"Ano Pre, surrender kana ba?"
Walang imik na dinampot ni Moises ang bote ng red horse saka tumungga ng sunod sunod. Napaisip sya ng malalim sa tanong ni Nelson..
"Haayy.." Napadighay pa sya ng maubos nyang isang bote ng beer. Akala kasi nya okay ng lahat sa kanila ni Edna, na plantsado ng diskarte nya, na close na silang dalawa.. Pero hindi pa rin pala, kasi bumalik na naman ang pagka masungit nito sa kanya. Ni hindi na nga sya nito napapansin na tila ba hindi na sya nag e exist sa buhay nito. Kaya wala na syang choice kundi dumistansya na muna sa dalaga.
"Ito lang mapapayo ko sa'yo ngayon Pre, ha! makinig kang mabuti at baka kahit papano mamulat at maliwanagan ka kahit konti."
Napaayos sya ng upo, inabot ang yosi sa ashtray saka bahagyang tinanguan si Nelson. "Sige, baka nga luminaw 'tong naaagiw kong utak! Makapag isip ako ng tamang gawin dito sa kahibangan ko sa kanya."
"Ganito kasi yun, Pre! Minsan kailangan nating dumistansya. Hindi para malaman ng iba yung kahalagahan natin kapag tayo ay nawala. Hindi din dahil gusto mo siyang bigyan ng panahon na makapag-isip at huminga. Lalong hindi para piliting kalimutan siya. Minsan kailangan lang nating dumistansya para magkaroon tayo ng oras sa sarili natin. Sa sobra kasing pagmamahal na binibigay natin sa ibang tao, hindi na natin napapansin na wala na pala tayong natitirang pagmamahal sa sarili natin. Minsan mas kailangan pala nating pagtuunan ng pansin yung pagpapahalaga sa sarili. Madami ka ngang taong minamahal at pinapasaya pero sino ba ang mga taong nagmamahal at nagpapasaya sayo? Inuubos mo yung panahon mo sa taong hindi ka naman napapahalagahan. Ang unfair diba? Kaya minsan, hindi mo kailangang hintayin na magbago siya at mahalin ka din niya. Minsan, kailangan lang nating matutunan na mahalin muna ang sarili natin bago tayo magmahal ng iba. Para kung sakaling masugatan ka sa proseso ng pag-ibig, masasaktan ka lang pero hindi ka magigiba."
May punto ang kanyang kaibigan.. Nasapul pa nga sya sa mga sinabi nito.. Medyo masakit pero yun ang katotohanan puro na lang kasi sya Edna, ni wala na nga syang pagpapahalaga sa kanyang sarili. Wala eh! Matindi talaga ang tama nya sa dalaga, ito ang dahilan kaya nagkandaleche leche ang buhay nya.. Ang dating tahimik nyang mundo naging magulo o mas tamang sabihin na.. Nagkabali baliktad ang dating maayos nyang buhay dahil kay Edna...
"Simple lang naman ang kaligayahan ko Pre, eh! yung makapiling ko sya ay abot hanggang langit ng saya ko, na kahit anupang pagsubok ang dumating kakayanin ko. Diko kailangan ang anumang yaman dito sa mundo, sya lang ay sapat ng kaligayahan ko, pagsisilbihan ko sya sa abot ng makakaya ko, diko hinihiling na tumbasan nya ito. Ang madama ko lang ang pagmamahal nya kontento na ako, dahil sya ang bumuo ng mga pangarap ko, ang tanging babaeng sinasamba ko, at siyang lahat sa buhay ko."
"Puta! Ganun kalalim ang pagkahumaling mo kay Didi?" Napapalatak pang tanong ni Nelson kay Moises na nagbubukas na naman ng bote ng red horse.
"Sya ang una't huling mamahalin ko, Pre! mabigo't masaktan man ako, diko pagsisisihang minsan sa buhay ko, may minahal ako ng tunay at totoo." Tiimbagang sagot nya sa kumpareng pailing iling na lang sa mga sinasabi nya.
"Lahat ng pakiramdam nadudugtungan ng ‘mas’.. dahil sa kanya.. mas masaya, mas masarap, mas kapanapanabik, at higit sa lahat, mas malungkot at mas masakit ang mga nararanasan ko sa buhay." Malungkot syang napangiti ng maalala ang magandang mukha ni Edna. "Sa palagay mo, Pre? Kaya ba talagang pangunahan ng isip ang puso at damdamin? Kasi, kung kaya nga ng isip, baka sakaling kahit konti lang, maibsan rin itong sakit at kalungkutan kong dinaranas ngayon."
Tinapik tapik ni Nelson sa balikat ang kumpareng namumungay ng mga mata dahil sa kalasingan.
"Itong Isipin mo!.. higit sa pitong bilyong tao na ang meron sa mundo, pero pinagpipilitan mo pa rin ang sarili mo sa babaeng 'di ka naman gusto. Patuloy ka pa ring naghahabol kahit nagmumukha ka ng gago. Ang sakit no, Pre? Pero ginusto mo. Kaya, sige, susuportahan kita dyan! Nasa likuran mo lang ako, para itulak ka kung kinakailangan .. At para pigilan ka kapag durog kana't nasasaktan."
Nabaghan si Nelson ng makitang bahagyang pagkusot ni Moises sa mga mata nito. Alam nyang umiiyak ito, pero magkaganun pa man wala syang karapatan para sabihing mahina ito. At mas lalong wala sya sa posisyon para husgahan ang kanyang kaibigan. Nagmamahal din kasi sya, pero hindi sya katulad ni Moises na buwis buhay kapag umibig.. Kaya sa totoo lang.. mas lalo pa nya itong hinangaan, marami syang kaibigan na nasaksihan ang buhay pag ibig, pero bukod tangi sa lahat itong kumpare nya na masasabi nyang.. Nag iisa lang ito sa mundo.
"Ahm.. Pre! Nakwento pala ni Cecile sakin na nasabihan ka daw ni Edna na torpe ka!" Iniba ni Nelson ang usapan. Nakonsensya kasi sya sa mga huling nasabi nya dito.
"Masakit masabihan ng torpe, aminin mo, lalo na kapag alam mo namang sa sarili mong ginagawa mo ang lahat para lang mapansin ka niya’t makausap. Lalong tagos ‘yung sakit kapag ang nagsabi pa sa’yo eh ‘yung mismong taong gusto mo. Nung gabi yata na umulan ng kalungkutan eh hindi ka nakapayong at nasalo mo lahat ‘yon nang marinig mo sa mismong taong gusto mo na torpe ka. Torpe ka sa lahat ng nakilala niya."
Napahilamos ng mukha si Moises, bahagya pang natawa ng maalala ang pangyayaring yun.
"Haha.. Dyahe! Feeling ko nga nung araw na yun eh! Lumubog ako sa lupa dahil sa pagkapahiya ko ng araw na yun... Woohh! pasaway kasi itong puso ko." Tinapik tapik pa ni Moises ang dibdib.
"Hindi lang naman ikaw ang nakaranas nun, ako nga ilang beses ng nasabihan ng torpe eh! Pero alam mo, hindi pa naman siguro huli ang lahat. Hawak natin ang pagkakataon para baguhin ang maling impression ng kababaehan satin."
"Tama! May punto ka naman dyan Pre! Pero sa tingin mo Pre, malaki pang chansa kong makabawi?" Nakangiwing tanong pa nya kay Nelson.
"Syempre naman Pre, hindi naman niya sinabing itigil mo na kung ano ang ginagawa mo. Hindi rin naman niya sinabing nakakainis ka at wala kang kwenta. At lalong-lalo na hindi rin naman niya sinabing wala kang pag-asa sa kanya. Ang sabi lang niya, torpe ka. Baka ang ibig sabihin niya sa pagsabing ‘yon eh, "Galing-galingan mo naman, Moises! Hit me with your best shot. Ganun!" Kumindat pang loko sa kanya.
Tuluyan ng napangiti si Moises.. Gumaan ang pakiramdam nya sa sinabi ni Nelson... at higit sa lahat bumalik ang kumpyansa nya sa kanyang sarili.
"Heto, payong kaibigan lang. Kapag naramdaman mo na ang pagod sa paghihintay, pahinga ka muna. Kung gusto mo siya, tutuloy ka, kasi may paraan. Kung ayaw mo, mas marami ka lang mga dahilan kaysa sa paraan. Oh, ano Pre? Nakatulong bang mga advice ko sayo ha?"
Napa thumbs up pa sya sa kaibigan para dina ito mag alala pa sa kanya.
"Aprub na aprub sakin Pre, galing mo nga magpayo eh! Tagos na tagos di lang sa puso kundi pati na rin sa baga ko! Hahaha.."
Nagbukas pa ng dalawang bote ng red horse si Nelson, inabot sa kanya ang isa sabay pa silang nagsabi ng...
"CHEERS!..."
Sa kabila ng mga sekreto at mga dahilan..
Ako lang ang may alam ng katotohanan.
Minsan Komplikado,
Minsan Masaya,
Minsan Malungkot.
May mga bagay na hindi ko masabi
kaya itatago at inililihim ko na lang.
Kasi....
'Ako yung taong nakangiti kahit nahihirapan na
Nangungulit kahit na may problema
Tumatawa kahit nasasaktan na
Akala tuloy nila lagi akong masaya
Ganito lang ako, pero umiiyak din ako pag diko na kaya.'
?MahikaNiAyana