sa pagsapit ng kabilugan ng buwan ay isinagawa ni Bastos ang kanyang maitim ba balak. Dito ay hinarap niya si Sergio at Marie sa isang malawak na lupaing napapaligiran ng maraming mga d**o. Malamig ang hangin noon at maingay ang awitin ng mga kuliglig.
Nakatayo si Sergio sa harap ni Marie at ipinagtatanggol ito. Hawak niya ang isang kahoy na panghampas samantalang nasa kamay naman ng kanyang kalaban ang isang patalim na gawa sa buto ng isang hayop.
Takot na takot si Marie noong mga sandaling iyon, hindi niya malaman ang gagawin ngunit mas nag-aalala siya kay Sergio dahil alam niyang may lihim na galit sa kanya si Bastos simula pa noon. Ilang beses na rin kasi niya itong pinagtangkaang patayin.
Tahimik.
Sa pagbagsak ng tuyong dahon sa pagitan nila Sergio at Bastos ay nagsagupaan silang dalawang mabilis ang kanilang pagkilos, pareho silang malakas. Pagulong gulong sila sa damuhan habang nagsusuntukan. Iyon nga lang ay hindi ito patas dahil matalim na nakakasugat ang hawak ni Bastos dahilan para masaksak niya ng tatlong beses si Sergio na siyang dahilan ng panghihina nito.
Napasigaw si Marie, agad niyang nilundag si Bastos para iligtas si Sergio ngunit nasaksak din siya nito sa gawing balikat dahilan para siya matumba.
Nabaliw ng tuluyan si Bastos at hinablot niya sa buhok si Sergio, initaas niya ang ulo nito at saka pinutol ang kanyang leeg!
Humiwalay ang ulo ng binata sa kanyang walang buhay na katawan. Nanalo si Bastos, itinaas niya ang ulo ni Sergio bilang tropeyo ng tagumpay saka tumawa ng malakas!
Gulat na gulat si Marie! Nagsisigaw ito at nag-iiyak. Hindi siya makapaniwalang natalo at namatay ang lalaking kanyang pinamamahal.
Habang nasa ganoong pagtangis ito ay sakto namang pagdating ni Annabel at dito ay nakita ng kanyang mga mata ang pugot na ulo ni Sergio na hawak ni Bastos. Nagsisigaw siya sa pagkabigla at kasabay nito ang pamumuo ng kanyang galit. Tumakbo siya para sugurin si Bastos sa kanyang pagkakamali. "Walanghiya ka! Sabi ko si Marie ang patayin mo at hindi si Sergio!!" ang iyak niya na may kasamang galit, pinaghahampas niya si Bastos gamit ang kahoy na kanina ay hawak ni Sergio.
Samantalang nawasak ang kaligayahan ni Marie, gumapang siya sa walang buhay na katawan ng binata at niyakap nito. Umiyak si Marie at nagwika, "Hindi man tayo nagkatuluyan dito! Isinusumpa ko sa lahat ng mga anito na mabubuhay tayo magtatagpo muli, sa ibang panahon. Kahit kailan, kahit saan ay ikaw ang mamahalin ko, Sergio," ang umiiyak na sumpa ni Marie at kasabay nito ang pagliliwanag ng buong kalangitan.
Namula ang buong himpapawid at mula dito ay bumagsak ang isang malaking kometa na tumama sa lupa, sa eksaktong lugar kung saan sila naroroon.
Napahinto si Annabel at Bastos kanilang pag-aaway at napatingin sa malakas na liwanag na parating. Samantalang si Marie naman ay patuloy na sumusumpa na magtatagpo silang muli ni Sergio at uulitin ang kanilang pagmamahalan. Binalot ng malakas na liwanag ang buong paligid at nawasak ito. Wala silang kamalay malay na noong mga oras na iyon ay itinala ang pinaka-unang kometang bumagsak sa bansa.
Dito nagtapos ang buhay ni Marie sa panahon ng bato.
End of Prologue