"E ano ng balak mo ngayon? Paano ang aregluhan niyo ngayon ni Kenneth nyan? Panigurado ako, hindi 'yon magpapatalo sa'yo." Komento ng kanyang kaibigan na si Clariza.
Nasa tapat sila ng kumpanya na kanilang pinagtratrabahuan, abalang kumakain ng tusok-tusok kagaya ng fishball at kikiam dahil breaktime nila.
"Aba! Hindi rin ako magpapatalo no. Wala akong tiwala sa lalaking 'yon. Psh! Ano naman ang alam non sa pag-aalaga ng bata." Umikot ang mga mata ni Alona sa inis. Naalala na naman niya ang kayabangan ni Kenneth noong huli na nakapag-usap sila patungkol sa pag-aalaga kay Cleo.
"Malay mo naman marunong talaga." Depensa ni Klariza.
Nakakunot-noo si Alona na tumitig sa kanyang kaibigan. "Sus! Bes, huwag ka magpapaniwala sa Kenneth na 'yon, gumagawa lang 'yon ng paraan para magpapansin dahil gusto niyang makipag-ayos sa akin. As if naman tanga ako at papayag ako sa gusto non. Yuck!" Patutsada ni Alona, nandiri pa siya nong maalala ang pag-uusap nila ni Kenneth.
"Bes, ang tagal naman na kasi non e. Hindi kaya time na para magkaroon din kayo ng closure para mawala na 'yang sakit na dinadala mo dyan sa puso mo patungkol don sa exboyfie mo." Suhestiyon ni Clariza.
"Ayoko! Lahat ng ginawa ni Kenneth sa akin non, walang kapatawaran. Nawalan ako non, bes, hindi niya deserve ang kapatawaran ko."
Matapos nilang magmeryenda ay bumalik na sila sa kanilang trabaho. Kahit babad si Alona sa trabaho, hindi niya maiwasang isipin si Cleo kasabay noon ang nakaraan nila ni Kenneth. Pakiramdam niya bumabalik na naman 'yong bangungot na kinalimutan na niya noon.
Inumaga na siya sa trabaho kaya mabilis niyang inayos ang kanyang mga gamit saka nagpaalam sa kanyang mga kasama dahil dadalawin niya si Cleo. Hindi siya mapakali hangga't hindi niya nakikita si Cleo sa isang araw.
Kaagad na siyang pumunta sa DSWD kung saan naroon si Cleo. Hindi pa sila nakapagdesisyon kung kanino mapupunta si Cleo kaya dinadalaw nalang niya ito. Hinihiling niya na as soon as possible ay maareglo na iyon dahil ayaw niyang mahirapan si Cleo.
"Ah, Maam, si Cleo po?" Pagtatanong niya sa isang babae na nasa information desk. Nakilala naman siya kaagad ng babae dahil nakita siya nito noong inaareglo nila ang pag-aampon nila kay Cleo.
"Nasa garden, Maam. May bumisita po sa kanya e." Ani ng babae.
Nagtaka si Alona kung sino iyong tao na sinasabi nito na dumalaw kay Cleo. Sinamahan siya ng babae papunta sa garden upang puntahan si Cleo. Nasa di kalayuan palang sila ay nakita na niya agad ang masigla na batang lalaki na nakikipaglaro sa isang lalaki. At noong suriin niya ang lalaki na kalaro ni Cleo ay nakilala na niya agad.
"Ninang!" Kaagad siyang sinalubong ni Cleo pagkakita nito sa kanya. Hindi maipinta ang ngiti sa mukha ni Cleo noong makita siya nito.
"Hello, kumusta ka?" Tanong ni Alona.
Kumalas si Cleo sa pagkakayakap sa kanya, samantala, naroon si Kenneth sa gilid, pinapanood silang dalawa.
"Ayos lang po, Ninang. Napagod lang po ako sa pakikipaglaro kay Ninong." Tinuro ni Cleo si Kenneth.
Sinulyapan niya lamang si Kenneth hindi siya nag-abala na ngitian ito o batiin manlang, saka niyaya na si Cleo na maupo sa malapit na bench. May dala siyang pagkain mula sa fastfood chain na tinake-out niya at kanila itong pinagsaluhan.
"Napag-isipan mo na ba 'yong sinabi ko sayo?" Pambabasag ni Kenneth sa katahimikan. Parehas nilang pinapanood si Cleo na abala na sa paglalaro sa mga truck nito.
"Psh! Hindi ako tanga, Kenneth. Alam mo mismo sa sarili mo na walang kapatawaran yong ginawa mo sa akin. Kaya pwede ba, hayaan mo nalang na ako ang mag-alaga kay Cleo." Depensa nito sa iritableng boses.
Napailing-iling si Kenneth at hinarap si Alona. "Paano nila ibibigay si Cleo sa atin kung ganito tayo na hindi magkasundo? Alalahanin mo na yon ang kondisyon nila. Saka lamang nila ibibigay si Cleo sa atin kapag nasigurado nila na hindi siya madadamay sa away natin o sa kahit na anong personal nating problema sa isa't isa."
"Hindi naman tayo magkakaproblema ng ganito kung hahayaan mo 'ko na ako ang mag-alaga sa kanya e. Ano ba kasing trip mo ha? Ikaw mag-aalaga ng bata? I dont think so kung kaya mo baka kapag nairita ka lang sa kakulitan niya ay susuko ka na. Baka nga mapabayaan mo rin siya e. Depensa ni Alona, ginagawa niya ang lahat para mapunta si Cleo sa kanya.
"Kaya ko siyang alagaan."
"Psh! Relasyon nga natin hindi mo nakayang alagaan non, si Cleo pa kaya!" Hugot na tugon ni Alona na ikinatigil ni Kenneth.
"What the?"
Tumayo na si Alona at bago tinahak ang daan paalis ay may sinabi muna siya kay Kenneth. "Subukan mo munang alagaan 'yang sarili mo para alam mo 'yong hirap na pinagdaanan ko noon sayo."
Iniwan niya si Kenneth at nagtungo kay Cleo upang makapagpaalam na. Nahirapan pa siyang makaalis dahil umiiyak si Cleo pero mabuti na lamang ay naroon si Kenneth at nagawan nila ito ng paraan. Gustong-gustong sumama ni Cleo sa kanya pero nirerespeto niya ang desisyon nina Attorney dahil kapakanan ng bata ang iniisip ng mga ito.
Kinabukasan, nagising siya na tumutunog ang kanyang selpon. Napabalikwas siya ng bangon at nakita na si Attorney ang tumatawag kaya sinagot niya kaagad.
"Hello, Attorney?"
"Alona, si Cleo nawawala."
"Ano?"
Hindi na siya nag-aksaya ng oras para pumunta sa DSWD. Abot hanggang langit ang kaba niya at hindi na niya halos alam ang gagawin. Nang makarating siya doon ay naabutan niya sina Attorney at ilang kawani ng DSWD doon. Kasalukuyan na nilang hinahanap si Cleo at makalipas ang ilang oras ay may dumating ang guwardiya na dala-dala si Cleo na umiiyak
"Cleo.." kaagad niyang kinuha si Cleo mula sa guwardiya. Niyakap niya ito ng sobrang higpit dahil halos mamatay siya sa kaba. "Saan ka ba pumunta? Ha? Bakit ka umalis?"
"Ni-ninang, a-ayoko dito. Gusto ko si-si Mommy at Da-daddy." Umiiyak na tugon ni Cleo. Napapikit siya sa sobrang sakit sa kadahilanang wala siyang maisasagot kay Cleo ukol sa mga magulang nito.
Nagkatinginan sila ni Attorney. Naaawa sila ng sobra sa bata.
"Tahan na. Nandito naman si Ninang e. Hindi naman kita pababayaan e." Pagpapatahan ni Alona sa bata.
"A-ayoko na dito, Ninang." Mas lalong lumakas ang pag-iyak ni Cleo.
Matapos nilang mapatahan si Cleo at halos makatulog na ito sa pag-iyak, naisipan nilang mag-usap ni Attorney.
"Attorney, ayoko po kayong pangunahan sa magiging desisyon niyo kay Cleo pero nakikiusap ako, kukunin ko nalang po siya." Pakiusap niya.
"Natatakot rin kami na baka maglayas ulit si Cleo at talagang naisip na namin kanina na ibigay nalang sayo pero ang ikinababahala namin ay iyong tungkol sa inyo ni Mr. Salvador. Kapakanan ng bata ang iniisip namin, Alona." Seryosong usal ng abogado.
"Naiintindihan ko po. Yong tungkol po sa amin ni Kenneth, makaaasa kayo na hindi madadamay si Cleo. Actually, sinusubukan na namin ni Kenneth na ayusin yon alang-ala kay Cleo." Pangungumbinsi ni Alona.
"Sige, ibibigay namin pansamantala si Cleo sa iyo habang inaayos namin yong proseso."
Sumilay ang napakatamis na ngiti sa labi ni Alona nong marinig ang magandang balita mula kay Attorney. Hindi maipaliwanag ang saya sa puso niya dahil sa wakas ay mapupunta na si Cleo sa kanya.
Hindi na nila ginising pa si Cleo, inayos na nila ang mga gamit nito saka maingat na ibinyahe ni Alona pauwi sa kanyang apartment. Naging maganda ang pamamalagi ni Cleo sa kanyang poder ngunit kahit labag sa kalooban niyang iwan ito kapag gabi dahil may trabaho siya ay isinasawalang bahala na lamang niya. Naghire siya ng kasambahay na pansamantalang mag-aalaga kay Cleo habang nasa work siya tuwing gabi.
"Si Ninang ay aalis muna ha? Dito ka na muna sa bahay. Babalik naman ako bukas e, okay?" Pakikipag usap niya kay Cleo.
"Opo."
"Good boy." Ginulo niya ang buhok ni Cleo saka hinalikan ito sa noo.
Kinabukasan, excited na umuwi si Alona dahil may naghihintay sa kanyang pag-uwi sa apartment nito. Wala siyang sinayang na oras para makapagbyahe pauwi dahil sabik na sabik siyang makita si Cleo na masayang sasalubong sa kanya.
"Cleo, nandito na si Ninang." Pagtawag niya sa batang lalaki nang tuluyan na siyang makapasok sa kanyang apartment.
Naupo siya sa sofa, inalis niya ang kanyang suot na sapatos. Walang ano-ano ay may naaamoy siyang nagluluto sa may kusina. Nagutom siya bigla.
"Manang, nag-abala ba kayong magluto ng breakfast namin. Sinabi ko naman na kahit ako nalang di ba?" Tugon niya.
Hindi siya nakatanggap ng sagot ngunit narinig niya ang yababg ng paa palapit sa kanyang pwesto at walang ano-ano ay naramdaman niya ang mainit na halik sa kanyang pisngi na nakapagpatigil sa kanyang mundo.
"Goodmorning, baby. I cooked a breakfast for us."
Napatayo kaagad siya noong mabosesan ang taong pinaggagalingan ng boses na iyon.
"Kenneth?"