CHAPTER 9
ILANG ARAW ang mabilis na lumipas ay mas naging abala si Kirsten sa kaniyang trabaho. Hindi niya tuloy namamalayan na palapit na ang araw ng flight nila patungo sa Japan. Kung hindi pa tumawag ang mommy niya kaninang umaga upang ipaalala ang tungkol sa flight.
Maaga siyang nag-off sa trabaho upang mag-impake ng mga dadalhin niyang gamit. Ang ninang niya ay nakahanda na ang dadalhin noong isang araw pa.
"Magdala ka ng mga panlamig mo, malamig na ang klima sa Japan." Bilin pa ng Ninang Glo niya habang nagtitiklop ito ng mga ibang damit na nilabas niya kanina ngunit hindi naman dadalhin.
Pabago-bago kasi ang isip niya kaya naman marami siyang damit na naikalat lang. "Ako na po ang magtitiklop ng mga iyan mamaya, ninang. Iwanan mo na lang po diyan." Inisa-isa niya ang lagay ng mga t-shirt sa loob ng maleta niya.
"Ako na. Wala naman akong ginagawa sa labas."
"Okay na po ba talaga ang mga dadalhin ninyo?" tanong pa niyang muli rito. Baka kasi may makalimutan ito.
"Oo. Noong isang araw pa nga nakaayos. Akala ko nga ay nag-ayos ka na rin ng dadalhin mo nung nakaraan. Hindi pa pala. Para ka tuloy nagagahol ngayon."
Napangiti siya. "Nawala kasi sa isip ko na sa isang araw na ang flight natin papunta sa Japan. Sobrang busy kasi dahil ang daming ganap."
"Sumisikat ka na kasi hindi lang sa larangan ng pagmomodelo ng mga damit. Commercial model ka na rin tapos sunod-sunod pa ang endorsement mo ng iba't ibang produkto." Naupo ito malapit sa kaniya. "Alam mo bang nadaanan ko kanina iyong picture mo doon sa kahabaan ng EDSA? Napakaganda mo roon!" anito saka may kinapa sa katawan. Nang mahawakan ang sariling cellphone ay may pinakita sa kaniya. "Heto at kinuhanan ko nga ng picture. Sinend ko sa mommy mo." Tumawa ito.
"Talaga, ninang? Ano pong sabi ni mommy?"
"Nagulat siya pero inaasahan na rin naman daw niya dahil nga sunod-sunod ang project mo." Bakas sa mukha nito ang pagiging proud sa kaniya. "Napag-usapan nga namin kung may balak ka bang mag-artista."
"Wala po!" aniya agad. Wala naman talaga siyang balak dahil ibang linya na iyon. Hanggang pag-post lang siya sa mga pictures, at pagrampa sa entablado ang kaya niyang gawin. Bukod doon ay wala na. Hindi sumagi sa isip niya kahit na minsan ang pasukin ang industriya ng pag-aartista. Ibang bagay na iyon. Kumbaga, seryosohan na.
"Sigurado ka ba diyan, hija? Panigurado, may mga gustong kumuha sa iyo. Sa ganda mo bang iyan tapos talented ka naman talaga."
Napailing siya. "Wala po akong balak. May mga offer pero ako mismo ang tumanggi. Hindi ko kasi yata kayang umarte sa harap ng camera. Sanay ako sa likod lang, pa-cute lang, ganoon." Natawa pa siya at ganoon din ang ninang niya.
"Naniniwala kami na kaya mo umarte. Noong bata ka pa lang, nakikita ka namin umaarte sa harapan ng salamin, e. E ngayon pa ba? Paniguradong kayang-kaya mo na iyon." Buo ang tiwala at kompyansa ng ninang niya para sa kaniya. Nakikita niya iyon sa mukha nito.
"Dati pa po iyon. Makapal pa ang mukha ko noon, e."
Napapailing na lang ang ninang niya saka muling tinuon ang atensyon sa ginagawa. "Ikaw talaga. Puro ka kalokohan. Bagay naman sa iyo ang mag-artista. Saka iyang si Anthony, paniguradong matutulungan ka niyan dahil maraming koneksyon ang nobyo mo. Hindi ba?"
Sandali siyang natigilan. Hindi dahil sa bagay na sinabi nito. Kung hindi dahil ngayon niya naalala ang nobyo. Madalang lang kasi silang magkitang dalawa nitong mga nakaraang araw. Kahit ito kasi ay naging abala sa mga ka-meeting. Hindi naman niya magawang puntahan dahil kabi-kabila rin ang trabaho niya.
Patuloy din ang pagkalat ng tsismis patungkol dito at sa sekretarya nito. Hindi niya naman magawang paniwalaan dahil pakiramdam niya ay wala namang katotohanan. Malaki rin ang tiwala niya rito kaya kampante lang siya.
Nang matapos sa pag-aayos ng mga dadalhin niyang gamit ay nilapat muna niya ang kaniyang likuran sa malambot na kama.
Kahit na ganoon lang ang ginawa niya ay napagod na kaagad siya. Siguro ay dahil pagod din naman talaga siya sa maghapon sa trabaho.
Napalingon siya sa cellphone niyang nakapatong sa ibabaw ng nightstand nang tumunog iyon. Naupo siya sandali upang abutin ang gadget at nang mahawakan ay nahiga siyang muli.
Nakita niyang may message si Lavi sa kaniya kaya kaagad niyang binuksan.
Lavi Azul:
Busy ka?
Kristen Del Mundo:
Hindi na. Katatapos ko lang mag-imapake.
Lavi Azul:
For out of town?
Kirsten Del Mundo:
Yes. Flight namin sa susunod na araw papuntang Japan.
Lavi Azul:
Really? Nandito ako ngayon sa Japan. May exhibit ako rito.
Kirsten Del Mundo:
Nakita ko nga sa mga posts mo.
Lavi Azul:
That's great! Kapag free ka, invite sana kita rito para makita mo iyong mga gawa ko. Okay lang ba?
Hindi siya kaagad naka-reply. Inisip niya muna kasi kung pwede ba siyang bumisita sa exhibit nito. Ang plano niya kasi ay wala siyang ibang gagawin sa Japan kung hindi ang ituon ang buong atensyon sa kaniyang pamilya. Gusto niya bumawi dahil ilang taon din siyang hindi nakabisita sa mga ito.
Ngunit nahiya naman siyang tanggihan ito. Ano ba naman iyong saglit na oras niya itong puntahan? Hindi naman no'n mababawasan ang oras niya sa pamilya lalo na kung isasama niya ang mga ito.
Nagtipa siya ng reply dito.
Kirsten Del Mundo:
Ayos lang naman sa akin. Sige. Bibisita ako riyan.
Lavi Azul:
Nice. Hihintayin kita.
Wala namang espesyal sa huling mensahe ni Lavi sa kaniya ngunit napatitig siya sa huling dalawang salita nito. May kung anong saya siyang nadama at mas nananaig ang pananabik ngayon na makapunta siya sa Japan.
Weird pero magaan ang pakiramdam niya rito kay Lavi. Hindi niya kasi talaga sukat akalain na ang isang Lavi Azul ay mabait, magaan kausap at nalilibang siya. Buong akala niya ay isnabera ito sa kabila ng natatamong kasikatan sa larangan ng paglikha ng magagandang damit.
Ngayon ay masasabi niyang kaibigan na niya si Lavi at excited na siyang makita ito. Gusto na nga niyang tanggapin ang offer nito pero naisip niya na sasabihin na lang niya iyon nang personal dito sa oras na magkita silang dalawa sa Japan. Mukhang magaan din ito katrabaho kaya naman walang magiging problema.
"WHAT DO you mean?" Nakakunot ang noong tanong ni Kirsten kay Anthony habang nasa loob sila ng office nito.
Si Sophie ay nasa pwesto nito at napatingin sa gawi nila nang magtanong siya ng ganoon.
"Babe, sasama ako."
"Akala ko ba hindi ka sasama?" tanong niya rito.
"Wala naman akong sinabi na hindi ako sasama, babe. Clear na lahat ng schedule ko." Tumingin ito sa gawi ng secretary nito. "Hindi ba, Sophie?"
Tumango ito. "Yes, sir."
"See? Wala na akong trabahong gagawin."
"E paano ang kumpanya kapag umalis ka?"
"Tatakbo ang kumpanya kahit wala ako, babe. Huwag mo masyadong alalahanin, okay?"
Hindi naman iyon ang talagang inaalala niya. Kapag sumama kasi ang nobyo niya, hindi niya ma-eenjoy ang pamilya niya.
"Pero..."
"It's okay. Sasama ako para naman mas ma-enjoy mo ang Japan nang kasama ako." Inakbayan pa siya nito bago siya hilahin patungo sa pinto.
Lihim siyang napangiwi. Hindi niya masabi rito na mas maganda kung maiiwan na lang ito. Ayaw naman niya kasing masaktan ito.
Nang makalabas sila sa office nito ay sabay pa silang napahinto sa paglalakad nang tumunog ang cellphone nito. Text message iyon. Nagkatinginan silang dalawa. Nang tiningnan ni Anthony ang cellphone ay kaagad itong napatingin sa kaniya.
"Bakit?"
"Babe, nakalimutan ko! May business meeting nga pala ako kay Mr. Torres ngayong 1 o' clock! Webinar iyon, e." Humakbang ito pabalik sa office nito. "Mauna ka na ha? Hindi na kita mahahatid sa condo mo. I'm sorry. I love you!" anito saka nagmamadaling pumasok sa loob ng opisina.
Half day lang siya dahil maaga bukas ang flight nila. Hindi na lang siya nakakibo. Ilang sandali pa ay nagsimula na siyang maglakad patungo sa elevator.
Sa totoo lang ay naiinis siya sa kaniyang sarili. Hindi niya kasi magawang magsabi ng mga bagay-bagay dito kay Anthony. Ayaw niya itong masaktan. Sobrang bait nito at napakahardworking na tao. Kaya naman para sa kaniya, wala siyang karapatan na angalan ang gusto nito.