Kabanata 11 - Face it
"Sino sila? Kailangan ninyo na silang bihagin! Baka makasakit pa sila ng kung sino sa 'tin!" sigaw ng isa sa mga taong nakikisiksik sa pinagkakaguluhan.
"Tama! Baka mga kampon 'yan n'ong lalaking nagdala ng halimaw sa baryo natin!" sigaw pa ng isa na may hawak na kalaykay.
Napadilat nang kaunti si Pepper dahil sa ingay na naririnig. Hindi pa sapat ang tulog niya kaya naiirita na siya sa umiistorbo sa kaniya!
Sisigaw na dapat siya sa mga ito ngunit napatigil siya nang makita ang mga taong nakapalibot sa kanilang walo. Niyugyog niya agad ang katabing hindi namamalayang si Kookie na pala.
"What? Natutulog pa 'ko, Pepper! Mamaya ka na manlambing!" May halong pang-aasar ang tono ng boses ng binata.
Saka lang na-realize ni Pepper na si Kookie pala ang katabi. Umakyat ang dugo sa ulo niya nang maramdaman ang kamay nitong gumagapang sa beywang niya. Itinaas agad ni Pepper ang kamay sabay landing sa mukha ni Kookie dahilan upang mapabalikwas ito ng bangon.
"Pervert! Ano'ng ginagawa mo sa tabi ko? Ha? Sa pagkakaalam ko si Chanel ang katabi ko kagabi!" sigaw ni Pepper, tila nakalimutan ang mga taong nanonood sa kanila dahil sa nangyari.
Napapakamot naman si Kookie sa batok niya at asar na tinapunan ng tingin si Pepper. Naiinis din siya dahil sa paggising nito. Pare-pareho lang sila na walang masyadong tulog.
"Pwede ba! Mamaya ka na mangulit kasi inaantok pa 'ko! Ano'ng oras sa tingin mo tayo nakatulog na ha?" sigaw pabalik ng binata.
Narinig nila ang pagngitngit ni Skip dahil sa ingay kaya napadilat na rin siya. Literal na nanlaki ang mga mata niya nang makita ang mga taong nakatingin sa kanila kanina pa.
"Sino kayo? Ano ang ginagawa ninyo rito? Umalis na kayo kung manggugulo lang kayo! Problema na nga namin ang halimaw, dadagdag pa kayo!" sigaw ng isang mamamayan ng baryo. Nagsisigaw na rin ang iba at pinaaalis sila.
"Sandali nga! Huminahon kayo, pwede? Nandito na nga kami para tulungan kayo sa halimaw na 'yon, pagtulog na lang namin iniistorbo ninyo pa. Bwisit!" sigaw naman ni V.
Tumayo siya at padabog na umalis. Dahil sa masamang aura niya ay automatikong nahati ang mga tao sa gitna at hinayaan siyang umalis. Siguro upang maghanap ng lugar kung saan makatutulog siya nang maayos at payapa.
"S-Sino ba kayo? Ililigtas? Imposible mangyari 'yon! Mahirap talunin ang halimaw, a-ang laki niya at kontrolado niya kahit na ang mga buhangin dito sa disyerto!" kabadong sabi ng lalaki.
"Sino ang may sabi? Oo, alam namin kung gaano kabangis at katapang 'yon pero hindi natin malalaman kung matatalo ba natin o hindi, kung hindi natin lalabanan, 'di ba?" sabi ni Kookie.
Napatango na lang sina Pepper sa sinabi nito.
"Paano naman namin masisigurado kung ipinadala kayo ng mabuti o ng masama rito?" tanong ng isa sa kanila.
"Kami ay mga anak ng diyos..." Hindi na natapos ni Spice ang pagsasalita nang umilaw ang mga bracelet sa kamay nilang apat kasabay nang paglabas ng kanilang mga tagapagtanggol.
Kinukusot pa nila ang kanilang mga mata dahil sa kagigising lang nila.
"Magandang umaga, Pepper, Spice, Kookie, Chanel and Skip." Tiningnan niya isa-isa ang mga ito bago napatingin si Taka sa mga taong nasa harap nila na gulat sa mga nasaksihan. "At sa inyo rin, ako nga pala si Taka, ang isa sa mga tagapagtanggol ni Fou. Nagagalak akong makilala kayo," sabi nito sabay yuko.
Ganoon din ang ginawa ng dalawa na sina Nakago at Tatara.
"Sino naman sila... at... bakit sumulpot na lang sila bigla?" Hindi pa rin maalis ang takot sa mga mata nila ngunit nakaya naman nilang magtanong.
Nagpakilala sila isa-isa at saka ikinuwento sa kanila ang pakay nila sa baryo. Na nais nilang mapuksa ang halimaw upang tulungan sila.
"Natutuwa ako dahil pagkatapos ng ilang taon na paninirahan namin dito ay may dumating upang iligtas kami. Marami ang umalis at nilisan ang baryo dahil sa takot! Kami lang ang nanatili dahil ayaw naming iwan ang lugar na kinalakihan namin. Sinusuklam namin ang halimaw na 'yon!" galit na turan ni Mike, isa sa mga batang nakatira dito. Siya ang anak ni Mang Jose, ang kapitan ng baryo at ang namamahala rito.
"Kung ganoon, umalis sila dahil sa halimaw na 'yon? Dapat siya ang umalis hindi ang mga taong nakatira dito matagal na!" galit na komento ni Taka.
Naalala niya kasi ang halimaw na pumuksa sa mga magulang niya noong tao pa lang siya. Hinding-hindi niya iyon makalilimutan!
"Kailangan muna natin maghanda bago sumugod. Hindi natin alam kung ano ang puwede at kayang gawin ng halimaw na 'yon!" sigaw ni Chanel. Ngayon lang siya naka-recover at ngayon ay gising na gising na siya.
"Balita namin bumyahe pa kayo mula sa malayong lugar. Tulog ngayon ang halimaw. Nais naming maghanda ng salo-salo dahil sa pagdating ninyo!" maligayang sabi ni Mang Jose.
Lumawak naman ang mga ngiti ni Chanel nang makarinig ng pagkain. "Really? We love to have a party! 'Di ba, guys? Tara na!" sigaw nito.
Napailing na lang sila dahil sa sinabi ni Chanel.
"Teka lang! Nasaan si Tomite at si V? Kanina ko pa pala sila hindi napapansin. Saan ba nagsuot ang dalawang 'yon?" tanong ni Nakago sa kanila.
"Nag-walk out. Ang ingay kasi kanina kaya hindi ko na alam kung saan na nagsuot 'yon," sagot ni Kookie sa pamilyar niya.
Napatango na lang ito at hindi na pinansin. Tiyak na kaya na niya ang sarili. Hindi na sila nag-aalala. Halata mo naman ang ilangan sa pagitan nina Pepper at Taka dahil sa nangyari sa gubat kahapon lang. Magpapakasaya na lang muna sila ngayon!
Habang nagkakasiyahan ang lahat ay nakahiga si V sa ilalim ng puno at nagpapahinga. Nakaupo lang si Tomite sa tabi nito at naghahagis ng bato sa tubig. Binabantayan niya si V na mahimbing na natutulog dahil tiyak na pagod ito sa binyahe nila.
Pagkahagis ni Tomite ng panibagong bato ay bigla na lamang yumanig. Hindi ito ganoon kalakas pero sapat lang para maramdaman niya pati na rin nina Kookie na napatigil sa pagsasaya. Pinatigil niya si Nakago sa tabi niya at medyo lumayo sa iba.
Pinakiramdaman nila ang yumayanig at palakas ito nang palakas kaya dali agad ginising ni Tomite si V sa mahimbing na pagkakatulog.
Si Kookie naman ay agad pinatigil ang mga ingay ng iba. Tumakbo sina V at Tomite papuntang baryo, nagkatinginan lang sila at alam na agad ang gusto nitong sabihin.
"Sa tingin ko ay iyon na ang halimaw. Walang gagawa ng kung anong ingay at hintayin nating mawala ang pagyanig!" utos ni Skip sa iba.
Hindi na sila umalis sa mga kinatatayuan nila at pinakinggan ang pagyanig. Hindi pa rin ito tumitigil. Ilang sandali pa ay may malakas na pagsabog ang nangyari sa hindi kalayuan sa baryo.
Isang malakas at dumadagundong na tunog ng halimaw ang narinig nila. Kita mula rito ang halimaw na halata mong nagwawala. Kaya naman may mga ilang tao ang sumigaw dahilan upang mapatingin ang halimaw sa gawi nila.
Lalong lumakas ang tunog na nanggagaling sa halimaw. Malalim ang boses nito na tila galing pa sa ilalim ng hukay.
Nagsitakbuhan na ang mga tao sa malapit na ilog kung saan natulog si V kanina.
"Dito lang kayo at walang aalis, tiyakin ninyo na nandito ang lahat, naiintindihan niyo?" tanong ni Skip sa mga tao. Humarap siya kina Kookie sabay sabing, "Maghanda kayo. Ngayon natin haharapin ang halimaw na 'yan! Hindi natin siya aatrasan!"
Tumango naman ang lahat at nagtungo ulit sa baryo. Kahit na naiilang si Pepper ay nilapitan pa rin niya si Taka.
"Magiging okay lang ba tayo?" tanong nito pero bago pa makasagot si Taka ay isang malaking bato ang nakita nila sa himpapawid na tatama sa baryo.
Hinila na ng mga warriors ang mga kinatawan habang si Skip naman ay si Chanel ang hinatak. Malakas ang naging impact nito kaya isang malaking bilog sa lupa ang nagawa nito. Sira na rin ang ilang bahagi ng baryo at tanaw ito nina Mang Jose.
Hindi pa sila masyadong nakaka-recover nang isang bato na naman ang lumipad sa ere. Tumakbo silang lahat hanggang sa nagkahiwa-hiwalay. Takbo sila nang takbo upang malito nila ang halimaw.
Wala itong mata pero may bibig, puro din ito buhangin. Ang Desert Monster. May taas na higit pa sa dalawang palapag ng bahay. May kamay at paa ngunit walang mga daliri.
Ang sinundan ng halimaw ay si Pepper na nag-iisa. Dahil sa taranta ni Pepper habang tumatakbo ay nadapa ito. Palapit na nang palapit ang halimaw sa kaniya at saka lang napansin ng iba na nasa panganib ang dalaga. Itinaas ng higante ang kamay niya upang suntukin si Pepper.
Wala nang nagawa ito kung hindi ang pumikit. Tumakbo na rin si Kookie upang iligtas si Pepper. Pero napatakip na lang siya ng mata dahil sa mga buhangin na tumama sa mata niya.
Nasuntok na ng higante si Pepper at halos sinlalim din ng isang habang ruler ang lalim nito.
"Pepper!" sigaw ni Kookie.
Tumakbo siya upang iligtas si Pepper pero nakita rin siya ng halimaw at ibinaling ang pagsuntok kay Kookie. Napasigaw ang iba sa nasaksihan. Hindi nila alam kung ano ang gagawin.
Bigla na lamang nagwala ang halimaw sa hindi malamang dahilan. Parang may ibinubugaw itong kung ano sa harap niya.
"Chanel! Ano'ng ginagawa mo?" pasigaw na tanong ni Skip sa kaniya.
Ginagamitan ni Chanel ang halimaw ng kaniyang kapangyarihan. Gamit ang hangin ay kinokontrol niya ang mga dahon upang malito ang halimaw.
"Bilis! Hanapin ninyo sina Kookie at Pepper habang nadi-distract pa ang halimaw!" utos ni Chanel.
Tumakbo agad si Spice sa kanila na sinundan naman ni V. Nanatili si Skip sa tabi ni Chanel upang tiyakin ang kaligtasan nito.
Hinanap at tinawag na nila sina Kookie at Pepper pero wala pa rin silang naririnig na mga tono ng boses nila.
Naiiyak na rin si Spice. Hindi niya alam kung ano ang pwedeng mangyari sa kanila dahil pati ang mga pamilyar nina Pepper ay wala na rin dito. Pwedeng naglaho silang bigla at hindi na sila makababalik.