CHAPTER 10
MAAGA SILANG gumayak ng ninang ni Kirsten upang hindi sila mahuli sa flight nila papunta sa Japan. Walang text o call man lang ang boyfriend niyang si Anthony at nagsisimula na siyang mainis. Wala man lang itong paramdam. Ilang beses na niya itong tinawagan upang tanungin sana ngunit nauuwi lang ang maraming ring sa pagka-busy ng linya nito.
Nakabihis na sila ng ninang niya at naghihintay na lang sa nobyo niya. “Wala pa ba si Anthony?” tanong nito sa kaniya.
“Wala pong reply sa mga text at chat, e. Iyong call ko naman ay panay lang ring hanggang sa cannot be reach na ang number niya.” Nameywang siya ng tayo. “Anong oras na?” Tumingin pa siya sa relong suot. Mag-aalas sais na nang umaga. Alas siyete ang flight. Babyahe pa sila papunta sa airport.
“Daanan na lang kaya natin?” suhestiyon ng ninang niya.
“Sa bahay niya, ninang?”
“Oo,” anito sabay tango.
“Mapapalayo tayo lalo sa airport, ninang. Baka maipit pa tayo sa traffic.” Huminga siya nang malalim. “Mauna na kaya tayo? Sumunod na lang siya kung gusto niya talagang sumama.” Naiinis na siya para sa nobyo. Hindi naman kasi siya talaga pabor sa pagsama nito ngunit dahil makulit at hindi nga siya makatanggi ay napilitan nga siyang isama ito.
“E, ayos lang kaya iyon sa kaniya? Baka magalit naman si Anthony?” Nag-aalangan na sabi ng ninang niya. Naiintindihan niya kung bakit ito nag-aalala rito ng ganito. Nag-aalala rin naman siya ngunit mas nangingibabaw ang inis.
“E, mahuhuli na po tayo kung hihintayin natin siya. Ang mabuti pa ay mauna na tayo. Ayaw naman niyang sagutin ang mga tawag ko. Sumunod na lang siya kapag gusto niya.” Hinawakan niya ang maleta saka sila lumabas ng condo unit. Nakatanggap na rin kasi siya ng text message na nasa baba na ang grab na kinontrata niyang maghahatid sa kanila patungo sa airport.
Hindi naman nagtagal ay binabagtas na nila ang daan patungo sa airport. Wala pa ring paramdam si Anthony kaya hindi na lang siya nag-text pa rito. Ang huling text niya kanina ay nagbibilin siya na sumunod na lang dahil hindi sila maaaring mahuli sa flight nila ng ninang niya. ‘Bahala na kung magalit siya. Kasalanan naman niya.’
Noong nagdaang gabi ay sinabihan pa niya ito sa chat at umoo naman kaya ang buong akala niya ay magiging maayos ang lahat bago sila lumipad. Hindi naman pala.
Nang makarating sa airport ay kaniyang in-off muna ang cellphone. Hinanda niya rin ang kaniyang neck pillow dahil balak niyang matulog habang nasa flight. Hindi niya alam kung nag-tetext ba si Anthony o hindi. Ayaw na muna niyang isipin ang nobyo dahil nawawala lang siya sa mood. Gusto niyang iwanan ang lahat ng stress sa Pilipinas at sa pagtungo niya sa Japan, wala siyang ibang gagawin kung hindi ang mag-relax at mag-enjoy.
Makalipas ang kulang apat na oras na biyahe ay nakarating na rin sila ng ninang niya sa Tokyo, New Tokyo International Airport. Ang daddy niya ang naghintay sa kanila roon at masayang-masaya silang sinalubong. Niyakap siya kaagad nito nang makalapit sa kanila.
“Mabuti naman at ligtas ang naging flight ninyo. Teka, nasaan ang nobyo mo?” tanong ng ama niya habang pasulyap-sulyap sa likuran nila.
“Naku, daddy sa bahay ko na lang ikukwento. Kami lang ni ninang. Tara na po at miss na miss ko na sila mommy,” aniya habang nakakapit sa braso nito.
Ito ang nagdala ng mga maleta nila. “Ganoon ba? Sige, tara na.”
Sandali pang nagkumustahan ang daddy at ang ninang niya. Paminsan-minsan din silang nagtatawanan habang nasa daan sila patungo sa bahay ng mga magulang niya.
“WELCOME HOME, anak!” wika ng mommy ni Kirsten sa kaniya sabay yakap sa kaniya ng mahigpit. Pati ang mga kapatid niyang sina Kristine at Kristal ay nakiyakap din.
“Thank you, mommy. I’m so happy na nakabalik din ako rito. Sobrang busy kasi sa work kaya ngayon lang kami ulit nakarating dito,” aniya nang humiwalay siya sa mga ito.
“Ate ang payat mo yata ngayon?” tanog ni Kristine na nasa edad 18 lang. Si Kristal ang bunso nila na nasa edad 15.
Tumingin siya sa kaniyang katawan. “Talaga ba?”
Tumango ito. “Kumakain k aba, ate?”
“Oo naman.” Ginulo niya ang buhok nito. “Mabuti naman at tuwid pa rin ang mga dili ninyo sa pagtatagalo, no?”
“Oo naman, ate. Sa labas lang kami nagsasalita ng Nihonggo saka ng English pero dito sa loob ng bahay, Tagalog pa rin,” ani Kristal.
“Mabuti naman kung ganoon. Ayaw kong hindi tayo nag-uusap dahil lang sa hindi kayo sanay sa salita ko,” natatawa niyang wika.
“Maupo na nga muna kayo. Maya-maya ay kumain na tayo.”
“Mommy, anong pagkain ang hinanda mo?”
“Teriyaki, sushi at sashimi. Nag-ready rin ako ng kanin kung sakaling gusto mo,” anito sa kaniya saka pinisil ang pisngi niya.
Napangiti siya nang marinig ang sinabi ng mommy niya. Iyon kasi ang paborito niyang Japanese food. Mas lalo niyang gusto iyon kapag ito ang gumagawa dahil alam niyang fresh at malinis. Talagang napaparami siya ng kain kapag iyon ang hinahanda nito sa mesa. “Thank you, mommy!”
Nang makapagpahinga sila ay nagtungo sila sa hapag-kainan saka nagsimulang kumain. Maraming kwentuhan ang pinagsaluhan nila kasabay ng pagkain. Parang hindi mga nag-uusap araw-araw sa chat kung magtanungan. Ganoon naman siguro talaga kapag nakasama na nang personal ang pamilya.
Hindi sila naubusan ng topic. Nag-picture din sila ng mga larawan nila ngunit hindi siya kaagad nagbukas ng cellphone. Mamaya na lang siya magbubukas kapag mag-uupload na siya. Sinulit niya talaga ang mga magulang niya lalo na nag mommy niya. Hindi siya bumitiw siya pagkakakapit sa braso nito at panay ang lambing niya rito.
Bilang panganay na anak na naiwan sa Pilipinas at mas pinili na maghanap buhay kaysa makasama ng pamilya sa Japan, sobrang hirap niyon para kay Kirsten. Ibang sakripisyo din ang ginagawa niya dahil malayo siya sa mga ito. Kaya ngayong kasama niya ito, talagang i-eenjoy niya ang panahon kahit ang segundo ng oras niya sa mga ito.