Kabanata 9 - Capture
Mabilis na tumayo ang dalawa at nagtungo sa opisina nina Mr. Sato. Nandoon na rin ang lahat at hinihintay ang balita mula sa kanila.
"Huwag kayong magugulat sa aking ibabalita, malapit na ang kumuha ng gem sa secret Portal!"
Bumakas ang takot sa kanilang mga mukha. Hindi nila alam kung ano 'ng gagawin at ire-react sa balitang narinig nila.
"P-Pero, sino naman ang gagawa niyon?" tanong ni Pan. Pati ang iba sa kanila ay naghihintay ng kasagutan.
"Sino sa tingin ninyo ang nawawala rito? Hindi ko na kailangan sabihin pa sa inyo," sabi nito sabay alis. Hindi niya alam ang gagawin kung paano mapabibilis ang pagpunta sa Portal.
Ang secret Portal ang pinakamalapit na Portal sa Kampo at nananatili itong nakabukas. Kung pupuntahan nila ito ngayon ay malabong maabutan nila ang kumuha.
Napahagip ang mata ng lahat sa taong bigla na lamang nawala. Nakita nila ang usok sa paligid kung saan nakatayo kanina si Alexis. Mukhang alam na nila kung sino ang kumuha nito!
KASALUKUYAN SIYANG TUMATAKBO papunta sa kinaroroonan ng Portal. Hindi na siya lumingon pa sa likuran upang makita kung may sumusunod sa kaniya. Alam na nitong kilala na nila kung sino ang kumuha ng gem.
Isang kilometro na lamang ang layo nito nang biglang may kamao ang tumama sa mukha niya.
"Argh!" angil nito. Napahawak na lamang siya sa gilid ng labi niya na dumudugo na at tiningnan ang gumawa niyon. Tila nagitla siya sa hindi inaasahang panauhin!
"Ano ba 'ng ginagawa mo, Alex? Hindi ako makapaniwalang magagawa mong kunin ang gem!" bulalas ni Alexis sa kambal.
Tumayo lang si Alex sa pagkakahiga at tiningnan ang kambal nang blanko.
Nairita naman si Alexis sa inaasta ng kakambal. "Hindi mo alam kung ano 'ng mangyayari kung dadalin mo 'yan kay Sitan!" bulalas ni Alexis pero nagulat siya nang bigla siya nitong sugurin at sipain sa tiyan!
Napaubo si Alexis at napaupo. Hindi na niya kilala ang kambal! Hindi siya ang kapatid nito. May ibang nilalang ang sumasapi ngayon kay Alex.
"Hindi ko kailangan ng opinyon mo! Umalis ka sa dinaraanan ko," sigaw nito at saka tumakbong muli.
Tumayo si Alexis upang pigilan ang kambal. Hinawakan niya ang paa nito pero muli itong sinipa ng lalaki sa mukha.
"Tama na! 'Wag mong saktan ang kapatid ko!" sigaw ni Alex.
Napatingin si Alexis sa binata pero blanko pa rin ang mga tingin nito sa kaniya.
"Tumigil ka! Uunahin muna kita bago ko patayin ang kambal mo!" muli nitong sigaw.
Tama nga si Alexis. May masamang nilalang ang sumanib sa kaniyang kakambal!
Muling tumakbo si Alex pero this time, niyakap na siya ni Alexis sa beywang. Pansin ni Alexis ang pagkatigil nito sa pagtakbo. Ngunit sadyang malakas ang pwersa ng nilalang na sumanib sa kaniya. Tumilapon siya at tumama ang likod sa puno!
Naiiyak na napaupo si Alexis. Hindi niya maisip na nasasaktan siya dahil sa kaniyang kapatid!
Nangako silang dalawa na ang isa't isa lamang ang pagkakatiwalaan nila ngunit mukhang malabo itong mangyari! Sa ngayon, hindi alam ni Alexis kung paano makaaalis sa sitwasyon. Hindi niya naisip na magiging ganito silang magkapatid, hindi niya inaakalang magkakaharap sila sa ganitong sitwasyon!
"P-Please, Kuya! Lumaban ka, ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo?" sigaw ni Alexis. Naiiyak na siya sa mga salitang sinasabi niya pero mas nalulungkot siya dahil sa kambal niya.
Wala pa ring makikitang emosyon sa mga mata ni Alex. Nakatingin lamang ito sa dalaga na nakaupo at nakayuko.
"Nakalimutan mo na ba? Tayong dalawa lang ang magiging magkaramay? Tayo lang ang magiging magkakampi kahit anong mangyari! Ang sabi mo, nandiyan ka lagi sa tabi ko kapag nalulungkot ako. Ikaw ang gaganti sa mga mananakit sa 'kin. Ano ba 'ng nangyayari sa mga sinabi mong 'yon? May nanakit sa 'kin! Paano mo ko ipaghihiganti lalo na kung ikaw mismo ang nanakit sa 'kin?" Tuluyan na siyang napahagulgol sa sinabi.
Halata naman ang pagiging malambot ng ekspresyon ng binata dahil sa nasaksihan.
Unti-unti itong lumapit kay Alexis, lumuhod sa harap nito upang magkapantay na sila. Niyakap niya ito na para bang ngayon lang sila nagkitang muli matapos ang mahabang panahon!
Dahil na rin kasi sa misyon na naiatas sa kanila ay nawalan na sila ng oras sa isa't isa. Parang may kung anong nabunot sa kanilang dibdib nang magkayakap silang dalawa.
Nasa ganoong posisyon sila nang biglang dumating ang iba pa. Parang nagising bigla si Alex at muling bumalik na naman ang blankong ekspresyon sa kaniyang mukha. Lumayo si Alex kay Alexis habang nakatingin sa mga bagong dating.
"Kuya! Please, sumuko ka na, labanan mo 'yang nilalang na 'yan!" sigaw ni Alexis ngunit tumalikod na ito bigla at tumakbo.
"Habulin niyo siya! Huwag ninyong hahayaan na makalapit siya sa Portal... at 'wag na 'wag niyo siyang sasaktan," utos ni Mr. Sato.
Nakatingin lang si Alexis sa likod ng kaniyang kapatid na tumatakbo. Nawawalan siya ng pag-asa lalo na at kakambal niya iyon. Isa lamang ang nasa isip niya, wala sanang mangyaring masama sa kaniya.
"Ihahatid na kita pabalik sa cabin. Kailangan mo magpahinga at para na rin magamot itong mga sugat na natamo mo," kalmadong sabi ni Steve sa dalaga sabay hawak sa braso.
Agad siya nitong pinigilan. "Dalhin mo ako sa Portal. Gusto kong makita si Kuya. Pipilitin ko siyang huwag ituloy ang balak niya," sabi nito. Nagsusumamo na ang mukha ng dalaga kaya naman wala nang nagawa si Steve kung hindi ang isama ito.
Naabutan nila ang lahat na nakikipaglaban kay Alex pero tinitiyak nilang hindi ito masyadong masasaktan. Parang gustong mag-break down ng katawan ni Alexis nang makita ang kapatid na may mga sugat na sa katawan. Lumalaban pa rin ito kahit na marami ang nakapalibot sa kaniya.
Bigla namang nagkaroon ng malakas na pagsabog, dahilan upang mapatigil ang lahat. Walang tinamaan at halatang sinadya iyon para mapatigil ang lahat.
Nang hindi na malaman ni Alex ang gagawin ay hinatak niya si Alexis na pinipilit lumapit sa kaniya. Akala ni Alexis ay nakabalik na ang kapatid niya ngunit nagkamali siya!
"Tumigil kayong lahat! Kung hindi papatayin ko siya."
Napatigil ang lahat. Walang kumilos at ang tanging nagawa lamang ay panoorin ang kambal.
Nakatutok sa leeg ni Alexis ang isang kutsilyo. Bakas na rin sa mukha ng iba ang takot sa puwedeng gawin ni Alex. Wala ito sa wisyo! Maaaring gawin niya ang nasa isip nila. Pati si Alexis ay natatakot na rin sa inaasta ng kapatid ngunit napatigil ang lahat.
Napasinghap sina Pepper at Spice sa nasaksihan. Naramdaman ni Alexis ang pagluwag ng kapit ni Alex sa kaniya kaya dahan-dahan itong humarap sa kaniya.
Halos tumigil ang pagtakbo ng isip niya! Tanging pagtibok na lamang ng puso niya ang naririnig pati na rin ang pagbigkas ni Alex ng pangalan niya.
"K-Kuya... ano'ng ginawa mo?" tanong nito. Lumapit siya sa nakaluhod na binata at saka niyakap. Doon na niya na-realize kung ano 'ng nangyayari.
"Kuya!" sigaw nito.
Nakatahimik pa rin ang iba at nakatingin lamang sa kanilang dalawa. Nakayuko halos lahat ng miyembro ng Army at hindi napigilan ni Spice ang mapaiyak sa nasaksihan!
Upang mailigtas sa kapahamakan si Alexis, sinaksak niya ang sarili nang makahanap ng pagkakataon. Hindi nila inaasahan ang ginawa nito. Hindi sila makapaniwala na magagawa niya ito sa sarili. Pero naintindihan nila dahil nais lamang niyang mailigtas ang kakambal.
"A-Alexis. Mahal kita, Bal..." Tanging nasabi na lamang ni Alex bago malagutan ng hininga. Niyakap ni Alexis ang unti-unting lumalamig na bangkay ng kapatid.
Nagiging abo na ang kamay nito at hindi magtatagal ay pati buong katawan niya ay magiging abo na lamang habang-buhay.
Bal, tawag ito ni Alex kay Alexis nang mga bata pa lamang sila. Ngunit dahil malaki na sila ay hindi na niya ulit ito tinawag na ganoon.
At ngayon, magiging alaala na lamang ni Alexis ito.