Kabanata 4 - Ensayo
Kookie Jeon
Napabalikwas ako nang higa dahil sa maingay na gongs na tila hinahampas nang pagkalakas-lakas. Buong diwa ko yata ang nagising dahil doon.
Umupo ako sa banig na hinihigaan ko at napatingin sa pumasok. Wala nga palang kandado ang mga tolda namin kaya kahit anong oras ay puwedeng may makapasok.
Kumurap-kurap ako para makapag-adjust sa sinag ng araw na tumatama sa mga mata ko. Saka ko lang napagtanto kung sino ang nasa harap ko.
"Pinatatawag ka na sa labas,” ani Pepper. “Magsisimula na ulit ang pag-eensayo natin.”
Hinintay ko muna siyang umalis pero mukhang wala yata siyang balak na iwan ako.
Bahagyang tumaas ang kilay ko. "Paano ako makapagbibihis? Hindi ka pa ba aalis?" tanong ko. Medyo bumilis ang t***k ng puso ko pero buti na lang at napili ko nang ayos ang mga salitang sasabihin.
"Bakit?" Tinaasan niya rin ako ng kilay at nameywang. "Ano naman ang masama kung ganoon? Para namang may makikita ako riyan, at kung mayroon man ay wala akong pakialam. Bilisan mo na nga!" Tumaas ang tono ng boses niya.
"Kung ganoon, gusto mo talagang makita? Sige, hindi naman kita pagkakaitan!"
Nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya makatingin nang ayos sa 'kin at namumula na rin ang mga pisngi niya.
Ako naman ay natatawa na lang, hindi ko rin alam kung saan ko napulot ang mga salitang 'yon at kung saan ako kumuha ng lakas ng loob.
"Of course not! Aalis na ‘ko!"
Napangiti na naman ako.
Lumabas na siya ng tolda at ako naman ay nagbihis na. Bakit ngayon ko lang nalaman na may side siyang ganoon? Kung alam ko lang dati pa, e’di sana hindi na niya ako nabu-bully.
Nagsuot lang ako ng simpleng itim na damit na pinahiram nila sa 'kin. Manipis lang ito at medyo may punit sa laylayan. Parang disenyo lang din dahil pati sa may bandang leeg ko ay ganoon din ang korte. Sa pang-ibaba ko naman ay asul na pantalon na medyo maluwang.
Mas okay na rin ito para makakilos ako nang maayos. Ayoko namang magsuot ng bahag gaya nilang mga lalaki.
Paglabas ko ay nagsisimula na sila. Naglakad ako palapit sa kanila at nag-ensayo na rin.
Hindi lang kaming apat ang narito, kasama si Pan at ilang mga demigods din na gaya namin.
Nakapila kami nang isang haba at may limang hilera ito. Sa unahan namin ay isang hindi ko kilalang lalaki na tinuturo ang bawat paghampas at pagtusok ng sandata na gagamitin namin.
Nakisabay ako sa ginagawa nila kahit na medyo naiilang ako. Bago kasi sa 'kin ang maghahampas ng mga ganitong bagay kaya sa tingin ko ay mukha akong ewan sa ginagawa ko. Sino ba naman kasi ang sanay na nagwawasiwas ng mahabang espada sa buong buhay nila?
Nakita kong ganoon din si Pepper na nababagot na sa ginagawa.
"Our practice is done for the morning, mag-break na kayo."
Ganoon na ba ako katagal natulog? Sa normal na training kasi ay aabutin kami nang halos limang oras na ganoon at ganito lang ang ginagawa pero sa ngayon, ang bilis natapos.
Ni hindi ko pa nakilala kung sino ba itong nag-eensayo sa ‘min dahil bago na naman siya.
"Pepper and Kookie, please follow me," utos nito.
Nagkatinginan naman kami ni Pepper pero agad naman siyang umiwas at namula.
Nakakatawa talaga kapag ginagawa niya 'yon. Akala ko ba maton siya? Bakit parang kailan lang ay binu-bully pa niya ako na parang komportable na siya at daily routine na niya 'yon?
Sinundan namin ang lalaki kanina at nakita naming may kausap siya.
Napatingin sa 'min si Mr. Sato at nginitian kaming dalawa. Tumingin din ang lalaki pero nakasimangot lang ito. Parang lalaking bersyon ito ni Pepper.
"Pansamantala muna kayong bubuklod na dalawa sa pag-eensayo nila. Siya si Carl at siya ang magtuturo sa inyong dalawa." Tiningnan niyang muli ang lalaki na nagngangalang Carl. "Ikaw na ang bahala sa mga batang ito. Mauuna na ako dahil may kailangan pa akong asikasuhin."
Tumango lang ang lalaki matapos ay umalis na siya. Medyo hindi maganda ang pakiramdam ko sa taong 'to.
"Magsisimula ang ating pag-eensayo kaya maghanda na kayong dalawa. Hindi kayo kakain hangga't hindi ninyo nagagawa ang mga kailangan kong sabihin sa inyo."
Napatango na lang ako. Medyo kinilabutan ako sa tono ng pananalita niya. Para bang mas gugustuhin pa niyang matulog o mag-ensayong mag-isa kaysa ang turuan kami. Mukhang ayaw niya ring narito kami.
"Una sa lahat, kailangan niyong i-focus ang mga sarili ninyo sa bagay na nasa harapan. Isipin ninyong ito ang kalaban. Huwag na huwag aalisin ang atensyon dahil anumang oras ay hindi ninyo alam kung kailan sila lalabas o susugod," paliwanag ni Carl.
Wala akong ideya kung ano ang plano niya noong una pero dahil nakita ko ang mga dummy na may target ay medyo naliwanagan na ako.
"Hawakan ninyo ang sandatang ito," aniya sabay abot sa amin ng bow at arrow.
Nilagyan na namin ito at hinintay ang susunod na iuutos niya.
"Itaas ninyo ang bagay na iyan at itutok sa harap."
"Focus, tumayo nang maayos!"
Naramdaman kong nasa tabi ko lang siya kaya naman tiningnan ko agad ang nasa harapan ko. Kaya lang ay hindi ko talaga maaninaw. Sa mga ganitong pagkakataon ay kailangan ko na talaga ng salamin.
"H-Hindi ko makita, hindi ko maaninaw," sabi ko kahit medyo natatakot ako.
Bigla naman niyang hinampas ang aking yaman kaya nabitiwan ko ang arrow. Ang sakit! Bwisit!
"Good job," sabi na lang niya at umalis sa tabi ko.
Hawak ko pa rin ito dahil na rin siguro sa gulat.
Napatulala na lang si Pepper nang makita kung saan tumama ang arrow ko. Dali-dali ko namang kinuha ang binoculars sa gilid at tiningnan ang target. Sakto ito sa dibdib.
Natawa na lang ako imbis na magulat. Ganoon ba talaga ang dapat gawin para matamaan ko? Sa tingin ko ay ayaw ko na ng susunod.
Sunod naman ay si Pepper ang tinuruan niya. Hindi ko maiwasan na pagmasdan silang dalawa. Naiinis ako na hindi ko maintindihan kung ano ba talaga.
Kasalukuyang ginagabayan ni Carl si Pepper. Hawak-hawak niya ang bow at balikat ni Pepper para pareho nilang makita ang target.
Kumukulo ang dugo ko dahil sa ginagawa niya. Kung titingnan mo kasi si Carl ay hindi naman ito 'yong may edad na, parang ilang taon nga lang ang agwat naming dalawa.
Nang hindi ko na matiis na panoorin sila ay kinuha ko ang pana at sinubukang sanggahin ang pana na binitiwan ni Pepper. Pagkatapos niyon ay tiyaka ako umalis palayo sa kanila, wala na akong pakialam kung pagalitan ako.
Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko kaya naman lalayo na muna ako. Sanay na ako sa nararamdaman ko pero hindi ko pa rin maintindihan kung bakit si Pepper pa.
Pumunta na lang ako sa tent at sinubukang matulog, pero kahit ano 'ng gawin ko ay wala pa rin talaga. Kanina pa ako paikot-ikot pero hindi man lang ako dinadalaw ng antok. Puro na lang imahe ang nakikita ko sa isip ko.
Nakipagtitigan ako sa bubong nang marinig ko ang pagbukas ng tent ko. Akala ko si Pepper pero si Mr. Sato lang pala. Napatayo tuloy ako nang wala sa oras para batiin siya.
Hindi siya nagsalita o binati man lang ako pabalik. Nagderetso lang siya sa upuan na malapit sa 'kin at tiyaka ako tinitigan sa mga mata.
"Ano ang problema?"
Napakunot naman ang noo ko dahil sa tanong niya.
"W-Wala naman po akong problema. Bakit ninyo po natanong?" tanong ko.
Tinitigan pa niya ako nang maigi na parang inaalam kung nagsisinungaling ako.
"You can't lie to me no matter what," sabi niya.
Napanganga na lang ako. Alam kaya niya ang tungkol sa ginawa ko kanina? Hindi rin imposible kasi baka sinabi ni Carl sa kaniya.
"I-I'm not lying," sabi ko sabay iwas. Bakit ba ako naiilang ngayon sa kaniya? Naguguluhan na ako. Ano ba 'ng dapat kong isipin ngayon? Baka tulad siya ni Pan na nakababasa ng iniisip ng ibang tao.
"I know what's on your mind at sinasabi ko na sa 'yo na kalimutan mo na 'yan!"
Mas lalong lumalim ang kunot sa noo ko dahil sa sinabi niya. Akala ko tungkol doon sa nangyari kanina na umalis ako?
"Hindi ko maintindihan, a-ano po 'ng ibig mong sabihin?" tanong ko.
Seryoso pa rin siyang nakatingin sa 'kin pero ako naman itong kinakabahan na sa pwede niyang sabihin.
"Kalimutan mo na ang nararamdaman mo para sa kaniya."
Tuluyan na akong napatigil dahil sa sinabi niya. Iyon pala ang ibig niyang sabihin, akala ko kung ano.
Pero napaisip pa rin ako sa sinabi niya sa 'kin. Kaya ko nga ba? Hindi pa naman malalim ang nararamdaman ko sa kaniya kaya hindi na ako nag-aalala pero... bakit ganoon? Parang may mabigat na bagay na nakadagan sa dibdib ko.
Nakatulala lang ako, hindi ko na napansin na wala na si Mr. Sato sa harap ko. Ano ba 'ng dapat kong gawin? At bakit pinapakialamanan niya ang nararamdaman ko? Kasama ba ‘to sa misyon?