CHAPTER FOUR

2829 Words
Pinamili niya ito ng damit sa isang pamilihan sa bayan ng Cotabato. Pinasuot niya lang ito ng makapal at maluwag na tshirt para hindi halatang wala itong suot na bra nang lumabas sila, pagkatapos ay dumaan muna sila sa simbahan bago kumuha ng ticket pauwi ng Manila. Taimtim siyang nagdadasal habang nakatayo ng mapansin niyang wala sa tabi niya si Conchita. Agad siyang kinabahan at agad itong hinanap. Nagulat pa siya ng makita itong nagsasamba sa rebulto ni Mama Mary kung saan siya nagdadasal. Nakataas ang mga kamay nito habang paulit-ulit sa pagyuko. Napansin niyang napapatingin ang mga tao sa loob ng simbahan. Agad niya itong itinayo. “Bakit?” maang nitong tanong. “Ano ba ang ginagawa mo?” tanong niyang pabulong. “Nagdadasal ako, isa ito sa paraan namin sa pagsamba at paggalang.” Sagot nito sa kanya. “Hindi mo naman kailangan lumuhod at dumapa diyan sa lupa.” Sagot niya, lalo pa at hindi naman sementado ang sahig ng simbahan. Pinagpag niya ang tuhod nito na nadumihan. “Ito ang nakasanayan namin.” Sagot pa nito kaya hindi na siya kumibo. Marami siyang kailangan baguhin sa paniniwala nito. Isa itong tagapagmana kaya dapat lang na matuto ito. Hindi na sila tumagal sa Cotabato at agad silang sumakay sa eroplano pauwi sa Manila. Kulang nalang takpan niya ang bibig ni Conchita dahil napapasigaw ito sa tuwing gumagalaw ang eroplano, maging ang ibang pasahero ay naiirita sa kanila dahil sa ingay nito. “Bakit tayo lumilipad?” ignorante na tanong nito sa kanya sa malakas na boses. Panay din ang lingon nito sa ibang pasahero. Sa ikinikilos nito masasabi mong ignorante ito sa maraming bagay. Hindi niya magawang magalit dito o di kaya ay ikahiya ito. Natural lang siguro na magiging ganito ang reaksiyon nito lalo pa at ngayon lang nito naranasang sumakay ng eroplano. “Hindi tayo lumilipad. Nasa biyahe tayo at nakasakay tayo sa eroplano ngayon.” Paliwanag niya dito. Alam niyang marami itong gustong itanong dahil hindi ito matahimik sa upuan nito. Kinabig niya nalang ito at hinilig sa balikat niya ang ulo nito. “Magpahinga ka nalang muna.” Turan niya dito. Ginagap niya ang kamay nito at mayat-maya pa ay nakatulog na ito sa balikat niya. TITIG na titig sa kanila si Tita Loida ng makapasok siya sa loob ng mansiyon. Itinawag niya na dito ang pagdating ng anak ni Tito Benny. Maging ang tingin nito kay Conchita ay mapanuri na tila ba nagdududa. Tahimik lang si Conchita habang panay ang lingon sa magiging bahay nito. “Tita mo siya, magbigay galang ka.” Bulong niya kay Conchita na ang tinutukoy ay si Tita Loida. Wala si Martina at Lucas nang dumating sila. Kapwa pa sila nabigla ni Tita Loida nang bigla na naman itong dumapa at biglang sumamba. “Anong ginagawa niya? Anong tingin niya sa akin Diyos?” gulat na gulat na tanong sa kanya ni Tita Loida. Pinatayo niya si Conchita para tumigil sa ginagawa nito. “Are you out of your mind? Ganyan ka na ba madisperado para lang hindi mapunta sa akin ang mamanahin ng anak ni Kuya?” dagdag pa nito sa kanya. “Siya si Conchita, anak ni Tito Benny. Nagpagawa na ako ng DNA test at lalabas yun sa loob ng isang buwan. Siya ang anak ni Maria Sepeda.” Sagot niyang naiinis. Naramdaman niya ang panginginig ng kamay ni Conchita. Nakahawak ito ng mahigpit sa braso. “Let’s talk!” sagot ni Tita Loida sa kanya bago siya hinila pero pinigilan siya ni Conchita. “Sama ako!” sabat ni Conchita na parang bata. “Dito ka lang muna may pag-uusapan lang kami.” Sagot niya para mapanatag ito. Sumunod siya kay Tita Loida sa loob ng sala. Galit na galit pa rin ito. “Itigil na natin ito Danny, if you want paghatian nalang natin ang pera na iniwan ni Kuya Benny at itigil mo na itong drama mo!” turan nito na ikinagulat niya. Hindi niya akalain ang sasabihin nito iyon. “Hindi ito drama. Gusto ko lang pong linawin na wala akong interes sa pera ni Tito Benny. Si Conchita, siya ang tunay na anak ,kaya kung ako sa inyo pakisamahan niyo siya kung ayaw niyo na paalisin niya kayo dito.” Sagot niya, tatalikuran niya sana ito ng bigla siyang may naalala. “Isa pa pala Tita Loida, lubusin mo na ang pagiging presidente mo dahil malapit ka ng palitan ni Conchita.” Pauyam niyang dagdag. “Isang katutubo? Anong malay niyan sa pagpatakbo ng isang malaking kumpanya?” gulat nitong bulyaw sa kanya. “Tuturuan ko siya ng pasikot-sikot at sa tamang siya ang pagpapatakbo ng isang kumpanya and in time I know that she can make it.” Sagot niya pa. “You’re wasting your time Danny. Aabutin ka ng taon para matuto ang babaing yan. Sa nakikita ko mukha siyang ignoranteng tanga.” Sagot nitong napapaismid. “Hindi siya tanga, Tita.” Pagtatanggol niya. “ Salat lang siya sa mga bagay na meron tayo pero ngayong may pera na siya lahat ay kaya niyang gawin.” Sagot niya bago niya ito iniwan. Hindi niya mapigilang hindi magalit sa sister in law ng amain. Hindi niya matanggap ang mga sinabi nito kay Conchita. Binalikan niya si Conchita. Nakatingala ito habang hinihimas ang mga frame na nakasabit. “Sino siya?” tanong nito sa malaking frame sa bandang hagdan. “Siya si Tito Benny noong kabataan niya. Siya ang Tatang mo.” Sagot niya. Kung siya lang ang masusunod hindi niya na kailangan ang DNA test para lang maniwala na si Conchita ang nawawalang anak ng amain lalo pa at namana ni Conchita ang ganda ng mga mata ng ama nito na hindi agad niya napansin nang una.. Dinala niya si Conchita sa mismong silid ng ama nito, katapat iyon ng silid niya. Iyon na ang magiging silid nito. “Simula sa araw na ito, ito na ang magiging silid mo. May sarili itong banyo kaya hindi mo na kailangan bumaba para lang magbanyo.” Paliwanag niya dito. Abala ang mga mata nito sa paglibot sa magiging silid nito. Inutusan niyang ipaayos iyon kay Tita Loida bago pa man sila dumating at wala itong nagawa kundi ang sundin ang sinabi niya. Si Conchita pa rin ang masusunod. “Malaki ito masyado para sa akin, dito ka rin ba matutulog?” tanong nito kaya natigilan siya. Napatingin siya dito. “Hindi Conchita, pero nasa tabi lang naman ng silid mo ang silid ko. Tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka at simula rin sa araw na ito kailangang mong matuto na ikaw lang.” turan niya pa. Aminado siyang mahihirapan siya para baguhin ito pero hindi siya susuko. Gagawin niya lahat para hindi ito maliitin at lokohin ng ibang tao. “Maligo ka’na at kakain na tayo.” Turan niya dito. “Paano ako maliligo eh wala namang ilog dito?” Tanong nito kaya napakamot siya sa ulo. “Alam ko na, doon ako maliligo sa baba. May tubig na dumadaloy doon mula sa itaas.” Dagdag pa nito kaya napatda siya. Ang fountain na malaki ang tinutukoy nito na nasa labas ng bakuran. Akmang hahakbang na ito palabas ng silid nang pigilan niya. Dinala niya ito sa banyo, at agad na binuksan ang shower. “Ito ang banyo, dito ka maliligo. Yung nasa baba hindi yon ilog at bawal doon maligo.” Paliwanag niya. Unang araw palang parang gusto ng sumakit ng ulo niya. Iniwan niya muna ito sa silid nito at pumasok siya sa sarili niyang silid. Tila mauubusan siya ng enerhiya. Agad siyang tumawag ng makakatulong sa kanya para bantayan ng maayos si Conchita. Kailangan nitong matuto agad. Agad rin siyang naligo at nang matapos siyang magbihis ay kumatok siya sa silid ni Conchita pero walang sumasagot kaya pinihit niya ang pinto. Nakalimutan niyang ibilin dito na matutong magsara ng pinto. Napatda pa siya ng makitang bihis na ito at ang suot nito ay ang mga isinusuot ng mga katutubo sa Tab-on. Kung nasa tribu sila kahanga-hanga itong pagmasdan lalo pa at nakalitaw ang pusod nito. Inutusan niya itong magpalit ng damit nito kaya bumaba na siya. Nadatnan niyang nasa hapag na si Lucas at Martina kasama ang ina ng mga ito at kasalukuyang kumakain. Agad na tumayo si Martina para yakapin siya. “Speaking the devil.” Turan ni Lucas sa kanya pero hindi niya ito pinansin. Simula pa ng ampunin siya ni Tito Benny mabigat na ang dugo nito sa kanya at iyon ay dahil higit na malapit siya kay Tito Benny kesa dito. Suwail kasi ito at basagulero. “So, where’s the katutubo?” tanong sa kanya ni Tita Loida. “Conchita po.” Pagtatama niya. “Maganda ba siya kuya?” tanong sa kanya ni Martina. “Yes.” Nakangiti niyang sagot. Ang kagandahan ni Conchita ang una niyang napansin noong nasa Tribu siya ng mga ito. “Hindi lang siya maganda, kaakit-akit rin siya.” LAHAT sila ay natigilan nang makitang bumababa ng hagdan si Conchita. Nakasuot katutubo pa rin ito at hindi nagpalit na ipinagtataka niya. Alumpihit itong maglakad sa hagdan. Napabungisngis si Tita Loida nang makita ang suot ni Conchita, samantalang nakatitig lamang si Lucas dito. Agad siyan tumayo sa upuan at sinundo ito sa hagdanan. “Bakit hindi ka nagpalit?” malumanay niyang tanong. “Hindi ako sanay sa ganung damit.” Sagot nito kaya napabuntong-hininga nalang siya. Inakay niya ito sa hapag-kainan at pinaupo. Tumayo si Martina at hinalikan sa pisngi si Conchita kaya napangiti ito. “Kumusta ate?” magiliw nitong tanong kay Conchita. “Okay lang.” tugon nitong nahihiya. “Uuwi ka na ba sa inyo?” tanong ni Tita Loida kay Conchita. “Tita!” pigil niya dito sa inis. LAHAT sila ay nakatingin kay Conchita habang kumakain, paano ba naman nakakamay ito kahit na may sauce ang pagkain nila. Sabagay hindi nga pala gumagamit ng kubyertos ang mga kasamahan nitong katutubo. Napapangiwi si Tita Loida sa tuwing tinitingnan nito si Conchita na walang pakialam sa paligid. Panay lang ang subo nito kahit pa puno ang bibig nito. Kung siya ang tatanungin natutuwa siya dahil ganado ito sa pagkain pero alam niyang hindi na ito dapat bumalik sa dating kinagisnan. Mayaman ito at tagapagmana ng Ocampo Royale Corporation at sa ayaw at gusto nito kailangan nitong kalimutan ang kinagisnang buhay. Nang araw ding iyon ay dumating ang taong kailangan niya para baguhin si Conchita. Kumuha siya ng private tuitor nito, at fashion designer nito para matuto ito sa tamang pananamit at kung anu-ano pang kailangan nito. Lahat ng kailangan ni Conchita ay binigay niya kahit man hindi nito hinilingin sa kanya. ILANG araw na siyang busy sa trabaho sa kumpanya kung kaya hindi niya na nakakasama si Conchita. Marami kasing nawawalang pera sa kumpanya, perang hindi niya alam kung saan napupunta. May mga lumabas din na tseke at napunta sa pangalan ni Tita Loida. Natuklasan niya rin na bumaba ang sales nila ng 30%. Malaking lugi iyon para sa kumpanya lalo pa at marami silang pinapasahod na empleyado. Gustuhin niya mang kausapin si Tita Loida pero nanahimik na lang siya. Kailangan nang palitan ito ni Conchita bago pa mahuli ang lahat, bago pa malugi ang kumpanya. Kumatok siya sa silid ni Conchita, ilang araw palang itong tinuturaan pero marami na itong natutunan, tulad nalang ng paggamit ng mga gamit at kasangkapan. Marunong na rin ito sa table manners kaya hindi na ito nakakamay kapag kumakain. Agad na sumilay ang mga ngiti sa labi ni Conchita ng makita siya, nabigla pa siya ng yakapin siya nito ng mahigpit. Tinugon niya ang yakap nito. Namiss niya ng husto ang yakap nito. “Nagbake pala kami ni Teacher Diane kanina and guess what?” pag-iingles nito kaya napangiti siya. “What?” tanong niya. “Marunong na akong gumawa ng chocolate cake.” Pagbabalita nito sa kanya. Natuwa siya para dito, sa pagkakaalam niya one day palang itong nag-aral sa baking at sa araw na iyon nakagawa agad ito ng cake. Nakakatuwa dahil nag-eenjoy ito sa buhay nito ngayon kahit pa sobrang nahihirapan ito ayon sa mga tumuturo dito. “So pwede ko ng tikman?” tanong niyang namimilog ang mga mata. Hawak ang kamay niya nang akayin siya nito sa kusina. Nadatnan nila si Lucas sa kusina at kumakain din ng cake. Napansin niyang ngumiti si Conchita sa lalaki at gumanti naman ng ngiti si Lucas. May napansin siyang kakaiba sa ikinikilos ni Lucas simula ng dumating si Conchita at natatakot siya kung anuman ang iniisip nito. “Gusto mo pa?” tanong ni Conchita kay Lucas. “Hindi na, busog na ako.” Nakangiting sagot naman ni Lucas at hindi man lang siya sinulyapan. Pinaghiwa siya ng cake ni Conchita, hindi na siya nabigla ng subuan siya nito. Lagi naman iyong ginagawa sa kanya ni Conchita noon nasa Tab-on pa sila pero ngayong nasa Manila na sila ay pinagbawalan niya itong maging malambing sa kanya lalo pa at maraming mata ang nakamasid sa kanila. Hindi niya pinigilan na subuan siya ni Conchita lalo pa at napansin niyang dumilim ang mukha ni Lucas sa ginawa ng babae sa kanya. “Ikaw ba talaga ang nagbake nito?” tanong niyang hindi makapaniwala. Nawala ang paningin niya kay Lucas at nakatingin nalang sa masayang mukha ni Conchita. Lalo yata itong gumanda dahil bahagya pa itong pumuti. Masasabi niya rin na naglevel-up na ang pananamit nito sa tulong ng designer nito. Hindi na ito baduy kung magsuot ng damit hindi tulad dati. Nakasanayan na rin nitong magsuot ng jewelry and accessories kahit pa nasa bahay lang ito. “Oo naman.” Malambing nitong sagot. Nagsliced pa siya ng cake dahil maliit lang ang hiniwa nito kanina. Nabigla pa siya ng nakawan siya ng halik ni Conchita sa labi na ikinagulat ni Lucas. “Namiss kita.” Nakangiti nitong turan sa kanya. Nagdilim ang mukha ni Lucas at agad itong tumayo. “Bakit mo yun ginawa?” tanong niya kay Conchita nang makaalis si Lucas. “Kung bakit mo ako hinalikan noon, yun din ang rason ko ngayon.” Sagot nito kaya natigilan siya. Hindi siya tumanggi ng muli siya nitong yakapin. Gumanti siya ng yakap dito. “Mahal din ba siya ni Conchita tulad ng nararamdaman niya?”   “Ang hirap palang maging mayaman. Ang maging mundo nang ama ko.” Turan nito sa kanya nang kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya. Hindi niya mapigilang maawa rito. “Nahihirapan ka ba?” tanong niya. “Oo, pero pinanghahawakan ko ang sinasabi mo na kaya ko ito.” Nakangiti nitong sagot. Hinaplos niya ang mukha nito. Bahagya nga itong nangayayat dahil sa dami nang itinuturo nito. “Naniniwala akong kaya mo ang lahat ng ito Conchita. Anak ka ni Tito Benny, nasa lahi niyo ang matatalino at negosyante. Kung hindi mo pa kaya wag mo munang pilitin ang sarili mo. Ayokong mapressure ka o biglain. Gusto kong eenjoy mo bagong buhay mo.” Nakangiti niyang turan. “Hindi, sayang ang panahon. Kailangan kong matutunan ang lahat, para makaasbay ako a mundo mo.” Matatag nitong sagot. “Hindi mo kailangan sabayan ang mundo ko o mundo ng ibang tao. Ang mahalaga ay masaya ka.” Turan niya pa. “Masaya naman ako, lalo pa at ikaw ang kasama ko.” Pahayag pa nito sa kanya. Kinabig niya ito at hinalikan sa noo. “Patawad kung palagi akong busy at walang oras sa’iyo. Hayaan mo kapag nagkaoras ako, ituturo ko sa’yo ang lahat.” Nakangiti niyang sagot. “Tiyak na mabilis akong matututo.” Pilya nitong sagot. Hindi niya napigilang ang sarili at ikinulong niya ito sa mga bisig.     NASA library room siya at nagbabasa ng papeles ng biglang sumulpot si Lucas at humarap sa kanya. Galit itong nakatingin sa kanya at alam niyang dahil iyon sa paghalik ni Conchita sa kanya kanina. “Anong meron sa inyo ni Conchita?” tanong nito sa malakas na boses. Tiningnan niya ito, nagsukatan sila ng tingin na tila ba mag-aaway anumang oras. “Gusto ko si Conchita at gustong kong layuan mo siya!” dagdag pa nito na ikinagulat niya. “Kung balak mo siyang paglaruan itigil mo na!” sagot niya dito. “Bakit? Dahil hindi ka pa ba tapos na pagsawaan siya?” tanong nito sa kanya na ikinagalit niya. Agad na lumipad ang kamao niya sa pisngi nito. Gaganti sana ito ng suntok pero naunahan niya ito. Napasubsob ito sa sahig. “Ibahin mo si Conchita sa mga babae mo!” Bulyaw niya dito bago niya niligpit ang mga gamit niya sa mesa at agad na umalis ng library. Hindi niya hahayaan na paglaruan ni Lucas si Conchita. Mahal niya si Conchita at kahit anong pigil niya sa sariling wag itong mahalin ay paulit-ulit niya pa rin itong minamahal. Hindi niya hahayaan na bastusin ito ni Lucas dahil hanggang nasa tabi niya ito ay hindi niya ito pababayaan. Hindi niya ito ibibigay dito kahit ano pa ang mangyari.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD