Episode 1

1568 Words
1 2 3 Asawa ni Marie AiTenshi May 2, 2021 Kahit ito po ay Spanish era ay gumamit pa rin ako ng salitang conyo at balbal para hindi masyadong maging boring since ang theme naman natin ay fantasy-romcom. Pero syempre ang tradisyon noon ay niresearch ko pa rin kaya’t magiging exciting ang mga tagpo. -------------- Episode 1 YEAR 1868 SPANISH ERA "Mario, bakit ba ganyan ang itsura mo? Bakit hindi ka magpakita ng interes sa mga bagay dito sa paligid mo? Alam mo namang madalang tayong makatapak sa ganitong uri ng museyo lalo't pag-aari ito ng mga matataas na Peninsulares. Mabuti na lamang na kahit isang Indio ang iyong ama ay nagkaroon pa rin siya ng mga kaibigang matataas ang antas sa lipunan," ang wika ni inay habang natanaw sa mga bagay sa loob ng museyo. "Inay, ayoko naman talaga dito. Mas gusto ko doon sa mga kaibigan kong gumagawa ng bulaklak sa arko nila para sa parada, doon na lang ako inay, payagan mo na ako," ang wika ko naman. "Mario, ano ka ba? Ang paggawa ng bulaklak sa mga arko ay para lamang sa mga kababaihan. Isa kang lalaki kaya doon ka nararapat sa bukid. Hindi ka maaaring mga tungo doon dahil hindi ka para doon," ang sagot ni Inay sabay turo sa dalawang kalansay na buto sa sa loob ng salamin. "Inay, babae ako nakulong lang ako sa panget na katawan na ito. Saka ano bang mayroon sa dalawang kalansay na iyan?" ang tanong ko habang pinagmamasdan ito. "Ang dalawang kalansay na iyan ay pinaniniwalaang nabuhay noong panahon pa ng bato. Nahukay namin ito malapit sa Palawan. Hindi namin alam kung anong kwento sa likod ng mga iyan ngunit nakatuwang pagmasdan na nakayakap ang isa sa nakahigang katawan ng isa. Iyon nga lang ay hindi kompleto ang katawan ng nakahigang kalansay dahil wala ang ulo nito. Ang haka haka nila ay pinugutan daw ito ng ulo ng kanyang kaaway," ang wika ng lalaking taga-pangalaga ng museyo. Tahimik. Samantalang pinagmasadan ko naman ang naturang mga lumang buto sa loob ng salamin at habang nasa ganoong pagtitig ako ay para bang mayroon mga imaheng lumabas sa aking isipan. Nakita ko ang imahe ng dalawang sinaunang tao na naglalakad ng sa ilaim ng kabilugan ng buwan. Nakita ko rin ang imahe nila na nakatayo sa malawak na lupain at dito ay tila may pagtatalong nagaganap kaharap ang isang lalaki. Sa huling imahe ay nakita kong hawak ng isang tao ang walang buhay na katawan ng isa na nakahiga sa lupa at dito ay bumagsak ang isang kometa mula sa kalangitan. Kumabog ng malakas ang aking dibdib at para bang panandalian akong nawala sa aking tamang ulirat. Naramdam ko na lang na tinatapik ni inay ang aking pisngi, "hoy Mario, sige na umalis ka na nga kung ayaw mo talaga dito. Pero huwag kang mapupunta sa gawaan ng mga arko at bulaklak dahil pambabae lamang ang gawain iyon. Labing siyam na taong gulang ka na sa isang linggo kaya't maaari ka na magdala ng babaeng ipapakilala sa amin ng iyong itay," ang nakangiting hirit ni Inay kaya naman umalis ako sa kanyang harapan dahil kahit kailangan ay hindi ko naisip na magdala ng babae at ipakilala sa kanila. At iyon nga, mabilis ako lumabas sa walang kagana ganang museyo at dito ay nagpasya akong magtungo sa gawaan ng arko ng bulaklak para tumulong sa aking mga babaeng kaibigan. Ang paggawa ng ganito mga desenyo ay ipinakilala sa amin ng mga espanyol bilang pagpupugay sa Birheng Maria. Ito ay pinaniniwalaang nagsimula noong 1854 ng ang bansang Vatican ay nag-proklama ng doktrina ukol kay Imakulada Conception. Dito ipaparada ang magagandang babae sa aming bayan na nakasuot ng magagarbong damit na may makukulay na kolorete sa mukha. Mga bagay na pinapangarap ko ngunit hindi ito para sa akin. Kung bakit ba naman kasi nakulong pa ako sa isinumpang katawan na ito. "Hoy Mario, kanina ka pa namin hinihintay. Maganda ba ang mga desenyo namin? Lalo na ito sa reyna," ang wika ng kaibigan kong si Cora Mae. "Marie, Marie ang pangalan ko at ito ang itatawag niyo sa akin. Teka nga bakit sobrang daming bulaklak naman ng arko na iyan. Alam kong para iyan sa Reyna pero bakit parang sobra sobrang naman yata? Sino bang pupwesto diyan?" tanong ko naman. "Edi sino pa, walang iba kundi si Senyorita Annabel, taon taon namang siya diba?" nakangiting sagot nila. "Eh bakit puro siya? Wala na bang ibang magandang dalaga dito sa bayan natin? Lahat ba ay puro chiwariwaps na?" ang tanong ko ulit. "Kung sa ganda lang ay marami ngunit ang estado sa buhay ang labanan dito. Alam niyo naman na sila Senyorita Annabel ang pinakamayaman sa bayang ito dahil sila ay mga Insulares, mga meztiso at meztisa. At isa pa ay masamang nag-uusap usap tungkol kay senyorita Annabel dahil lahat tayo ay malilintikan pagnagkataon," ang bulong ni Cora Mae. Napakunot ang noo ko, "kung sa bagay mayaman talaga ng pamilya ni Senyorita Annabel Alonzo, doon sa kanila nag tatrabaho si itay bilang taga tabas ng d**o sa kanilang magarbong bakuran. Pero kahit na hindi pa rin tama na taon taon siyang rumuronda dito sa arko para maging estrelia ng pasko! Teka, sino ba ang eskorte niya?" tanong ko naman dahilan para kiligin sila. "Edi sino pa ba? Ang kaisa isang lalaking pangarap ng mga kababaihan dito sa bayan. La criatura mas hermosa de la tierra, ang pinaka makisig at matipunong si Sergio Hernandez! Talaga namang gwapo siya dahil isa siyang Insulares na anak ng parehong mayamang espanyol na dito lumaki sa ating bansa," ang sagot nila. "Hindi naman ako interesado sa kanilang dalawa, ganito naman talaga sa mga parada, hindi nabibigyan ng tiyansa ang mga ordinaryong taong katulad natin," ang pagmamaktol ko. "Ganoon talaga ang buhay Mario este Marie pala. O siya, mamaya ka na magreklamo diyan dahil kailangan na nating tapusin lahat ng ito. Baka maya maya ay makita ka pa ng inay mo at magalit na naman siya dahil dito ka tumutulong sa gawaing pambabae at hindi doon sa bukirin nila Senyorita Annabel," ang wika ni Cora habang nagkakabit ng bulaklak sa gilid ng arko. Hindi ako sumagot, nanatili akong nakaupo habang marahang ikinakabit ang mga bulaklak sa arko. "Alam niyo balang araw ipaparada rin ako dito," ang wika ko dahilan para matawa ang babae sa aking likuran. "Ambisyosa! Ang mga katulad mo ay walang karapatan para iparada. Wala ka namang yaman, hindi ka rin babae para isagala hano, huwag ka nga ambisyosa! Indio ambicioso!" ang hirit ni senyorita Annabel, hindi ko halos namalayan na dumating siya sa aming kinalalagyan. Kaya naman pala natahimik at nawalan ng kibo ang aking mga kasamahan dahil dumating pala ang impaktita ng taon. Nayuko ako at nagwika, "Lo siento, señorita Annabel, hindi ko po sinasadya," ang paghingi ko ng tawad. Lalong tumaas ang kilay nito at pumamewang sa aking harapan, "huwag ka na nga mag espanyol! Mali mali naman! Kung sa bagay ano nga bang aasahan sa isang anak ng indio! Ayoko na marinig na mag eespanyol ka dahil hindi bagay sa iyo!" ang sigaw nito Yumuko ako sa kanyang harapan at nagwika, "gomen nasai!" Nataas ang kilay ng senyorita, "baliw! Bumalik ka nga doon sa bukid dahil baka magalit pa si papa! At kayo naman mga mutchacha ng taon, gandahan niyo ang paggawa ng arko dahil nakakahiya sa mga nanonood!" singhal nito Habang nasa ganoong pagsesermon ito ay dumating naman si Sergio, nakasuot ng magandang damit at hubog na hubog ang matipunong katawan. Napakagwapo niya talaga, yung parang kapag lumalabas siya ay bumubukas ang kalangitan at napapakanta ng "halleluja" yung mga anghel doon. Hindi nakakasawang pagmasdan ang kanyang mukha dahil mas lalo pa siyang nagiging gwapo habang tinititigan. Matangkad, makinis ang balat, maganda ang mata at napakabango pa. Isa siyang buhay na pangarap para sa akin. Sa unang beses ko pa lang makita si Sergio ay para bang may nagsasabi sa akin na matagal ko na siyang kilala, para bang magka-konekta na kaming dalawa sa hindi malamang kadahilanan. "Annabel, bakit ba galit na galit ka kay Mario? Sa unang pagkikita niyo pa lang ay parang mainit na agad ng dugo mo sa kanya? Ano bang problema?" tanong ni Sergio. "Hindi ko alam, basta bata pa lang ako ay galit na talaga ako kay dyan! Nasa sinapupunan pa lang ako ng nanay ko ay galit na galit na ako sa kanya! At huwag mo na nga siyang ipagtanggol dahil hindi magandang tingnan na ang anak ng isang Insulares ay ipinatatanggol ang anak ng isang hamak na Indio!" ang sagot niya sabay hila sa braso ni Sergio, pero bago siya tuluyang lumakad palayo ay humarap pa siya sa amin at suminghal, "iMejora tu trabajo los feos!" Natahimik kami at napakamot ng ulo lahat, "Ano daw sabi ni Senyorita noong dulo?" tanong ni Cora Mae sa akin. "Ang sabi niya ay "pagbutihin niyo ang trabaho, mga panget!" Mabuti na lang at sa inyo nakatingin noong sabihin niya iyon kaya ibig sabihin ay hindi ako iyon," ang pang-aasar ko. Kahit paano ay nakatulong sa akin ang tatrabaho ko sa mansiyon nila Senyorita Annabel, marami kasing mga espanyol doon at madalas ko silang kinakausap kaya natuto ako ng kaunti kahit papaano. Ito ang buhay na mayroon ako, pero kahit papaano ay nararamdaman kong magbabago ito sa pagdating ng takdang panahon. Magiging maligaya rin ako at ang aking kapalaran ay magiging kasingkulay ng mga bulaklak sa arkong aking hawak. Itutuloy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD