Kabanata 1 - Sitan
Kabanata 1 – Sitan
Nagkatinginan kami ni Pepper nang makita ang isang malaking gate na may nakasulat na Kampo Bathala. Gawa iyon sa kinakalawang na bakal na napalilibutan ng ligaw na halaman.
Nagtatangkaran ang mga puno kaya halos matakpan na nila ang langit. Nagtaasan tuloy ang mga balahibo ko dala ng hangin na humahampas sa aking balat. Isa pa itong mga kakaibang ingay na dahilan ng mabilis na t***k ng puso ko. Para iyong mga kuliglig at mga palaka.
Pareho kaming nagdadalawang-isip kung papasok ba o hindi. May oras pa naman para umatras, pero kung gagawin namin iyon ay para na naming tinalikuran ang mga kaibigan at magulang naming umaasa sa 'min.
Napagdesisyonan naming tanggapin kung ano ang naka-tadhana para sa 'min pero hindi kasi ganoon kadaling ipasok lahat ng mga nangyayari sa isang araw lang. Lalo na at hindi naman normal ang mga bagay na nakikita namin ngayon.
Sabay kaming nagpakawala ng buntong-hininga bago binuksan ang gate.
Pagpasok namin ay bumungad sa amin ang mga taong nakikipaglaban gamit ang iba't ibang uri ng mga dahas. Mga nakasuot sila ng mga helmet sa ulo na gawa sa metal. Ang tanging nakikita lamang ay ang kanilang mata at bibig. Mga nakabahag lang ang mga kalalakihan habang ang mga babae ay may pantakip pang-itaas.
Napatingin tuloy ako sa suot kong puting polo at itim na pantalon. Naka-itim din akong sapatos kumpara sa kanilang mga naka-tsinelas lang. Si Pepper ay naka-puting blouse at itim na paldang hanggang tuhod. Itim din ang sapatos niya gaya ko.
Napapapitlag ako sa tuwing nagtatama ang mga metal nilang espada. Tila gigil ang mga ito sa ginagawa at hindi natatakot na masaktan ang kaharap. Napangiwi na lang ako at nag-iwas ng tingin.
Ni isa sa mga narito ay hindi namin kilala. May ilan sa kanila ang may katandaan na. Pero lamang pa rin ang mga halos ka-edaran namin na hindi lalayo sa bente anyos.
Sinalubong kami ng isa sa mga halos ka-edaran lang namin. Maputi siya at singkit ang mga mata. Mapula ang kaniyang mga labi na may maliit na peklat. Ngumiti lang siya nang tipid sa amin bago kami iginaya sa loob nang walang sinasabi.
Medyo nag-aalinlangan kaming sumunod ni Pepper sa kaniya.
Nadaanan namin ang malawak na paligid. Puro mga kagamitan sa pag-eensayo ang mga narito tulad ng mga palakol at pana. Para kaming bumalik sa unang panahon.
Tanaw rin mula sa kinatatayuan ko ang isang bangin na kapag nahulog ka ay dagat ang iyong babagsakan. Bahagya ko pang naririnig ang pagtama ng hampas ng alon sa tabi ng bundok na kinaroroonan namin.
Pumasok kami sa isang maliit na tolda na gawa sa makapal at kulay tsokolateng tela. Ngunit hindi namin inaasahan ang unang bubungad sa amin. Isang nilalang na may mga paa ng isang... ahm... aso?
"Hindi ako aso, isa akong kabayo," sabi niya bago humarap sa amin.
Natawa na lang kami ni Pepper nang makita ang kabuoan ng lalaki. May balbas ito na kulay abo, ang itaas na parte ng katawan niya ay isang tao, ngunit ang beywang hanggang paa ay isang kabayo. Malaki ang pangangatawan niya na may walong abs. Wala kasi siyang saplot pang-itaas kaya naman kitang-kita ko iyon.
Nahiya naman ang katawan kong patpatin sa kaniya.
"Huwag kayong tumawa, masasanay rin kayo," aniya. "Ako nga pala si Pan, isa akong tao, kalahating kabayo. Isa ako sa mga mandirigma ng Kampo Bathala. Hintayin ninyo lang dito si Ginoong Sato dahil siya ang magpapaliwanag sa inyo ng lahat."
Matapos n’on ay iniwan na niya kaming dalawa, ni hindi hinintay ang sagot sa sinabi niya. Hindi tuloy namin alam kung ano ang gagawin dito sa loob. Malay ba namin kung gaano sila katagal.
Nagkatinginan kami ni Pepper at sabay ring umiwas. Hindi naman kasi kami close. Mas okay na ako kapag binu-bully niya pero kapag ganitong tahimik siya ay sobrang naiilang ako. Pero ano pa ba ang aasahan ko? Hindi naman talaga maganda ang trato namin sa isa't isa.
Umupo ako sa isang tabi habang siya naman ay nilibot ang buong tolda.
May mga armas din dito gaya nang nakita namin sa labas. Ngunit mukhang mas kumpleto ang mga kagamitan dito sa loob.
Mayroong mga sibat, pana at palakol. May mga paso rin ditong may mga simbolong naka-ukit, nagkaka-iba-iba depende sa laki ng mga iyon. Kakaiba rin ang disenyo ng tent dahil may mga simbolong naka-ukit din sa makapal na tela gaya ng sa mga paso.
Habang nagtitingin-tingin ako sa paligid ay nahagip ng mga mata ko si Pepper. Hawak niya ang isang mahabang espada at kinikilatis ito.
Ngayon ko lang siya nakita nang malapitan dahil sa tuwing lalapit siya ay sisigawan niya agad ako. Ako naman itong aalis dahil sa takot ko sa kaniya.
Ngayon ko lang nalaman na ang ganda pala niya lalo na kung seryoso ang mukha. Kahit na medyo nakakunot ang noo niya ay hindi naman iyon naging kabawasan.
Bakit kaya ang sungit niya? Matagal ko ng tanong iyon pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang sagot. May pinagdadaanan kaya siya kaya ganito?
Hindi lang naman kasi ako ang binu-bully niya. Pati ang ilan sa mga kaklase ko ay biktima rin. Gusto ko talagang malaman kung ano ang dahilan dahil sa pagkaka-alam ko ay may dinadalang pasanin ang mga gaya niya.
Tumuntong siya sa isang silya para ibalik ang espada ngunit nawalan siya ng balanse. At sa isang iglap ay nasa mga bisig ko na siya.
Ang bilis ng pangyayari. Hindi ko na alam ang sunod na gagawin. Nagkatitigan na lang kaming dalawa pero hindi pa rin kami nagbibitiw. Muntik pa nga niya akong matusok ng espadang hawak pa rin niya.
"Ehem!"
Nabitiwan ko siya at agad na tumayo nang tuwid nang dumating si Pan. Narinig ko tuloy ang pagdaing ni Pepper sa tabi ko.
"Sorry," sabi ko.
Tinulungan ko siyang tumayo bago muling tiningnan si Pan na kapapasok lang sa tent.
"Iniwan ko lang kayo, may ginagawa na kayo agad na hindi maganda," komento niya.
"H-Hindi gano'n iyon!" Sinubukan naming magdahilan pero hindi niya na kami hinayaan.
"Ah! Whatever!"
Hindi ko maiwasang hindi mapailing dahil para siyang babae kung makaasta. May pagwasiwas pa kasi siya sa kaniyang hintuturo habang nagsasalita.
"Nandito na pala siya," sabi niya.
Sabay-sabay kaming napalingon sa isang lalaking pumasok. Nagkatinginan pa kami ni Pepper nang mapagtanto kung sino ang bagong dating.
Ano ang ginagawa niya rito?
"Mr. Sevirous?" sabay naming tanong ni Pepper.
Sino ba kasi ang hindi makakakilala sa kaniya? Isa siyang sikat na mamamahayag. Pati mga batang gaya namin ay hinahangaan siya. Hindi kami makapaniwalang may alam siya tungkol sa mga diyos at diyosa. O baka naman gaya rin namin siyang anak ng isang diyos?
Nakasakay siya sa kaniyang wheel chair na siya rin mismo ang nagtutulak. May katabaan siyang lalaki, bilugan ang mga mata, matangos ang maliit na ilong at kulay itim ang balbas niyang natatakpan ang kaniyang bibig.
"Nandito na pala kayo, Kookie." Tiningnan niya ako. "Pepper." Ibinaling naman niya ang tingin sa katabi ko. "Siguro naman ay kilala niyo na ang isa't isa?" tanong niya sa 'min. Malalim ang kaniyang boses at seryoso ang mga tingin, taliwas sa mga napapanood namin sa telebisyon.
Nagkatinginan kami ni Pepper ngunit ni isa sa amin ay hindi sumagot ni ang tumango.
"Hindi tadhana ang nagtagpo sa ating tatlo. Matagal ko na kayong binabantayan at pinoprotektahan," aniya sabay tulak sa wheel chair niya palapit sa 'min.
"Ano ang ginagawa namin dito? At ano 'yong mga kakaibang nangyari sa 'min nitong mga nakaraang araw?" sunod-sunod na tanong ko.
"Kookie at Pepper, sumunod kayo sa 'kin," utos niya imbis na sagutin ang mga tanong ko.
Kahit na ang dami kong mga tanong sa isip ay hindi ko na pinagpilitan pa. Mukha namang sasagutin niya rin. Masyado lang akong sabik na malaman agad kung ano ang dapat naming malaman.
Lumabas si Mr. Sevirous sa tolda kaya sumunod kami ni Pepper. Hindi na sumama pa sa amin si Pan at nagpaiwan na lang sa loob.
Naglakad kami sa isang damuhan malapit sa tolda. Maya't maya ang ginawa kong paghawi sa mga sangang tumatama sa mukha ko. Sinisipa ko rin ang ilang mga kahoy at batong naaapakan ko.
May mga tao rin ditong nakatingin sa amin pero nagpatuloy lang sa ginagawa nilang pag-eensayo. Nilagpasan lang namin sila hanggang sa makarating kami sa dapat puntahan.
Tanaw mula rito ang malawak na karagatan. Iba't iba ang laki ng mga batong nakita namin mula rito. Papalubog na rin ang araw kaya napabuntong-hininga ako.
Pinakakalma talaga ng tanawin ng araw at karagatan ang loob ko. Lalo na ang kulay Kahel na kalangitan na humahalo sa kulay Asul na karagatan.
Naupo kami sa isang bato habang nakatanaw sa papalubog na araw. Magkatabi kami ni Pepper habang si Mr. Sevirous naman ay nasa harapan namin.
Doon, ipinaliwanag niya sa 'min ang lahat. Ang mga bagay na dapat noon pa lang ay alam na namin. Ang mga bagay na magmula ngayon ay magbabago na sa mga buhay namin. At hindi ko alam kung ano ang pasya ko.
Tatanggapin ko ba ang itinadhana, o aatras? Pero sa tingin ko ay hindi na pagpipilian pa ang tumakas. Dahil sa oras na tumakas ako, kami, wala na kaming babalikan. Wala na ang mundong kinagisnan namin. Wala na ang mundong pinapangarap namin. Ang tanging madadatnan na lamang namin ay ang pagkawasak.
Ang pagkawasak na gawa ni Sitan, ang pinuno ng kasamaan.