CHAPTER 4
“1 2 3 and 4… Ikot!” ani Mommy Pitchie na nagsisilbing coach at manager ni Kirsten habang nakamata sa kaniya sa pagrampa. Kahit ang kaniyang nobyo na si Anthony ay nakatingin din sa kaniya. Paminsan-minsan na nag-uusap ang dalawa at hindi niya naririnig kung tungkol saan man ang pinag-uusapan ng mga ito.
Patuloy lang si Kirsten sa pagrampa. Ganoon ang Gawain niya sa umaga. Hindi maiwasan na pagpawisan siya kaya naman palagi siyang may extra damit na baon. Naliligo siya kapag tapos na ang training.
Nang matapos siya ay lumapit siya kay Anthony na nakasuot ng longsleeves polo na nakatupi hanggang siko saka slack pants at black leather shoes. Inabutan siya nito ng towel na may alanganing laki. “Thanks.” Dahan-dahan niyang dinampi iyon sa kaniyang mukha at sa leeg. Bumababa rin iyon sa iba pang parte ng kaniyang katawan gaya ng braso at tiyan na litaw dahil sa suot niyang croptop na sando.
“Hindi mo naman kasi kailangan pang mag-training pero nagtetraining ka pa rin,” ani Mommy Pitchie sa kaniya.
Nagkatinginan naman sila ni Anthony na pinagkrus ang mga braso sa tapat ng dibdib. “He’s right, babe. Pro na pro ka na sa ganitong bagay,” anito na halatang proud sa kaniyang kakayahan.
Napangiti siya sa mga ito. Hindi na siya magtataka kung ganito man ang nakikita niya sa mga ito. Iyong tipong kaya na niyang gawin ang lahat kaya ang taas ng kompyansa ng mga ito sa kaniya. “Grabe naman sa ‘pro na pro’. Marami pa rin naman akong kailangang malaman at matutunan. Isa pa, ayaw kong pamahiya kay Stacey once na sinuot ko ang mga damit niya.”
“Hindi mo naman bibiguin si Stacey sa pagpili sa iyo. Mahusay ka,” ani Anthony na hinawakan siya sa kaniyang beywang saka malambing na dinikit ang tungki ng ilong sa pisngi.
Nakaramdam siya ng hiya dahil sa ginawang iyon ni Anthony. Napalingon siya kay Mommy Pitchie na may ngisi sa mga labi. “Babe,” aniya kay Anthony.
“What?” Tumaas ang isang kilay nito. Nang sesnyasan niya si Mommy Pitchie ay natawa ito. “Ay may single nga pala rito. I’m sorry,” anito nang humarap sa manager niya.
Inirapan sila nito. “Kayong dalawa, tama na nga nag pagpapamukha sa akin na single ako. Nakita naman ninyong wala akong dyowa tapos ganiyan kayo! Tunay ba kayong kaibigan?” anito saka sila inismiran.
Natawa sila ni Anthony. Kinuha niya ang pagkakataon na iyon upang lumayo rito. Hindi naman sa ayaw niya. Hindi lang talaga siya masanay-sanay na ganoon si Anthony lalo na nakaharap sila sa ibang tao. Bukod sa naiilang siya, nahihiya rin siya.
Pagkaraan ng training ay dumiretso siya sa isang kwarto kung saan maaari silang maligo at makapagbihis ng panibagong damit. Palagi siyang may baon na damit. Mayroon din siyang extra sa loob ng sasakyan ni Anthony kahit sa office nito. Nauna na ang nobyo niya sa office nito habang siya ay naliligo.
Nang makapagbihis ay naglagay lang siya ng light make-up. Ang buhok ay pinatuyo niya gamit ang blower saka iyon nilagyan ng cream upang ayusin ang style. Nang masiyahan siya sa sariling itsura ay kaagad siyang lumabas ng silid na iyon saka nagtungo sa office ni Anthony. May mga babasahin pa siyang proposal.
Hindi niya balak tumanggap ng mga proposal sa susunod na dalawang buwan dahil uuwi siya sa Japan. Siya lang mag-isa ang uuwi dahil maiiwan ang ninang niya at may negosyo itong hindi maaaring iwanan. Magdidiwang kasi ng kaarawan ang ina niya kaya naman kailangan niya umuwi roon. Ilang taon na itong sa Japan naninirahan kasama ang bago nitong asawa na Japanese pati na ang kapatid niyang dalawa.
Bago pumasok sa loob ng opisina ng nobyo ay nagwisik muna siya ng pabango na paborito niya. Pumasok siya pagkaraang gawin iyon. “Hi!” bati niya sa nobyo na umangat ng tingin sa kaniya habang nagbabasa ng hawak nitong papel.
“Hi! Mabuti naman at tapos ka na,” anito bago may kinuha sa ibabaw ng table nito saka inabot sa kaiya pagkaupo niya sa silyang nasa harapan ng table nito. “Ito iyong mga proposal sa iyo ng mga brands. Kung may magustuhan ka, pwede tayo mag-sched ng meeting with them.”
Kumunot ang noo niya. “Bakit ikaw ang umaasikaso nito? Hindi ba at si Mommy Pitchie dapat?” Nagtataka niyang tanong dito. Hindi naman kasi trabaho ni Anthony ang ganoong gawain.
“Actually kinuha ko lang sa kaniya kasi gusto kong makita kung ano ang mapipili mo. Gusto kong makasiguro na magiging safe ka. Sasamahan kita,” anito saka ngumiti sa kaniya.
Kumunot ang noo niya rito. “Dati ka namang hindi gumagawa ng mga ganito, di ba? Bakit ngayon, ito ang trip mo?” aniya na napapailing habang kinukuha rito ang mga papeles ng proposal sa kaniya.
Pinagsalikop nito ang mga kamay saka pinatong sa ibabaw ng mesa. “Wala naman. Gusto ko lang maging hands on sa iyo.”
Napailing siya. “Ang dami mo nang ginagawa dito, tapos pati itong hindi mo naman trabaho, gagawin mo? Okay lang naman ako kung si Mommy Pitchie ang haharap ng mga ito, e.” Ayaw niya maaabala pa nang sobra si Anthony kaya naman hindi siya natutuwa sa ginagawa nito. Dati kasi ay kasama niya si Mommy Pitchie sa tuwing magbabasa habang itong si Anthony ay nakikinig lang sa kanila. Hindi rin ito nakikialam sa kung anong desisyon niya kaya naman nagyon, nagtataka siya.
“Okay lang naman sa akin kung magsingit ako ng mga extrang Gawain basta tungkol sa iyo. Gusto ko lang din makasigurado na hindi ka mapupwersa sa pagtatrabaho.”
“You mean, itong lahat ng mga ito, hindi ko pwedeng tanggapin ang offer?” Tinaas pa niya ang hawak na mga papel.
“Yes, babe.” Tumayo si Anthony saka humakbang upang mapalapit ito sa kaniya. Naupo ito sa katapat niyang silya saka ito nagsalita. “Babe, hindi ko gusto ang ideyang sunod-sunod ang trabaho mo.”
Kinagat niya ang ibabang labi. Mukhang nakarating na dito ang mga nangyari noong nakaraang linggo na halos wala siyang pahinga dahil sa sunod-sunod na pagtatrabaho niya. Sinadya niya talagang huwag ipaalam dito ang naging schedule niya ngunit nalaman pa rin. Hindi naman malabo na may magsabi rito dahil boss ito ng PHM at maaaring marami itong mata sa buong kompanya.
“Ikaw na nga ang bahala. Basta siguraduhin mo lang na hindi ka mapupwersa sa gagawin mo.”
Tumango naman si Anthony saka ngumiti. Tumayo ito saka bahagyang hinawakan ang pisngi niya bago bumalik ito sa swivel chair nito. Siya naman ay napapailing na lang bago tinuon ang buong atensyon sa mga hawak na papel.
Hindi na niya namalayan kung ilang oras na siyang nagbabasa ng mga papeles. May mga ilang brands siyang nagustuhan na siyang binukod niya ng pagkakalagay sa ibabaw ng mesa. Si Anthony naman ay abala sa harapan ng computer nito.
Nilapag niya sa mesa ang papeles saka hinawakan ang batok niya. Inikot-ikot niya ang ulo dahil nangawit siya sa kakabasa. Ang sunod na naramdaman na lang ni Kirsten ay ang pagdantay ng mga kamay ni Anthony sa kaniya batok saka iyon gumalaw patungo sa balikat niya at sinisimulan na siyang bigyan ng masahe.
Naiilang man ay hindi na lang siya kumiubo dahil kahit paano ay narerelax naman siya sa ginagawa ng nobyo.
“Kung pagod ka na, okay lang naman kung bukas mo iyan ituloy.”
“Hindi pwede dahil bukas kailangan may ka-meeting na ako sa mga iyan. Alam mo naman na isang linggo from now, may flight ako patungo sa Japan.”
“Gusto mo bang sumama ako sa iyo para naman may kasama ka? Hindi naman sasama si Tita Ninang Glo, di ba?” tanong nito na bahagyang yumuko upang magkatinginan ang mga mata nitoang dalawa.
Sinalubong naman niya iyon. “Hindi na, Anthony. Alam kong marami ka ng ginagawa rito at hindi ka pwedeng sumama.”
“Babe, tatakbo ang kumpanya kahit wala ako.”
“I know pero ayaw kong isipin ng ibang mga empleyado mo na nag-tetake advantage ako sa iyo. Nakausap ko rin si Tito August nung isang araw, ang dami mong dapat na puntahang event. May mga meetings ka raw na hindi mo na pinupuntahan.” Umayos siya ng upo saka tiningnan ang nobyo. “Anthony, hindi ba at nag-usap na tayo na mag-fofocus ka sa trabaho. Hindi iyong sa akin mo lang nilalaan ang oras mo,” aniya.
Sa totoo lang, dati namang hindi ganoon si Anthony. Nagagawa nila pareho ang trabaho ng isa’t isa nang hindi sumasama o nakikisali sa trbaho ng isa ngunit nitong mga nakaraang linggo ay naging clingy ang boyfriend niya. Mahal naman niya ito ngunit hindi na siya natutuwa dahil pakiramdam niya ay hindi na siya malaya. Nagbago na talaga ito.
Binitiwan siya nito saka naupo sa inuupuan nito kanina sa tapata niya. “Babe, alam naman ni Daddy na—”
“Na sinasamahan mo ako?”
Hindi ito nakasagot.
“Anthony, dati ka namang hindi ganiyan. Alam mo naman na may trabaho tayo pareho at ayaw kong masira ang tingin sa atin ng mga pamilya natin lalo ka na.”Malumanay ang paraan ng pagkakasabi niya. Lahat ay ginagawa niya upang hindi mauwi sa pagtatalo ang usapan nilang dalawa.
Huminga ito nang malalim bago sumandal sa silya saka nag-iwas ng tingin. Tinititigan niya ito. Pakiramdam niya ay may bumabagabag dito ngunit ayaw lang magsabi. “May problema ba?” tanong ni Kirsten dahil naghihinala na siya sa kung anong bagay. Hindi niya rin alam kung ano man iyon ngunit malakas ang pakiramdam niya na may problema ito.
Biglang tumingin sa kaniya si Anthony. “Wala, babe.” Huminga ito nang malalim. Gusto ko lang talaga makasama ka kaya ako ganito.” Hinawakan nito ang isang kamay niya saka iyon hinalikan. “Wala akong problema.”
Tumango na lang siya. Wala naman siyang magagawa kung wala nga itong problema. Lalo na kung ayaw nitong magsabi kung ano man iyon kung sakaling mayroon. Hindi naman siya iyong tipo ng tao na mangungulit ng kapwa upang magsabi lang ng problema sa kaniya. Isa pa ay kilala na niya si Anthony. Hindi ito magsasabi. Hanggang kaya nitong solohin ang problema, gagaiwin nito. Malalaman na lang niya na may problema pala ito kung kailan tapos na at na resolbahan na nito.
“After work, anong plano mo?” tanong ni Anthony sa kaniya habang sinasalansan niya ang mga papeles na nabasa na niya.
Sandali siyang napaisip. “Uuwi lang siguro. Bakit?”
“Dinner tayo sa labas?”
“Pwede naman. Sige,” aniya. Ganoon si Anthony. Palagi siyang inaaya nito sa dinner date kaya naman nasasanay na rin siya. “Uuwi muna ako para makapagpalit ng damit.”
“Hindi na siguro, babe. Okay lang naman din ang suot mo. Ako nga ganito lang.”
Inirapan niya ang nobyo. “Alam mong ayaw ko ng ganoon, Anthony.”
“Pero, babe… sige. Ganito na lang. Ioorder kita ng damit ngayon tapos dito ka na lang magpalit.” Ngumiti ito sa kaniya.
Kumunot ang noo niya. “Bakit naman ganoon? Pwede naman ako umuwi. Kailangan ko magpaalam kay NInang dahil hahanapin ako noon.”
“Ako na lang ang tatawag sa kaniya. Basta wala kang ibang gagawin kung hindi ang maghintay dito para sa damit mo, okay?” Tumayo na ito habang hawak sa kamay ang cellphone. “Lalabas lang ako. Dito ka lang, babe.” Lumapit ito sa kaniya saka siya binigyan ng magaang halik sa kaniyang labi.
Sa gulat hindi siya nakakilos at nakapagsalita. Basta nakatanaw lang siya kay Anthony habang palabas ito ng opisina.
Nagtataka man ay hinayaan na lang ni Kirste ang nobyo. ‘Ang weird talaga ni Anthony minsan.’ Iyon ang naisip niya habang unti-unting sinisimulan ulit ang pagliligpit ng table ng nobyo niyang magulo. Hindi niya trabaho ang pag-aayos ng mesa nito ngunit gagawin na niya upang mas maibukod niya ang mga papeles ng brand na gusto niya.
Hindi naman siya maarte pagdating sa trabaho. Sa katunayan nga ay sa sampung proposal, dalawa lang hindi niya tinanggap. Ang isa kasi ay brand ng isang sikat na brand ng underwear clothing. Kapag inoohan niya iyon, kailangan niya i-model ang undies niyon at ilalagay sa billboard sa EDSA. Iyon ang ayaw niya. Pwede naman siyang mailagay sa mga billboard ngunit sa disenteng larawan.
At ang pangalawang hindi niya tinanggap ay ang brand ng damit na naka-base sa Europe. Actually, that is a ‘big catch’, sabi nga ng iba dahil sobrang sikat ng obrang damit at ng mismong fashion designer na si Lavi Azul. Familiar siya sa obra nito at alam niyang world class ang mga gawa nito kaya hindi niya matanggap. Nakapag-model na siya ng ng branded clothes sa ibang bansa ngunit hindi pa sa Europe. Pakiramdam niya kasi ay hindi pa siya ganoon ka-qualified kung irarampa niya ang gawa ni Lavi Azul.
Hinawakan niya ang proposal nito saka iyon binasang muli. Maganda ang offer sa kaniya. Kakaiba nga kung sasabihin ngunit hindi pa siya makapag-decide.
Napalingon siya sa pinto nang bumukas iyon at pumasok si Anthony. Kumunot ang noo niya nang makitang salubong ang mga kilay nito na tipong galing sa hindi magandang pakikipag-usap. Hinarap niya ito. “Bakit ganiyan ang itsura mo? Ayos ka lang ba?”
Tumango ito saka pilit na ngumiti. “O-oo. Ahm, nakausap ko na si Sophie. Dadalhan ka na niya ng damit dito anytime soon.”
Sophie is her secretary.
Ngumiti siya kahit na nag-aalala para dito. “Okay… sigurado ka bang ayos ka lang?” tanong niya saka hinaplos ang kanang pisngi nito.
“Oo, babe.” Hinawakan nito ang kamay niyang nakahawak sa pisngi nito saka iyon dinama habang nakapikit. “I love you,” bulong nito nang salubungin ang kaniyang mga mata.
“I love you, too,” sagot niya rito kahit pa iba ang pakiramdam niya ngayon dito sa nobyo.
“Tapos ka na bas a pagbabasa ng mga proposal?” tanong nito sa kaniya.
“Yes. May dalawa lang akong hindi tatanggapin.” Kinuha niya iyon saka pinakita kay Anthony. Kumapit ito sa baywang niya saka iyon binasa nang kuhanin gamit ang isang kamay.
“Hmm… okay, babe. Kung ako ang tatanungin, huwag mo na nga lang tanggapin ito dahil ayaw ko na ibalandra mo sa EDSA ang sexy mong katawan doon. Pagpipyestahan ka lang n mga siraulong driver na daraan doon.” Nilapag nito sa mesa ang hawak habang sinisimulan namang basahin ang isa pang papel. “Ayaw mo nitong isa?” Nagugulat na tanong nito. “It’s from Lavi Azul, babe. It’s a good catch! Magandang opportunity ito para sa iyo.”
Huminga siya ng malalim bago kumalas sa pagkakayakap nito sa kaniya. “I know,” aniya saka naupo ulit. “Pero hindi ba at parang napakalaking opportunity naman niyan sa akin? I mean, parang hindi pa ako ganoon kabagay para imodelo ang mga damit niyang pang-world class, di ba?”
Natawa si Anthony. “Babe, professional ka na sa larangan ng pagmomodelo. Ano pang dahilan ay ganiyan ang iniisip mo, di ba?”
“Huwag masyadong mataas ang kompyansa sa girlfriend, babe. Nahihiya ako,” aniya na alam niyang pinamumulahan na siya ng mukha.
“Babe, alam ko kasi na kayang-kaya mo at deserve mo ito. Saan ka pa ba nahihiya? Sa mga tao? Ilang beses ka nang rumampa sa harapan ng maraming tao, babe. I’m sure na kayang-kaya mo iyan.” Ginagap nito ang isang kamay niya saka pinisil nang mahina. “Grab this one, okay?”
“Sa Europe iyan. Paris, France to be exact, babe.”
Tila nagulat naman si Anthony sa sinabi niya at tiningnan nito ulit ang papel saka binasa. “Babe, doon lang sila naka-base. I mean iyong main office pero meron sila dito sa Pilipinas.” Tinuro pa sa kaniya.
Iyon ang hindi niya nabasa kanina kaya naman kinuha niya sa kaya nito ang papel. Kahit paano ay sumaya siya ngunit kaagad din nawala dahil kinukwestyon niya ang sarili kung deserve ba niyang tanggapin ang offer.
“What do you think?” tanong ng nobyo niya.
Napailing siya. “Hindi ko pa alam, Anthony. Pag-iisipan ko na lang muna siguro nang mabuti. Mag-iipon pa ako ng lakas ng loob at ng mga dahilan upang tanggapin iyan. Ang laki kasing project niyan.”
“Iyon nga ang maganda,” anito. Mula sa likod niya ay niyakap siya ni Anthony. “Mas magandang project din iyan para mas makilala ka. Kilala ka na ngayon ngunit hindi ba at mas makikilala ka pa. Come on, babe. I know that you can do it. Ikaw pa ba?”
Napangiti na lang siya dahil sa taas ng kompyansang binibigay sa kaniya ni Anthony. Huminga siya nang malalim. “Hindi ko pa alam, ha? Kailangan ko pag-isipan ang bagay na ito, e.”
“Okay, babe. Ikaw ang bahala.” Pinihit siya nito paharap dito.
Sa pagharap niya rito, hindi niya inaasahan na bibigyan siya nito ng halik sa kaniyang labi. Magaan lang iyon. Nakapikit si Anthony ngunit siya ay nanatiling nakadilat. Sinubukan niyang tugunin ang halik nito ngunit tila may mali. Huminto siya saka bahagyang lumayo.
“Babe?” tawag nito sa kaniya.
Umiwas siya ng tingin. “Babe nasa office tayo.”
“E, ano naman? Nasa private office tayo.”
“Kahit na,” aniya saka tumalikod dito. Hindi naman sa mabaho ang hininga nito. In fact, mabango si Anthony. Wala itong kapintasan at perpekto ito sa kaniyang paningin ngunit tila may mali siyang nadama. Hindi lang naman ngayon siya ganon. Sa tuwing hahalikan siya nito, palagi siyang naiilang. Mahal niya si Anthony ngunit tila hindi iyon dahilan upang tanggapin niya ang halik nito. Paminsan-minsan na tinutugon niya ang halik nito ngunit para lang iyon maipakita dito na mahal niya ito.
Pero iba talaga. At hindi siya natutuwa sa bagay na iyon dahil ganoon siya. Pakiramdam niya ay nagtataksil siya. Gusto niyang tanungin ang sarili kung bakit ganoon ang nararamdaman niya. Bata pa lang siya noon ay gusto na niya makatagpo ng sariling prince charming niya at nang matagpuan naman niya si Anthony, kahit alam niyang nandito na ang lahat ng gusto ng mga babae sa isang lalaki ay parang may kulang pa rin para sa kaniya.
Alam niya kung ano ang problema at hindi iyon kasalanan ni Anthony. Nasa kaniya ang problema. Gustuhin man niyang tugunan ang halik nito, hindi niya magawa. Ang liit na bagay pero yung sistema niya, hindi pa magawa. Nadidismaya siya sa kaniyang sarili. Napalunok na lang siya nang yakapin siya si Anthony mula sa likuran niya.
“Mukhang wala ka na naman sa mood,” anito bagay na totoo. Naiinis siya sa sarili dahil nagkakaganoon siya ngunit hindi niya maaaring sabihin dito kay Anthony. Masasaktan ang nobyo niya. Sobrang bait nito kaya hindi niya kayang saktan.
Pumihit siya paharap dito. “I’m sorry. Napagod yata ako nang sobra sa pag-training kanina.”
“Hindi mo naman kasi kailangan pang gawin ang bagay na iyon. Magaling ka na,” anito sa kaniya saka siya bahagyang hinapit nang mahigpit. “I love you,” bulong nito saka hinalikan siya sa pisngi.
Ngumiti na lang siya rito bilang tugon.