Napatigil si Calix nang makita ang larawan ni Sam. Hindi maipaliwanag ang nararamdaman sa sandaling iyon. Muli ay nanariwa ang ilang alaala noong kabataan nila.
"Hoy! Pilantud, umalis ka nga riyan!" buwisit na wika ni Sam sa kaniya. Sila kasi ang palagiang pinagpa-partner noon sa ilang school activities nila noong elementarya sila.
"Bakit ba ang sungit-sungit mo? Wala naman akong ginagawa sa'yo ah?" naiiyak na lamang na wika ni Calix.
"Wala nga pero nakakainis bakit sa'yo ako lagi pinapareha. Bagal mong kumilos, paano ay pilantud ka. Maiksi ang isang paa mo! Ah, si Calix, pilantud!" buska pa ni Sam.
"Shhhh! Samantha," tinig ng kanilang titser na noon ay pabalik pa lamang sa kanilang klase. Nagtatawanan noon buong klase dahil sa mga sinabi nito. "Sam, alam mo namang bawal ang mam-bully, hindi ba?" ani ng guro. Kahit papaano ay nakahanap ng kakampi si Calix.
Kita niyang umirap pa si Sam sa kaniya. "Ikaw naman, Calix. Pagpasensiyahan mo na itong si Sam. Huwag mo na lamang papatulan, mamaya ay kakausapin ko ulit ang mga magulang niyo," saad ng guro. Sa narinig ay napabaling siya kay Sam. Nakairap ito kaya binilatan niya.
Napangiti si Calix nang maalala ang mga pangyayaring iyon. Hindi niya tuloy maiwasang ma-excite sa muli nilang pagkikita ni Sam. Mula kasi nang lumipat sila sa Manila at nagbinata na siya ay hindi na siya napilit ng mga magulang na sumama sa mga ito kung magtutungo sila sa Cebu. Bumabalik siya doon gaya noong kasal ng kaibigang si Gian pero hindi nakadalo ito dahil abala raw sa career nito sa London.
Naisip kung ano na kayang hitsura nito. Hindi rin kasi siya mahilig sa social media kahit pa naglipana na ito sa panahon ngayon. Parang gusto niya tuloy makita kung ano ang hitsura nito ngayon.
'Maganda pa rin,' ani ng suwail na isipan.
Sa totoo man ay nakaramdam siya ng kakaiba rito noong mag-edad dose siya. Humanga siya sa angking kagandahan ni Sam pero natatabunan ng pagiging maldita nito. Naiiling na lamang si Calix sa mga naiisip patungkol sa dating kababata nang marinig na tumunog ang kaniyang cellphone at nakita roon ang kasintahan.
Napangiwi siya nang maalalang katatagpuin nga pala ito. Mabilis iyong singot. "Hello, babe?"
"Hey, babe. Almost there, where are you?" masayang tanong nito.
"Paalis na babe, see you there," aniya rito.
"Okay, babe. I love you," lambing nito. Sa narinig ay napatigil muli si Calix. "Babe?" untag ng kasintahan sa kabilang linya na nagpabalik sa kaniyang diwa. Masyado siyang hinihila ng isipin tungkol sa muli nilang pagkikita ng dating kababata. "Are you okay?" maang pa nito.
"Yes, babe. Mag-usap na lamang tayo mamaya. I love you too," turang sagot rito.
"O-okay," mabilis namang tugon saka nawala sa linya. Mabilis na binalik ang photo album na hawak saka lumabas.
Nabungaran sa sala ang mga magulang na nagtataka kung bakit siya nakabihis. "Lalabas ka, anak? Hindi ka ba dito maghahapunan?" tanong ng ina habang ang ama ay nakatingin lamang sa kaniya.
"No, Mom. I'm going out," aniya.
Mapanghinala ang tingin ng ina. "Are you okay?" tanong nito. Marahil ay iniisip na nagrerebelde siya sa nais ng ama na gawin niya.
"Yes, Mom don't worry. I'm just going to meet, Geraldine," aniya tukoy sa kaniyang kasintahan. Nakitang napatingin ang ina sa kaniyang ama. Marahil ay iniisip ng mga itong kakausapin na niya ang kasintahan o makikipagkalas siya dito. Anuman ang isipin ng mga ito ay hahayaan na muna, sa ngayon ay wala siyang balak bitawan ang kasintahan.
Sa isang sikat na kainan sila nagkita. As usual ay napakaganda ng kasintahan. Napangiti agad siya nang makita ito sa upuang tinuro ng staff ng restaurant at nang makita siya nitong pabungad sa kinaroroonan nito ay mabilis pinaskil ang matamis na ngiti sa labi nito.
"Hey, babe," aniya rito sabay yukod at hinalikan ito. Hanggang sa ilabas ang bulaklak na buhat sa likuran. Kita ang panlalaki ng mata ng kasintahan saka malugod na kinuha iyon. "Congratulations to the newly general manager," bati sa tagumpay nito.
"Thank you, babe. Thank you," masayang pasasalamat nito.
"I'm so proud of you," aniya rito. Totoo iyon, proud na proud siya sa tagumpay nito. Matapos magkasunod na nawala ang magulang nito ay wala itong ginawa kundi ang patunayan sa mga kamag-anak nito na kaya niyang tumayo sa sariling mga paa.
"Thank you, babe," anito sabay siil ng matamis at mabilis na halik sa kaniya habang nakatunghay rito.
Napangiti na lamang si Calix saka umupo sa upuang laan para sa kaniya.
"Girl, look!" mabilis na bulong ng kaibigang si Nathalie habang nasa isang fine dining restaurant. Tutal ay nasa Manila sila kasama ng magulang para daw sa pakikipagkita nila sa pamilya Gonzalves. Hindi man siya lubos na sang-ayon sa nais ng magulang ay wala siyang nagawa.
Kinuha na lang ding pagkakataon para makipagkita sa kaibigang si Nathalie. Nakilala ito sa London kung saan magmatabi ang kanilang apartment. Dahil parehong Pinoy ay agad na nakapalagayang loob hanggang sa naisipan na lamang nilang magsama sa iisang apartment. Umuwi lang ito last year for good dahil papamahalaan na nito ang negosyo ng pamilya nila.
"What?" gagad rito.
May nginuso ito sa entrance ng kinaroroonang kainan hanggang nasumpungan ang isang guwapo at makisig na lalaki. Para siyang namagneto nito at bawat hakbang nito ay nakasunod ang kaniyang mga mata.
"Hoy!" untag ni Nathalie sa kaniya dahilan upang mawala ang atensyon sa lalaking tinitignan. "Ikaw ah, makatingin ka doon sa lalaki parang wala kang boyfriend," sita nito.
"Well, hindi ba pwedeng humanga?" aniya rito.
Natawa si Nathalie sabay tingil nang mapalingon sa kung saan. "Well, hanggang paghanga ka na lang talaga. Bukod sa may boyfriend ka ay may girlfriend din siya," anito sabay nguso. Doon ay mabilis na binalingan at nakitang binati nito ang isang magandang babae sabay labas ng bulaklak na tinatago nito sa likod.
"How sweet?" saad ng kaibigan. Hindi alam kung bukal iyon sa pagkakasabi o pinaparinggan lamang siya nito dahil ang boyfriend na si Gilbert ay hindi man lang siya magawang isurpresa ng ganoon.
Kita sa mukha ng babae ang gulat at saya sa ginawa ng lalaki at mas lalong tila nainggit sa babaeng tinitignan nang masuyo nitong abutin ang labi ng lalaki.
"Ano? Ganoon dapat ang lalaki, hindi iyong—"
"Nath," sabad rito. Nang marinig ang pagtawag dito ay tumigil na dahil batid na nitong naiinis siya. Noon pa man ay ayaw nito kay Gilbert tulad ng kaniyang Papa.
"So, ano nga palang pag-uusapan natin? Bakit mukhang inis na inis ka kanina?" Pag-iiba nito ng kanilang topiko.
Doon ay naalala ang rason kung bakit sila naroroon sa Manila. "Hoy!" untag pa ni Nathalie. "Teka, huhulaan ko. Naghiwalay na kayo ng boyfriend mong walang ginawa kundi magpasarap buhay—" putol nito nang sumabad siya bago pa kung saan mapunta ang usapan nila.
"Nath," muling saway rito.
"Okay, fine. So, what is this all about?" seryosong tanong nito.
"Gusto akong ipakasal nila Mama at Papa sa anak ng best friend ni Papa," aniya rito.
"What?!" gilalas nito.
"Girl, bibig mo!" paalala rito dahil may ilang napalingon sa eksaherada nitong reaksyon.
"Wait! Wait! Tama ba ang pagkakarinig ko? Gusto kang ipakasal nila Tito at Tita sa anak ng kaibigan nila?" pag-uulit nito sa sinabi. Tumango siya. "Uso pa ba ang arrange marriage?" dagdag pa nito.
"Bagsak ang negosyo namin at nakasanla sa bangko ang lahat ng ari-arian namin," malungkot na wika.
"What?!" muling eksaheradang bulalas nito. "Is this for real?" dagdag pa nito.
Malungkot ang mga mata dahil sa mga pangyayaring iyon. Wala siyang pagpipilian kundi ang sumunod na lamang. Napansin yata ng kaibigan ang kaseryosohan kaya natahimik din ito at marahil ay napagtantong totoo ang lahat.
"Alam na ba ni Gilbert ang tungkol dito?" maya-maya ay tanong nito na tinugon niya ng iling.
Wala pa siyang lakas ng loob upang sabihin sa kasintahan ang lahat. Tutal ay sinabi naman nitong uuwi ito ng Pilipinas.
Muling napadako ang mga mata sa kinaroroonan ng lalaking umagaw ng atensyon kanina. Doon ay sweet na sweet itong sinubuan ang babae. Hindi niya tuloy maiwasang hindi mapaluha, luha na hindi nakaligtas sa matatalas na mata ng kaibigan.
Hindi niya alam kung para saan ang luhang iyon. Para ba sa nalalapit na paghihiwalay nila ng kasintahan o na-realize niyang hindi niya deserve ang treatment ni Gilbert sa kaniya bilang girlfriend nito. Gilbert never been sweet katulad ng lalaking tinitignan ngayon. Akala niya kasi normal iyon dahil nga rakista ito pero bilang babae ay gusto pa rin pala ang lalaking ituturing kang reyna.