Naiinis man si Joyce sa lalaki, nakangiti pa rin siyang lumabas sa opisina nito. Ayaw niyang madamay o mahawa si Amelia sa nararamdaman niya inis.
“Kumusta?” tanong nito pagkakita niya sa dalaga. Iniabot niya rin ang folder ni Joyce na agad namang tinanggap ng isa.
“Okay na.” Sa isiping makakapag-aral na siya ay biglang nawala sa kaniyang isip ang sinabi ni Artavius. “So, kakain pa ba tayo?” nahihiyang tanong ni Joyce sa bagong kaibigan.
“Oo naman. Let’s celebrate for the new friendship and for passing the school entrance exam and interview!” Natawa si Joyce sa kay Amelia dahil may patalon-talon pa itong nalalaman.
“Okay, pero ayaw ko ng mahal. Alam ko may pera ka pero ayaw kong mapagastos ka ng mahal. Saka baka hindi pumasok sa lalamunan ko kapag mahal,” nakangiwing sabi ni Joyce na kinatawa na rin ni Amelia.
Lumapit si Amelia sa kaibigan tapos niyapos ang braso nito bago hinila ang dalaga. Masayang umalis ang dalawa habang sa hindi kalayuan, isang tao ang seryosong nakatingin sa kanila.
Naglakad lang sila sandali bago nila narating ang isang fast food chain. Mayroon silang kanin kaya iyon ang pinili ni Amelia. Pananghalian na kasi pero hindi pa rin sila nakakain.
Nag-order ang magkaibigan bago sila naupo sa bakanteng pandalawahan na mesa. Napangiti si Joyce dahil mukhang foodie si Amelia dahil sa dami ng pagkain sa harapan nito pagkatapos nilang ilapag sa mesa lahat.
“Gutom na gutom ako,” reklamo ni Amelia na sumubo agad. Pero kahit gutom ito ay demure pa rin kung kumain.
Nakaramdam na rin ng gutom si Joyce kaya kumain na rin siya kasabay ni Amelia. Hindi siya nagsalita katulad ng kaibigan habang kumakain. Pero maya-maya ay binasag din ni Amelia ang katahimikan.
“May dorm number na bang ibinigay sa iyo?” tanong ni Amelia sa kaibigang hindi magkamayaw sa pagsubo.
“Mayroon na dahil nandito na rin ang susi. Kailangan kong makapaglipat kaagad dahil may ibibigay na gawain sa aming mga iskolar bago kami makakuha ng uniform at libro. Mga simpleng gawain lang naman daw sa opisina.” Tumango si Amelia dahil alam niya kung ano iyon.
Ang gagawin lang naman nila ay mag-ayos ng mga record ng bawat estudyante. Parang teacher assistant na rin ng registrar na hindi na magkamayaw kakatapos ng kailangang tapusin. Gumagawa pa sila ng grades noong last year tapos may panibagong enrollee na naman. Kaya hindi na nila maharap ng sabay-sabay, kung kaya kumukuha sila ng tutulong. Mostly ay mga first year iskolar ang kinukuha nila dahil ang higher years ay may kaniya-kaniya ng ginawa.
“You need help in moving? I can lend you some help.” Joyce smiled to her new friend. Wala talagang masamang tinapay rito kaya mabilis napalapit ang kaniyang loob.
Uminom muna si Joyce bago nagsalita, “Hindi na kailangan. Kaunti lang naman ang mga gamit ko kaya hindi na kailangang magdala pa ng sasakyan. Kaya ko na iyon!” Alanganin man si Amelia sa sagot niya, tumango na lang siya.
Alam ni Amelia na hindi pa sila gaanong magkakilala ng kaibigan kaya nirerespeto niya ito. Kumain na lang sila ng may ngiti sa kanilang labi.
Ilang sandali pa ay natapos din silang kumain. Katulad ng sabi ni Amelia kanina, siya ang nagbayad ng kanilang kinain. Gusto pa sanang makihati ni Joyce pero hindi pumayag ang dalaga.
“Kailan ulit kita makikita?” nakangusong sabi ni Amelia. Natawa si Joyce rito dahil ang cute niya. Kapag iba kasi ang gumawa nito ay naiinis siya kapag nakanguso dahil para sa kaniya ay maarte ang gawing ito, pero kay Amelia ay parang bata lang itong nanghihingi ng candy.
“Kapag pumasok ka na ng klase. Siguradong magkikita ulit tayo,” pang-aalo niya sa kaibigan.
Huminga ng malalim si Amelia bago nagsabi, “Okay. See you soon!”
Doon ay nagpaalam sila sa isa’t isa. Si Amelia ay sumakay sa sasakyang nakaabang sa kaniya kasama ang family driver nila, habang si Joyce ay sumakay sa traysikel tapos sa dyep noong nakababa na siya sa sakayan.
Pagdating niya ng kanilang bahay, masaya siyang nag-ayos at nagluto ng hapunan nilang mag-ina. Nag-ayos na rin siya ng kaniyang labahin para sa makalawa ay makapunta na siya ng eskwelahan. Iyon ang araw ng punta niya para magawa ang iniatang sa kaniya na gagawin.
Pagkatapos niyang magawa lahat ng gawaing bahay ay maliwanag pa ang labas. May puwede pa siyang gawin bago sumapit ang gabi kung gusto niya. Kaya naman, bitbit ang dalawang container ay pumunta siya sa labasan kung saan sila nag-iigib ng tubig.
“Tisay, ginabi ka ata?” Karaniwan at umaga kasi kung mag-igib si Joyce kaya magtataka talaga ang mga tsismosa rito sa tubigan.
“Wala na po kasi akong magawa kaya naisipan ko pong mag-igib na lang muna.” Tiningnan ni Joyce ang nakalinyang mga container bago nagpatuloy, “marami pa po ba?”
“Mga kinse na lang, Tisay. Hintay ka lang sandali, a,” sagot ng isang ale.
“Sige po. Salamat po!” Nilagay ni Joyce ang kaniyang container sa tabi ng iba pa.
Rinig niya ang kwentuhan nila pero hindi siya nakisali dahil hindi naman siya mahilig sa usap-usapan. Mas nanaisin niya pang kausap ang kaibigan na panay ang kwento sa crush nito. At least, iyon sarili niyang damdamin at opinyon. Kaya lang wala si Rowena dahil umuwi nga ito sa kaniyang ate na siyang magpapaaral sa kaniya. Hindi alam ni Joyce kung kailan niya ulit makikita ang kaibigan.
“Ate Tisay, ikaw na!” sigaw ng isang bata ang nagpabaling kay Joyce sa puso ng tubig.
Siya na pala ang mag-iigib kaya agad siyang nagsahod. Sandali lang naman ito bago natapos at ipinasa niya na naman sa iba.
“Sige po. Una na po ako sa inyo. Salamat po!” Paalam niya pa sa mga nandoon bago binitbit ang may kabigatan na container. Kahit mabigat ay sanay na si Joyce rito. Walang kahirap-hirap niya itong dinala pauwi, pero paminsan-minsan ay nagpapahinga pa rin siya upang habulin ang hininga.
Nakailang balik din siya bago tumigil. Padilim na kasi kaya tumigil na siya at naghintay na lang sa pagdating ng ina. Maliwanag naman ang daan kaya hindi siya nababahala na umuwi ng mag-isa ang ina. Saka, maraming tao ngayon sa daan dahil nag-iinuman ang mga tambay.
Kilala silang nag-ina sa kanilang barangay, kaya hindi siya nababahala. Mababait naman ang mga tao rito maliban lang kung inagrabyado mo sila.
“Joyce!”
Agad napalingon si Joyce sa pinto habang nanonood siya ng balita sa telebisyon nang marinig niya ang boses ng ina. Tumayo siya at sinalubong ang Nanay.
May dala si Elsa na mga supot, ilan dito ay ulam na mga de-lata. Matagal na nila itong magagamit bago maubos. Ito’y kinuha ni Joyce at nagmanu sa kaniyang Nanay.
“Manu po, ‘Nay,” buong galang niyang sabi.
“Kaawaan ka ng Diyos.”
Nagtanggal ng tsinelas si Elsa at isinuot ang para sa loob ng bahay habang si Joyce naman ay tumuloy sa kusina para ilagay ang mga pagkain sa supot. Inisa-isa niya itong nilagay sa maliit nilang kabinet para hindi kainin ng daga o akyatin ng pusa.
“Kumusta pala ang lakad mo, Joy?” tanong ni Elsa paglabas niya ng silid. Tapos na siyang magbihis ng pambahay kaya naupo siya sa upuan nilang kawayan para magpahinga ng kaunti.
Malawak ang ngiti na sumagot si Joyce, “Okay na po, ‘Nay. Tanggap na po ako saka may scholarship po akong natanggap.” Niligpit niya muna ang plastic bago naupo sa tabi ng ina.
“Mabuti naman kung ganoon. Siguradong malaking tulong ito sa pag-aaral mo. Ano pa?” Masaya si Elsa para sa anak. Pangarap niya noon ang makapagtapos pero dahil sa hirap ng buhay ay hindi niya nagawa. Ngayon, pinapanalangin niyang makapagtapos ang anak.
“Kaya lang, ‘Nay, mukhang hindi ako rito mamamalagi?” nakabusangot na sabi ng dalaga.
“Ano? Bakit naman?”
“Ganito po kasi, ‘Nay. Maliban po libre ang tuition ko at mga gamit, kasama po sa scholarship na binigay sa akin ay ang dorm doon. Naisip ko po, para hindi na ako mamasahe pa, mag-dorm na lang po ako. Ano sa palagay po ninyo, ‘Nay?” Napaisip si Elsa sa sinabi ng anak. Kung tutuusin, maganda na nga ito lalo na’t sagot lahat.
“Mas mainam nga iyan, Anak. Hindi ka na mahihirapan sa pagpasok at pag-uwi mo. Kung ako naman, ayos lang na mag-isa ako lalo na’t halos gabi lang din naman ako umuuwi rito. Saka, pag-aaral mo na lang ang aatupagin mo.” Tumigil sandali si Elsa bago ang patuloy, “Pero ano ang gagawin mo para maibigay iyan sa iyo?”
“Kailangan ko pong ma-maintain ang grades ko tapos sumali sa club or any organization ng eskwelahan. Iyon po ang parang magiging trabaho ko. Hindi naman po mahirap kaya siguradong magagawa ko po iyon,” nakangiti niyang turan. Alam ni Elsa na kaya iyon ng anak dahil masipag ito kaya hindi na siya nabahala pa.
“O, siya! Kailan ang punta mo ng dorm mo?”
“Sa makalawa na po. Kailangan po kasi naming tumulong sa registrar bago kami mabibigyan ng uniporme at libro. Sabi po sa akin, ang dorm ay kasama ng libre ang tubig at kuryente. May allowance rin po akong matatanggap buwan-buwan. Medyo malaki po siya dahil nakadepende po sa course na kinukuha, kaya may pagkukuhanan po ako ng pera sa mga kailangan ko. Ang pagkain lang po ang problema. Sa pagkakaalam ko ay may lutuan na rin sa dorm kaya lang walang gas. Sa canteen naman po, always pong may pagkain hanggang gabi pero kailangang bilhin.”
Tumango si Elsa sa mahabang sinabi ni Joyce. Maganda na nga itong scholarship na binigay nila basta pagbutihan lang ng anak niya ang pag-aaral. Minsan lang sila makahanap ng ganitong oportunidad, kaya mahirap ng pakawalan pa.
“Kung ganoon, dapat mong pagtuunan na lang ng pansin ang pag-aaral mo. Si Nanay na ang bahala sa mga pagkain mo. May ref naman siguro doon? Dadalhan kita ng mga gulay, bigas, at iba pang makakain mo roon. Hindi na iyon mabigat para sa akin kaya huwag mo ng isipin iyon.”
Napangiti lalo si Joyce sa sinabi ng ina. Niyakap niya ito bago bumulong sa may edad na babae, “Salamat po, ‘Nay!”
Hindi ito sumagot pero hinalikan siya sa kaniyang noo. Masaya si Elsa sa biyayang natatanggap ni Joyce ngayon. Kahit nagbabantay lang siya ng tindahan ay kasya naman ang sahod niya sa pagkain at ilaw nila. Kaya hindi kawalan na hatiran niya ang anak, dahil katulad lang iyon na kasama niya ang anak sa bahay.
“Sige na. Maghanda ka na ng hapunan natin para makapagpahinga ng maaga.” Tinapik pa nito ang hita ng anak.
“Sige po, ‘Nay!”
Kumain silang masaya at natulog na may ngiti sa mga labi. Para sa mag-ina, magandang biyaya ng Diyos ang dumating sa kanila. Kahit papaano ay hindi sila pinapabayaan.
Lumipas ang mga araw at dumating ang araw ng pag-alis ni Joyce papuntang dorm. Nag-absent din si Elsa para masamahan ang anak at may makatulong na rin sa pagbitbit ng mga gamit nito.
Isang bag lang na may lamang damit, tapos grocery bag na may lamang bigas at ilang ulam. Hindi pa alam ni Joyce kung ano ang nasa loob ng dorm, kaya wala pa siyang dalang ibang bagay.
Dahil nga hindi pa siya sigurado, tinanggap niya na ang perang ibinigay ng kaniyang ina. Pinag-ipunan ito ni Elsa para talaga sa pag-aaral ng anak. Kaunti lang ang ibinigay niya dahil alam niyang hindi tatanggap si Joyce ang malaking halaga.
Nang makababa sila ng dyep, namangha si Elsa sa nakita. Malayo man ang eskwelahan ay nakikita niya kung gaano ito kagara. Naluluha siyang tumingin sa anak. Masaya siya para rito.
“‘Nay, halika po! Sakay po tayo ng traysikel para mas madali.” Sumang-ayon si Elsa sa anak.
Hindi naging mahirap ang biyahe nila kahit medyo marami ang kanilang dala. Kaya itong bitbitin lahat ni Joyce kung gugustuhin nga niya, e.
Ang dormitory ay isang gusali na may limang palapag. May sampung pinto bawat palapag na malaki ang agwat ng bawat isa. Kung titingnan, siguradong malaki ang bawat silid at siguradong hindi lang isang tao ang nakatira sa isang silid.
Ang unang silid sa unang palapag ay registrar dito. Doon muna pumasok si Joyce bitbit ang susi na binigay sa kaniya ng school president.
“Miss Scott, okay na ang registration mo. Third floor, door number four ang room mo,” nakangiting sabi ng babae na siyang nagsusulat ng pangalan niya.
“Si-sino po ang roommate ko?” alanganing tanong ni Joyce.
“Sa ngayon, wala pa kaya ikaw na muna mag-isa roon.” May kinuha ito sa ilalim ng kaniyang mesa at binigay sa dalaga. “Ito and rules and regulations dito, basahin mo na lang. Ang importante, pagpatak ng alas onse ay nasa loob ka na ng room mo. May naglilibot dito to check everything kaya siguradong safe ang lahat.”
“Sige po, Miss. Salamat po!”
Umalis na si Joyce at sinalubong ang ina. Nakaabang ito sa labas kasama ng kaniyang mga gamit at mukhang naiinitan na. Mataas na kasi ang sikat ng araw kahit alas-otso pa lang ng umaga.
“‘Nay, halika po! Samahan po ninyo ako sa silid ko. Sa third floor po ako,” sabi niya habang binibitbit ang mga gamit.
Dalawang bag sa kaniya at isang backpack, habang kay Elsa ay isang magaan na bag. Laman nito ang mga sabon at toiletries ng anak.
Walang elevator kaya umakyat sila gamit ang hagdan. Hindi pa naman ganoon katanda si Elsa, trenta’y nueve pa lang naman siya. Puwede pa nga siyang mag-asawa kung gugustuhin niya pero hindi niya magawa.
Sa bawat araw na nakikita niya ang mukha ng anak, naaalala niya ang unang lalaking kaniyang minahal. Alam niya, hindi siya iiwan ng asawa kaya nagtataka siya bakit hindi na ito nakabalik pagkatapos umalis ng bahay para pumunta lang sa bangko. Nag-report siya sa mga pulis pero labing-tatlong taon na ang nakakalipas, hindi niya pa rin ito nakikita. Umaasa pa rin siya na balang-araw ay bumalik ito.
Pagpasok nila sa silid, halos mapatalon si Joyce sa tuwa. Malaki nga ang silid at may dalawang silid. May maliit na sala, kusina kung saan naroon na rin ang bilog na kainan, at banyo na may shower pa.
Kahit si Elsa ay hindi makapaniwala sa nakikita. Para na siyang nasa hotel kung tutuusin. Kung siguro magbabayad sila, kulang ang limang libo sa isang buwan.
“Ang gara naman nito, ‘Nak!” bakas ang pagkamangha sa boses ni Elsa habang nanlalaki ang mata na naglibot sa buong silid.
“Oo nga po. Pero mukhang hindi naman ako nagkamali.” Dala ang bag ay pumasok siya sa isang silid. Sumunod na rin si Elsa sa kaniya para tulungan ito. “Ako na po.”
“Sige na. Para mabilis kang matapos.” Wala ng nagawa si Joyce kundi hayaan ang ina na tulungan siya.
May kama at isang mesa sa loob. May kabinet din na siyang malalagyan ng mga gamit. Kaunti lang naman ang gamit ng dalaga kaya agad itong natapos.
Lumabas silang mag-ina sa silid at magkasamang inayos ang gamit sa kusina. May ref din kaya doon nilagay ni Elsa ang mga fresh na pagkain tulad ng gulay. Ito lang ang kaya ni Elsa at siya ring gusto ng anak, kaya iyon lang ang binili niya kanina. May niluto siya kanina na ibinaon din nila at maiinit naman iyon.
May kalan at rice cooker na, kaya siguradong hindi na mahihirapan si Joyce. Wala lang laman ang gas na maaaring ipabili sa boy ng dormitory. Kailangan lang pumunta sa opisina at sila na ang bahala.
Tulong-tulong ang mag-ina sa pag-ayos at agad naman silang natapos. May kalahating araw pa naman kaya gusto ni Elsa na bumalik sa trabaho. Hinatid na lang ni Joyce ang ina sa labas at ito na ang bahalang umuwi.
Hindi alam ni Joyce ano ang mangyayari, pero pinapalakas niya ang kaniyang sarili. Na kakayanin niya ang lahat ng ito para sa kaniyang ina at sa kaniyang pangarap